Showing posts with label Sa Panahon ng Ligalig. Show all posts
Showing posts with label Sa Panahon ng Ligalig. Show all posts

Monday, April 30, 2012

Uyayi sa Mga Klasikong Himig

 

Uyayi sa Mga Klasikong Himig

Para kay Oriang


1.

Himig: mula sa “Fate Symphony” ni Beethoven


Batang munti,
Tumakbo ka!
Madilim na at oras na ng pag-uwi.
Tumakbo ka, tumakbo ka, magmadali!
Naghihintay
Ang Nanay.

2.

Himig: mula sa “Sonata No. 10” ni Beethoven


Matulog na, batang munti,
Humiga at pumikit.
Matulog na, batang munti,
Ang Nanay ay aawit.

3.

Himig: mula sa “Eine Kleine Nachtmusik” ni Mozart


Meme na,
Ipikit ang iyong mata.
Meme, bunso ko,
Gabi ay narito.
Meme na,
Sa langit ay kumakanta
Ang buwan at tala
Na bantay ng bata.

Bukas na
Magmulat ng iyong mata,
Bukas bumangon
Paghuni ng ibon.
Paggising,
Ang araw ay nagniningning,
Simoy ng hangin
Sa ’yo’y maglalambing.


-------------------------------------------------
Mula sa aking out-of-print na kalipunang
Sa Panahon ng Ligalig
(Anvil Publishing, 1991)
-------------------------------------------------

 

ORIANG
Gloria Licad Lanot (August 15, 1917 - April 7, 2012)
(photo by Marra PL. Lanot) 

Ang “Oriang” na pinag-alayan ng uyayi o lullaby na ito ay ang aking biyenang si Gloria Licad Lanot, ina ng kabiyak kong si Marra PL. Lanot (at nakatatandang kapatid ng yumaong si Dr. Jesus Licad, na ama ng world-renowned pianist na si Cecile Licad).

Si Gloria Licad Lanot ay isang piyanista at piano teacher na matapos magretiro sa pagtuturo ay nakilala sa kanyang food-catering business at sa kanyang maliit na negosyo, ang nakaboteng spicy bangus na Oriang’s Bangus. Dahil dito, nakilala rin siya sa kalaunan sa bansag na Aling Oriang.

Retirado na si Mama nang magplano siyang maglabas ng libro. Ang isang nalathala ay ang Graded Piano Pieces Based on Philippine Folk Tunes. Pero may isa pa siyang pinoproyekto na hindi ko na maalala kung ano. Ang naaalala ko lang ay binigyan niya ako ng isang cassette recording na naglalaman ng mga bahagi ng tatlong classical tunes, at hiniling niyang lapatan ko ng letra o lyrics na Tagalog para sa kantang pambata.

Hindi natuloy kung anuman ang proyektong iyon, pero nagawa ko ang lyrics, na sa kalaunan ay isinama ko aking kalipunan ng mga tula na Sa Panahon ng Ligalig. Sa libro, ang pamagat nito ay “Mga Uyayi sa Klasikong Himig.” Pero ngayong muling binasa ko ang lyrics ay naisip kong iisang uyayi lang ito na inilapat sa tatlong pinagdugtong-dugtong na classical tunes.

Nitong nakaraang Biyernes Santo, Abril 6, ay isinugod namin si Mama Oriang sa emergency room ng ospital. Kinabukasan, Abril 7, na nagkataong Sabado de Gloria, pumanaw ang ang 94-na-taong si Gloria Licad Lanot.

Muli kong inaalay ang uyaying ito sa kanya. Paalam, Mama.

Wednesday, December 31, 2008

Brecht: KALAYAAN ANG KANIN NG BAYAN



Narito ang isa pang tula ni Bertolt Brecht na nabanggit ko sa huli kong post. Hinalaw ko ito, o in-adapt, sa halip na tuwirang isinalin. Ang salin nito sa Ingles ay tungkol sa hustisya sa halip na kalayaan, at may pamagat na “The Bread of the People” (“Das Brot des Volkes” sa orihinal na Aleman).

Bago siya nagretiro bilang Supreme Court chief justice, binanggit ni Hilario Davide ang tula ni Brecht sa isang talumpating binigkas sa isang international judicial conference. Sabi ni Davide: “Verily, good government depends upon a good judiciary…. Through networking in judicial reform, we shall make justice the strong foundation for national, regional, and even global progress, prosperity, and stability. We will make [justice] the bread of the people, in the words of Bertolt Brecht.”

For the full text of the Manila Bulletin news report on Davide’s speech, go to: <http://www.mb.com.ph/issues/2005/11/29/MAIN2005112950428.html>


Kalayaan ang kanin ng bayan

Halaw kay Bertolt Brecht


Kalayaan ang kanin ng bayan.
Kung minsan ito’y marami, kung minsan ay kulang;
kung minsan ay masarap, kung minsan ay walang lasa.
Kung kulang ang kanin, laganap ang gutom;
kung walang lasa, laganap ang ligalig.

Kung ang kanin ay isinaing
mula sa bigas na luma, bukbukin, mabato
at hindi inalisan ng palay,
hindi iyan dapat ihain sa tao.
Bagay lang diyan ay gawing kaning-baboy.

Sinaing, sinangag, sampurado,
lugaw, ampaw, pinipig, biko, aroskaldo--
kahit ano ang gawin mo sa bigas,
kung niluto nang walang pagmamahal sa kakain,
hindi mabubusog, hindi masisiyahan ang kakain.

Kung masarap ang kanin,
kahit walang ulam, kahit walang mapagdildilang asin,
puwede nang pagtiyagaan.

Kung kailangan ang kanin araw-araw,
kailangan din ang kalayaan
at hindi lamang tatlong beses sa isang araw.
Panahon man ng tagtuyot o panahong masagana,
kailangan ang kanin ng kalayaan.
At ang dapat magsaing
ay mismong ang bayang kakain.

Bigyan ang bayan ng kanin ng kalayaan
araw-araw,
masarap, marami, araw-araw.

--Halaw ni Jose F. Lacaba

Nalathala sa kalipunan kong Sa Panahon ng Ligalig: Tula, Awit, Halaw (Anvil Publishing, 1991). Out of print na rin ang librong ito.

Ang pinagbatayan ko ng aking halaw ay ang tekstong nasa librong Bertolt Brecht Poems 1913-1956, edited by John Willett and Ralph Manheim with the cooperation of Erich Fried. The book lists a group of translators on the contents page, but does not specify who translated which poem.

Narito ang unang stanza ng saling Ingles:

THE BREAD OF THE PEOPLE
By Bertolt Brecht

Justice is the bread of the people.
Sometimes it is plentiful, sometimes it is scarce.
Sometimes it tastes good, sometimes it tastes bad.
When the bread is scarce, there is hunger.
When the bread is bad, there is discontent.

The full text of the English translation can be read here: <http://www.bilkent.edu.tr/~yeldane/brecht.htm>.

Sunday, November 30, 2008

ANG MGA WALANG PANGALAN

Nahilingan akong basahin ang lumang tulang ito sa isang programa sa Bantayog ng mga Bayani, Quezon City, noong Setyembre 21, 2008, bilang paggunita sa ika-36 na anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar, o martial law.

Ang tula ay alay kay Leonor Alay-ay, drayber ng lider-manggagawa at abugadong si Rolando Olalia. Pinaslang si Olalia noong Nobyembre 13, 1986, siyam na buwan pagkaraan ng pag-aalsa sa EDSA na nagpabagsak sa rehimeng militar ni Ferdinand Marcos. Kasama niyang pinaslang ang kanyang drayber, na ni hindi pinangalanan sa ilang ulat, tulad ng report na ito ng Time Magazine noong Nobyembre 24, 1986: "On Thursday the stabbed and bullet-riddled bodies of Rolando Olalia, the president of the People's Party and the leader of the country's largest labor federation, and his driver were found beside a Manila highway."

Bagamat si Lando Olalia ang personal kong kakilala, naisipan kong sumulat ng tula tungkol sa hindi ko nakilalang si Leonor Alay-ay at tungkol sa iba pang katulad niyang hindi nakilala sa pangalan, at hanggang ngayon ay hindi kinikilala sa mga parangal para sa mga bayani at martir na nagbuwis ng buhay noong panahon ng batas militar. Alam kong hindi mamasamain ni Ka Lando na siya, ang bida sa mga diyaryo noong panahong iyon, ay hindi bida sa tulang ito.


Ang mga walang pangalan
Alay kay Leonor Alay-ay, drayber


Nalalaman na lamang natin
ang kanilang mga pangalan
kung sila’y wala na.
Subalit habang nabubuhay,
sila’y walang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan.
Hindi sila naiimbitang
magtalumpati sa liwasan,
hindi inilalathala ng pahayagan
ang kanilang mga larawan,
at kung makasalubong mo sa daan,
kahit anong pamada ang gamit nila
ay hindi ka mapapalingon.

Sila’y walang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
subalit sila ang nagpapatakbo
sa motor ng kilusang mapagpalaya.
Sila ang mga paang nagmartsa
sa mga kalsadang nababakuran
ng alambreng tinik,
sila ang mga bisig na nagwagayway
ng mga bandila ng pakikibaka
sa harap ng batuta at bala,
sila ang mga kamaong
nagtaas ng nagliliyab na sulo
sa madilim na gabi ng diktadura,
sila ang mga tinig na sumigaw
ng “Katarungan! Kalayaan!”
at umawit ng “Bayan Ko”
sa himig na naghihimagsik.
Sa EDSA sa isang buwan ng Pebrero,
sila ang nagdala ng mga anak
at nagbaon ng mga sanwits
at humarap sa mga tangke
nang walang armas kundi dasal,
habang nasa loob ng kampo,
nagkakanlong, ang mga opisyal
na armado ng Uzi.

Wala silang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
itong mga karaniwang mamamayan,
pambala ng kanyon at kakaning-itik,
na matiyagang kumilos at
tahimik na nagbuklod-buklod at
magiting na lumaban
kahit kinakalambre ng nerbiyos,
kahit kumakabog ang dibdib.

Wala silang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
subalit sila’y
naglingkod sa sambayanan
kahit hindi kinukunan ng litrato,
kahit hindi sinasabitan ng medalya,
kahit hindi hinaharap ng pangulo.
Sila’y naglingkod sa sambayanan,
walang hinahangad
na luwalhati o gantimpala
kundi kaunting kanin at ulam,
kaunting pagkakakitaan,
bubong na hindi pinapasok ng ulan,
damit na hindi gula-gulanit,
ang layang lumakad
sa kalsada tuwing gabi
nang hindi sinusutsutan ng pulis
para bulatlatin ang laman ng bag,
isang bukas na may pag-asa’t aliwalas
para sa sarili at sa mga anak,
isang buhay na marangal
kahit walang pangalan,
kahit walang mukhang madaling tandaan.


--Jose F. Lacaba

Mula sa kalipunang Sa Panahon ng Ligalig (Anvil Publishing, Maynila, 1991). Out of print na ang librong ito.