“KAKUWANAN” 5
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang
Magasin ng Makabagong Macho
Abril 2003
Ni Jose F. Lacaba
Spokening England
Gusto ni
Presidente Glo, pausuhin na naman ang spokening England. Kailangan daw na
ibalik ang Ingles bilang pangunahing wika o midyum sa pagtuturo, lalo na sa
pagtuturo ng math at science sa elementary at high school.
Kasi raw, kailangan natin ang Ingles para umunlad.
Kailangan daw natin ang Ingles para matuto ng matematika at siyensiya.
Kailangan daw natin ang Ingles para maging globally competitive.
At siguro, kailangan natin ang Ingles para
makipagtsikahan at makipaglambutsingan sa mga GI Joe na narito sa bansa natin
ngayon para balikatin ang Balikatan.
Sa ano’t anuman, agad na nagpahayag ng suporta ang mga
Pinoy na eksperto sa wrss-wrss. Sabi ng isang titser na napanood ko sa TV (at
hindi ko po ito iniimbento): “Awar ischudents mas imprub da wey dey ispik
Ingglis.”
Sa isyung ito, kumampi rin kay Ate Glo si Lucio Tan.
Opo, si Lucio Tan, ang taipan na kung tawagin ay Kapitan. Narinig na ba ninyo
kung paano kinakalantog ni Kapitan ang lengguwahe ni Shakespeare? O e bakit
megasuperyaman siya at globally competitive pa, me negosyo sa Guam at kung
saan-saan? Kung totoong mahina ang asenso ng mahina sa Ingles, dapat ay
nagkakalahig lang iyan sa Payatas.
Di kalaunan, isang munisipalidad sa Ilokoslovakia ang
gumaya din kay Ate Glo. Ang mga opisyales ng munisipalidad na iyon (tawagin na
lang nating Santa Banana, para huwag nang madagdagan ang kahihiyan ng kanyang
mga residente) ay naglabas ng kautusan na ibalik ang Ingles bilang pangunahing
midyum ng pagtuturo.
Alam ba ninyo kung bakit? Dahil dalawang taga-Santa
Banana na magtatrabaho sana bilang domestic helper sa isang bansang Arabo ang
pinauwi—pinabalik sa Santa Banana—nang nalaman ng mga Arabo na mahina silang
umingles.
E ang gusto pala ng mga Arabo ay mga atsay na
magsisilbi ring tutor sa Ingles ng kanilang mga anak!
Ngayon ay malinaw na siguro sa atin kung anong klaseng
global achuchu ang pinupuntirya ng spokening England. Ang layunin ng kautusan
ay lumikha ng global na utusan.
At saka global na japayuki.
At saka global na mekaniko at piyon.
Math at science? Dassalassa nonscience. Magiging
mahalaga sa kanila ang math para hindi sila madenggoy sa suwelduhan o sa tip,
at may silbi ang science para alam nila kung ilang DVD player ang mapagkakasya
nila sa isang balikbayan box.
Pero kung talagang Ingles ang susi sa matematika at
siyensiya, e bakit ayon sa isang survey ay mas magaling sa matematika at
siyensiya ang mga estudyante ng Japan at China at Thailand gayong hindi naman
sila marunong umingles?
Laging sinasabi na puspusang nag-aaral ng Ingles ang
maraming Hapones at Tsino at Tailandes. Totoo iyan. Pinag-aaralan nila ang
Ingles—bilang isang subject, bilang wika—pero hindi Ingles ang ginagamit na
midyum ng pagtuturo sa kanilang mga bansa, kundi ang kani-kanilang sariling
wika.
Pinagtatawanan pa nga natin ang Ingles nila. Naaalala
ba ninyo ang mga Love Bus noong araw? Sa loob ay may maliliit na karatulang
nagsasabing “Push Button When Get Off.” Mas magaling pa rin, kung tutuusin, ang
Ingles natin sa mga Hapones na gumawa ng karatula. Pero ang mga Hapones na
baluktot ang Ingles ang siyang gumawa ng mga bus, samantalang tayo—inangkat
lang natin ang mga bus, second-hand pa.
Kahit sa Singapore, na Ingles na nga ang midyum ng
pagtuturo, makakarinig ka ng ganitong usapan, ayon sa isang artikulong lumabas
noon sa New York Times: “Got coffee or
not?” “Got!” “You have milk, is it?” “Also have.” “Join me, don’t shy!”
O, natatawa tayo. Pero mas maunlad at mas mayaman ang
Singapore sa atin, at sa tingin ko’y hindi dahil sa Ingles kung kaya sila
maunlad at mayaman, kundi dahil hindi masyadong uso sa mga taong-gobyerno doon
ang pandarambong at pangungurakot at pangongotong.
Sa totoo lang, kaya tayo namomroblema ngayon ay dahil
nga maayos-ayos tayong umingles kumpara sa marami pang ibang bansa. Sa halip na
magturo ng matematika at siyensiya sa kabataang Pilipino, ang marami sa ating
mga titser ay naroon sa Singapore, at sa Hong Kong, at sa Saudi, naghuhugas ng
puwit ng mga batang banyaga na kinakausap nila sa Ingles.
Ang gustong mangyari ng gobyerno ay lumikha ng laksa-laksa
pang mamamayang maalam sa Ingles, para tayo ang kilalaning tagahugas ng puwit
ng buong mundo.
Sa gayon, makakapagpadala tayo sa Pilipinas ng
milyon-milyong dolyar na siyang magsisilbing makina ng pag-unlad at pagsulong
ng bansa.
Kung talagang kailangan nating magpakadalubhasa sa
Ingles para umunlad, lubus-lubusin na kaya natin. Ang Ingles ay gawin nating
hindi lamang pangunahin kundi natatanging
midyum ng pagtuturo. Sa gayon, hindi na magrereklamo ang mga Bisaya at Ilokano
na itinutulak natin ang Filipino alyas Pilipino alyas Tagalog para isulong ang
imperyalismong Maynila.
Kung tutuusin, hindi naman eskuwelahan ang nangungunang
tagapagpakalat ng sariling wikang pambansa. Kaya ipagbawal na rin ang
pelikulang Tagalog—puro din lang malalaswa ang mga iyan. OPM sa Ingles na lang
ang patugtugin. Isalin sa Ingles ang mga telenovelang Espanyol at animeng
Hapones. Ibalik ang Ingles sa mga balitang panradyo at pantelebisyon, sa mga
advertisement at commercial.
Higit sa lahat, buhayin na lang natin ang Statehood
Movement. Kung tayo na ang ika-51 estado ng Estados Unidos, magiging Ingles na
ang ating wikang pambansa, magkakaroon pa tayo ng snow.
No comments:
Post a Comment