Thursday, June 6, 2013

Kakuwanan 8: ESKUWELAHANG BASTOS

Sinulat ko ang sumusunod para sa kolum ko sa magasing MAXIMO. Pangwalong “Kakuwanan” kolum dapat ito, at malamang ay para sa June 2003 issue. Pero hindi na ito nalathala dahil nagsara ang magasin pagkaraan ng April 2003 issue.


KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba


Eskuwelahang Bastos

NGAYONG pasukan na, baka maungkat na naman ang kontrobersiyal na Basic Education Curriculum—lalong kilala sa bansag na Makabayan Curriculum—na kasalukuyang ipinapatupad ng Department of Education.

Sa bagong kurikulum na ito, nahahati sa limang learning area ang mga dapat pag-aralan nina Totoy at Nene—Filipino, English, Science, Mathematics, at Makabayan. Saklaw ng Makabayan ang araling panlipunan, kasaysayan, teknolohiya, kabutihang-asal, musika, sining, edukasyong pantahanan at pangkabuhayan, edukasyong pangkatawan at pangkalusugan, at iba pang makabagbag-utak na sabjek.

Ewan ko lang kung ano ang ibig sabihin ng “edukasyong pangkatawan.” Katawang panromansa kaya ang tinutukoy dito? Dito kaya itinuturo ang tungkol sa maseselang bahagi ng katawan na kilala rin natin sa mga katawagang talong at tahong, manoy at monay?

Baka hindi, dahil hindi naman umaalma ang mga manang at monsinyor. Kung may pagtutol man sa Makabayan Curriculum, ito’y sa dahilang nabawasan daw ang oras na nakalaan para sa siyensiya.

Ako naman, ang kuwestiyon ko ay ito: kung sa grade school at high school ay kailangan ang Araling Makabayan, sa pagtuntong ng kolehiyo ay kailangan din kaya ang Araling Makamundo?

Sa ibang bansa, sa maniwala kayo’t sa hindi, may ganitong mga paksang seryosong itinuturo at pinag-aaralan.

Sa siyudad ng Amsterdam, sa Netherlands, may bagong-tatag na paaralang ang pangalan ay Hanky Panky School. Ang misyon nito: bigyan ang mga pokpok ng “exclusive sales training” para lumago ang kanilang negosyo.

Sa Netherlands, legal ang prostitusyon. (Legal din ang marijuana, pero ibang usapan iyan.) Nagbabayad ng buwis ang mga pokpok. Higit sa lahat, itinuturing na isang tourist attraction ang red-light district.

Ayon kay Elene Vis, na kilala sa bansag na Five-Star Madam at siyang nagtayo ng Hanky Panky School, kabilang sa kurikulum ng kanyang eskuwelahan ang sumusunod: komunikasyon, presentasyon, paraan ng pananamit, at ang iba’t ibang posisyong ipinapakita sa librong Kama Sutra.

“Puwede nating tawaging sales techniques ang mga ito,” ani Mama-San Elene. “Kailangan mong ibenta ang iyong sarili, at hindi importante kung ang ibinebenta mo’y katawan mo o vacuum cleaner. Pareho lang ang pamamaraan.”

Ang tuwisyon para sa kakaibang kurso ni Elene ay $450—halos P25,000. Pero pagkagradweyt mo, posibleng kumabig ka ng halagang karaniwang kinikita ng mga babae’t lalaking nagtatrabaho sa escort agency na pag-aari rin ni Elene—$6,000 o mahigit sa P300,000 sa isang buwan, para sa 40 oras ng trabaho.

Ilang taon mong bubunuin iyan kung tindera ka lang ng tilapya sa talipapa?

Sa Vietnam naman, sa mala-Boracay na China Beach, balik-eskuwela daw ang ilang pokpok. Ang pinag-aaralan nila? Ingles!—ang napakahalagang paksa na kasalukuyang binibigyan ng karagdagang importansiya sa ating mga paaaralan! Tulad sa Amsterdam, ang layunin ng mga pokpok sa pag-aaral ng Ingles ay para tumaas ang kita.

Sabi ng isang putatsing: “Madalas, mayroon kaming mga kliyenteng dayuhan, pero napapahiya kami dahil hindi namin alam kung ano ang sasabihin para maakit sila.”

Ngayon, ayon sa ulat, nagbabayad sila ng $52 sa isang buwan—halos P3,000—sa titser na nagtuturo sa kanila kung paano sasabihin sa Ingles ang ganitong mga pangungusap: “Isang daang dolyar,” “Akina ang relo mo,” at “Gusto kong maging asawa mo.”

Di tulad sa Netherlands, ilegal ang prostitusyon sa Vietnam. Sa kabila nito, tinatantiyang may 37,000 jokard sa bansang iyon.

Samantala, sa Taiwan, iba namang klaseng sex school ang itinayo kamakailan. Ito ang Graduate Institute of Sexology, na nakabase sa Shu Te University. Pero ang mga estudyante rito ay hindi mga pokpok kundi mga mag-asawa.

“Kung hindi mabibigyan ng kaunting anghang ang sex life ng mag-asawa, maiipon ang mga kasiphayuan [frustrations] at sa kalaunan ay mawawasak ang pagsasama ng mag-asawa,” paliwanag ni Dr. Lin Yen-chin, ang namumuno sa paaralan.

Layunin ng instituto na magturo ng “quality sex” para mailigtas ang mga maligalig na matrimonyo at mabawasan ang diborsiyo. Ang Taiwan daw kasi ang may pinakamataas na antas ng diborsiyo sa buong Asya.

Bagamat walang Kolehiyo ng Kamunduhan dito sa ating bayang malibog, hindi tayo pahuhuli sa Netherlands, Vietnam, at Taiwan pagdating sa seks.

Wala man tayong Hanky Panky School, mayroon naman tayong mga programang pantelebisyon na ang galing-galing magturo ng giling-giling, at marami tayong pelikulang bold na nagpapakita ng iba’t ibang paikot-ikot sa Kamang Sutla, habang nagtuturo ng mahahalagang aral na tulad ng: “Kapag ang kikiam naging kikay, may humalukay.”

Pagdating sa spokening-dollar, talong-talo ng ating mga kalapating mababa ang lipad ang kanilang mga kalahi sa Vietnam. Isang sigaw lang ng “Hey, Joe! Wanna pakpak, Joe?” at tiyak na dapa agad ang kliyenteng dayuhan.

At hindi rin tayo binabagabag ng problema ng Taiwan. Ang antas ng diborsiyo dito sa atin ay hindi lang mababa—zero pa nga. Kasi, ayaw pumayag ng Simbahan na magkaroon ng diborsiyo dito. Kung may problema ang pagsasamahan ng mag-asawa, magdadala  na lang si Misis ng macho dancer sa VIP room, at makikipaglambutsingan si Mister sa kalaguyo.

“KAKUWANAN” 8
Hindi nalathala, dahil nagsara na ang
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho

Thursday, April 25, 2013

KAKUWANAN 7: ANG TUNAY NA STELLA L.




“KAKUWANAN” 7
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Abril 2003


KAKUWANAN
Jose F. Lacaba


Ang Tunay na Stella L.

May Sister Stella L. na pelikula, at may Stella L. na bold star. Gusto kong ipakilala ang isa pang Stella L.

Siya si Stella Liebeck, at dahil sa kanya ay naitatag ang Stella Awards. Sa maniwala kayo o hindi, ang award na ito ay iginagawad sa mga Amerikanong nagdedemanda at humihingi ng danyos perwisyos—kahit sila na itong may kasalanan.

Nabalitaan ko ang tungkol sa kakaibang Stella Awards nang may matanggap akong email na pinamagatang “Katangahan Awards.” Ang laman ng email ay isang listahan ng mga diumano’y nominado para sa Stella Awards. Kabilang sa listahan:

Carl Truman ng Los Angeles. Nasagasaan ang kamay. Idinemanda ang kapitbahay na nakasagasa. Tumanggap ng danyos na $74,000—gayong nagulungan ang kamay niya habang ninanakaw niya ang hubcap ng Honda Accord ng kapitbahay.

Terrence Dickson ng Pennsylvania. Na-trap sa loob ng isang garahe na sira ang mga pinto. Walong araw sa garahe dahil nagbabakasyon ang pamilyang may-ari ng bahay, at walang makain kundi nakaimbak na dog food at Pepsi. Nagdemanda dahil sa dinanas niyang mental anguish. Tumanggap ng danyos na $500,000—gayong katatapos lang niyang nakawan ang bahay nang ma-trap siya sa loob ng garahe.

Nang mabasa ko ang email tungkol sa mga kasong ito, napabilib ako sa kapal ng mukha at tapang ng apog ng mga kumag na nagdemanda. Lalo akong napabilib sa galing ng mga abugado nila.

Kaya lang, nalaman ko pagkatapos na puro pala gawa-gawa lang ang mga kuwento sa natanggap kong email. Ayon sa www.snopes.com, ang website na tagabuking ng mga tinatawag na urban legend, ang mga kaso nina Truman, Dickson atbp. ay pawang imbento ng mga pilyong malilikot ang imahinasyon.

Pero teka. Mayroon talagang Stella Awards, at mayroong tunay na Stella Liebeck.

Ito ang totoo. Sa isang siyudad sa Estados Unidos, bandang 1992, noong 81 anyos si Stella L., bumili siya ng kape sa McDonald’s. Sa loob ng nakahintong kotse, inipit niya ang sisidlan ng kape—ewan ko lang kung paper cup o styrofoam—sa pagitan ng kanyang mga tuhod. Pagkatapos, inalis niya ang takip para maglagay ng asukal at cream.

Sa kasamaang-palad, tumapon ang napakainit na kape. Nalapnos ang balat ni Stella. Ewan ko lang kung aling maseselang bahagi ng kanyang katawan ang nadale, pero inabot daw ng dalawang taon bago tuluyang nagamot.

Ang ginawa ni Stella, idinemanda niya ang McDo. Bakit daw walang babala ang McDo na sobrang mainit ang kape nito? Dumanas tuloy siya ng sakit sa katawan at pagkabalisa sa isip. Nilabanan ng McDo ang kaso. E kung hindi ba naman daw nuno ng katangahan itong si Stella, e bakit daw hindi siya nag-ingat sa pagbubukas ng sisidlan ng kape?

Kaso, talo ang McDo. Nagdesisyon ang korte na dapat bayaran si Stella ng danyos perwisyos na umaabot sa $2.9 milyon!

Iyan naman ang gusto ko sa mga Amerikano. Hindi lamang sila mareklamo, malakas pa ang loob nilang magdemanda. Samantalang tayong mga Pinoy, masyado tayong matiisin at mapagpatawad. Tulad ko.

Noong isang buwan lang, nagpa-deliver ako sa Max’s, at isa sa mga order ko ay chopsuey. Hiniling ko na ang chopsuey ay walang vetsin at walang karne. Talaga naman daw hindi sila gumagamit ng vetsin. Okey ngarud. Kaso, pagdating ng chopsuey, may kung ano-anong karne at laman-loob ng mga hayop na matagal ko nang hindi nilalamon.

Dahil Pinoy tayo, hindi ko naisipang maghabla. Tumawag na lang ulit ako sa Max’s para ipaabot ang aking hinaing. Ang sa akin lang, mailabas ang inis. Ang aleng kumuha ng order ko ay humingi ng tawad at nag-alok na papalitan ang chopsuey. Pero gutom na ako. Ayoko nang maghintay na naman ng kalahating oras. Inalis ko na lang ang karne at inulam ang gulay.

Kung Amerikano siguro ako, kinasuhan ko na ang Max’s dahil hindi nila iginalang ang aking pagka-vegetarian at dinulutan nila ako ng matinding bagabag. Baka milyonaryo na ako ngayon—o isang dekada mula ngayon, dahil super-bagal ang ating mga hukuman.

Bilang pagkilala sa tagumpay ni Stella Liebeck, may nagtatag ng Stella Awards sa Internet (www.stellaawards.com). Narito ang ilang totoong nominado para sa Stella Awards ng 2002:

Deanna Brown Thomas and Yamma Brown Lumar, mga anak ng mang-aawit na si James Brown, kilala sa bansag na Godfather of Soul. Inihabla ang ama dahil inalisan sila ng mana. Humingi ng mahigit sa $1 milyon bilang royalties o porsiyento ng kita sa 25 kanta ni James Brown, dahil tumulong daw sila sa pagsulat ng mga iyon—kahit paslit pa sila nang mag-hit ang mga kantang iyon.

Robert Paul Rice, bilanggo sa Utah. Inihabla ang Utah Department of Corrections dahil hindi raw siya pinapayagang magpraktis ng kanyang relihiyon. Ang relihiyon daw niya ay Druidic Vampire, pero ayaw daw siyang payagang makasiping ang isang babaeng bampira at hindi raw siya binibigyan ng kailangan niyang pagkaing bampira—dugo, nofi?

At ang nagwagi ng Stella Award ng 2002… Janice Bird, Dayle Bird Edgmon, at Kim Bird Moran ng California, magkakapatid. Inihabla ang isang ospital dahil nahirapan daw ang loob nila nang makita nilang dinadala ng mga doktor ang ina nila sa emergency room.

Hindi nanalo sa korte ang mga kasong ito.


Sunday, April 14, 2013

KAKUWANAN 6: BOMBA STAR!



“KAKUWANAN” 6
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Abril 2003

KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba


Bomba Star!

BUWISIT na giyera iyan.

Sa halip na matapos ko nang maaga ang kolum na ito, naubos ang oras ko sa kapapanood ng telebisyon.

Paglabas ng kolum na ito ay maaaring durog na ang Iraq. Ewan din natin. Pero habang nagsusulat ako ay patuloy pa itong inuulan ng bomba.

Ako pa naman, nahihirapang magsulat kung may bagabag na gumugulo sa isip o ngitnit na nagpapatiim ng bagang. At talaga namang nakakabagabag ang napapanood kong pagbakbak sa mga mamamayan at gusali ng Iraq. Talaga ring nakakangitngit ang naririnig kong ipokritong dakdak ng mga nagpapaulan ng bomba.

Sabi ng embahador ng Estados Unidos sa Pilipinas, dapat daw ay pabor tayo sa ginagawa ng mga Amerikano. Ang gusto raw nila’y tulungan ang sambayanang Iraqi na pabagsakin ang diktador ng Iraq na si Saddam Hussein. Noong gusto rin nating paalisin sa poder ang sarili nating diktador na si Ferdinand Marcos, tinulungan din daw tayo ng mga Amerikano.

Excuse me lang. Nang pagsabihan si Macoy ng isang senador na Amerikano na bumitiw na, at bumitiw nang maayos—Cut, and cut cleanly, ’ika—nasa kasukdulan na ang pag-aalsa sa Edsa at nasa bingit na ng pagbagsak ang ating diktador. Sa madaling salita, sinakyan na lang ni Uncle Sam ang tagumpay ng bayan. At pagkatapos ay buong giliw pa niyang kinupkop si Macoy sa Hawaii.

At saka, kahit gaano naman katindi ang galit natin kay Macoy, gugustuhin kaya natin na araw-araw ay paulanan ng bomba ang Pilipinas para lang mapatalsik siya?

Ito namang mabunyi nating kalihim ng usaping panlabas, na dati’y mabunying ayudante ni Macoy, ay may pahayag din. Makabubuti daw sa Pilipino ang pagwasak sa Iraq. Pagkatapos kasi ng giyera, lalong kakailangangin ang serbisyo ng ating mga overseas contract worker na Pinoy—karpintero, kantero, tubero, inhinyero atbp.—para sa rekonstruksiyon ng Iraq.

Idagdag na rin kaya natin, Kagalang-galang na Kalihim, na kakailanganin din ng mga sundalong Amerikano—na siguradong magbabase sa Iraq—ang serbisyo ng ating mga mapagkalingang GRO at pokpok mula sa mga bar ng Angeles at Olongapo.

Wow! Tiyak na tiba-tiba na naman ang ating bansa sa limpak-limpak na dolyares na iuuwi ng ating mga Bagong Bayani.

Ayoko na sanang patulan ang mga pahayag ng mga kagalang-galang na opisyales na ito. Mas kagalang-galang kasi sila sa akin. At saka, mas gusto sana natin sa magasing ito na magpista na lang ang ating mga mata sa alindog ng mga bold star, kaysa magkaalta-presyon sa kaiisip sa tanong na kumalat sa text: “Bakit pumutok ang giyera sa ikatlong araw ng ikatlong linggo ng ikatlong buwan sa ikatlong taon ng ikatlong milenyum? Simula na ba ito ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig?”

Pero mahirap umiwas sa masamang balita. Hanggang sa pagtulog ay iniinis ako ng pinakabastos na Bomba Star sa buong mundo—ang war freak na pangulong may initials na GWB.

Sa aking bangungot ay naririnig ko ang talumpati ni GWB (Gago Wangbu Butangero) sa pagtitipon ng Militarily Advanced Democratic Coalition Of the Willing (MAD COW):

“Talagang salbahe iyang si Satanas Hudassein. Biruin n’yo, binabagsakan na namin ng tone-toneladang bomba ang Iraq ay ayaw pa ring sumuko o magbitiw o mangibang-bayan o mamatay. Hindi ba siya naaawa sa kanyang mga kababayan?

