Friday, August 31, 2012

ISA PANG LUMANG KOLUM PARA SA BUWAN NG WIKA

Sapagkat ngayon ang huling araw ng Buwan ng Wika, ihinahabol ko itong isa pang nahalukay kong lumang kolum tungkol sa wika, mula sa ngayo'y defunct nang diyaryong Pinoy Times.
 
KUNG SA BAGAY
Jose F. Lacaba
Pinoy Times, 2000 Agosto 28

Problema sa wika

AGOSTO rin noong isang taon nang lumabas ang balitang ito.

Nagtalo ang dalawang lasing sa Sta. Cruz, Maynila. Ang pinagtalunan nila ay isang utos na inilabas ni Presidente Erap. Inutusan ng Presidente ang mga nagtatrabaho sa gobyerno na gamitin ang wikang Pilipino sa mga opisyal na komunikasyon, transaksiyon, at pulong.

Hindi pa naman nangyayari sa Pilipinas ang mga rayot sa India na bunga ng mga opisyal na patakaran sa pambansang wika. Pero hindi pahuhuli itong dalawang lasing sa Sta. Cruz.

Ang tagapagtaguyod ng Pilipino ay isang tagatawag ng mga pasahero sa dyip. Ang kanyang kadebate, ang tagapagtanggol ng Ingles, ay isang tindero ng sigarilyo.

Tinuya ng maka-Pilipino ang kanyang kainuman. Bakit daw nito ipinagtatanggol ang Ingles ay bobo naman ito sa Ingles?

Ayun, nag-amok ang maka-Ingles. Inundayan niya ng saksak ang umaalaska sa kanya. Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang kampon ni Balagtas.

May kasabihan tayo: ang pikon, talo. Sa kasong ito, talo nga siguro ang pikon pagdating sa argumento. Pero ang alaskador—dedbol.

Ano ang leksiyon nito para sa ating lahat? Malay ko. Siguro, huwag na lang patulan ang maiingay na kampeon ng Ingles, lalo na kung bobo sa Ingles. Siguro, mabuti na rin at nakalimutan natin na Buwan ng Wika ngayon. Baka mas marami pang magpatayan sa ating mga kababayan.

Pupusta ako. Ni hindi ninyo alam na ang buwan ng Agosto ay opisyal na itinakda bilang Buwan ng Wika. Baka hindi nga ninyo alam na ang dating Linggo ng Wika ay napalitan na ng isang buong buwan.

Isang Panggalatok, ang dating Pangulong Ramos, ang nagpahaba ng panahon ng pagpapahalaga sa pambansang wika. Ngayong Tagalog na ang nakaluklok sa Malakanyang, wala nang nakaalaala sa Buwan ng Wika.

Kung sa bagay, maraming mas mabibigat na problemang kinakaharap ang bansa ngayon. May mga hostage pa ang Abu Sayyaf sa Mindanao. Hindi pa tumutupad ang JELP ni Erap sa mga rekisitos ng munisipyo ng Antipolo. At patuloy na kumakalat ang mga salbaheng tsismis na buntis si Jolina at terorista si Gemma.

Sa harap ng ganitong mga batayang suliranin, bakit kailangan pang problemahin ang pambansang wika?

Ewan ko sa inyo, pero lagi ko itong pinoproblema. Kaya ko nga naalaala ang Buwan ng Wika ay dahil pinoproblema ko itong nakasingit na flier sa diyaryong idineliber kanina.

Anunsiyo ito ng isang spa sa Quezon City. Nagbibigay ng malaking diskuwento para sa mga serbisyong katulad ng shiatsu at Swedish massage. At nananawagan sa wikang Ingles, o sa wikang mapagkakamalang Ingles: “Avail promo while supply last.”

Hindi ko na bubusisiin ang paggamit ng avail (karaniwang “avail yourself of” sa ordinaryong Ingles ng Amerika at Inglatera) at ang pagka-plural ng last. Ang gusto kong malaman ay kung ano ang supply na baka maubusan.

May posibilidad bang maubos ang supply nila ng shiatsu at Swedish massage? O baka naman naubusan lang sila ng supply ng Ingles?



P.S. 2012. Sa Cambridge International Dictionary of English, ang avail ay kabilang sa “verbs that require a reflexive pronoun,” kaya avail yourself of. Sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary: Eleventh Edition (2003), pasok na ang avail of. Pero sa Pinoy English pa lang yata ginagamit ang avail bilang transitive verb na may object, as in, avail promo.

