ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hunyo 27-Hulyo 3, 1984
[TALA: PANAHON PA NI FERDINAND MARCOS NANG LUMABAS ANG KOLUM NA ITO. HINDI PA PANAHON NG TOKHANG.]
LISENSIYANG PUMATAY
Binuhay na naman ang mga pangkat ng tinatawag na secret marshals.
Pinapatay na naman ang ayon sa mga diyaryo’y kriminal na nahuhuli sa akto—pinapatay nang walang habla at walang paglilitis.
***
Ayon sa secret decrees, kamatayan o habang-buhay na pagkabilanggo ang hatol sa mga sumasali sa mga demonstrasyon at nagsasalita laban sa gobyerno.
Ayon sa secret marshals, kamatayan ang dagliang parusa pati sa mga magnanakaw at holdaper.
***
Palagay ko’y bahagi ito ng programa ng pagtitipid ng kasalukuyang rehimen.
Sa kataasan ng mga presyo ngayon, mas murang patayin na lamang at ipalibing ang mga diumano’y kriminal kaysa bistahan sila at ikalaboso.
***
Lahat ng bagay ay tinamaan na ng debalwasyon sa ilalim ng rehimeng ito. Pati buhay ng tao.
***
Kapitbahay ko ang artistang si Angie Ferro, at sa tuwi-tuwina’y sumasagsag siya sa amin para ibulalas ang kanyang galit o pagkabahala sa mga nangyayari sa lipunan ngayon. Nabagabag siya nang husto sa balita tungkol sa secret marshalls at dahil dito’y sumulat ng bukas na liham sa Pangulo.
Narito ang ilang sipi mula sa liham ni Angie:
“Ang pagnanakaw per se, kailanman ay di ko sinasang-ayunan dahil ito’y isang di-makatarungang pag-angkin ng pinagpagurang paggawa ng iba. Dapat lamang na ang bawat tao ay mabuhay sa sarili niyang paggawa. Bilang isang pasahero, pinasasalamatan ko ang pagmamalasakit na ito sa aming kapakanan. Ang pinagpaguran ko ay mahalaga para sa mga pangangailangan ko at ng aking pamilya para mabuhay. Ganoon pa man, naniniwala po akong pinakamahalaga, higit sa anupaman, ang buhay ng tao…
“Kung basta na lang natin ipababaril ang tao, sa akin pong palagay, we are not only doing a great injustice to man dahil, hindi lamang sa inaalisan natin siya ng karapatang magtanggol sa sarili, kundi inaalisan din natin siya ng pagkakataong makapag-bagong-buhay.
“Ipinakikiusap ko po bilang tao at mamamayang Pilipino na huwag ipagpatuloy ang order na shoot-to-kill sapagkat, sa aking palagay, ito’y hindi lamang inhuman kundi tahasang anti-human.”
***
Sa kanyang liham, binanggit din ni Angie Ferro ang ilang probisyon sa Bill of Rights o Patalastas ng mga Karapatan sa ilalim ng Konstitusyong 1973, gaya ng sumusunod:
“Walang tao na babawian ng buhay, kalayaan o ari-arian nang walang nararapat na proseso (due process) ng batas, ni hindi rin dapat ipagkait sa sinuman ang pantay-pantay na proteksiyon ng mga batas.”
“Sa lahat ng kriminal na pagsasakdal, ang akusado ay itinuturing na walang-kasalanan hanggat hindi napatutunayan ang kabaligtaran, at siya’y may karapatang marinig siya at ang kanyang abogado, masabihan tungkol sa kalikasan at dahilan ng akusasyon laban sa kanya, magkaroon ng mabilis, walang-kinikilingan at bukas-sa-publikong paglilitis, humarap sa mga testigo, at magkaroon ng sapilitang proseso na mapadalo ang mga testigo at makapaglabas ng ebidensiya para sa kanyang kapakanan.”
***
Sa madaling salita, sa ilalim ng mismong Konstitusyon ng rehimen ay bawal ang ginagawa ng secret marshals ng rehimen.
No comments:
Post a Comment