Nahilingan akong basahin ang lumang tulang ito sa isang programa sa Bantayog ng mga Bayani, Quezon City, noong Setyembre 21, 2008, bilang paggunita sa ika-36 na anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar, o martial law.
Ang tula ay alay kay Leonor Alay-ay, drayber ng lider-manggagawa at abugadong si Rolando Olalia. Pinaslang si Olalia noong Nobyembre 13, 1986, siyam na buwan pagkaraan ng pag-aalsa sa EDSA na nagpabagsak sa rehimeng militar ni Ferdinand Marcos. Kasama niyang pinaslang ang kanyang drayber, na ni hindi pinangalanan sa ilang ulat, tulad ng report na ito ng Time Magazine noong Nobyembre 24, 1986: "On Thursday the stabbed and bullet-riddled bodies of Rolando Olalia, the president of the People's Party and the leader of the country's largest labor federation, and his driver were found beside a Manila highway."
Bagamat si Lando Olalia ang personal kong kakilala, naisipan kong sumulat ng tula tungkol sa hindi ko nakilalang si Leonor Alay-ay at tungkol sa iba pang katulad niyang hindi nakilala sa pangalan, at hanggang ngayon ay hindi kinikilala sa mga parangal para sa mga bayani at martir na nagbuwis ng buhay noong panahon ng batas militar. Alam kong hindi mamasamain ni Ka Lando na siya, ang bida sa mga diyaryo noong panahong iyon, ay hindi bida sa tulang ito.
Ang mga walang pangalan
Alay kay Leonor Alay-ay, drayber
Nalalaman na lamang natin
ang kanilang mga pangalan
kung sila’y wala na.
Subalit habang nabubuhay,
sila’y walang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan.
Hindi sila naiimbitang
magtalumpati sa liwasan,
hindi inilalathala ng pahayagan
ang kanilang mga larawan,
at kung makasalubong mo sa daan,
kahit anong pamada ang gamit nila
ay hindi ka mapapalingon.
Sila’y walang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
subalit sila ang nagpapatakbo
sa motor ng kilusang mapagpalaya.
Sila ang mga paang nagmartsa
sa mga kalsadang nababakuran
ng alambreng tinik,
sila ang mga bisig na nagwagayway
ng mga bandila ng pakikibaka
sa harap ng batuta at bala,
sila ang mga kamaong
nagtaas ng nagliliyab na sulo
sa madilim na gabi ng diktadura,
sila ang mga tinig na sumigaw
ng “Katarungan! Kalayaan!”
at umawit ng “Bayan Ko”
sa himig na naghihimagsik.
Sa EDSA sa isang buwan ng Pebrero,
sila ang nagdala ng mga anak
at nagbaon ng mga sanwits
at humarap sa mga tangke
nang walang armas kundi dasal,
habang nasa loob ng kampo,
nagkakanlong, ang mga opisyal
na armado ng Uzi.
Wala silang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
itong mga karaniwang mamamayan,
pambala ng kanyon at kakaning-itik,
na matiyagang kumilos at
tahimik na nagbuklod-buklod at
magiting na lumaban
kahit kinakalambre ng nerbiyos,
kahit kumakabog ang dibdib.
Wala silang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
subalit sila’y
naglingkod sa sambayanan
kahit hindi kinukunan ng litrato,
kahit hindi sinasabitan ng medalya,
kahit hindi hinaharap ng pangulo.
Sila’y naglingkod sa sambayanan,
walang hinahangad
na luwalhati o gantimpala
kundi kaunting kanin at ulam,
kaunting pagkakakitaan,
bubong na hindi pinapasok ng ulan,
damit na hindi gula-gulanit,
ang layang lumakad
sa kalsada tuwing gabi
nang hindi sinusutsutan ng pulis
para bulatlatin ang laman ng bag,
isang bukas na may pag-asa’t aliwalas
para sa sarili at sa mga anak,
isang buhay na marangal
kahit walang pangalan,
kahit walang mukhang madaling tandaan.
--Jose F. Lacaba
Mula sa kalipunang Sa Panahon ng Ligalig (Anvil Publishing, Maynila, 1991). Out of print na ang librong ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
Magandang gabi po ginoo.
Ako po si Dondi De Joya ng De La Salle University. Matagal ko na pong binabasa ang mga tula ninyo at taimtim niyo pong naimpluwensiyahan ang estilo ng aking pagsulat.
Salamat po at mabuhay po kayo! =)
Graduate ka na siguro by now. Pasensiya ka na sa senior citizen na inaabot ng taon bago sumagot o magpasalamat. Salamat sa papuri at mabuhay ka!
Pasensya na po, sir. May typo ho ba dito - "pamada" ba o "pomada"?
Post a Comment