Thursday, April 4, 2013

KAKUWANAN 4: SA MGA MAGTATAPOS



“KAKUWANAN” 4
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Marso 2003


KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba

Sa mga Magtatapos

BINABATI ko kayong lahat na nagtatapos sa kolehiyo ngayong buwan ng Marso.

Sa lahat ng lunsod at lalawigan ng ating lupang hinirang, libo-libo sa inyo ang aakyat sa entablado sa pagkakataong ito, suot ang mga sombrerong itim na may nakalawit na borloloy. Tatanggap kayo ng typewriting paper na nakarolyo at may de-kolor na laso, na nagpapanggap na diploma, dahil ang totoong diploma ay hindi pa naleletrahan. Pasasalubungan kayo ng masigabong palakpakan, at kakamayan kayo ng mga taong dati’y kinaiinisan ninyo o tinatarayan.

Pero bago mangyari iyon ay kailangan muna ninyong makinig sa mga chuvachuchu ng kung sino-sinong kurakutero sa pulitika at ng iba pang mga kagalang-galang na kumag. Nakasuot sila ng magagarang barong Tagalog o terno, at magbibigay sila—gaya ng ginagawa ko ngayon—ng mga talumpating kapupulutan ninyo ng mahahalagang aral at kung ano-anong kakornihan.

Pero makinig na rin kayong mabuti sa akin. Sapagkat ako mismo ay hindi naman nakatapos ng kolehiyo, maaaring medyo naiiba ang kakornihang mapupulot ninyo sa akin. At makakaasa kayo na ako mismo ang gumawa ng talumpati ko. Hindi ako nagbayad ng mamahaling ghostwriter para ipagpatse-patse ako ng mabubulaklak na kataga tungkol sa mga dapat ninyong natutunan noong nasa kindergarten pa kayo.

Sa wakas ay natapos na rin ang maraming taon ng pagsusunog ninyo ng kilay at pangongopya sa inyong katabi. Natapos na rin ang dusang dulot sa inyo ng mga titser na terorista, ng walang kalasa-lasang pagkain sa kantina, ng mapapanghing kubeta. Natapos na rin ang paggalugad sa Recto para makabili ng mga ready-made na term paper at thesis. Natapos na rin ang pagkakalkal sa mga ukay-ukay para sa mga damit na walang kaparis, na pagkatapos ay ipangangalandakan ninyong Made in UK (short for ukay-ukay, nofi?).

Mula sa kampus ay hahayo na kayo sa kagubatan ng buhay upang doon ay arukin ang mga hiwagang hindi ninyo ganap na naihanap ng kasagutan sa kampus—halimbawa’y kung bakit ang lagusan ng ihi ay siya ring dinadaluyan ng katas ng buhay at ligaya at luwalhati, at kung bakit nauso ang Bey Blade.

Maaaring naitatanong ninyo sa inyong sarili kung bakit ang graduation ay tinatawag sa Tagalog na “pagtatapos” pero sa Ingles ay “commencement,” o pagsisimula.

Ito’y sa dahilang ang graduation ay katapusan at simula. Ito ang katapusan ng isang maligalig subalit maligayang yugto ng inyong buhay, ang yugto ng pagsibol at pamumukadkad ng inyong isipan—at simula naman ng panibagong yugto, ang yugto ng malalaking hamon at katakot-takot na konsumisyon na magbibigay sa inyo ng alta presyon.

Tapos na ang hirap na dinanas ng inyong mga magulang para maigapang ang inyong edukasyon. Simula na ng panibago nilang hirap sa patuloy na pagpapalamon sa inyo dahil wala kayong makuhang trabaho, o dahil may nakuha nga kayong trabaho pero maliit naman ang suweldo.

Tapos na ang pagsipsip sa mga propesor para huwag kayong ibagsak. Simula na ng pagsipsip sa mga boss para huwag kayong sisantihin.

Tapos na ang pagtatambay sa mall at pagbababad sa mumurahing bilyaran at minsan-sa-isang-linggong gimik. Simula na ng pagtatambay sa Starbucks at pagbababad sa class na bilyaran at gabi-gabing gimik.