“At mapanlinlang siya. Ang mga armadong tauhan niya ay pinagkunwari niyang sibilyan para malapitan at mabanatan ang mga puwersa namin. Hindi yata patas ang ganyang laban. Kanyon at bomba ang itinitira namin sa kanila. E, bakit baril ang sagot nila? Isa pa, ginagastusan namin ang mga uniporme at helmet at botas ng mga sundalo namin. Me dogtag at backpack pa ang mga iyan. E, bakit sila, unipormeng sibilyan ang suot? At nakatsinelas lang. Ano’ng tingin nila sa sarili nila, Viet Cong?

“Kung hindi ba naman madaya iyang si Saddam, bakit niya ipinupuwesto ang mga palengke at eskuwelahan sa mga lugar na babagsakan namin ng bomba? Pagkatapos, magrereklamo siya na ang daming namamatay at nasusugatang bata, matanda, at babae! Ang mga bomba namin, para sa inyong kaalaman, ay precision weapons of mass destruction. Ang pinupuntirya at tinatamaan ng mga ito ay mga tiyakang target na militar, tulad ng mga helicopter at hukbo ng Britanya.

“Eto pa ang isa. Pag ang mga tropa niya e me nahuling sundalong Amerikano o Britaniko, ipinapakita nila sa telebisyon. Hindi ba nila alam na ilegal iyan? Bawal iyan sa ilalim ng Geneva Convention! Karima-rimarin iyan! Oo, sinalakay namin ang Iraq kahit walang basbas ng United Nations Security Council—pero wala namang bawal sa Amerikano sa ilalim ng Geneva Convention. Ano ba iyang Geneva Convention? Ano’ng kinalaman diyan ni Geneva Cruz?

“Dapat talaga, huwag nilang idispley ang mga bihag at bangkay. Para kung sasabihin nilang meron silang nahuli o napatay, puwede naming sabihin na sinungaling sila, nagpopropaganda lang sila.

“Hindi ko naman maintindihan itong mga mamamayang Iraqi. Bakit sila iiyak-iyak at padrama-drama pa na may mga benda sa ulo? Hindi ba nila alam na ang mga bombang Amerikano ay naghahasik ng demokrasya? Pasalamat sila at binabanatan namin sila. Ginagawa namin ito para sila lumaya—at para malaya naming makamkam ang oil fields nila.

“Pagdating ng araw ng kalayaan, hahatiin namin ang Iraq sa tatlong bahagi: Premium, Unleaded, at Diesel.”

Saturday, April 6, 2013

KAKUWANAN 5: SPOKENING ENGLAND


“KAKUWANAN” 5
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Abril 2003

KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba


Spokening England

Gusto ni Presidente Glo, pausuhin na naman ang spokening England. Kailangan daw na ibalik ang Ingles bilang pangunahing wika o midyum sa pagtuturo, lalo na sa pagtuturo ng math at science sa elementary at high school.

Kasi raw, kailangan natin ang Ingles para umunlad. Kailangan daw natin ang Ingles para matuto ng matematika at siyensiya. Kailangan daw natin ang Ingles para maging globally competitive.

At siguro, kailangan natin ang Ingles para makipagtsikahan at makipaglambutsingan sa mga GI Joe na narito sa bansa natin ngayon para balikatin ang Balikatan.

Sa ano’t anuman, agad na nagpahayag ng suporta ang mga Pinoy na eksperto sa wrss-wrss. Sabi ng isang titser na napanood ko sa TV (at hindi ko po ito iniimbento): “Awar ischudents mas imprub da wey dey ispik Ingglis.”

Sa isyung ito, kumampi rin kay Ate Glo si Lucio Tan. Opo, si Lucio Tan, ang taipan na kung tawagin ay Kapitan. Narinig na ba ninyo kung paano kinakalantog ni Kapitan ang lengguwahe ni Shakespeare? O e bakit megasuperyaman siya at globally competitive pa, me negosyo sa Guam at kung saan-saan? Kung totoong mahina ang asenso ng mahina sa Ingles, dapat ay nagkakalahig lang iyan sa Payatas.

Di kalaunan, isang munisipalidad sa Ilokoslovakia ang gumaya din kay Ate Glo. Ang mga opisyales ng munisipalidad na iyon (tawagin na lang nating Santa Banana, para huwag nang madagdagan ang kahihiyan ng kanyang mga residente) ay naglabas ng kautusan na ibalik ang Ingles bilang pangunahing midyum ng pagtuturo.

