Monday, April 28, 2008

JONAS BURGOS AT ANG MGA NAWAWALA


Noong Abril 28, 2007, eksaktong isang taon na ngayon ang nakararaan, dinukot si Jonas Burgos ng ilang di-kilalang lalaki habang nanananghalian sa isang restoran sa Ever Gotesco Mall, Commonwealth Avenue, Quezon City. Hanggang ngayon ay hindi pa siya lumilitaw o inililitaw. Walang nakakaalam—maliban na lang siguro sa mga dumukot sa kanya—kung siya’y buhay pa o patay na. Kabilang na siya ngayon sa lumalaking hanay ng mga desaparecido sa Pilipinas.

(For more info on Jonas Burgos, check out http://freejonasburgosmovement.blogspot.com.)

Hindi ko yata nakilala o nakadaupang-palad si Jonas, pero nakilala ko at nakasama sa trabaho ang kanyang mga magulang—ang kapwa peryodistang si Joe Burgos at ang kabiyak niyang si Edith, na kung hindi ako nagkakamali ay siyang namahala sa business side ng mga peryodikong itinatag at pinagmatnugutan ni Joe. Nagsulat ako ng kolum para sa dalawa sa mga peryodikong iyon, ang We Forum at ang Tinig ng Masa.

Mula Enero 2001 hanggang Mayo 2007, ayon sa human-rights group na Karapatan, 199 na ang naging biktima ng enforced disappearances sa Pilipinas. Isang di-inaasahang side effect ng pangayayaring ito, para sa akin, bilang manunulat, ay ang pagka-revive ng isa kong lumang tula na sinulat noong panahon pa ng batas militar.

Ito ang tulang “Ang mga Nawawala,” na nalathala sa libro kong Sa Panahon ng Ligalig (Anvil Publishing, 1991) at muling nalathala sa isa ko pang libro, Kung Baga sa Bigas: Mga Piling Tula (University of the Philippines Press, 2002, second printing 2005). Ilang beses na itong binabasa ngayon sa ilang pagtitipon na may kinalaman sa karapatang-tao. Na-reprint na rin ito sa website ng Free Jonas Burgos Movement (http://freejonasburgosmovement.blogspot.com/2007_06_06_archive.html).


Para namang pinagtiyap, habang hinahanap ko ang mga tula kong Ingles na ekphrasis, o tungkol sa painting, nahalungkat ko ang clipping ng tulang “Ang mga Nawawala.” At nadiskubre kong may one degree of separation lang pala ang tulang ito kay Jonas Burgos.

Nakalimutan ko na, pero ang tula ko tungkol sa mga desaparecido ay kauna-unahang nalathala sa kolum ko sa diyaryong We Forum, na ang editor at publisher ay ang ama ni Jonas.

Narito ang kolum ko sa weekend edition ng We Forum na may petsang June 28-30, 1985:


KUNG TUTUUSIN
Jose F. Lacaba

May lumabas na balita nitong nakaraang linggo tungkol sa 12 peryodista at komentaristang Pilipino na napatay o naglaho mula noong Enero 1984. Sumulat kay Presidente Marcos ang Komite para sa Pagtatanggol ng mga Peryodista, isang grupong nakabase sa New York, para ihingi ng katarungan ang 12 napatay o naglaho. Habang binabasa ko ang ulat ay naalala ko si Henry Romero, peryodista ng Taliba at Bulletin Today, na tulad kong may panahong nanirahan sa Pateros. Nawala’t sukat si Henry may 10 tao na ang nakararaan, at hanggang ngayon ay nawawala pa, at iniisip ko sanang sumulat ng isang kolum tungkol sa kanya at tungkol sa iba pang kilala kong nawawala, pero sa halip na kolum ay tula ang lumabas, ang tulang matutunghayan ninyo ngayon:


ANG MGA NAWAWALA

Isang araw sila’y
nawala na lang at sukat.
May hindi pumasok sa opisina,
hindi sumipot sa apoyntment,
nang-indiyan ng kadeyt.
May hindi umuwi ng bahay
at hindi nakasalo
ng pamilya sa hapunan,
hindi nakasiping ng kabiyak.
Ang inihaing ulam ay ligalig,
at ang inilatag na banig
ay ayaw dalawin ng antok.

