KAKUWANAN 2
Ni Jose F. Lacaba
Bayan Ko: Laban o Bawi?
may mga
kaibigan at kakilala akong nag-iisip nang mangibang-bayan. Hindi naman sila mga
Amboy na may mental colony, at ang ilan pa nga sa kanila ay magiting na lumaban
sa dalawang People Power Revolution sa Edsa. Pero nitong mga nakaraang araw,
seryosong pinag-aaralan ng mga kaibigan at kakilala kong ito ang posibilidad na
mag-immigrate sa Canada o Australia.
Kung baga, pagod na sila sa laban, bawi na ang gusto
nila.
Hindi ko naman sila masisi. Ibon mang may layang
lumipad, kapag matagal-tagal nang nakakalanghap ng makamandag na hangin dito sa
ating bayang magiliw, ay makakaisip na talagang mag-alsa-balutan at mag-TNT.
At hindi sila nag-iisa, o nag-iisandaan, o nag-iisang
milyon. Ayon sa pinakahuling survey ng Weather-Weather Station, 69 porsiyento
ng ating mga kabataan—at siyento-porsiyento ng mga sidewalk vendor at ng mga
presong nahatulan ng kamatayan—ay ayaw nang maging Pilipino. Mas gusto nilang
maging Men in Black. O kaya’y X-Men. O kahit na Hobbit.
Ang 30 porsiyento naman, ayon pa rin sa nasabing
survey, ay gustong sumapi sa Yaya Sisterhood. Mas malaki kasi ang kita sa
pag-aalaga ng isang uhuging sanggol sa Hongkong kaysa pagtuturo ng 50 uhuging
bata sa ilalim ng punong mangga sa Barangay Bagong Bakuna.
Gayunman, lumalabas sa survey na may isang porsiyentong
nakalaan pa ring manatili sa ating lupang tinubuan. Ito’y binubuo ng mga
sumusunod na sektor: pulitiko, kidnap-for-ransom gang, Abu Sayyaf, at SWAP
(Samahan ng mga Walang Atik at Pamasahe).
“Wala na talagang pag-asa ang Pilipinas, sa kabila ng
dalawang Edsa at isang Diosdado Macapagal Avenue,” himutok ng mga nawalan na ng
pag-asa.
Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ng paglaganap ng
kawalang-pag-asa ang sumusunod: di-masawatang krimen, di-kinokolektang basura,
di-makontrol na polusyon, sobrang trapik, walang-tigil na pagtaas ng presyo ng
gasolina at galunggong, kawalan ng hanapbuhay, paghihigpit sa mga pelikulang
bold, at pagpapakasal ni Assunta kay Kongresista Jules.
Takang-taka ang mga kaibigan ko’t kakilala kung bakit
pinipili kong dito pa rin manirahan sa loob ng bayan nating sawi. Ang una
nilang tanong ay: “Bakeeet?!” At ang ikalawa’y: “Is that your final answer? Do
you sure?”
Ganito ang sagot ko sa kanila.
Sa ganang akin, mas masarap pa ring mabuhay sa
Pilipinas dahil exciting ang buhay dito, hindi boring. Kung masyadong plantsado
ang bawat araw at gabi mo, kung sukat na sukat ang bawat oras mo mula sa
pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi ng bahay, mamamatay ka sa antok.
Samantalang dito sa atin, makapigil-hininga at makabagbag-damdamin at puno ng
misteryo ang bawat sandali, tulad sa telenovela.
Paglabas mo ng bahay, hindi ka nakatitiyak na walang
aagaw sa cellphone mo. Pagtulog mo sa gabi, hindi ka nakatitiyak na walang
magtatanggal sa side-view mirror ng kotse mo.
Kahit superbilyonaryo ka at marami kang security, tulad
ni Kongresista Imee Marcos, puwede ka pa ring mabiktima ng akyat-bahay. At
kahit superpobre ka at walang mananakaw sa bahay mo, tulad ng mga taga-Payatas,
puwede namang mabagsakan ng bundok ng basura ang barungbarong mo.
Sa madaling salita, kung narito ka sa Pilipinas, para
kang laging nakakapanood ng palabas sa circus. Marami kang makikitang
naglalakad sa alambreng tinik, at kabilang sa makikita mo ay ang iyong sarili.
At saka, marami namang magagandang nangyayari sa ating
bayan. Sa kabila ng kapalpakan at kasuwapangan ng maraming taong-gobyerno,
mayroon namang gumagawa ng kabutihan. Halimbawa, sa Iloilo ay ipinagbawal na ng
alkalde ang bikini car wash. Sa gayon, napangalagaan niya ang dangal, puri, at
kalusugan ng kababaihan. Nawalan nga ng trabaho ang mga nakabikining kumikita
noon ng P400 isang araw, pero hindi na sila sisipunin. Kung ipasiya nilang
magputa na lang, baka mas malaki pa ang kanilang kitain.
Salamat din sa pangangalaga sa moralidad na ginagawa ng
mga taong-simbahan, hindi ka na makakabili ngayon ng condom sa 7-11 at iba pang
convenience store. Posibleng lalong lumaganap ngayon ang AIDS sa Pilipinas, o
kaya’y maraming mabubuntis na hindi puwedeng magpalaglag, pero kasalanan nila
iyon. Mahilig kasi silang manood ng Joyce Jimenez sa Pasay, e di, ayan,
impiyerno sa lupa ang bagsak nila.
Kahit ano pa ang sabihin tungkol sa Pilipinas, grabe
rin naman ang kalagayan sa ibang bansa.
Sa New York, halimbawa, kabubukas lang ng Museum of
Sex. Diumano, mayroon itong layuning historikal at edukasyonal, at ipakikita
nito ang “sexual landscape” sa pamamagitan ng retrato, poster, painting, libro,
at pelikula, na mangyari pa ay puro malaswa at mahalay sa paningin ni Cardinal
Sin.
Alam ba ninyo ang implikasyon ng ganitong Museum of
Sex? Lalo pang mapapariwara ang maraming kalalakihang Amerikano, na pagkatapos
ay magsusundalo, at pagkatapos ay ipapadala sa Pilipinas para sa Balikatan, at
pagkatapos ay magsisilang ng isa na namang henerasyon ng mga walang-tatay na
tisoy at tisay, na pagkatapos ay kukuning artista ni Kuya Germs at sa kalaunan
ay magiging bold star, na pagkatapos ay pupukaw sa makamundong pagnanasa ng mga
manonood, na paglabas ng sinehan
ay manggahasa ng unang babaeng makikita nila, na dahil walang condom ay
magsisilang ng sanggol na may AIDS, at pagkatapos…
Diyos na mahabagin! Wala na bang katapusan ang trahedya
ng sambayanang Pilipino?
Teka muna, bawi na rin yata ako. May mapapasukan kaya
ako sa Timbuktu?
“KAKUWANAN” 2
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang
Magasin ng Makabagong Macho
Nobyembre-Disyembre
2002
No comments:
Post a Comment