Sunday, November 20, 2016

LITANYA NG DALITA

Nang ilibing nitong nakaraang Nobyembre 18 ang wax replica o anuman iyon sa Libingan ng mga Bayani at ni Marcos (LBM, sa madaling salita), may nakapagpaalala sa akin ng tulang ito.

Isa itong nirebisa at pinaikling bersiyon, isang halaw o adaptation, ng tula kong "In Memoriam," na naipost ko na nang dalawang beses sa kapetesapatalim blog (2009 at 2013). Dito sa "Litanya ng Dalita" ay tinanggal ko na ang unang dalawang bahagi ng orihinal na tula, na pinalitan ko ng mas maikling intro; at sa ikatlong bahagi naman ay pinalitan ko ang isang inuulit-ulit na linya: "Kaawaan, patawarin, Panginoon," na linyang hiniram ko sa isang orihinal na litanya na dinadasal sa mga burol noong araw, lalo na kung ang burol ay sa bahay ginagawa, sa halip na sa punerarya. Ang ipinalit kong linya: "Kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko."

Ginawa ko ang halaw na ito, kung hindi nagkakamali ang aking senior-citizen memory, para sa isang kongreso ng isang samahang manggagawa--Kilusang Mayo Uno yata. Binigkas at itinanghal ito ng isang cultural o theatrical group, baka ang grupo ni Behn Cervantes na nagpauso ng dula-tula.



Litanya ng Dalita

Halaw sa “In Memoriam”


Tula ni JOSE F. LACABA


Sa tuwi-tuwina’y naririnig ko
sa maputik na landas at mabuway na andamyo
ang mga tinig na lipos ng hinagpis at galit,
mga tinig na hinuhugot sa baradong lalamunan,
mga tinig na nagpupumiglas sa nagsisikip na dibdib,
itinataghoy ang litanya ng dalita
sa isang panahon ng ligalig:

Alang-alang sa masaganang dugo
na bumulwak sa batok na pinasok ng punglo,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa sampal,
suntok, dagok, kulata, pangunguryente ng bayag,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa masakit na hampas
ng batuta sa likod at ng tubo sa balakang,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa alambreng tinik
na iginapos nang mahigpit sa tuhod at hita,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa pagkaladkad sa lansangan
ng bangkay na inihulog nang walang kabaong sa hukay,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa nagitlang mukha
ng buntis na tinadtad ng bala ang tiyan,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa damit na natigmak ng dugo
at pinaknit sa katawan ng ginahasang puri,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa nilalangaw na katawan
at pugot na ulong itinulos sa libis ng nayon,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa mga kamay na pinutol
para hindi na kailanman makapagpaawit ng gitara,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Alang-alang sa tagilirang binuksan
at pinagpasakan ng utak mula sa biniyak na bungo,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Sa panahon ng paggawad na katarungan,
sa panahon ng paniningil ng utang,
kaaawaan ba o patatawarin, bayan ko,
ang mga berdugo at naghahari-harian?

Thursday, June 16, 2016

SA ALAALA NI MUHAMMAD ALI

Sinulat ko ang tulang ito noon pang 2008, para sana sa isang book project na binabalak ng kaibigang sportswriter na si Al Mendoza. Sa kasamaang-palad, hindi natuloy ang book project, at hindi na nailathala ang tulang ito.

Naalaala ko ang tula nang pumanaw si Muhammad Ali, kaya naisipan kong ipost dito sa aking blog na matagal ko nang napapabayaan.

Ali, Aling Bumabanat


Ni Jose F. Lacaba


Parang paruparong lumulutang,
parang putakting nangangagat,
dumapo siya sa ating kamalayan
para patunayang maaaring maging maringal,
maging maliksi, kahit ang higanteng hebigat.

Kahit akong walang kamuwang-muwang
sa sining at siyensiya ng suntukan
ay natigagal sa kanyang ipinamalas
sa mga kalabang minalas
na mapatapat sa kanyang kagila-gilalas na gilas:

ang parang paruparong paglutang,
ang parang putakting pangangagat,
ang parang gerilyang pagpapapasok sa kaaway
hanggang sa ito’y mapagod at mangalay,
at pagkatapos, ang pamatay na bigwas.

Ali, Hard-Hitting Ali

By Jose F. Lacaba
(Translated from the Tagalog by the author)

Floating like a butterfly,
stinging like a bee,
he alighted on our consciousness
to prove that even a heavy-footed giant
can be splendid, can be swift.

Even I who know absolutely nothing
about the art and science of fist-fighting
was stunned by what he showed
against foes who had the misfortune
of coming up against his amazing grace:

the butterfly-like floating,
the bee-like stinging,
the guerrilla style of luring the enemy in deep
until it tires and weakens,
and then, delivering the deadly blow.