Friday, June 5, 2020

ASISAKAPABA?: "NUKLEAR"

ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hulyo 25-31, 1984

NUKLEAR

Sa pelikulang The Day After (na ipinapalabas sa Metro Manila habang sinusulat ito), makikita ang maaaring mangyari kung sakaling ang Amerika at Rusya ay maglunsad ng isang nuclear attack o salakay nuklear laban sa isa’t isa.

Nakakagimbal, nakakapanghilakbot, kalunos-lunos ang mga larawang inilalantad ng pelikula: mga bangkay na dagliang nangamatay; sunog at lapnos na balat; buhok na nalalagas; matang binulag ng nakasisilaw na liwanag na likha ng pagsabog ng bomba nuklear; mga gusaling gumuho, naglagablab, nagkadurog-durog na parang matsakaw.

Ayon sa mga gumawa ng pelikula, binawasan na nga nila ang kilabot. Sa totoong buhay, mas grabe pa ang pinsalang tinamo ng Hiroshima at Nagasaki nang bagsakan sila ng bomba atomika noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lalo pang grabe ang mga posibilidad sa panahong ito pagkat mas sophisticated at mas mapanganib ang mga sandatang nuklear na gawa ngayon, halos 40 taon pagkatapos ng pagkawasak ng Hiroshima at Nagasaki.

***

Ang pangyayaring inilarawan sa The Day After ay posible ring mangyari sa Pilipinas.

Sa pelikula, ang sinalakay ay isang bayan sa Estados Unidos na may base militar na pinag-iimbakan ng mga sandatang nuklear.

Dito sa atin, may ganyan ding mga base militar. Pangunahin na sa mga ito ang Clark Air Base sa Angeles, Pampanga, at ang Subic Naval Base sa Olongapo, Zambales. Bagamat itinatanggi ng mga Amerikano, maraming hudikasyon na may nakaimbak na mga sandatang nuklear sa nasabing mga base.

Kung sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng Amerika at Rusya, tiyak na kabilang sa mga unang-unang target ang Clark at Subic. Tiyak ang pagkawasak ng Angeles at Olongapo at ng kanilang mga karatig-pook.

***

Kahit hindi tayo bombahin ng Rusya, mayroon pa ring peligrong nuklear sa ating sinapupunan. Sa bayan ng Morong, Bataan, ay may itinatayong plantang nuklear.

Ayon sa Nuclear-Free Philippines Coalition (NFPC), ang planta sa Bataan ay mapanganib “hindi lamang sa punto ng mga di-inaasahang aksidente kundi sa punto na rin ng mga itinatapon nitong basurang nuklear… mga basurang tinaguriang ‘mga abo ng kamatayan,’ na nanatiling nakalalason sa loob ng 600 taon at radyoaktibo sa loob ng 250,000 taon.”

Dagdag pa ng NFPC:

“…ang mainit na tubig na iluluwa (ng plantang nuklear) ay magtataboy o papatay sa mga isda na siyang ikinabubuhay ng mga nakatira sa kanlurang baybayin ng probinsiya at maging ng mga mangingisda sa kalapit na siyudad ng Olongapo.

“Maaari ding magkabutas ang plantang nuklear at magpapasingaw ng nakalalasong sinag. Ang mga taong masisingawan nito ay maaaring mamatay kaagad, magkasakit ng kanser o magkaanak ng abnormal.

“Higit sa lahat, mapanganib ang plantang nuklear sa Bataan dahil sa nakatuntong ito sa isang lugar na malapit sa Bundok Natib, isang buhay na bulkan. Bukod pa rito, ito ay may kalahating kilometro lamang ang lapit sa isang seismological faultline, isang malalim na lamat sa lupa na malamang na pagsentruhan ng lindol.”

No comments: