Wednesday, June 12, 2019

Araw ng Kalayaan

Sapagkat ngayon ang Araw ng Kalayaan (Freedom Day) o Araw ng Kasarinlan (Indepedence Day), naisipan kong ilabas dito ang isang lumang kolum na sinulat ko tungkol sa araw na ito. 


KALAYAAN

Tuwing Araw ng Kalayaan, marami kang maririnig na talumpating pumupuri sa kalayaan. At ang pinakamaingay sa pagpuri ay ang mga nasa poder na sumisikil at kumikitil sa kalayaan.
***
May nagsasabing malaya ang Pilipino. Malaya siyang maghalukay ng makakain sa basurahan. Malaya siyang matulog sa bangketa. Malaya siyang mamulubi at maghikahos.
***
Ito’y sinulat ni Andres Bonifacio noong 1896:
     “Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamayanan; ngayon, lagi nang ginagambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, balo’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila; ngayon, tayo’y malulunod na sa nagbabahang luha ng ina na nakitil ang buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam; ngayon, lalo’t lalo tayong nabibiliran ng tanikala ng pagkaalipin, tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan.”
     Halos isang siglo na ang nagdaraan; parang hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng Pilipinas. Palitan mo lamang ang mga salitang Kastila at isipin mong ang tinutukoy ay ang kasalukuyan.
***
Angkop pa hanggang ngayon ang sinabi ni Bonifacio tungkol na “nararapat nating gawin” batay sa sitwasyong inilahad niya sa itaas:
     “Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalong kaalipustaan at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipiangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.”
***
Sa dalawang magkahiwalay na sanaysay, nanawagan din si Bonifacio sa mga kababayan at mga kapatid na “idilat ang bulag na kaisipan” at “igayak ang loob sa pakikipaglaban.”
***
Dalawang taon din akong naging bilanggong pulitikal sa isang kampo militar, at dahil dito’y mahalagang-mahalaga sa akin ang kalayaan. Pero mahalaga rin sa tao ang dangal, at dahil dito, sa kabila ng pangamba at agam-agam, ay patuloy nakong nagsusulat tungkol sa mga bagay-bagay na maaaring maging dahilan ng muling pagkawala ng aking laya.
***
“Ang kalayaan,” ayon sa aliping si Jose Dolores sa pelikulang Burn!, “ay hindi ibinibigay. Ito’y kinukuha.”


Mula sa “ASISAKAPABA?”—kolum ni Jose F. Lacaba sa lingguhang tabloid na Star! Lumabas ang partikular na kolum na ito sa isyu na may petsang Hunyo 13-19, 1984.
     Ang ibig sabihin ng pamagat ng kolum ay “Ano, Sino, Saan, Kailan, Paano, Bakit,” katumbas ng “Five W’s and one H,” na sa peryodismo ay siyang batayan sa pagtatanong kung ano ang kailangang makuha at mailabas na impormasyon: Who, What, Where, When, Why, How.
     Ayon naman sa impormasyon na nasa ibaba ng kolum ko: “Ang STAR! sa Pilipino ay inilalathala nang lingguhan ng Philworld Publications Inc., na ang Publisher ay si ISAAC G. BELMONTE, Executive Editor si BETTY G. BELMONTE at Editor si ANTONIO S. MORTEL. Photographer si VER VILLAMOR. Ang editorial at Business offices ay sa 202 Railroad Kanto ng 13th St., Port Area, Manila.”
     Kung hindi ako nagkakamali, ito ang tabloid na ngayon ay kilala sa pamagat na Pilipino Star Ngayon. Ang address nito ay 202 Roberto S. Oca Corner Railroad Sts. Port Area, Manila.