Sa mga sandaling ito, makabubuting bilangin ninyo at ipagpasalamat ang mga biyayang ipinamana ng unibersidad sa inyo. Ang mga pamanang iyan ay tiyak na magamit ninyo sa pagharap sa masalimuot na daigdig sa labas ng kampus, lalo na kung may balak kayong maging OFW na itinatanghal na bagong bayani habang ikinukulong sa Nigeria, ginagahasa sa United Arab Emirates, inihahagis sa bintana sa India, minamarder sa Japan, binibitay sa Singapore, at tinatamaan ng bomba sa Israel.

Pangunahin sa mga pamana ng unibersidad ang sandata ng karunungan. Ito’y nagagamit ninyo ngayon sa pagso-shortcut ng spelling kung nagtetexting. Balang araw, ito’y magagamit pa ninyo kung sakaling kayo’y maging artista, basketbolista, o hepe ng pulisya na mananalo sa pagkasenador.

Ipinamana din sa inyo ng inyong mga guro ang kalasag ng malayang kaisipan. Sa kasamaang-palad, hindi ninyo ito magagamit sa labas ng kampus, dahil magagalit sa inyo ang mga manang at kardinal kung ang inyong malayang kaisipan ay gagamitin lamang ninyo sa pamomroblema tungkol sa ating sumasabog na populasyon, o sa panonood ng mga pelikulang katulad ng Kung ang Bigas Naging Palay, May Bumayo.

Pero hindi kayo dapat padala sa pesimismo. Hindi kayo dapat mawalan ng pag-asa. Makakaasa kayo na, sa mga darating na taon, hindi kayo mahihirapang magdesisyon kung tatakbo kayo sa pagkapresidente, hindi kayo mananalo sa lotto o instant sweepstakes, at lalong hindi kayo papatulan ni Piolo Pascual o ni Joyce Jimenez.

Hindi ko na pahahabain ang mensahe ko sa inyo. Alam kong inip na inip na kayong tumuloy sa restoran para kumain ng pansit canton at magdiwang sa piling ng inyong mga mahal sa buhay. Ang inyong pamilya ang tinutukoy ko, hindi ang barkada.

Bilang pangwakas, gusto kong isipin ninyo ang sinabi ni John F. Kennedy: “Huwag ninyong itanong kung ano ang magagawa ng bayan para sa inyo. Itanong ninyo kung ano ang magagawa ninyo para sa bayan.” Kaya humayo kayo at maging atsay o GRO o construction worker ng mundo, para makapagpasok kayo ng limpak-limpak na dolyares na magpapaandar sa ating ekonomiyang lubog na lubog sa utang.

Bilang pangwakas uli, gusto kong ipagunita ang sinabi ni Rizal: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Noong araw, kami ang kabataan. Ngayon, kayo naman. Huwag ninyo kaming pamarisan.

KAKUWANAN 3: SEXBOMB SATURNALIA


“KAKUWANAN” 3
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Enero-Pebrero 2003

KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba


Sexbomb Saturnalia

NANGGAGALAITI ang mga manang. Kinokondena nila ang ngayo’y sikat na sikat na Sexbomb Girls. Malaswa raw ang mga suot at sayaw ng mga ito. Nagbibigay daw ng masamang halimbawa sa kabataan.

Ang sexy starlet na si Diana Zubiri naman, kinasuhan ng alkalde ng Mandaluyong. Grabeng iskandalo raw ang ginawa niya nang magpiktoryal siya nang nakabikini sa isang flyover ng Edsa.

Pero pansinin ang reaksiyon ng maraming karaniwang mamamayan. Parang naaaliw lang sila sa halip na nahahalayan.

Mataas na mataas ang ratings ng Eat Bulaga, ang programa sa telebisyon na nagtatambok, este, nagtatampok sa Sexbomb Girls. Ang Sexbomberas naman, platinum na ang una nilang CD—ibig sabihin, super-lakas ang benta. At marami sa fans nila ay mga batang babae, na tuwang-tuwang gumagaya sa giling at gaslaw ng kanilang mga idolo. Pilya pero walang malisya, seksi pero hindi bastos—ganyan yata ang dating ng Sexbomb Girls.

Samantala, lumabas sa balitang pantelebisyon ang pagkuha ng piktoryal ni Diana Zubiri. Habang ginagawa ang piktoryal, may dumaang mga sasakyan . Halatang hindi naman naiskandalo ang mga nakasakay. Nakabungisngis ang mga kumag, at tuwang-tuwang kumakaway kay Diana. Wala namang lumabas na balita na nagkabuhol-buhol ang trapik sa flyover. Hindi naman nagkabangga-bangaan ang mga kotse.

Lumilitaw, sa dalawang halimbawang ito, na ang ilang bagay na may kinalaman sa seks ay malaswa at iskandaloso sa ilang tao—pero para sa iba ay okey lang naman, ordinaryo na lang, kinatutuwaan pa nga.

Sa madaling salita, may nagaganap na pagbabago sa ating lipunan. Nagbabago ang tinatawag na contemporary community standards, ang pangkasalukuyang pamantayan at kostumbre ng komunidad, kung hindi man sa buong Pilipinas ay sa kalunsuran. Oo nga’t maraming Pinay sa beach ang karaniwang nakasuot pa rin ng paboritong Pinay swimwear—walang iba kundi one-piece bathing suit na pinaiibabawan pa ng T-shirt at shorts. Pero hindi na nakakagimbal sa marami ang bikini, sa beach man ito isuot, sa istudyo ng telebisyon, sa entablado, o sa flyover.

Pana-panahon lang iyan. May panahong makita lang ang sakong ng babae ay itinuturing ng kahalayan. May panahong hindi binibigyan ng komunyon ang babaeng nakasuot ng blusang sleeveless, at hindi puwedeng walang belo sa loob ng simbahan. Noong bagong labas ang mini ay napapasusmaryosep ang mga lola, takot na takot na sa impiyerno babagsak ang mga apo nilang lantad hindi lamang ang sakong kundi pati hita.

Lugar-lugar din iyan. Sa ilang komunidad sa norte na hindi pa napapasok ng Kristiyanismo, hindi malaswa kung nakabahag ang lalaki at topless ang babae. Pero sa mga lugar sa sur na saklaw ng Islam, kailangang laging nakabelo at balot na balot ang babae.

Sa pana-panahon at sa iba’t ibang lugar, lagi’t laging may tumututol sa pagbabago, sa pananamit man o sa kaisipan. Halimbawa, nang igiit ni Galileo noong Dekada 15 na ang mundo ang umiikot sa araw, at hindi araw ang umiikot sa mundo, nilitis siya ng Simbahang Katoliko, pinagbawalang magturo, at hinatulan ng house arrest. Nitong 1992 na lamang siya opisyal na pinawalang-sala ng Simbahang Katoliko. Opo, 1992, pagkaraan ng halos 500 taon!

Sa maniwala kayo’t sa hindi, kahit nga ang pagdiriwang ng Pasko ay tinutulan ng mga relihiyosong Kristiyano noong umpisa.

Hindi malinaw sa Bibliya kung anong araw talaga ipinanganak si Kristo. Hindi pa naman naiimbento noon ang kalendaryong ginagamit natin ngayon. Noong mga unang taon ng Kristiyanismo, ipinagdiwang ang tinatawag nating Pasko sa iba’t ibang araw ng Disyembre, Enero at Marso. Noong Siglo 5 na lamang napili ang Disyembre 25, AD 1, bilang petsa ng kapanganakan ni Kristo.

May mga ayaw sa napiling petsa, dahil ang petsang iyon ay kasunod ng mahabang pistang Romano—samakatwid ay pistang pagano—na kung tawagin ay Saturnalia. Ito’y pista ni Saturn, ang diyos na kumain sa sarili niyang mga anak. Saturn’s day o araw ni Saturn ang Saturday, na para sa atin ay Sabado, katumbas ng banal na araw ng Sabbath.

Ipinagdiwang ang Saturnalia mula Disyembre 17 hanggang 24, halos kapetsa ng ating Simbang Gabi ngayon. Sa walong araw na ito, nagbibigayan ng regalo ang mga pagano, bakasyon ang mga eskuwelahan at korte, bawal ang makipagdigma, at magkasamang kumakain sa mesa ang mga alipin at panginoon.

Ayos lang, di ba? Kaya lang, kung panahon ng Saturnalia, ugali rin ng mga Romano na lumabas ng bahay na ang suot ay ang kanilang panloob. Kung baga sa ngayon, para bang lumalabas sila sa kalsada na nakasuot lang ng sando at brief, o bra at panty. Kostumbre rin sa panahong ito na nagdadamit-babae ang mga lalaki at nagbibihis-lalaki ang mga babae, katulad ng nakikita natin ngayon sa mga Gay Pride parade.

Ang lalo pang ipinagngingitngit  ng mga saradong Kristiyano ay ang pangyayaring kasabay ng Saturnalia ang iba pang seremonyang pagano. Isa na rito ang sun worship, o pagsamba sa araw. Ang isa pa’y ang pagsasagawa ng mga fertility rite, o ritwal na may kinalaman sa pagbubuntis at panganganak. Sa mga ritwal na ito, walang anumang bawal sa pananalita at pagkilos ng mga mamamayan. Walang censorship ang kaelyahan, kung baga.

Siyempre, ayaw ng mga manang niyan. Kaya noong Siglo 5, ayaw nilang ipagdiwang ang kaarawan ni Kristo sa petsang Disyembre 25, dahil puro kalaswaan at kahalayan at kademonyohan daw ang nangyayari bago sumapit ang Pasko.

Isipin mo lang na sa mga kalsada ng Obando, sa pista ni Santa Clarang pinong-pino, ay sumasayaw ang Sexbomb Girls habang nagrarap si Andrew E., nagkukuwento ng mga green joke si Michael V. at namumudmod ng mga kopya ng Toro at Remate ang nakabikining si Diana Z. Ganoon siguro ang kapaskuhan noong panahon ng Saturnalia.


Sunday, March 31, 2013

Kakuwanan 2 BAYAN KO: LABAN O BAWI?


KAKUWANAN 2
Ni Jose F. Lacaba


Bayan Ko: Laban o Bawi?

may mga kaibigan at kakilala akong nag-iisip nang mangibang-bayan. Hindi naman sila mga Amboy na may mental colony, at ang ilan pa nga sa kanila ay magiting na lumaban sa dalawang People Power Revolution sa Edsa. Pero nitong mga nakaraang araw, seryosong pinag-aaralan ng mga kaibigan at kakilala kong ito ang posibilidad na mag-immigrate sa Canada o Australia.

Kung baga, pagod na sila sa laban, bawi na ang gusto nila.

Hindi ko naman sila masisi. Ibon mang may layang lumipad, kapag matagal-tagal nang nakakalanghap ng makamandag na hangin dito sa ating bayang magiliw, ay makakaisip na talagang mag-alsa-balutan at mag-TNT.

At hindi sila nag-iisa, o nag-iisandaan, o nag-iisang milyon. Ayon sa pinakahuling survey ng Weather-Weather Station, 69 porsiyento ng ating mga kabataan—at siyento-porsiyento ng mga sidewalk vendor at ng mga presong nahatulan ng kamatayan—ay ayaw nang maging Pilipino. Mas gusto nilang maging Men in Black. O kaya’y X-Men. O kahit na Hobbit.

Ang 30 porsiyento naman, ayon pa rin sa nasabing survey, ay gustong sumapi sa Yaya Sisterhood. Mas malaki kasi ang kita sa pag-aalaga ng isang uhuging sanggol sa Hongkong kaysa pagtuturo ng 50 uhuging bata sa ilalim ng punong mangga sa Barangay Bagong Bakuna.

Gayunman, lumalabas sa survey na may isang porsiyentong nakalaan pa ring manatili sa ating lupang tinubuan. Ito’y binubuo ng mga sumusunod na sektor: pulitiko, kidnap-for-ransom gang, Abu Sayyaf, at SWAP (Samahan ng mga Walang Atik at Pamasahe).

“Wala na talagang pag-asa ang Pilipinas, sa kabila ng dalawang Edsa at isang Diosdado Macapagal Avenue,” himutok ng mga nawalan na ng pag-asa.

Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ng paglaganap ng kawalang-pag-asa ang sumusunod: di-masawatang krimen, di-kinokolektang basura, di-makontrol na polusyon, sobrang trapik, walang-tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at galunggong, kawalan ng hanapbuhay, paghihigpit sa mga pelikulang bold, at pagpapakasal ni Assunta kay Kongresista Jules.

Takang-taka ang mga kaibigan ko’t kakilala kung bakit pinipili kong dito pa rin manirahan sa loob ng bayan nating sawi. Ang una nilang tanong ay: “Bakeeet?!” At ang ikalawa’y: “Is that your final answer? Do you sure?”

Ganito ang sagot ko sa kanila.

Sa ganang akin, mas masarap pa ring mabuhay sa Pilipinas dahil exciting ang buhay dito, hindi boring. Kung masyadong plantsado ang bawat araw at gabi mo, kung sukat na sukat ang bawat oras mo mula sa pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi ng bahay, mamamatay ka sa antok. Samantalang dito sa atin, makapigil-hininga at makabagbag-damdamin at puno ng misteryo ang bawat sandali, tulad sa telenovela.

Paglabas mo ng bahay, hindi ka nakatitiyak na walang aagaw sa cellphone mo. Pagtulog mo sa gabi, hindi ka nakatitiyak na walang magtatanggal sa side-view mirror ng kotse mo.

Kahit superbilyonaryo ka at marami kang security, tulad ni Kongresista Imee Marcos, puwede ka pa ring mabiktima ng akyat-bahay. At kahit superpobre ka at walang mananakaw sa bahay mo, tulad ng mga taga-Payatas, puwede namang mabagsakan ng bundok ng basura ang barungbarong mo.

Sa madaling salita, kung narito ka sa Pilipinas, para kang laging nakakapanood ng palabas sa circus. Marami kang makikitang naglalakad sa alambreng tinik, at kabilang sa makikita mo ay ang iyong sarili.

At saka, marami namang magagandang nangyayari sa ating bayan. Sa kabila ng kapalpakan at kasuwapangan ng maraming taong-gobyerno, mayroon namang gumagawa ng kabutihan. Halimbawa, sa Iloilo ay ipinagbawal na ng alkalde ang bikini car wash. Sa gayon, napangalagaan niya ang dangal, puri, at kalusugan ng kababaihan. Nawalan nga ng trabaho ang mga nakabikining kumikita noon ng P400 isang araw, pero hindi na sila sisipunin. Kung ipasiya nilang magputa na lang, baka mas malaki pa ang kanilang kitain.

Salamat din sa pangangalaga sa moralidad na ginagawa ng mga taong-simbahan, hindi ka na makakabili ngayon ng condom sa 7-11 at iba pang convenience store. Posibleng lalong lumaganap ngayon ang AIDS sa Pilipinas, o kaya’y maraming mabubuntis na hindi puwedeng magpalaglag, pero kasalanan nila iyon. Mahilig kasi silang manood ng Joyce Jimenez sa Pasay, e di, ayan, impiyerno sa lupa ang bagsak nila.

Kahit ano pa ang sabihin tungkol sa Pilipinas, grabe rin naman ang kalagayan sa ibang bansa.

Sa New York, halimbawa, kabubukas lang ng Museum of Sex. Diumano, mayroon itong layuning historikal at edukasyonal, at ipakikita nito ang “sexual landscape” sa pamamagitan ng retrato, poster, painting, libro, at pelikula, na mangyari pa ay puro malaswa at mahalay sa paningin ni Cardinal Sin.

Alam ba ninyo ang implikasyon ng ganitong Museum of Sex? Lalo pang mapapariwara ang maraming kalalakihang Amerikano, na pagkatapos ay magsusundalo, at pagkatapos ay ipapadala sa Pilipinas para sa Balikatan, at pagkatapos ay magsisilang ng isa na namang henerasyon ng mga walang-tatay na tisoy at tisay, na pagkatapos ay kukuning artista ni Kuya Germs at sa kalaunan ay magiging bold star, na pagkatapos ay pupukaw sa makamundong pagnanasa ng mga manonood, na  paglabas ng sinehan ay manggahasa ng unang babaeng makikita nila, na dahil walang condom ay magsisilang ng sanggol na may AIDS, at pagkatapos…

Diyos na mahabagin! Wala na bang katapusan ang trahedya ng sambayanang Pilipino?

Teka muna, bawi na rin yata ako. May mapapasukan kaya ako sa Timbuktu?

“KAKUWANAN” 2
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Nobyembre-Disyembre 2002


Tuesday, March 19, 2013

KAKUWANAN 1: PADRE PIO AT PADRE DAMASO


Noong 2002, may naglabas ng isang magasing estilong FHM, pero sa wikang Pilipino. Kalye Media ang pabliser, at ang pangalan ng magasin ay Maximo: Ang Magasin ng Makabagong Macho. Nahilingan ako ng patnugot na si Allan Hernandez na magkolum sa magasin. Narito ang una kong kolum sa kauna-unahang isyu.

Hindi ko alam kung sino ang illustrator ng artwork sa itaas, na lumabas sa isang spread kasama ng mismong kolum (ibaba). Nakalimutan yata siyang bigyan ng credits. Sa “Laman-loob,” o Table of Contents, ito ang sinulat ng patnugot tungkol sa kolum: “Sa buena manong kolum ni Jose F. Lacaba, animo'y sa kanya nangumpisal ang mga paring nagkasala.”

KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba


Si Padre Pio at si Padre Damaso

Dalawang mukha ng Katolisismo ang tumambad sa madlang pipol nitong mga nakaraang araw.

Ang una ay ang mukha ni Padre Pio, ang mukha ng kabanalan. Si Padre Pio ay isang paring Italyano na namatay noong 1968, at ngayon ay itinanghal nang santo. Noong buhay pa siya, milagrosong lumabas sa kanyang mga paa’t kamay ang tinatawag na stigmata—mga sugat na kahawig ng kay Kristo nang ipako sa krus.

Ang ikalawa ay ang mukha ni Padre Damaso, ang mukha ng kahalayan. Si Padre Damaso ang prayleng Espanyol na ama pala ni Maria Clara sa nobelang Noli Me Tangere. Inimbento lang ni Jose Rizal si Padre Damaso, pero malinaw na batay siya sa mga totoong tao. Alam nating totoo dahil hanggang ngayon ay may mga Padre Damaso pa sa ating paligid.

Eto pa ang isang imbento na may “butil ng katotohanan,” eka nga. Isa itong joke na ewan ko kung narinig na ninyo, tungkol sa isang pari na may kung anong sakit na grabe.

Doktor: Padre, me magandang balita at me masamang balita. Ang masamang balita ay ito—meron kang isang pambihira at kakaibang sakit sa bayag. Pero ang magandang balita naman ay—me gamot diyan. Kaya lang, hindi ko alam kung puwede mong gawin.

Pari: Ano ang gamot, Dok?

Doktor: Sex, Padre. Kailangan mong makipagtalik sa isang babae.

Pari (saglit na mag-iisip): Payag ako, Dok. Pero sa apat na kondisyon. Una, kailangang bulag siya—para hindi niya makita kung kanino siya nakikipagtalik. Ikalawa, kailangang bingi siya—para hindi niya marinig kung sino ang kanyang kasiping. Ikatlo, kailangang pipi siya—para mahulaan man niya kung sino ang katalik niya ay hindi niya ipagsasabi sa kahit sino.

Doktor: At ang ikaapat na kondisyon?

Pari: Malaki ang boobs.

Naalala ko ang joke dahil sa mga sex scandal na hanggang ngayon ay yumayanig sa Simbahang Romano Katoliko. Araw-araw na lamang yata na ginawa ng Diyos ay may napapabalitang pari na sabit sa mga isyu ng kamunduhan. O gamitin na natin ang bastos pero mas angkop na salita: kalibugan.

