Thursday, April 25, 2013

KAKUWANAN 7: ANG TUNAY NA STELLA L.




“KAKUWANAN” 7
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Abril 2003


KAKUWANAN
Jose F. Lacaba


Ang Tunay na Stella L.

May Sister Stella L. na pelikula, at may Stella L. na bold star. Gusto kong ipakilala ang isa pang Stella L.

Siya si Stella Liebeck, at dahil sa kanya ay naitatag ang Stella Awards. Sa maniwala kayo o hindi, ang award na ito ay iginagawad sa mga Amerikanong nagdedemanda at humihingi ng danyos perwisyos—kahit sila na itong may kasalanan.

Nabalitaan ko ang tungkol sa kakaibang Stella Awards nang may matanggap akong email na pinamagatang “Katangahan Awards.” Ang laman ng email ay isang listahan ng mga diumano’y nominado para sa Stella Awards. Kabilang sa listahan:

Carl Truman ng Los Angeles. Nasagasaan ang kamay. Idinemanda ang kapitbahay na nakasagasa. Tumanggap ng danyos na $74,000—gayong nagulungan ang kamay niya habang ninanakaw niya ang hubcap ng Honda Accord ng kapitbahay.

Terrence Dickson ng Pennsylvania. Na-trap sa loob ng isang garahe na sira ang mga pinto. Walong araw sa garahe dahil nagbabakasyon ang pamilyang may-ari ng bahay, at walang makain kundi nakaimbak na dog food at Pepsi. Nagdemanda dahil sa dinanas niyang mental anguish. Tumanggap ng danyos na $500,000—gayong katatapos lang niyang nakawan ang bahay nang ma-trap siya sa loob ng garahe.

Nang mabasa ko ang email tungkol sa mga kasong ito, napabilib ako sa kapal ng mukha at tapang ng apog ng mga kumag na nagdemanda. Lalo akong napabilib sa galing ng mga abugado nila.

Kaya lang, nalaman ko pagkatapos na puro pala gawa-gawa lang ang mga kuwento sa natanggap kong email. Ayon sa www.snopes.com, ang website na tagabuking ng mga tinatawag na urban legend, ang mga kaso nina Truman, Dickson atbp. ay pawang imbento ng mga pilyong malilikot ang imahinasyon.

Pero teka. Mayroon talagang Stella Awards, at mayroong tunay na Stella Liebeck.

Ito ang totoo. Sa isang siyudad sa Estados Unidos, bandang 1992, noong 81 anyos si Stella L., bumili siya ng kape sa McDonald’s. Sa loob ng nakahintong kotse, inipit niya ang sisidlan ng kape—ewan ko lang kung paper cup o styrofoam—sa pagitan ng kanyang mga tuhod. Pagkatapos, inalis niya ang takip para maglagay ng asukal at cream.

Sa kasamaang-palad, tumapon ang napakainit na kape. Nalapnos ang balat ni Stella. Ewan ko lang kung aling maseselang bahagi ng kanyang katawan ang nadale, pero inabot daw ng dalawang taon bago tuluyang nagamot.

Ang ginawa ni Stella, idinemanda niya ang McDo. Bakit daw walang babala ang McDo na sobrang mainit ang kape nito? Dumanas tuloy siya ng sakit sa katawan at pagkabalisa sa isip. Nilabanan ng McDo ang kaso. E kung hindi ba naman daw nuno ng katangahan itong si Stella, e bakit daw hindi siya nag-ingat sa pagbubukas ng sisidlan ng kape?

Kaso, talo ang McDo. Nagdesisyon ang korte na dapat bayaran si Stella ng danyos perwisyos na umaabot sa $2.9 milyon!

Iyan naman ang gusto ko sa mga Amerikano. Hindi lamang sila mareklamo, malakas pa ang loob nilang magdemanda. Samantalang tayong mga Pinoy, masyado tayong matiisin at mapagpatawad. Tulad ko.

Noong isang buwan lang, nagpa-deliver ako sa Max’s, at isa sa mga order ko ay chopsuey. Hiniling ko na ang chopsuey ay walang vetsin at walang karne. Talaga naman daw hindi sila gumagamit ng vetsin. Okey ngarud. Kaso, pagdating ng chopsuey, may kung ano-anong karne at laman-loob ng mga hayop na matagal ko nang hindi nilalamon.

Dahil Pinoy tayo, hindi ko naisipang maghabla. Tumawag na lang ulit ako sa Max’s para ipaabot ang aking hinaing. Ang sa akin lang, mailabas ang inis. Ang aleng kumuha ng order ko ay humingi ng tawad at nag-alok na papalitan ang chopsuey. Pero gutom na ako. Ayoko nang maghintay na naman ng kalahating oras. Inalis ko na lang ang karne at inulam ang gulay.

Kung Amerikano siguro ako, kinasuhan ko na ang Max’s dahil hindi nila iginalang ang aking pagka-vegetarian at dinulutan nila ako ng matinding bagabag. Baka milyonaryo na ako ngayon—o isang dekada mula ngayon, dahil super-bagal ang ating mga hukuman.

Bilang pagkilala sa tagumpay ni Stella Liebeck, may nagtatag ng Stella Awards sa Internet (www.stellaawards.com). Narito ang ilang totoong nominado para sa Stella Awards ng 2002:

Deanna Brown Thomas and Yamma Brown Lumar, mga anak ng mang-aawit na si James Brown, kilala sa bansag na Godfather of Soul. Inihabla ang ama dahil inalisan sila ng mana. Humingi ng mahigit sa $1 milyon bilang royalties o porsiyento ng kita sa 25 kanta ni James Brown, dahil tumulong daw sila sa pagsulat ng mga iyon—kahit paslit pa sila nang mag-hit ang mga kantang iyon.

Robert Paul Rice, bilanggo sa Utah. Inihabla ang Utah Department of Corrections dahil hindi raw siya pinapayagang magpraktis ng kanyang relihiyon. Ang relihiyon daw niya ay Druidic Vampire, pero ayaw daw siyang payagang makasiping ang isang babaeng bampira at hindi raw siya binibigyan ng kailangan niyang pagkaing bampira—dugo, nofi?

At ang nagwagi ng Stella Award ng 2002… Janice Bird, Dayle Bird Edgmon, at Kim Bird Moran ng California, magkakapatid. Inihabla ang isang ospital dahil nahirapan daw ang loob nila nang makita nilang dinadala ng mga doktor ang ina nila sa emergency room.

Hindi nanalo sa korte ang mga kasong ito.


No comments: