“KAKUWANAN” 3
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang
Magasin ng Makabagong Macho
Enero-Pebrero 2003
KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba
Sexbomb Saturnalia
NANGGAGALAITI ang mga manang. Kinokondena nila ang
ngayo’y sikat na sikat na Sexbomb Girls. Malaswa raw ang mga suot at sayaw ng
mga ito. Nagbibigay daw ng masamang halimbawa sa kabataan.
Ang sexy starlet na si Diana Zubiri naman, kinasuhan ng
alkalde ng Mandaluyong. Grabeng iskandalo raw ang ginawa niya nang magpiktoryal
siya nang nakabikini sa isang flyover ng Edsa.
Pero pansinin ang reaksiyon ng maraming karaniwang
mamamayan. Parang naaaliw lang sila sa halip na nahahalayan.
Mataas na mataas ang ratings ng Eat Bulaga, ang programa sa telebisyon na nagtatambok, este,
nagtatampok sa Sexbomb Girls. Ang Sexbomberas naman, platinum na ang una nilang
CD—ibig sabihin, super-lakas ang benta. At marami sa fans nila ay mga batang
babae, na tuwang-tuwang gumagaya sa giling at gaslaw ng kanilang mga idolo.
Pilya pero walang malisya, seksi pero hindi bastos—ganyan yata ang dating ng
Sexbomb Girls.
Samantala, lumabas sa balitang pantelebisyon ang pagkuha
ng piktoryal ni Diana Zubiri. Habang ginagawa ang piktoryal, may dumaang mga
sasakyan . Halatang hindi naman naiskandalo ang mga nakasakay. Nakabungisngis
ang mga kumag, at tuwang-tuwang kumakaway kay Diana. Wala namang lumabas na
balita na nagkabuhol-buhol ang trapik sa flyover. Hindi naman
nagkabangga-bangaan ang mga kotse.
Lumilitaw, sa dalawang halimbawang ito, na ang ilang
bagay na may kinalaman sa seks ay malaswa at iskandaloso sa ilang tao—pero para
sa iba ay okey lang naman, ordinaryo na lang, kinatutuwaan pa nga.
Sa madaling salita, may nagaganap na pagbabago sa ating
lipunan. Nagbabago ang tinatawag na contemporary community standards, ang
pangkasalukuyang pamantayan at kostumbre ng komunidad, kung hindi man sa buong
Pilipinas ay sa kalunsuran. Oo nga’t maraming Pinay sa beach ang karaniwang
nakasuot pa rin ng paboritong Pinay swimwear—walang iba kundi one-piece bathing
suit na pinaiibabawan pa ng T-shirt at shorts. Pero hindi na nakakagimbal sa
marami ang bikini, sa beach man ito isuot, sa istudyo ng telebisyon, sa
entablado, o sa flyover.
Pana-panahon lang iyan. May panahong makita lang ang
sakong ng babae ay itinuturing ng kahalayan. May panahong hindi binibigyan ng
komunyon ang babaeng nakasuot ng blusang sleeveless, at hindi puwedeng walang
belo sa loob ng simbahan. Noong bagong labas ang mini ay napapasusmaryosep ang
mga lola, takot na takot na sa impiyerno babagsak ang mga apo nilang lantad
hindi lamang ang sakong kundi pati hita.
Lugar-lugar din iyan. Sa ilang komunidad sa norte na hindi
pa napapasok ng Kristiyanismo, hindi malaswa kung nakabahag ang lalaki at
topless ang babae. Pero sa mga lugar sa sur na saklaw ng Islam, kailangang
laging nakabelo at balot na balot ang babae.
Sa pana-panahon at sa iba’t ibang lugar, lagi’t laging
may tumututol sa pagbabago, sa pananamit man o sa kaisipan. Halimbawa, nang
igiit ni Galileo noong Dekada 15 na ang mundo ang umiikot sa araw, at hindi
araw ang umiikot sa mundo, nilitis siya ng Simbahang Katoliko, pinagbawalang
magturo, at hinatulan ng house arrest. Nitong 1992 na lamang siya opisyal na
pinawalang-sala ng Simbahang Katoliko. Opo, 1992, pagkaraan ng halos 500 taon!
Sa maniwala kayo’t sa hindi, kahit nga ang pagdiriwang
ng Pasko ay tinutulan ng mga relihiyosong Kristiyano noong umpisa.
Hindi malinaw sa Bibliya kung anong araw talaga
ipinanganak si Kristo. Hindi pa naman naiimbento noon ang kalendaryong
ginagamit natin ngayon. Noong mga unang taon ng Kristiyanismo, ipinagdiwang ang
tinatawag nating Pasko sa iba’t ibang araw ng Disyembre, Enero at Marso. Noong
Siglo 5 na lamang napili ang Disyembre 25, AD 1, bilang petsa ng kapanganakan
ni Kristo.
May mga ayaw sa napiling petsa, dahil ang petsang iyon
ay kasunod ng mahabang pistang Romano—samakatwid ay pistang pagano—na kung
tawagin ay Saturnalia. Ito’y pista ni Saturn, ang diyos na kumain sa sarili
niyang mga anak. Saturn’s day o araw ni Saturn ang Saturday, na para sa atin ay
Sabado, katumbas ng banal na araw ng Sabbath.
Ipinagdiwang ang Saturnalia mula Disyembre 17 hanggang
24, halos kapetsa ng ating Simbang Gabi ngayon. Sa walong araw na ito,
nagbibigayan ng regalo ang mga pagano, bakasyon ang mga eskuwelahan at korte,
bawal ang makipagdigma, at magkasamang kumakain sa mesa ang mga alipin at
panginoon.
Ayos lang, di ba? Kaya lang, kung panahon ng
Saturnalia, ugali rin ng mga Romano na lumabas ng bahay na ang suot ay ang
kanilang panloob. Kung baga sa ngayon, para bang lumalabas sila sa kalsada na
nakasuot lang ng sando at brief, o bra at panty. Kostumbre rin sa panahong ito
na nagdadamit-babae ang mga lalaki at nagbibihis-lalaki ang mga babae, katulad
ng nakikita natin ngayon sa mga Gay Pride parade.
Ang lalo pang ipinagngingitngit ng mga saradong Kristiyano ay ang
pangyayaring kasabay ng Saturnalia ang iba pang seremonyang pagano. Isa na rito
ang sun worship, o pagsamba sa araw. Ang isa pa’y ang pagsasagawa ng mga
fertility rite, o ritwal na may kinalaman sa pagbubuntis at panganganak. Sa mga
ritwal na ito, walang anumang bawal sa pananalita at pagkilos ng mga mamamayan.
Walang censorship ang kaelyahan, kung baga.
Siyempre, ayaw ng mga manang niyan. Kaya noong Siglo 5,
ayaw nilang ipagdiwang ang kaarawan ni Kristo sa petsang Disyembre 25, dahil
puro kalaswaan at kahalayan at kademonyohan daw ang nangyayari bago sumapit ang
Pasko.
Isipin mo lang na sa mga kalsada ng Obando, sa pista ni
Santa Clarang pinong-pino, ay sumasayaw ang Sexbomb Girls habang nagrarap si
Andrew E., nagkukuwento ng mga green joke si Michael V. at namumudmod ng mga
kopya ng Toro at Remate ang nakabikining si Diana Z. Ganoon siguro ang
kapaskuhan noong panahon ng Saturnalia.
No comments:
Post a Comment