Nang hanapin sila’y
walang masabi
ang kamag-anak at kaibigan,
walang ulat ang pulisya,
walang malay ang militar.
Kung mayroon mang nakakita
nang sila’y sunggaban
ng malalaking lalaki
at isakay sa dyip o kotse,
pabulong-bulong ang saksi,
palinga-linga,
at kung pakikiusapang
tumestigo sa korte,
baka ito’y tumanggi.

Pagkaraan ng ilang araw,
o linggo, o buwan, o taon,
pagkaraan ng maraming
maghapon at magdamag,
pagkaraang ang agam-agam
ay magparoo’t parito
sa mga manhid na pasilyo
at ang pag-aasam-asam
ay mapanis sa mga tanggapan,
pagkaraan ng luha’t tiyaga,
ang ilan sa kanila’y
muling lumitaw.

Lumitaw sila
sa bilangguan, sa bartolina,
sa kubling bahay na imbakan
ng ungol, tili at panaghoy,
himpilan ng mga berdugong
eksperto sa sanlibo’t isang
istilo ng pagpapahirap.
Lumitaw silang
bali ang buto o sira ang bait.
O kaya’y lumitaw silang
lumulutang sa mabahong ilog,
o nakahandusay sa pampang,
o umaalingasaw
sa mga libingang mababaw
na hinukay ng mga asong gala.
Lumitaw silang
may gapos ang kamay at paa
na wala nang pintig, o watak-
watak ang kamay, paa, ulo,
o tadtad ng butas ang bangkay,
likha ng bala o balaraw.

Ang iba’y hindi na lumitaw,
hindi na kailanman lumitaw,
nawala na lang at sukat,
walang labí, walang bangkay,
hindi malaman kung
buhay o patay,
hindi mapaghandugan
ng lamayan, pasiyam, luksa,
hindi maipagbabang-luksa,
hindi maipagtirik ng kandila
kung Todos los Santos.
Nakaposas pa ba sila
sa paa ng kinakalawang na kama
sa loob ng kuwartong may tanod,
busog sa bugbog,
binabagabag ng bangungot,
sumisipol kung nag-iisa
ng “Saan Ka Man Naroroon,”
iniisip kung ano ang iniisip
ng magulang at anak,
kasintahan o kabiyak?
O sila ba’y
umayaw na sa pakikibaka
at nagbalik sa dating buhay,
o nagtaksil sa simulain
at nagtatago sa takot,
o nag-asawang muli
at nangibang-bayan,
o tinamaan ng amnisya
at lalaboy-laboy sa lansangan,
o lihim na namundok
at nag-iba ng pangalan?
O sila ba’y
pinagpapasasaan na ng uod?
Nag-ugat na ba ang talahib
sa mga mata ng kanilang bungo?
Bahagi na ba sila
ng kanilang lupang tinubuan,
ang lupang kanilang ipinaglaban?

Sinusulat ko ito
para sa mga kakilalang
hanggang ngayon ay nawawala,
para kina Charlie del Rosario
at Caloy Tayag
at Manny Yap
at Henry Romero
at Jun Flores
at Rudy Romano,
sila na kahit hindi ko
nakilala nang husto
ay alam kong naglingkod
sa api at hikahos.
Buhay man sila o patay,
sa aking alaala’y
mananatili silang buhay.

Saturday, April 19, 2008

EKPHRASIS: Seurat, Botticelli

Sa isang nakaraang post, may petsang Pebrero 19, 2008, nabanggit ko na may mga nasulat na akong mga tula tungkol sa painting na “Sunday Afternoon on the Island of La Grande Jatte” ni Georges Seurat at “Birth of Venus” ni Sandro Botticelli, pero ‘kako ay kailangan ko munang halukayin ang luma kong files para sa mga tulang iyan.

Eto na, nahalukay at na-recover ko na.

Parehong circa early 1960s pa nasulat ang mga ito, noong nagsusulat
pa ako ng tula sa Ingles, and more than 40 years before I even heard
the word "ekphrasis," the term for poems about the visual arts or artistic objects.