Thursday, August 23, 2012

3 LUMANG KOLUM PARA SA BUWAN NG WIKA

 
Bilang paggunita sa Buwan ng Wika, ngayong Agosto 2012, ipinopost ko ngayon ang tatlong lumang kolum tungkol sa wikang pambansa na sinulat ko noong 1998 para sa pahayagang Diario Uno.


SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Setyembre 08

Lipat-wika

SA KANYANG talaan na inilalabas ng Diario UNO bilang kolum, inekstra ako nitong nakaraang buwan ng yumaong katotong Rogelio R. Sicat.

“May mga dating manunulat sa Ingles na lumipat sa Pilipino nang ang huli’y mauso noong mga 1970,” aniya. “Kabilang dito sina Rolando Tinio, tubong Nueva Ecija, at Jose Lacaba, tubong Cagayan de Oro ngunit lumaki na sa Pateros.”

Idinagdag pa Roger S.: “Nag-Taglish si Tinio sa kanyang tula ngunit kanyang iniwan at nagbalik sa Pilipino, kolokyal at pormal. Naghimagsik sa ‘puristang’ Pilipino si Lacaba at ang wika niyang ginamit ay hindi Taglish, manapa’y magaang na Pilipino. At ang dalawang manunulat na ito ay kapwa magaling sumulat.”

National Artist na ang yumaong si Rolando Tinio, at hindi malayong maging National Artist din si Roger. Siyempre pa, pumapalakpak ang tenga ko sa ganyang papuri. Pero kailangan kong iwasto ang datos ni Roger.

Hindi lamang “noong mga 1970” ako lumipat sa Pilipino. Sa mula’t mula, nagsusulat na ako sa Pilipino, hindi nga lamang nalathala agad sa mga pambansang publikasyon. Mas tamang sabihin na matagal na akong palipat-lipat sa Ingles at Pilipino.

Bagamat ipinanganak ako sa Cagayan de Oro at Cebuano ang una kong wika, hindi kaiba sa akin ang Tagalog. Taal na Tagalog ang aking ina, tubong Pateros. At major niya sa kolehiyo ang kursong kung tawagin noon ay National Language. Itinuro niya ito sa loob ng 43 taon, sa elementarya, hayskul, at kolehiyo. Bago pa man ako natutong magbasa, nasa aklatan na namin ang Florante at Laura, ang Urbana at Felisa, ang balarila ni Lope K. Santos.

Sampung taon ako nang lumipat kami sa Pateros. Pumisan kami sa lola na nagturo sa aming magdasal ng orasyon at rosaryo sa Tagalog. Sa mga burol at pasiyam, dinadasal namin ang katutubong panalangin para sa patay: “Alang-alang sa masaganang dugong ipinawis mo sa hardin ng Hetsemane, kaawa’t patawarin, Panginoon, ang kaluluwa ni Jose.” Naging bahagi ng aming aklatan ang Caton at ang Pasion at Ang Martir sa Golgota.

Sa radyo ng Lola Maria, sinubaybayan namin ang mga pakikipagsapalaran ni Kapitan Kidlat, ang mga kuwento ni Lola Basyang, ang mga kakuwanan sa Sebya, Mahal Kita, ang tagisan ng talino ng mga prinsipe’t prinsesa ng balagtasan.

Sa barberya, habang hinihintay na magupitan, natutunghayan ko ang hindi-pambatang magasing Tiktik. Pero ang pangunahin kong guro sa wika ay ang komiks.

Laman ako ng mga paarkilahan. Alam ko kung anong araw ang labas ng bawat isa sa apat na komiks ng Ace Publications—Pilipino Komiks, Espesyal, Hiwaga, Tagalog Klasiks. Para may pang-arkila, tinitipid ko ang baon, at kung minsan ay naglalakad akong pauwi mula sa eskuwelahan sa kalapit-bayan ng Pasig, mahigit sa limang kilometro ang layo sa amin.

Sa katabing baryo, may pinsan ang aking ina—ang Tiya Isang, Felisa Pascual Manalo, na kamamatay lamang nitong nakaraang Abril. Halos tuwing Sabado, dumadalaw ako sa kanila, at pinamemeryenda pa ako ng aking Ate Quetang (na ang buong pangalan ay Enriqueta). Hindi ko makakalimutan ang inihahanda niyang pandesal na hinati sa gitna, ibinabad sa binating itlog, pinirito, at binudburan ng asukal.

Pero hindi meryenda ang sadya ko. Naroon ako dahil ang Tiya Isang ay may kagila-gilalas na koleksiyon ng mga lumang komiks—naka-bookbound pa! Nalula ako sa pagbabasa tungkol kina Barbaro at Satur at Gigolo, tungkol kina Darna at Dyesebel at Bondying.

Kamakailan, ininterbiyu ako ng ilang estudyante sa hayskul, at nang tanungin nila kung sino ang mga manunulat na nakaimpluwensiya sa akin, ang una kong isinagot ay Francisco V. Coching at Mars Ravelo. Ewan ko kung kilala pa nila ang mga pangalang iyon. Parang hindi naman sila nagulat na dalawang magkokomiks ang una kong binanggit. Pero hindi ako nagbibiro. Kay Coching ko unang natutunan ang matulaing gamit ng Tagalog, kay Ravelo ang kolokyal.

Matagal nang pumanaw si Ravelo. Kamamatay lang ni Coching nitong nakaraang linggo. Ang unang nagbalita sa akin ay ang pintor na si Danny Dalena. Tumawag siya para sabihing “namatay na ang idolo natin.”

Dahil kay Coching, ang una kong ambisyon noong hayskul ay ang maging kuwentista at dibuhista sa komiks. Mababaw ang kaligayahan ko. Gusto ko lamang mabasa ang byline ko sa anyong linggo-linggo kong nakikita sa mga seryeng tulad ng Taga sa Bato at Kondenado: “Katha’t guhit ni Francisco V. Coching.”

Kami ng yumao kong kapatid na si Eman ay parehong mahilig magdrowing at magkuwento noong araw. Ang estilo ko sa dibuho ay kahawig ng kay Larry Alcala kung kartun, at kung seryoso ay kombinasyon ng estilo ni Coching at ng may-akda (hindi ko na maalala ang pangalan) ng Johnny Hazard, isang comic strip na Ingles na lumalabas sa dating Manila Times.

Naglabas si Eman ng komiks na tinawag niyang Mabuhay Klasiks, ilang pahina ng typewriting paper na may staple sa gitna. Lapis ang pandrowing at panletra. Iisa lang ang kopya ng bawat isyu, at bukod sa aming dalawa ay aapat lang ang mambabasa—ang aming apat na kapatid.

Doon sa Mabuhay Klasiks, doon lumabas ang isa sa mga una kong akda sa Tagalog, isang nobelang pangkomiks: Prinsipe Roldan. Katha’t guhit ni Jose F. Lacaba.

Pangalawang hati iyon ng dekada ’50. Malayo pa ang dekada ’70, nang “mauso” ang Pilipino.



SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Setyembre 10

Balik-wika

ANG NAKARAAN: Napukaw ang gunita dahil sa ilang katagang binitiwan ng katotong Roger Sicat noong buhay pa siya. Akala niya’y “lumipat” ako sa Pilipino nang ito’y “mauso noong mga 1970.” Sa huli kong kolum, ipinaliwanag ko nagsusulat na ako sa Tagalog noon pa mang ikalawang hati ng dekada ’50. Kaya lang, ang sinusulat ko’y mga kuwentong komiks, at ang mga mambabasa ko’y mga kapatid ko lamang.

Trese anyos ako nang mabiyuda ang aking ina. Ako ang panganay, inaasahang tutulong sa pagpapaaral ng mga nakababatang kapatid. Dahil dito, ayoko sanang magkolehiyo agad, gusto kong maghanapbuhay muna pagkagradweyt.

Kung kakayanin ko mang magkolehiyo—maaaring bilang working student, tulad ng aking ama—gusto ko sanang pumasok sa fine arts o commercial art. Mas hilig ko noon ang magdrowing kaysa magsulat.

Nag-iba ang direksiyon ng buhay ko dahil sa isang desisyon ng mga pari sa Pasig Catholic College. Ang kanilang pinakamagagaling na estudyanteng gagradweyt ng hayskul ay dinala nila sa Ateneo de Manila para kumuha ng IQ test. Isa ako sa apat o limang binigyan ng Ateneo ng scholarship, batay sa resulta ng IQ test.