Malaking isyu ito sa Estados Unidos. May mga pari nang ikinulong, isinakdal, inalis sa pinaglilingkurang parokya, ibinulgar sa midya, o nagpatiwakal dahil sangkot sa pedophilia, homoseksuwalidad, pakikiapid, pakikipagtalik, at iba pang makamundong aktibidades. Lumalantad ang kanilang mga naging biktima para magreklamo o humingi ng danyos—pati na ang ang kanilang mga anak o inanakan, na humihingi ng sustento o kahit man lang pagkilala.

Dito sa atin, may mangilan-ngilang nabubulgar at nababanderang pari na mahilig sa luto ng Diyos, eka nga. At hindi lang tikim ang ginagawa nila kundi lamon. Pero ang karamihan sa kanilang mga biktima ay nananatiling bulag, pipi, at bingi. Kasi naman, baka ang mga biktima pa ang masisi. Baka sila pa ang lumabas na masama, dahil inakit nila ang mga pari, tinukso nila ang mga huwaran ng kabanalan, ibinuyo nila sa masama ang mga sugo ng Panginoon.

Sabi nga sa librong Urbana at Felisa, ang gabay sa kabutihang-asal noong bata pa si Sabel, mamintana lang ang babae ay nagbibigay na siya ng dahilan para magkasala ang kalalakihan. E, iyon pa kayang pupunta siya sa kumpisalan para ibulatlat ang mga kasalanang naglalaro sa kanyang isipan o gumagapang sa kanyang katawan?

Ang mga manang ay mas nababahala sa mga pelikulang tulad ng Live Show kaysa totoong live show na nagaganap sa likod ng simbahan at loob ng kumbento. Nagrali sila sa Senado at sa opisina ng MTRCB, at mayroon pa nga riyang paring mahilig sa sando at shorts na tumakbo sa mga motel at nambulahaw, para kondenahin ang malalaswang pelikula at malilibog na mamamayan. Pero hindi yata nila pinoproblema ang malibog  at malaswa sa hanay ng kaparian.

Baka rin naman bale-wala sa marami sa atin ang mga kabulastugan ng mga Padre Damaso. Hindi natin sila inaasahang maging anghel o santo. Kung nagawa nating ihalal na pangulo ang isang bantog at lantarang babaero, nagagawa rin siguro nating tanggapin ang mga paring nahihirapang tumupad sa panatang manatiling soltero o donselyo.

Kung sa bagay, dapat ding pag-ibahin ang mga Padre Damaso at ang mga Padre Abuso.

Ang pedophilia, o seksuwal na paggamit sa menor de edad, ginusto man ng menor o hindi, binayaran man ito o hindi, ay itinuturing na seksuwal na pang-aabuso—at isa itong krimen sa maraming makabagong bansa sa ngayon. Ang panggagahasa at ang sexual harassment ay mga krimen din.

Sa kabilang dako, ang pambababae ni Padre Damaso, gayundin ang panlalalaki ng kanyang kabarong si Padre Damasita, kung wala namang nangyaring pamimilit, ay hindi krimen sa ilalim ng batas ng estado—bagamat itinuturing na kasalanan sa doktrinang Katoliko. Sa ilang pundamentalistang grupong Kristiyano, karumal-dumal na kasalanan ang kabadingan, pero puwedeng mag-asawa ang pastor o ministro sa mga simbahang Protestante. Katunayan, may-asawa ang karamihan sa mga apostoles ni Kristo, kabilang na si San Pedro, ang kauna-unahang Santo Papa.

Si Padre Pio mismo, noong nabubuhay pa, ayon sa isang ulat, ay pinagbintangang gumamit ng kanyang popularidad para “makakuha ng mga seksuwal na pabor mula sa mga babaeng penitente.” Ewan ko kung ano ang ibig sabihin niyan. Pero malinaw na puwede kang maging santo kahit nadapa ka sa isang yugto ng iyong buhay. Patunay niyan si San Agustin. Noong kabataan niya, sikat na babaero si Agustin. “Panginoon,” madalas niyang dasalin, “gawin mo akong mabait. Pero huwag muna ngayon.”

O ngayon, santo na si Agustin, simbahan pa sa Intramuros.

“KAKUWANAN” 1
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Setyembre-Oktubre 2002