Ang "La Grande Jatte," tungkol sa painting ni Georges Seurat, ay
nalathala sa Heights Magazine ng Ateneo de Manila. Kung hindi ako
nagkakamali ay si Gemino "Jimmy" Abad ang nagbigay sa akin ng
photocopy ng tula kong ito, na nakalimutan ko nang sinulat ko. In
fact, si Jimmy ang pinagkakautangan ko ng photocopies ng maraming
tula ko sa Ingles, na ang karamihan ay naibaon ko na sa limot, pero
nahalukay niya noong gumawa siya ng research para sa kanyang
groundbreaking anthology na A Habit of Shores: Filipino Poetry and
Verse from English, '60s to the '90s (1999).

Ang "Birth of Venus," tungkol sa painting ni Sandro Botticelli," ay
sinulat noong i-ban ng Post Office from the mails ang issue ng
Philippines Free Press na nag-reproduce sa painting na ito bilang
ilustrasyon sa isang editorial. Nagkataong may naitago akong
makinilyadong kopya ng tulang ito. Hindi ko maalala kung na-publish
ito at all, pero alam kong hindi pa ako nagtatrabaho sa Free Press
nang mangyari ang Post Office banning. (Unfortunately, this second
poem only makes sense if you know the "historical" background.) Ang
naalala ko ay si Fernando "Butch" Zialcita, ang predecessor ko bilang
presidente ng Ateneo Arts Club, ang nagpadala sa akin ng postcard na
nasa loob ng envelope.





















"Sunday Afternoon on the Island of La Grande Jatte"
By Jose F. Lacaba

It seems the French have Sunday afternoons
Static, and under certain moods I find it
Enviable, to recline on the grass away from
Urban banter, pipe in mouth, or to sit
Silent in the shade, with umbrella in the sun,
Gazing at placid boats afloat without
The hurry of a destination. A trombone
Plays, but like lovers walking makes no shout,
Its music floats almost unnoticed, except
By a girl skipping alone, among people
Strolling nobly: she makes no trouble, left
To herself. No one, I am sure, will ogle
Though the ladies are supple for all to see.
A dog will not even bother to bark at a monkey.



















"The Birth of Venus" Uncensored

By Jose F. Lacaba

A postcard in an envelope is rather
Unusual, but if the postcard is
The Birth of Venus, it's understandable.
A friend, touring Florence, had seen her,
A naked newborn babe striding the foam
While a corporeal wind blows roses
All around her. Ecstatic, he sent me
Wistful envy. It is true she beguiles,
She enchants like a witch, not even from
A reproduction can the fact be hid.

I smile at the ruse of the envelope:
We live, alas, in a land that cannot stand
Sorcery of any sort, always ready
With the thick red cloak and exorcisms
To counteract the charm and break the spell.
We choose the future husband at the anvil
As our muse, and we would see the goddess
Banned, for she will give us love, and that
Is an embarrassing thing, so old-fashioned.

Sunday, April 13, 2008

EMAN


(EMAN LACABA, circa late '60s or early '70s. Photo by Tikoy Aguiluz.)


Noong nakaraang Marso 18 ay ika-32 anibersaryo ng kamatayan ng kapatid kong si Eman Lacaba.

Ang sumusunod ay lumabas sa Sunday magazine na may petsang Marso 10, 1985. Ang Sunday ay weekend supplement ng Ang Pahayagang Malaya, at sa staff box ng magasin ay nakalistang president-publisher ang yumao nang si Jose G. Burgos Jr. , at mga managing editor sina Mario A. Hernando and Ester G. Dipasupil.

Isinalin ko sa Ingles ang artikulong ito, at ang saling Ingles ang ginawa kong introduksiyon sa inedit kong libro ni Eman, ang SALVAGED POEMS, inilathala posthumously ng Salinlahi Publishing House (Manila, 1986) at muling inilathala ng Ateneo de Manila Office of Research and Publications (Quezon City, 2000).



EDITOR'S NOTE

By Mario A. Hernando
Managing Editor

The last time I met Eman Lacaba, young poet and revolutionary, was at the San Miguel Auditorium in Makati about a decade ago, after one of those free embassy film screenings which a relatively small group loved to attend. The group consisted of local film buffs, artists, students, serious film talents and members of the café society, who had nowhere to go for an impromptu talk about film, art and trivia. Pubs, cafes and snack joints had been dislocated since the iron rule of martial law had entrenched itself, and there was a general mood of indifference or cynicism to the political developments going on.

San Miguel then was the place to watch good films, and after the screenings, a part of the audience would dally at the lobby for some chitchat ("How are you?" "Wasn't it a most inaccessible film?" etc.), until lobby lights were dimmed, virtually pushing the crowd to the Ayala sidewalk. That was where I saw Eman approach everyone, a piece of folder in hand. It contained a petition addressed to President Marcos, seeking the release of a political detainee also surnamed Lacaba, Eman's older brother Pete.

For this issue of Sunday, Pete writes about the last days of his brother murdered by government men, or at least that is the picture Pete is able to make from reports he received about the circumstances of Eman's death. Next week will mark Eman's ninth death anniversary.




EMAN

Ni Jose F. Lacaba

Noong Marso 18, 1976, si Emmanuel Agapito Flores Lacaba--ang nakababata kong kapatid na si Maneng, mas kilala ng mga kaibigan niya sa palayaw na Emman o Eman--ay pinatay sa Tucaan Balaag, Asuncion, Davao de Norte. Siya'y 27 anyos noon.

Naaalaala ko, na noong hinihintay namin sa isang punerarya sa Pateros ang kabaong niyang inilipad mujla sa Davao at sinusundo sa airport, isang nagtatrabaho sa punerarya ang nagtanong sa akin kung ano ang ikinamatay ni Eman. "Tingga," sagot go. Bagamat wala siyang kaalam-alam tungkol kay Eman, hindi na siya nagtanong pa, at ako nama'y hindi na nagdugtong ng paliwanag.

Hindi naikaila sa mga nakakakilala kay Eman kung paano siya namatay. May lumabas na balita sa diyaryo na isang nagngangalang "Manuel Lacaba" ang kasama ng isang tropa ng mga rebelde ng New People's Army na napatay sa Tucaan Balaag, at di nagtagal ay nakumpirma na ang "Manuel" na iyon ay si Eman na nga. Gayunman, marami pa ring tanong ang mga kakilala ni Eman--lalo na iyong mga nakakilala sa kanya bilang premyadong matata at kuwentista sa Ingles, bilang hippie na madalas umistambay sa Indios Bravos Café, bilang okultista na mahilig magtigil sa piligi ng mga mistikong sekta sa Bundok Banahaw.

Ang karaniwang tanong ay kung ano ang ginagawa niya sa isang baryo sa Davao noong panahong mapatay siya. Noong 1976, pagkat panahon pa ng pormal na batas militar at mahirap ipaliwanag ang ganitong mga bagay, ang karaniwan kong sagot ay: "Baka nagre-research. Baka nag-iipon ng materyales para sa kanyang mga tula, para sa isang nobela, para sa isang dula."

Halos isang dekada na ang dumaraan mula nang mapatay si Eman, at palagay ko'y puwede nang aminin ang isang katotohanang parang mahirap pa ring paniwalaan hanggang ngayon: oo, nasa davao si Eman noon pagkat lumahok siya sa digmaang bayan.

Malaki ang pagkakaiba namin ni Eman. Masasakitin ako, dating patpatin, at ayon sa mga kakilala'y masyadong maingat, masyadong pigil. Si Eman ay may matipunong pangangatawan, at sa lahat ng bagay na naisipan niyang pasukin, bigay-todo siya. Sa pag-aaral ay numero uno siya sa klase mula Grade One hanggang fourth year high school, sa Pasig Catholic College; pagdating sa kolehiyo, sa Ateneo de Manila, namantine niya ang full scholarship hanggang sa makatapos. Ako, palibhasa'y hindi gaanong competitive, ay hindi konsistent; nang magtapos ng hayskul, nagkasya na ako sa pagiging honorable mention, at ni hindi ko tinapos ang kurso ko sa kolehiyo. Nang mapadaan kami sa yugtong pa-hippie-hippie, si Eman, balita ko, ay lubus-lubusang nag-eksperimento sa marihuwana, LSD, atbp. Ako'y nakontento na sa mga dalawa o tatlong pagsubok sa damo, at hindi kailanman nakatikim ng mas mabigat na mind-bending drugs. At nang pumasok kami sa yugtong aktibista, ako'y masaya na sa pasulat-sulat at pasalin-salin, pero kay Eman ay hindi puwede ang tampisaw. Tuluyan siyang lumubog sa kilusang manggagawa, at pagkaraan ay nagtuloy sa tinatawag na pinakamataas na antas ng pakikibaka.

Magkasama kami ni Eman sa iisang kuwarto noong nasa kolehiyo ako't nasa nasa hayskul naman siya. Sa panahong iyon, sa aming magkakapatid ay kaming dalawa ang pinakamalapit. Pero nang tumuntong siya sa kolehiyo ay peryodista na ako at madalas na wala sa bahay, at siya naman ay nagdormitoryo; at dahil dito'y bahagya kaming nalayo sa isa't isa. Sa kolehiyo at sa sirkulo ng mga manunulat, siya'y naging "kapatid ni Pete" sa simula, at napansin kong hindi siya komportable sa ganitong papel, gusto niyang lumayo sa anino ng kuya at magbuo ng sarili niyang identidad. Kung hindi nagkakamali ang aking alaala, sa panahong ito siya naging Eman. Noong mga panahong iyon ay "Emman" ang baybay niya sa kanyang palayaw--may dalawang "m"--pero sa kalaunan ay mas nagustuhan niya ang Eman. Sa bahay ay nanatili siyang Maneng, samantalang ako, sa mga nakatatanda sa akin, ay nanatiling Pepito. Madalas ko siyang biruin sa palayaw na ibinigay niya sa kanyang sarili, pero sa loob lamang ng ilang taon ay naging Eman na rin siya bahay, at sa ilang sirkulo ay ako naman ang naging "kapatid ni Eman"--patunay na nagtagumpay siya sa pagbubuo ng sariling identidad.

Gayunman, labas sa kanyang mga tula at panulat ay hindi ko nasundan ang development ng kanyang kaisipan at kamulatan. Hindi ko namalayan kung kailan nagsimula ang kanyang pulitikalisasyon, bagamat naaalaala ko na sa isang pagtatalo namin noong 1970 ay kinukuwestiyon na niya ang konsepto ng "pagkubkob mula sa kanayunan" sa isang kapulutang katulad ng Pilipinas. Napansin ko na lamang talaga ang lalim ng kanyang pakikisangkot nang pakiusapan niya akong sumulat, noong 1971, tungkol sa isang welga sa isang maliit na imprenta sa Mandaluyong--isang welgang sinusuportahan ng organisasyong pangmanggagawa na kinabibilangan ni Eman.

Ang direksiyon ng kaisipan ni Eman sa mga panahong ito ay mahihinuha sa mga pangalang ibinigay niya sa dalawa niyang anak na babae. Sa pangalan ng panganay, na isinilang sa unang anibersaryo ng Labanan sa Tulay ng Mendiola, ay makikita ang marami't magkakasalungat na interes ni Eman: Miriam Manavi Mithi Mezcaline Mendiola. Ang pangalan ng ikalawang anak, na isinilang sa unang Nobyembre ng batas miliar, ay mas simple, mas direkta: Emanwelga Fe.

Nasa tiyan si Emanwelga nang mapasama si Eman sa grupong sumusuporta sa malaking welga sa Presto sa Pasig. Iyon ang isa sa pinakahuling welga bago ideklara ang batas militar. Nagkagulo sa welgang iyon, at napasama si Eman--na sa panahong ito'y nagtuturo ng Rizal's Life and Works sa Unibersidad ng Piipinas--sa mga binatuta, dinampot, at ikinulong sa Pasig. Salamat sa isang abugadong taga-Pasig, si Rene Saguisag, nailabas sina Eman pagkaraan ng ilang araw. Mga dalawang araw matapos silang lumaya, idineklara ang batas militar.

Maaaring ang pagkakasangkot ni Eman sa welga at ang kanyang pandaling pagkakabilanggo ay naging dahilan kung kaya hindi na ni-renew ang kanyang kontrata sa UP. At maaaring sa panhong ito na mayroon siyang dalawang anak at walang regular natrabaho ay sika naipasiya ni Eman na wala na siyang ibang patutunguhan kundi ang kanayunan, na wala na siyang ibang mapagpipilian kundi ang "mamundok."

Matapos siyang mawala sa UP, nabalitaan ko na lamang na muli na namang lumalabas si Eman bilang artista sa tanghalang PETA, na sumusulat siya ng dula, na nag-aaral siya ng martial arts, na sinusulat niya ang titik ng theme song ng pelikulang Tinimbang Ka Ngunit Kulang, na tumutulong siya sa ilang produksiyong pampelikula. Akala ko'y ibubuhos naman niya ang buo niyang katauhan sa bagong larangang ito, pero bandang katapusan ng 1974, noong ako naman ang bilanggong pulitikal sa Kampo Crame, dinalaw niya ako para magpaalam. Papunta na siya sa Mindanao.

May pang-akit ang Mindanao sa amin sapagkat doon kami ipinanganak--sa lunsod ng Cagayan de Oro--at sapagkat ang aming amang Boholano ay sa Mindanao kumilos bilang gerilya, sa yunit ni Fertig, sa USAFFE, noong panahon ng Hapon.

Pagkatapos ng dalaw sa akin ni Eman ay wala na akong tinanggap na anumang balita tungkol o mula sa kanya. Ang sumunod ko na lamang na nabalitaan ay ang kanyang pagkamatay. Sa mismong araw na nakatakda akong palayain, lumabas ang ulat tungkol kay "Manuel Lacaba." Natatandaan ko, na bago iabot sa akin ni Heneral Fidel Ramos ang aking notice of temporary release, tinanong niya kung kaaano-ano ko ang Lacabang nasa front page ng diyaryo.

Sa kabaong ko na muling nakita si Eman, pero mula sa mga kuwento ng iba't ibang tao ay napagtagni-tagni ko ang mga pangyayari sa mga huling araw ng makatang naging mandirigma.

Ang unang lugar na pinuntahan ni Eman, bilang miyembro ng isang tinatawag na semi-legal expansion team, ay ang lunsod ng General Santos sa Timog Cotabato. Tatlo sila sa nasabing team. Ang dalawa ay naunang pumasok sa kanayunan para humanap ng kontak. Si Eman ay naiwan sa siyudad. Pagkat kailangan din nila ng pera para mabuhay, sinabihan siyang maghanapbuhay na muna, at kasabay nito'y pag-aralan ang mga ruta sa siyudad. Ito marahil ang dahilan kung kaya konduktor sa minibus ang unang trabahong pinasok ni Eman.

Di nagtagal, pumasok si Eman bilang janitor sa isang karate club. Dito, ayon sa kuwento na nagiging bahagi na ng kanyang alamat sa Mindanao, inapi-api siya ng isang boy na kasmahan niya sa trabaho. Kinausap ni Eman ang boy: "Ako, hindi mo kilala, huwag mo akong api-apihin." Pagkatapos ay pinakitaan niya ito ng nalalaman niya sa martial arts. Natakot sa kanya ang boy, at mula noon at iginalang at inilagan na siya nito.

Pagkaraan ng ilang buwan, pumasok na rin si Eman--o "lumabas," depende sa iyong punto de bista--sa kanayunan ng Timog Cotabato. Ang ginamit niyang "pangalan sa pakikibaka" dito ay Popoy--isang alusyon sa isang tauhan sa komiks, si Popoy Dakuykoy, na naging persona ni Eman sa dalawang mahabang tulang sinulat niya noong dekada '60.

Maraming kuwento tungkol kay Popoy. Ang mga unang pinasok ng kanyang pangkat ay mga lugar ng mga Bilaan. Dahil hindi sila magkaintindihan, idinodrowing ni Popoy ang mga katutubo at ang mga bagay na gusto niyang malaman kung ano. Sa pamamagitan ng pagdodrowing, sa loob lamang isa't kalahating buwan ay natutuhan niya ang lengguwahe ng mga Bilaan.

Natuto rin siyang kumain ng isang espesyalidad ng mga katutubo. Kapag nakahuli ng baboy-damo ang mga Bilaan, ang karne nito'y isinisilid nila sa buho ng kawayan at tinatakpan ng dahon ng saging. Mga dalawang linggo itong binubulok sa loob ng buho, pinapauod, pinapabaho. Pag nangangamoy na, nililinis ito, tinatanggalan ng uod, at iniihaw. Si Popoy lamang sa grupo ang natutong kumain nito. Tuwang-tuwa sa kanya ang mga Bilaan.

Ang isa pang naaalaala tungkol kay Popoy ay ang walang-tigil niyang pagsusulat. Kung wala nang papel, sumusulat siya sa likod ng palara ng sigarilyo. Lahat ay sinusulat niya, detalyadong-detalyado--ang malabo niyang mata, ang hirap na dinaranas niya sa masukal na daan, pati ang problema niya sa pagtae. Isang gabi, ayon sa kanyang palara diary, tumigil sila pagkat kailangan niyang magbawas. nang hindi pa siya bumabalik pagkaraan ng 20 minuto, hinanap na siya ng kanyang mga kasamahan. Iyon pala, naligaw na siya sa dilim.

Nang matuto na siya ng Bisaya, nilapatan niya ng bago, rebolusyonaryong titik ang ilang popular na awiting-bayan. Hanggang ngayon ay kinakanta pa raw doon ang mga liriks niya.

Maaaring dito sa Timog Cotabato galing ang isang sulat na ipinadala ni Eman sa isang kaibigan. Sa sulat, ikinuwento niya na nagmuntik-muntikanan na nilang makaengkuwentro ang isang mas malaking pangkat ng Lost Command at CHDF. Isang indikasyon ng pinagmulan ni Eman ang koment niya tungkol sa nasabing karanasan, isang koment na hindi mo aasahan sa karaniwang rebelde: "As the Book of Changes says, our minds are sharpened by the contact with danger."

Ang sumunod na mga linya mula sa sulat na iyon ay indikasyon naman ng mga pagbabagong nangyayari sa kalooban ni Eman: "I am very happy here, such experiences notwithstanding--I think I belong here... I feel no sadness anymore; I only remember... the world we left behind, whose wiles of momentary farce and luxurious living we have to continue to struggle against."

Sa panahong ito nagsimula ang isang bagong yugto sa panulaan ni Eman. Dati'y komplikado, siksik sa alusyon, at mahirap intindihin ang kanyang mga tula. Sa mga tulang Ingles at Pilipino na sinulat niya sa Mindanao, mararamdaman mo ang tensiyong bunga ng pagtatangka niyang tumalikod sa dating estilo para maging simple, direkta, malinaw. Sa tula niyang "Open Letters to Filipino Artists," na madalas magamit ngayon sa mga antolohiya, makikita ang ganitong tensiyon sa paghahalo niya ng mga salitang "di-matulain," pang-aktibista, sa mga talinghaga't pahiwatig na di agad masasabol sa unang dinig:

We are tribeless and all tribes are ours.
We are homeless and all homes are ours.
We are nameless and all names are ours.
To the fascists we are the faceless enemy
Who come like thieves in the night, angels of death;
The ever moving, shining, secret eye of the storm.

Bago natapos ang 1975, inilipat ng destino si Eman. Sa pinaglipatan, sa Davao del Norte, dumating sa kanya ang kamatayan na madalas maging ng kanyang mga tula.

Ayon sa mga salaysay, isang kasama nila sa kilusan, kilala sa pangalang Martin, ang nahuli ng militar at "nakumbinsing" bumaligtad. Sinamahan nito ang isang pangkat ng PC-CHDF papunta sa baryong alam niyang hihimpilan ng grupo nina Eman.

Apat sina Eman sa grupo. Kasama nila ang isang buntis na babaeng 18 anyos. Wala silang kamalay-malay na nahuli na si Martin, at nang umabot sa kanila ang pasa-bilis na balitang may dumarating na kaaway, kampanteng-kampante sila. Dadaan lang ang mga iyon, nasabi nila. Hindi sila umalis sa bahay ng masang tinulugan nila. Ni hindi nila inalis sa labas ng bahay ang pinatutuyo nilang mga damit at sapatos na nabasa sa nakaraang ulan.

Isang masakit na leksiyon ang natutunan ng mga gerilyang sumunod kina Eman: huwag mag-iwan ng damit sa labas. Nang dumating si Martin na may ginigiyahang pangkat ng PC-CHDF, namataan niya at agad na nakilala ang mga pinatutuyong damit.

Umagang-umaga pa lang noon, wala pang alas sais. Nagkakape ang grupo nina Eman nang umabot sa kanila ang ulat na nasa baryo na ang kaaway. Hindi pa rin sila gaanong naligalig. May pagkakataon pa sana silang tumakas, ero sa tingin nila'y dumadaan lang ang PC-CHDF, nagpapatrol, walang tiyak na misyon. Nakiramdam na lamang sila, naghanda sa anumang posibleng mangyari. Hindi pa rin nila alam na wala na sa panig nila si Martin.

Nang ituro ni Marin ang bahay na tinitigilan nina Eman--"Nariyan ang damit, nariyan sila"--agad na bumanat ang militar. Nagdapaan ang mga nasa bahay, pumosisyon. Ang CO, o commanding officer, nina Eman ay tumayo pa sa may pinto, hawak ang kanyang AK-47, at nakipagbanatan. Hindi malinaw sa mga kuwento kung may armas si Eman. Noon kasing panahong iyon, nakatakda na siyang "bumaba" sa siyudad para muling ilipat ng trabaho--isang trabahong kakailanganin ang kanyang kaalaman sa pagsulat.

Nang matapos ang putukan, ang CO at isa pang kagrupo ni Eman ang patay. Si Eman mismo at ang tinedyer na babae ay sugatan lamang. Inutusan ng militar ang mga tagabaryo na bitbitin ang mga patay papuntang Tagum. Si Eman, na may tama sa hita at iika-ika, ay inialalayan pa ni Martin.

May ilang kilometro pagkalabas ng baryo, tumigil ang buong grupo. "Hindi na lang tayo magdadala ng buháy," sabi raw ng sarhento na CO ng militar. Unang pinatay ang babaeng buntis. Si Eman ay iniupo sa malaking bato. Pagkatapos ay inabutan si Martin ng .45 at sinabihan, "O, barilin mo."

Ayaw pang tumalima ni Martin sa simula. Pero mapilit ang militar, at sa bandang huli, ayon sa mga kuwento, si Eman na mismo ang nagsabi: "Sige, Martin, banatan mo na ako."

Isinubo ni Martin ang .45 sa bibig ni Eman at pinaputok iyon. Sabog ang likod ng ulo ni Eman. Pagbagsak niya, minsan pa siyang pinaputukan. Sa dibdib naman tumama ang punglo.

Pagdating sa Tagum, ang apat na disidente ay inihulog sa iisang hukay. Nang pabuksan ang hukay pagkaraan ng ilang linggo sa harap ng aking ina, nakitang may lubid sa paa ni Eman--isang indikasyon na parang tiniban, parang hayop na hinila ang kanyang bangkay sa daan. Agnas na ang mukha at mga kamay ni Eman, pero buo pa ang mga parte ng katawan niyang nakapaloob sa damit. Nakilala siya ng aking ina sa pamamagitan ng kanyang mga nunal; at kinumpirma ng ilang magsasaka, batay sa suot niyang damit, na iyon nga ang bangkay ng lalaking mahilig sumulat sa palara, marunong tumula, nagtuturo ng mga bagong titik para sa mga dating kanta, nagkukuwento tungkol sa kanyang nakaraan bilang welgista at instruktor sa kolehiyo at artista sa tanghalan.

Iyon na nga si Popoy Dakuykoy, ang "mahiyaing kabataang makata na lagi't lagi na lamang sumusulat ng huling tula," ang "kayumangging Rimbaud" na sa kalaunan ay naging "mandirigmang bayan."