Kaya, ayun, napasok ako—isang promding sangkahig-santuka—sa unibersidad ng mayayaman. Sa kasamaang-palad, walang fine arts sa Ateneo. Pinayuhan akong mag-major sa humanities. Kahit paano’y may kinalaman ito sa sining. Kaya lang, nadiskubre kong ang humanities sa Ateneo noon ay mas maraming subject na pilosopiya. Nakurta ang utak ko sa pagdalumat ng categorical imperative at thingness of a thing.

Ipinasiya kong magpalit ng major. Lumipat ako sa English, na mas madali para sa akin. Mangyari pa, nang makahiligan ko nang magsulat ng tula at maikling kuwento, sa Ingles ako unang nagsulat.

Pero di-nagtagal, nananagalog na naman ang aking mga katha.

Sa tula, nakatuwaan kong mag-eksperimento sa paggamit ng simple, ordinaryo, kolokyal na Tagalog—hindi ang matulain, malalim na Tagalog ng Bulacan at Quezon, kundi ang pang-araw-araw na lengguwaheng naririnig ko sa Pateros at Maynila. Ipinaloob ko ang lengguwaheng ito sa mga tradisyonal na sukat ng mga akdang binasa ko noong bata-bata ako—awit, korido, pasyon, bugtong, salawikain.

Ang unang nagtulak sa aking sumulat ng tula ay ang propesor ko sa freshman English, ang makatang si Emmanuel “Eric” Torres. Sa kanya ko ipinabasa ang una kong mga pagtatangka. Nang magpakita ako ng mga tulang Tagalog, inamin niyang hindi siya bihasa sa wikang iyon at iminungkahi niyang ipabasa ko sa dalawang kasamahan niyang guro.

Bagamat nagtuturo sa English department, nagsusulat sa Tagalog sina Rolando Tinio at Bienvenido Lumbera. Ipinakita ko sa kanila ang mga sinulat ko, at ibinalik nila ang mga iyon na may puna, payo, mungkahi. Ipinabasa rin nila sa akin ang kanilang mga tula.

Naglathala ako ng ilang tula namin sa isang minimyograp na magasing inedit ko para sa Arts Club. Naging dahilan iyon para maglabasan ang iba pang estudyante at Heswita na tumutula din sa Tagalog, wala nga lamang mapaglathalaan.

Ipinasiya ng Heights, magasing pampanitikan ng Ateneo, na ilathala ang mga tulang Tagalog ng mga Atenista. Iyon yata ang kauna-unahang pagkakataon na naglabas ang isang opisyal na publikasyon sa Ateneo ng anumang nasusulat sa sariling wika. Novelty pa iyon noon. Unang hati pa lamang ng dekada ’60. Hindi pa laganap sa unibersidad ang diwa ng nasyonalismo.

Ang seksiyon ng Heights na naglalaman ng kalipunan ng mga tulang Tagalog ay binigyan ng pamagat: “Bagay Poets.” Uso kasi sa Ateneo ang mga eksistensiyal na diskusyon tungkol sa thingness of a thing.

Sa gayon nagsimula ang tinatawag ngayong Kilusang Bagay sa panulaang Pilipino. Hindi iyon pormal na kilusan. Nagkataon lang na naroon kami sa iisang lugar sa isang partikular na panahon, mga nagsusulat ng tulang Tagalog sa unibersidad na balwarte ng Ingles sa Pilipinas.

Nang lumabas ang unang edisyon ng librong Mga Agos sa Disyerto noong 1964, sa labas ng Ateneo ay wala pang nakakaalam na may Bagay Poets. Nalaman kong ang mga kuwentista sa Agos ay unang nalathala sa seksiyong “Bagong Dugo” ng Liwayway. Naglakas-loob akong magpadala ng ilang tula sa magasin. Hindi pumasa.

Sa loob-loob ko, hindi siguro masakyan ng patnugutan ang ginagawa ko. Ipinadala ko ang mga tula sa Panitikan, isang maliit na magasing ang editor ay ang rebeldeng makatang si Alejandro G. Abadilla, na hindi ko kilala nang personal. Nagulat pa ako nang dumating ang sulat niya. Tanggap daw ang mga tula ko. Humingi lang siya ng kaunting impormasyon tungkol sa akin.

Wala pa rin akong suwerte. Nagsara ang Panitikan bago nailathala ang mga tula ko.

Samantala, lumalabas na ang mga obra ko sa Ingles. Napasok ako sa Philippines Free Press bilang copyreader-proofreader, at sa kalaunan ay naging staffwriter. Linggo-linggo, may lumalabas na artikulo ko sa Ingles.

Dekada ’70 na nang malathala—sa mga babasahing tulad ng Pilipino, kapatid na magasin ng Free Press—ang mga tula ko sa Tagalog na halos isang dekada na ang edad.

Noong taong 1970, ipinasiya kong tumigil na sa pagsusulat ng tula sa Ingles. Hindi iyon nangangahulugan na noon lamang ako “lumipat sa Pilipino.”



SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Setyembre 12

Wika ng lupa

ANG NAKARAAN: Dahil sa ilang pangungusap na sinulat ng yumaong katotong Roger Sicat noong siya’y buhay pa, nagsulputang parang kabuti ang mga alaala ng una kong mga pagtatangka sa paggamit ng sariling wika—simula sa mga istoryang pangkomiks noong dekada ’50 hanggang sa mga tula ng dekada ’60.

Salamat sa talaang iniwan ni Roger S., naalala ko ang aking personal na dyornal noong nasa kolehiyo. Naghalungkat ako sa kalawanging filing cabinet. Naroon pa ang isang spiral notebook, may tatak na “Liberty.”

Nagsisimula nang manilaw ang may-guhit na papel sa loob. Pero malinaw pa ang itim na tinta ng fountain pen, kasinlinaw ng mahinhing sulat-kamay na kahawig ng sulat-kamay ng ina kong guro.

Ang kauna-unahang pahina ay may petsang Enero 1, 1963, Martes. Noon ay 17 anyos ako. Ingles ang ginamit kong wika.

Noong Enero 12 at 13, sinulat ko ang reaksiyon ko sa artikulo ni Quijano de Manila na kalalabas lang sa Philippines Free Press. Ito’y ang artikulong “The Language of the Streets,” tungkol sa salitang kanto. Inilista ko ang ilang salitang uso sa aming mga kabataan noon, na nakaligtaang banggitin ni Quijano—gedra, tedesens, jake, wangbu, nekti, ngetspa, hedya, magwala, yari na, ayos na, plesimps, bangya, sanpits, yotits, bogli (na binaybay kong bowgli), osla, senglot. Dedbol na ang ilan sa mga salitang ito.

Noong Marso 18, sinulat ko ang unang talata ng isang kuwentong Tagalog na pinamagatan kong “Ewan Ko Ba.” Hindi ako lumampas sa unang talata.

Noong Nobyembre 23, ilang araw bago ako tumuntong ng 18, napabalita ang pagkamatay ni John F. Kennedy. Noon nagsimulang managalog ang aking dyornal. Ito ang simula ng sinulat ko sa petsang iyon:

 Sa ngayon ay interesadong-interesado ako sa wikang Pilipino kaya’t tuwing susumpungin ako’y Pilipino ang gagamitin ko sa pagsulat dito. Isa pa’y mahusay na pagsasanay itong pagsulat ng tuluyan sa wikang Pilipino. Sa tula’y medyo sanay na ako; sa tuluyan, ito ang praktis ko.

Pagkatapos, binigyang-pansin ko ang insidenteng laman ng mga balita. May kaunting editing ang mababasa ninyo ngayon, dahil medyo nalilito pa ako noon sa maikling ng at mahabang nang, may kudlit pa noon ang mga sapagkat, at sobrang mahaba ang aking mga pangungusap at talata.

Kanina lang umaga ko nabalitaan ang pagkamatay ni Kennedy, mula pa sa tsuper ng sinakyan kong dyip pagpasok sa eskuwelahan, pero hanggang ngayon ay hindi pa yata ako makapaniwala nang husto sa nangyaring ito.

Pag nakatanggap ka ng ganyang klaseng balita, ano ang masasabi mo? Uulit-ulitin mo lang ang sinasabi ng lahat, presidente man ng Pilipinas o tsuper ng dyip, na ito’y isang malaking sakuna, atbp. (hindi ko masyadong alam kung ano ang mga clichés ng Pilipino), na dahil sa dalas ng ulit ay parang wala nang lakas, parang salita lamang na hindi kasama ang puso’t diwa.

Ang totoo marahil ay talagang nabiglaanan tayong lahat, at sa laki ng ating hinagpis ang lumalabas sa mga dila natin ay tanging ang mga salitang handa’t de-lata sa ating isip. Kung mag-iisip ka pa nang matagal para sabihin ang nararamdaman sa mga salitang bago at orihinal, marahil ang epekto rin ay ang kakulangan ng sinseridad, sapagkat sa ganda ng salita’y maaaring hindi mapansin ang damdamin, ang tingin ay mapupukol sa salita.

Kinabukasan, Nobyembre 24, may kalaliman ang aking tala—pilosopikal!

Hindi ko maalala kung sino iyong pilosopong nagsabi na tuturuan daw niyang magsalita ng Aleman ang pilosopiya. Nang sabihin niya iyon, ang pilosopiya’y “nagsasalita” sa wikang Latin at Pranses lang. Sa ngayon ay nagsasalita na ng Aleman, Ingles, at Espanyol, bukod sa Pranses, ang pilosopiya, ngunit hindi ng Pilipino.

Hindi ko yata kayang turuan ang Pilipino, sa dahilan—at anong laking dahilan!—na ako’y hindi naman isang pantas ng pilosopiya, ako nama’y hindi pilosopo.

Isa pa’y mahirap pa marahil na gamitin, sa ngayon, ang Pilipino para sa pilosopiya. Unang-una na lamang ay ang salitang philosopher. Sa wikang Pilipino, ang ibig sabihin ng pilosopo ay wise guy, smart-aleck, isang mapagsagot ng kalokohan.

Gayunman, para makapagpraktis, naisipan kong tagalugin ang leksiyon namin sa pilosopiya.

Ang tao’y di pulo, wika ni John Donne, at bale ganyan ang kinalalabasan nitong aming pinag-aaralan tungkol sa pagka-isa (univocity) at pagka-marami (equivocity). Totoo, bawat tao’y ibang-iba sa kanyang kapwa, bawat tao’y may kanya-kanyang kaurian. Subalit ang lahat ay may pagkakapareho.

Mismong ang mga eksistensiyalistang nagsasabi na bawat tao’y likas na naiiba sa kapwa, bawat tao’y walang kaparis, ang nagpapatunay na ang bawat taong walang kaparis ay maaaring magkaroon ng kaisahan, ng pakikisama.

Kung totoong lahat ng karanasan ng tao ay sarili niya’t walang ibang makakaintindi, bakit nagsusulat ng libro ang mga eksistensiyalista? Hindi ba sapagkat inaasahan nilang may babasa ng mga ito at pagbasa’y maiintindihan silang mga manunulat at nang magamit ng mambabasa ang karanasan ng manunulat?

Pagkaraan ng ilan pang ganitong pamimilosopo, sumuko na ako.

“Mahirap palang talaga,” sulat ko sa huling talata sa araw na iyon. “Ang tula’y mas madaling turuan ng Pilipino. Ang totoo’y hindi na kailangang turuang magpilipino ang tula pagkat iyan naman ang tunay na wika ng tula: isang wikang makalupa at walang pakpak, wika ng lupa.”

Tuesday, August 21, 2012

AGOSTO 21

 
Bilang paggunita sa araw ng kamatayan ni Ninoy Aquino (ngayong Agosto 21 ang ika-29 na anibersaryo ng kanyang kamatayan), ipinopost ko ang dalawang lumang kolum na sinulat ko noong 1998 para sa pahayagang Diario Uno, na pinamatnugutan ng yumao na ring si Edgardo M. Reyes, nobelista, peryodista, at direktor at iskriprayter sa pelikula.


SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Agosto 22

Isang madugong araw ng Agosto

DALAWANG malagim na pangyayari ang ginugunita natin tuwing Agosto 21—ang pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971, at ang pagpaslang kay Ninoy Aquino noong 1983.

Agosto 21 din ang kaarawan ng yumao kong biyenang lalaki, ang makatang si Serafin Lanot. May handa siya at nagkakasayahan kami nang lumabas sa telebisyon ang balita tungkol sa mga granadang sumabog sa rali ng Partido Liberal sa Plaza Miranda. Humupa ang saya at nagbago ang takbo ng usapan nang gabing iyon.

Mag-aalas kuwatro naman ng hapon, araw ng Linggo, nang tumawag sa telepono ang direktor na si Mike de Leon para ipaabot ang narinig niyang balita—na binaril sa airport si Ninoy Aquino.

