Sunday, April 14, 2013

KAKUWANAN 6: BOMBA STAR!



“KAKUWANAN” 6
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang Magasin ng Makabagong Macho
Abril 2003

KAKUWANAN
Ni Jose F. Lacaba


Bomba Star!

BUWISIT na giyera iyan.

Sa halip na matapos ko nang maaga ang kolum na ito, naubos ang oras ko sa kapapanood ng telebisyon.

Paglabas ng kolum na ito ay maaaring durog na ang Iraq. Ewan din natin. Pero habang nagsusulat ako ay patuloy pa itong inuulan ng bomba.

Ako pa naman, nahihirapang magsulat kung may bagabag na gumugulo sa isip o ngitnit na nagpapatiim ng bagang. At talaga namang nakakabagabag ang napapanood kong pagbakbak sa mga mamamayan at gusali ng Iraq. Talaga ring nakakangitngit ang naririnig kong ipokritong dakdak ng mga nagpapaulan ng bomba.

Sabi ng embahador ng Estados Unidos sa Pilipinas, dapat daw ay pabor tayo sa ginagawa ng mga Amerikano. Ang gusto raw nila’y tulungan ang sambayanang Iraqi na pabagsakin ang diktador ng Iraq na si Saddam Hussein. Noong gusto rin nating paalisin sa poder ang sarili nating diktador na si Ferdinand Marcos, tinulungan din daw tayo ng mga Amerikano.

Excuse me lang. Nang pagsabihan si Macoy ng isang senador na Amerikano na bumitiw na, at bumitiw nang maayos—Cut, and cut cleanly, ’ika—nasa kasukdulan na ang pag-aalsa sa Edsa at nasa bingit na ng pagbagsak ang ating diktador. Sa madaling salita, sinakyan na lang ni Uncle Sam ang tagumpay ng bayan. At pagkatapos ay buong giliw pa niyang kinupkop si Macoy sa Hawaii.

At saka, kahit gaano naman katindi ang galit natin kay Macoy, gugustuhin kaya natin na araw-araw ay paulanan ng bomba ang Pilipinas para lang mapatalsik siya?

Ito namang mabunyi nating kalihim ng usaping panlabas, na dati’y mabunying ayudante ni Macoy, ay may pahayag din. Makabubuti daw sa Pilipino ang pagwasak sa Iraq. Pagkatapos kasi ng giyera, lalong kakailangangin ang serbisyo ng ating mga overseas contract worker na Pinoy—karpintero, kantero, tubero, inhinyero atbp.—para sa rekonstruksiyon ng Iraq.

Idagdag na rin kaya natin, Kagalang-galang na Kalihim, na kakailanganin din ng mga sundalong Amerikano—na siguradong magbabase sa Iraq—ang serbisyo ng ating mga mapagkalingang GRO at pokpok mula sa mga bar ng Angeles at Olongapo.

Wow! Tiyak na tiba-tiba na naman ang ating bansa sa limpak-limpak na dolyares na iuuwi ng ating mga Bagong Bayani.

Ayoko na sanang patulan ang mga pahayag ng mga kagalang-galang na opisyales na ito. Mas kagalang-galang kasi sila sa akin. At saka, mas gusto sana natin sa magasing ito na magpista na lang ang ating mga mata sa alindog ng mga bold star, kaysa magkaalta-presyon sa kaiisip sa tanong na kumalat sa text: “Bakit pumutok ang giyera sa ikatlong araw ng ikatlong linggo ng ikatlong buwan sa ikatlong taon ng ikatlong milenyum? Simula na ba ito ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig?”

Pero mahirap umiwas sa masamang balita. Hanggang sa pagtulog ay iniinis ako ng pinakabastos na Bomba Star sa buong mundo—ang war freak na pangulong may initials na GWB.

Sa aking bangungot ay naririnig ko ang talumpati ni GWB (Gago Wangbu Butangero) sa pagtitipon ng Militarily Advanced Democratic Coalition Of the Willing (MAD COW):

“Talagang salbahe iyang si Satanas Hudassein. Biruin n’yo, binabagsakan na namin ng tone-toneladang bomba ang Iraq ay ayaw pa ring sumuko o magbitiw o mangibang-bayan o mamatay. Hindi ba siya naaawa sa kanyang mga kababayan?

“At mapanlinlang siya. Ang mga armadong tauhan niya ay pinagkunwari niyang sibilyan para malapitan at mabanatan ang mga puwersa namin. Hindi yata patas ang ganyang laban. Kanyon at bomba ang itinitira namin sa kanila. E, bakit baril ang sagot nila? Isa pa, ginagastusan namin ang mga uniporme at helmet at botas ng mga sundalo namin. Me dogtag at backpack pa ang mga iyan. E, bakit sila, unipormeng sibilyan ang suot? At nakatsinelas lang. Ano’ng tingin nila sa sarili nila, Viet Cong?

“Kung hindi ba naman madaya iyang si Saddam, bakit niya ipinupuwesto ang mga palengke at eskuwelahan sa mga lugar na babagsakan namin ng bomba? Pagkatapos, magrereklamo siya na ang daming namamatay at nasusugatang bata, matanda, at babae! Ang mga bomba namin, para sa inyong kaalaman, ay precision weapons of mass destruction. Ang pinupuntirya at tinatamaan ng mga ito ay mga tiyakang target na militar, tulad ng mga helicopter at hukbo ng Britanya.

“Eto pa ang isa. Pag ang mga tropa niya e me nahuling sundalong Amerikano o Britaniko, ipinapakita nila sa telebisyon. Hindi ba nila alam na ilegal iyan? Bawal iyan sa ilalim ng Geneva Convention! Karima-rimarin iyan! Oo, sinalakay namin ang Iraq kahit walang basbas ng United Nations Security Council—pero wala namang bawal sa Amerikano sa ilalim ng Geneva Convention. Ano ba iyang Geneva Convention? Ano’ng kinalaman diyan ni Geneva Cruz?

“Dapat talaga, huwag nilang idispley ang mga bihag at bangkay. Para kung sasabihin nilang meron silang nahuli o napatay, puwede naming sabihin na sinungaling sila, nagpopropaganda lang sila.

“Hindi ko naman maintindihan itong mga mamamayang Iraqi. Bakit sila iiyak-iyak at padrama-drama pa na may mga benda sa ulo? Hindi ba nila alam na ang mga bombang Amerikano ay naghahasik ng demokrasya? Pasalamat sila at binabanatan namin sila. Ginagawa namin ito para sila lumaya—at para malaya naming makamkam ang oil fields nila.

“Pagdating ng araw ng kalayaan, hahatiin namin ang Iraq sa tatlong bahagi: Premium, Unleaded, at Diesel.”

No comments: