ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hulyo 4-10, 1984
PARONOMASIAMANIA
Kakatwa na walang salitang Tagalog para sa pun o paglalaro-laro sa tunog ng salita. Mahilig sa ganitong paglalaro ang mga Pilipino, pero ang mga Tagalog (ewan ko lang ang ibang kabayan natin) ay walang eksaktong katumbas para sa ganitong tipo ng sistihan.
Sa Ingles, bukod sa salitang pun ay mayroon pang salitang paronomasia—na nangangahulugang punning. Ang paronomasiamania naman sa ating pamagat ay sobrang pagkahilig sa pun.
***
May kilala akong barkada ng mga manunulat na tomador na lokong-loko sa punning—sa mahabang salita, may sakit na paronomasiamania.
Noong kasikatan ng kantang “Laki sa Layaw; Jeprox” ni Mike Hanopol, nagkatuwaan ang barkadang ito at nakaimbento ng kuwago de kakuwanan. “Bakit jeprox ang abugado?” may nagtatanong; at ang mga tinatanong ay nag-iisip ng sagot na malapit-lapit, kahit pilit, sa tunog ng praseng “laki sa layaw.” Kaya sa tanong tungkol sa abugado, ang sagot ay: “Laki sa laway.”
Narito ang iba pa nilang kakornihan:
Bakit jeprox ang maton? Laki sa away.
Ang embalsamador? Laki sa lamay.
Ang pintor? Laki sa kulay.
Ang yogi? Laki sa gulay.
Ang magsasaka? Laki sa palay.
Ang masokista? Laki sa latay.
Si J.Q. (ang kolumnistang si Joe Quirino)? Laki sa T.Y.
***
Nang mamatay si Ninoy Aquino at nauso ang islogang “Hindi ka nag-iisa” (isang islogang unang ginamit ng Pahayagang Malaya), nagkasistihan na naman ang barkada.
Ang tanong naman ngayon ay: “Ano ang islogan ng…?” at ang sagot ay isang pun sa “Hindi ka nag-iisa.”
Halimbawa:
Ano ang islogan ng maybahay na nahihirapang badyetin ang suweldo ng asawa? Hindi ka naggigisa.
Ng henerasyon ng mga batang lumaki sa telebisyon? Hindi ka nagbabasa.
Ng magulang na mabait sa anak? Hindi ka nagbubusa.
Ng estudyanteng laging absent sa klase? Hindi ka pumapasa.
Ng duwag? Hindi ka kumakasa.
Ng basketbolistang suwapang sa bola? Hindi ka nagpapasa, hindi ka nag-iitsa.
***
Ang pun ay isang bagay na hindi maisasalin sa ibang wika. Paano mo isasalin sa Ingles, halimbawa, ang advertising line na ito ng yumaong magasing Ermita: “golpe de sulat”?
At paano mo naman tatagalugin ang ganito: “a cannonball took off his legs, so he laid down his arms”?
No comments:
Post a Comment