Araw ng Sabado, kung hindi ako nagkakamali, nagpulong pa ang kinabibilangan kong Concerned Artists of the Philippines, at ipinagbigay-alam ni Lino Brocka na darating nga si Ninoy. Balak ni Lino na sumama sa mga sasalubong sa paliparan, pero nagpasiya ang CAP na hindi lalakad bilang grupo. Kung sinuman ang gustong sumalubong ay puwedeng sumabay na lamang sa Ford Fiera ni Lino o dumeretso sa paliparan.

Isa ako sa mga hindi sumama. Nasa bahay ako, kasama ng anak kong nanonood ng pelikulang The Exorcist sa Betamax, nang itawag ni Mike de Leon ang balitang binaril at napatay si Ninoy.

Hindi ko na matiyak ngayon kung ano ang una kong reaksiyon. Ang totoo’y nawala sa isip ko na darating si Ninoy nang hapong iyon.

Ang natatandaan ko’y saglit akong natahimik sa kabiglaanan, hindi makapaniwala. Pagkatapos, tinanong ko ang mga detalye, pero wala ring gaanong alam si Mike. Kaya nga siya sa akin tumawag ay nagbabaka-sakali siya na mas may alam ako, bilang peryodista.

Nagtatawag na rin ako sa mga kapwa peryodista at sa mga ahensiya ng balita. Natatandaan kong isa sa mga tinawagan ko ang Associated Press, na noon ay pinamumunuan ng kaibigan kong si Dave Briscoe.

Habang nagtatatawag ay saka ko pa lamang napansin na naghahalo-halo na’t naghahalinhinan sa kalooban ang panghihilakbot at galit, at pagkatapos ay dalamhati.

Kadalasan, malakas ang epekto sa atin ng pagkamatay ng mga hinahangaang prominenteng tao. Kung minsan, mas malakas pa ito kaysa pagkamatay ng mga malapit na kaibigan at kadugo.

Tandang-tanda ko pa na nasa eskuwelahan ako, oras ng recess, nang umabot sa akin ang balitang bumagsak ang eroplanong kinasasakyan ni Ramon Magsaysay. Nasa elementarya pa lamang ako noon.

Nasa kolehiyo na ako nang patayin si John F. Kennedy. Nakasakay ako sa dyipni at papasok sa eskuwelahan nang marinig ko sa radyo ang balita.

Anuman ang palagay ko ngayon sa pulitika nina Magsaysay at Kennedy, hindi ko malilimutan ang pagkagimbal at paninikip ng dibdib na naramdaman ko pagkarinig sa balitang patay na sila.

Hindi na iba sa akin ngayon ang kamatayang madugo’t marahas. Sa panahon ng batas militar, marahas na binawian ng buhay ang isang kapatid, isang bayaw, isang inaanak, at maraming kakilala’t kaibigan. Lahat, sabi nga sa kanta, ay “nagbuhos ng dugo para sa bayan.”

Gayunman, naapektuhan pa rin ako nang husto ng pagkamatay ni Ninoy. Ang horror sa pelikulang pinanonood ko nang araw na mabaril siya ay naging katawa-tawa sa harap ng horror na dala ng tunay na buhay.

Ilang beses ko ring nakapanayam si Ninoy noong nagsisimula pa lamang ako sa peryodismo. Hindi ko siya inidolo na tulad ng pag-iidolo sa kanya ng marami sa aking mga kakilala, pero hindi ko naiwasang humanga sa kanyang bukadura, sa bilis niyang magpasiya, sa walang-kapagurang sigla ng kanyang katawan. Sa personal, madali siyang makagaangan ng loob, malakas ang kanyang karisma.

Palibhasa’y dati rin siyang peryodista, malapit ang loob niya sa mga peryodista, at madali siyang lapitan. Baguhan ka man o beterano sa pagsusulat, may panahon siya para sa iyo, at bigay-todo siya sa kanyang mga pahayag.

Sa pulitika ni Ninoy, may mga reserbasyon ang maraming makabansa. Sa tingin nila’y isa rin siyang Amboy, bata ng mga Amerikano, at inalagaan siya bilang reserbang gulong sakali mang ma-flat ang nasa poder na si Ferdinand Marcos.

Sa kabila ng mga reserbasyon, kinilala ng karamihan na sa mga bagay na kanyang ipinaglalaban—sa isyu, halimbawa, ng mga kalayaang sibil at demokratikong karapatan—ay hindi matatawaran ang katatagan ng kanyang paninindigan at ang kanyang katapangan.