Alam ba ninyo kung bakit? Dahil dalawang taga-Santa Banana na magtatrabaho sana bilang domestic helper sa isang bansang Arabo ang pinauwi—pinabalik sa Santa Banana—nang nalaman ng mga Arabo na mahina silang umingles.

E ang gusto pala ng mga Arabo ay mga atsay na magsisilbi ring tutor sa Ingles ng kanilang mga anak!

Ngayon ay malinaw na siguro sa atin kung anong klaseng global achuchu ang pinupuntirya ng spokening England. Ang layunin ng kautusan ay lumikha ng global na utusan.

At saka global na japayuki.

At saka global na mekaniko at piyon.

Math at science? Dassalassa nonscience. Magiging mahalaga sa kanila ang math para hindi sila madenggoy sa suwelduhan o sa tip, at may silbi ang science para alam nila kung ilang DVD player ang mapagkakasya nila sa isang balikbayan box.

Pero kung talagang Ingles ang susi sa matematika at siyensiya, e bakit ayon sa isang survey ay mas magaling sa matematika at siyensiya ang mga estudyante ng Japan at China at Thailand gayong hindi naman sila marunong umingles?

Laging sinasabi na puspusang nag-aaral ng Ingles ang maraming Hapones at Tsino at Tailandes. Totoo iyan. Pinag-aaralan nila ang Ingles—bilang isang subject, bilang wika—pero hindi Ingles ang ginagamit na midyum ng pagtuturo sa kanilang mga bansa, kundi ang kani-kanilang sariling wika.

Pinagtatawanan pa nga natin ang Ingles nila. Naaalala ba ninyo ang mga Love Bus noong araw? Sa loob ay may maliliit na karatulang nagsasabing “Push Button When Get Off.” Mas magaling pa rin, kung tutuusin, ang Ingles natin sa mga Hapones na gumawa ng karatula. Pero ang mga Hapones na baluktot ang Ingles ang siyang gumawa ng mga bus, samantalang tayo—inangkat lang natin ang mga bus, second-hand pa.

Kahit sa Singapore, na Ingles na nga ang midyum ng pagtuturo, makakarinig ka ng ganitong usapan, ayon sa isang artikulong lumabas noon sa New York Times: “Got coffee or not?” “Got!” “You have milk, is it?” “Also have.” “Join me, don’t shy!”

O, natatawa tayo. Pero mas maunlad at mas mayaman ang Singapore sa atin, at sa tingin ko’y hindi dahil sa Ingles kung kaya sila maunlad at mayaman, kundi dahil hindi masyadong uso sa mga taong-gobyerno doon ang pandarambong at pangungurakot at pangongotong.

Sa totoo lang, kaya tayo namomroblema ngayon ay dahil nga maayos-ayos tayong umingles kumpara sa marami pang ibang bansa. Sa halip na magturo ng matematika at siyensiya sa kabataang Pilipino, ang marami sa ating mga titser ay naroon sa Singapore, at sa Hong Kong, at sa Saudi, naghuhugas ng puwit ng mga batang banyaga na kinakausap nila sa Ingles.

Ang gustong mangyari ng gobyerno ay lumikha ng laksa-laksa pang mamamayang maalam sa Ingles, para tayo ang kilalaning tagahugas ng puwit ng buong mundo.

Sa gayon, makakapagpadala tayo sa Pilipinas ng milyon-milyong dolyar na siyang magsisilbing makina ng pag-unlad at pagsulong ng bansa.

Kung talagang kailangan nating magpakadalubhasa sa Ingles para umunlad, lubus-lubusin na kaya natin. Ang Ingles ay gawin nating hindi lamang pangunahin kundi natatanging midyum ng pagtuturo. Sa gayon, hindi na magrereklamo ang mga Bisaya at Ilokano na itinutulak natin ang Filipino alyas Pilipino alyas Tagalog para isulong ang imperyalismong Maynila.

Kung tutuusin, hindi naman eskuwelahan ang nangungunang tagapagpakalat ng sariling wikang pambansa. Kaya ipagbawal na rin ang pelikulang Tagalog—puro din lang malalaswa ang mga iyan. OPM sa Ingles na lang ang patugtugin. Isalin sa Ingles ang mga telenovelang Espanyol at animeng Hapones. Ibalik ang Ingles sa mga balitang panradyo at pantelebisyon, sa mga advertisement at commercial.

Higit sa lahat, buhayin na lang natin ang Statehood Movement. Kung tayo na ang ika-51 estado ng Estados Unidos, magiging Ingles na ang ating wikang pambansa, magkakaroon pa tayo ng snow.