KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba
Eskuwelahang Bastos
NGAYONG pasukan na, baka maungkat na naman ang kontrobersiyal na Basic Education Curriculum—lalong kilala sa bansag na Makabayan Curriculum—na kasalukuyang ipinapatupad ng Department of Education.
Sa bagong kurikulum na ito, nahahati sa limang learning area ang mga dapat pag-aralan nina Totoy at Nene—Filipino, English, Science, Mathematics, at Makabayan. Saklaw ng Makabayan ang araling panlipunan, kasaysayan, teknolohiya, kabutihang-asal, musika, sining, edukasyong pantahanan at pangkabuhayan, edukasyong pangkatawan at pangkalusugan, at iba pang makabagbag-utak na sabjek.
Ewan ko lang kung ano ang ibig sabihin ng “edukasyong pangkatawan.” Katawang panromansa kaya ang tinutukoy dito? Dito kaya itinuturo ang tungkol sa maseselang bahagi ng katawan na kilala rin natin sa mga katawagang talong at tahong, manoy at monay?
Baka hindi, dahil hindi naman umaalma ang mga manang at monsinyor. Kung may pagtutol man sa Makabayan Curriculum, ito’y sa dahilang nabawasan daw ang oras na nakalaan para sa siyensiya.
Ako naman, ang kuwestiyon ko ay ito: kung sa grade school at high school ay kailangan ang Araling Makabayan, sa pagtuntong ng kolehiyo ay kailangan din kaya ang Araling Makamundo?
Sa ibang bansa, sa maniwala kayo’t sa hindi, may ganitong mga paksang seryosong itinuturo at pinag-aaralan.
Sa siyudad ng Amsterdam, sa Netherlands, may bagong-tatag na paaralang ang pangalan ay Hanky Panky School. Ang misyon nito: bigyan ang mga pokpok ng “exclusive sales training” para lumago ang kanilang negosyo.
Sa Netherlands, legal ang prostitusyon. (Legal din ang marijuana, pero ibang usapan iyan.) Nagbabayad ng buwis ang mga pokpok. Higit sa lahat, itinuturing na isang tourist attraction ang red-light district.
Ayon kay Elene Vis, na kilala sa bansag na Five-Star Madam at siyang nagtayo ng Hanky Panky School, kabilang sa kurikulum ng kanyang eskuwelahan ang sumusunod: komunikasyon, presentasyon, paraan ng pananamit, at ang iba’t ibang posisyong ipinapakita sa librong Kama Sutra.
“Puwede nating tawaging sales techniques ang mga ito,” ani Mama-San Elene. “Kailangan mong ibenta ang iyong sarili, at hindi importante kung ang ibinebenta mo’y katawan mo o vacuum cleaner. Pareho lang ang pamamaraan.”
Ang tuwisyon para sa kakaibang kurso ni Elene ay $450—halos P25,000. Pero pagkagradweyt mo, posibleng kumabig ka ng halagang karaniwang kinikita ng mga babae’t lalaking nagtatrabaho sa escort agency na pag-aari rin ni Elene—$6,000 o mahigit sa P300,000 sa isang buwan, para sa 40 oras ng trabaho.
Ilang taon mong bubunuin iyan kung tindera ka lang ng tilapya sa talipapa?
Sa Vietnam naman, sa mala-Boracay na China Beach, balik-eskuwela daw ang ilang pokpok. Ang pinag-aaralan nila? Ingles!—ang napakahalagang paksa na kasalukuyang binibigyan ng karagdagang importansiya sa ating mga paaaralan! Tulad sa Amsterdam, ang layunin ng mga pokpok sa pag-aaral ng Ingles ay para tumaas ang kita.
Sabi ng isang putatsing: “Madalas, mayroon kaming mga kliyenteng dayuhan, pero napapahiya kami dahil hindi namin alam kung ano ang sasabihin para maakit sila.”
Ngayon, ayon sa ulat, nagbabayad sila ng $52 sa isang buwan—halos P3,000—sa titser na nagtuturo sa kanila kung paano sasabihin sa Ingles ang ganitong mga pangungusap: “Isang daang dolyar,” “Akina ang relo mo,” at “Gusto kong maging asawa mo.”
Di tulad sa Netherlands, ilegal ang prostitusyon sa Vietnam. Sa kabila nito, tinatantiyang may 37,000 jokard sa bansang iyon.
Samantala, sa Taiwan, iba namang klaseng sex school ang itinayo kamakailan. Ito ang Graduate Institute of Sexology, na nakabase sa Shu Te University. Pero ang mga estudyante rito ay hindi mga pokpok kundi mga mag-asawa.
“Kung hindi mabibigyan ng kaunting anghang ang sex life ng mag-asawa, maiipon ang mga kasiphayuan [frustrations] at sa kalaunan ay mawawasak ang pagsasama ng mag-asawa,” paliwanag ni Dr. Lin Yen-chin, ang namumuno sa paaralan.
Layunin ng instituto na magturo ng “quality sex” para mailigtas ang mga maligalig na matrimonyo at mabawasan ang diborsiyo. Ang Taiwan daw kasi ang may pinakamataas na antas ng diborsiyo sa buong Asya.
Bagamat walang Kolehiyo ng Kamunduhan dito sa ating bayang malibog, hindi tayo pahuhuli sa Netherlands, Vietnam, at Taiwan pagdating sa seks.
Wala man tayong Hanky Panky School, mayroon naman tayong mga programang pantelebisyon na ang galing-galing magturo ng giling-giling, at marami tayong pelikulang bold na nagpapakita ng iba’t ibang paikot-ikot sa Kamang Sutla, habang nagtuturo ng mahahalagang aral na tulad ng: “Kapag ang kikiam naging kikay, may humalukay.”
Pagdating sa spokening-dollar, talong-talo ng ating mga kalapating mababa ang lipad ang kanilang mga kalahi sa Vietnam. Isang sigaw lang ng “Hey, Joe! Wanna pakpak, Joe?” at tiyak na dapa agad ang kliyenteng dayuhan.
At hindi rin tayo binabagabag ng problema ng Taiwan. Ang antas ng diborsiyo dito sa atin ay hindi lang mababa—zero pa nga. Kasi, ayaw pumayag ng Simbahan na magkaroon ng diborsiyo dito. Kung may problema ang pagsasamahan ng mag-asawa, magdadala na lang si Misis ng macho dancer sa VIP room, at makikipaglambutsingan si Mister sa kalaguyo.
“KAKUWANAN” 8
Hindi nalathala,
dahil nagsara na ang
MAXIMO: Ang
Magasin ng Makabagong Macho