Thursday, April 4, 2013

KAKUWANAN 4: SA MGA MAGTATAPOS



“KAKUWANAN” 4
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Marso 2003


KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba

Sa mga Magtatapos

BINABATI ko kayong lahat na nagtatapos sa kolehiyo ngayong buwan ng Marso.

Sa lahat ng lunsod at lalawigan ng ating lupang hinirang, libo-libo sa inyo ang aakyat sa entablado sa pagkakataong ito, suot ang mga sombrerong itim na may nakalawit na borloloy. Tatanggap kayo ng typewriting paper na nakarolyo at may de-kolor na laso, na nagpapanggap na diploma, dahil ang totoong diploma ay hindi pa naleletrahan. Pasasalubungan kayo ng masigabong palakpakan, at kakamayan kayo ng mga taong dati’y kinaiinisan ninyo o tinatarayan.

Pero bago mangyari iyon ay kailangan muna ninyong makinig sa mga chuvachuchu ng kung sino-sinong kurakutero sa pulitika at ng iba pang mga kagalang-galang na kumag. Nakasuot sila ng magagarang barong Tagalog o terno, at magbibigay sila—gaya ng ginagawa ko ngayon—ng mga talumpating kapupulutan ninyo ng mahahalagang aral at kung ano-anong kakornihan.

Pero makinig na rin kayong mabuti sa akin. Sapagkat ako mismo ay hindi naman nakatapos ng kolehiyo, maaaring medyo naiiba ang kakornihang mapupulot ninyo sa akin. At makakaasa kayo na ako mismo ang gumawa ng talumpati ko. Hindi ako nagbayad ng mamahaling ghostwriter para ipagpatse-patse ako ng mabubulaklak na kataga tungkol sa mga dapat ninyong natutunan noong nasa kindergarten pa kayo.

Sa wakas ay natapos na rin ang maraming taon ng pagsusunog ninyo ng kilay at pangongopya sa inyong katabi. Natapos na rin ang dusang dulot sa inyo ng mga titser na terorista, ng walang kalasa-lasang pagkain sa kantina, ng mapapanghing kubeta. Natapos na rin ang paggalugad sa Recto para makabili ng mga ready-made na term paper at thesis. Natapos na rin ang pagkakalkal sa mga ukay-ukay para sa mga damit na walang kaparis, na pagkatapos ay ipangangalandakan ninyong Made in UK (short for ukay-ukay, nofi?).

Mula sa kampus ay hahayo na kayo sa kagubatan ng buhay upang doon ay arukin ang mga hiwagang hindi ninyo ganap na naihanap ng kasagutan sa kampus—halimbawa’y kung bakit ang lagusan ng ihi ay siya ring dinadaluyan ng katas ng buhay at ligaya at luwalhati, at kung bakit nauso ang Bey Blade.

Maaaring naitatanong ninyo sa inyong sarili kung bakit ang graduation ay tinatawag sa Tagalog na “pagtatapos” pero sa Ingles ay “commencement,” o pagsisimula.

Ito’y sa dahilang ang graduation ay katapusan at simula. Ito ang katapusan ng isang maligalig subalit maligayang yugto ng inyong buhay, ang yugto ng pagsibol at pamumukadkad ng inyong isipan—at simula naman ng panibagong yugto, ang yugto ng malalaking hamon at katakot-takot na konsumisyon na magbibigay sa inyo ng alta presyon.

Tapos na ang hirap na dinanas ng inyong mga magulang para maigapang ang inyong edukasyon. Simula na ng panibago nilang hirap sa patuloy na pagpapalamon sa inyo dahil wala kayong makuhang trabaho, o dahil may nakuha nga kayong trabaho pero maliit naman ang suweldo.

Tapos na ang pagsipsip sa mga propesor para huwag kayong ibagsak. Simula na ng pagsipsip sa mga boss para huwag kayong sisantihin.

Tapos na ang pagtatambay sa mall at pagbababad sa mumurahing bilyaran at minsan-sa-isang-linggong gimik. Simula na ng pagtatambay sa Starbucks at pagbababad sa class na bilyaran at gabi-gabing gimik.

Sa mga sandaling ito, makabubuting bilangin ninyo at ipagpasalamat ang mga biyayang ipinamana ng unibersidad sa inyo. Ang mga pamanang iyan ay tiyak na magamit ninyo sa pagharap sa masalimuot na daigdig sa labas ng kampus, lalo na kung may balak kayong maging OFW na itinatanghal na bagong bayani habang ikinukulong sa Nigeria, ginagahasa sa United Arab Emirates, inihahagis sa bintana sa India, minamarder sa Japan, binibitay sa Singapore, at tinatamaan ng bomba sa Israel.

Pangunahin sa mga pamana ng unibersidad ang sandata ng karunungan. Ito’y nagagamit ninyo ngayon sa pagso-shortcut ng spelling kung nagtetexting. Balang araw, ito’y magagamit pa ninyo kung sakaling kayo’y maging artista, basketbolista, o hepe ng pulisya na mananalo sa pagkasenador.

Ipinamana din sa inyo ng inyong mga guro ang kalasag ng malayang kaisipan. Sa kasamaang-palad, hindi ninyo ito magagamit sa labas ng kampus, dahil magagalit sa inyo ang mga manang at kardinal kung ang inyong malayang kaisipan ay gagamitin lamang ninyo sa pamomroblema tungkol sa ating sumasabog na populasyon, o sa panonood ng mga pelikulang katulad ng Kung ang Bigas Naging Palay, May Bumayo.

Pero hindi kayo dapat padala sa pesimismo. Hindi kayo dapat mawalan ng pag-asa. Makakaasa kayo na, sa mga darating na taon, hindi kayo mahihirapang magdesisyon kung tatakbo kayo sa pagkapresidente, hindi kayo mananalo sa lotto o instant sweepstakes, at lalong hindi kayo papatulan ni Piolo Pascual o ni Joyce Jimenez.

Hindi ko na pahahabain ang mensahe ko sa inyo. Alam kong inip na inip na kayong tumuloy sa restoran para kumain ng pansit canton at magdiwang sa piling ng inyong mga mahal sa buhay. Ang inyong pamilya ang tinutukoy ko, hindi ang barkada.

Bilang pangwakas, gusto kong isipin ninyo ang sinabi ni John F. Kennedy: “Huwag ninyong itanong kung ano ang magagawa ng bayan para sa inyo. Itanong ninyo kung ano ang magagawa ninyo para sa bayan.” Kaya humayo kayo at maging atsay o GRO o construction worker ng mundo, para makapagpasok kayo ng limpak-limpak na dolyares na magpapaandar sa ating ekonomiyang lubog na lubog sa utang.

Bilang pangwakas uli, gusto kong ipagunita ang sinabi ni Rizal: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Noong araw, kami ang kabataan. Ngayon, kayo naman. Huwag ninyo kaming pamarisan.

No comments: