ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hulyo 11-17, 1984
BAKASYONG MAY PASOK
Itong nakaraang Hulyo 4, Araw ng Pagkakaibigan ng Pilipino’t Amerikano, ay idineklarang isang working holiday.
Hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng working holiday. Ang holiday, ayon sa mga diksiyonaryo, ay pista opisyal, araw ng bakasyon, araw ng pahinga, araw na walang pasok, araw na walang trabaho, araw na walang klase.
Bakit kailangang tawaging holiday ang isang araw na mayroon namang pasok? Bakit hindi na lang special day, o natatanging araw, tulad ng Mother’s Day?
***
Kung naririnig ko ang praseng working holiday, naaalala ko ang mga programa sa telebisyon sa sinasabing live delayed telecast. Karaniwan itong ginagamit sa mga boksing na ibinobrodkas via satellite mula sa ibang bansa, pero kamakailan ay nabasa ko ito sa isang kolum: “The Academy Awards rites tonight will be covered live (slightly delayed)…”
Tulad ng working holiday, isang delayed telecast na live ay parang contradiction in terms—magkasalungat ang kahulugan ng mga salitang sapilitang pinag-ugpong.
***
Ano’t anuman, hindi ko rin naman maintindihan kung bakit kailangang gawing espesyal na araw ang Fil-American Friendship Day. Wala naman tayong araw para sa pagkakaibigan ng Pilipino’t Espanyol, Pilipino’t Hapon, Pilipino’t Tsino, atbp.
Napaghahalata tuloy na kahit binago na natin ang ating Araw ng Kalayaan, nakakapit pa rin tayo sa pundilyo ni Uncle Sam.
***
Alam kong sa karaniwang kalakaran ay maaaring magbago ang kahulugan ng salita. Ito’y batas ng lingguwistika. Sa Ingles, halimbawa, ang kahulugan lamang noong araw ng salitang villain ay “isang magsasakang nakikisama sa asyenda o villa,” pero nang lumaon ay nagkaroon ito ng kahulugang “kontrabida.” Sa Tagalog, ang salitang magbugaw—na ang orihinal na kahulugan ay “magtaboy”—ay nagkaroon ng karagdagang kahulugan na “manghikayat ng kostumer para sa puta.” Nabaligtad ang kahulugan.
Ang ganitong pagbabago ng kahulugan ay karaniwang nangyayari sa mahabang panahon, sa loob ng maraming henerasyon. Pero mas mabilis yata ang nagaganap na pagbabago sa ating Bagong Republika. Nariyan na nga ang halimbawa ng holiday. Mababanggit pa ang salvage, na sa Ingles ay nangangahulugang “iligtas” pero dito sa atin ay nangangahulugang “iligpit, yariin, tepokin, dedbolin, patayin.”
***
Makikita sa susunod na mga klasikong pangungusap ang ilang salitang nagkaroon ng panibagong kahulugan sa ating panahon at bayan:
“Walang bilanggong pulitikal sa Pilipinas.”
“Walang sinumang pinahirapan (tortured).”
“Hindi magkakaroon ng debalwasyon.”
“Hindi tataasan ang presyo ng langis.”
“Anong krisis? Walang katulad ang kasaganaang tinatamasa natin ngayon!” (We never had it so good!)
No comments:
Post a Comment