Kinilala rin ng karamihan na siya lamang, noong mga huling araw ng buhay niya, ang talagang may potensiyal na mapagkaisa ang tinatawag na legal o di-marahas na oposisyon.

Sa kanyang pagkamatay, natupad ang potensiyal na iyon. Naging batubalani siyang humila at nakapagpakapit-bisig sa iba’t ibang magkakatunggaling puwersa sa lipunang Pilipino. Naging simbolo siyang bumigkis sa mga mithiin ng bata’t matanda, kaliwa’t kanan, burgis at anakpawis.

Ngayon, 15 taon pagkaraan ng pagkamartir ni Ninoy, balik na naman tayo sa pagkakawatak-watak at pagsasalungatan. Ang pagkakaisang binigyang-buhay ng pagkamatay ni Ninoy ay isang saglit lamang sa kasaysayan, pero iyon ay isang maningning na saglit.



SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Agosto 25

Trahedya at komedya

LABINLIMANG taon na nga ba ang nagdaan mula nang mamatay si Ninoy Aquino? Parang kahapon lamang…

Matiyaga kang pumila sa Times Street, Quezon City. Ang haba ng pila, umapaw na sa sa kalsada. Pagkatapos ng matagal na paghihintay, pagkatapos ng pausad-usad na pagsulong, may isang saglit ka lamang para masilayan ang nakakabaong na bangkay na nakasuot ng kamisadentrong natuyuan ng dugo.

Pumila ka para makiramay—at magprotesta. Isang anyo ng pagtutol ang iyong pakikidalamhati.

Alam mong bawal ang anumang pagtitipong kontra sa rehimeng Marcos. Alam mong nagkalat ang mga ahente ni Marcos at maaaring lihim na kumukuha ng retrato. Alam mong pagkagaling sa burol ay may posibilidad na madampot ka, makulong, o maglaho.

Pero hindi mo na naisip ang pangamba. Nangibabaw ang galit. Sa loob-loob mo’y naghuhumiyaw ang damdaming magiging sigaw sa mga kalsada sa mga sumunod na araw: “Tama na! Sobra na!”

Nakipaglibing ka. Sumama ka sa daang-libo o milyon na nagprusisyon pero ni hindi man lamang nadiyaryo. Nang bumuhos ang ulan sa bandang Quiapo, hindi ka sumilong. Kung may dala kang payong ay hindi mo iyon ginamit, dahil maraming nangangantiyaw na si Imelda lang ang nagpapayong.

Sa mga sumunod na araw, sumama ka sa halos araw-araw na martsa, rali, demonstrasyon, at aksiyong protesta. Dumayo ka sa Makati para maging bahagi ng tinatawag na rebolusyong kompeti, para maranasan ang ulan ng pinaggupit-gupit na mga dilaw na pahina ng direktoryo ng telepono. Umabsent ka sa klase o sa opisina, pero malakas ang loob mo dahil kasama mong nagmamartsa ang iyong propesor o boss.

Binoykot mo ang mga peryodikong pag-aari ng mga Marcos at Romualdez at ng kanilang mga kroni. Tinangkilik mo ang mga alternatibong pahayagan na minaliit ng rehimeng militar at binansagang mosquito press, o mga peryodikong parang lamok.

Dumating ang panahon na binoykot mo ang hamburger na tinda ng kompanyang Amerikano at pati na ang paborito mong serbesa, dahil sumusuporta kay Marcos ang Estados Unidos at nasa kamay ng mga kroni ni Marcos ang kompanyang gumagawa ng serbesa.

Inalagaan mo ang iyong galit. Diinilig mo iyon, nilagyan ng abono, pinausukan, pinayabong, pinamulaklak, pinapagbunga. Pinagyaman mo iyon hanggang sa panahon ng anihan sa EDSA.

Pero palibhasa’y Pinoy, hindi mo nakalimutang tumawa at magpatawa. Ang poot ay pinulbusan mo ng pangungutya. Ang himagsik ay hinaluan mo ng halakhak.

Inihayag mo ang iyong pakikiisa sa bagong martir: “Ninoy, hindi ka nag-iisa.” Pero pinaglaruan mo rin ang iyong islogan: “Galman, naisahan ka! Ver, nakaisa ka! Imelda, isa ka pa! Marcos, hindi ka nag-iisa! (Itanong mo kay George Hamilton.)”

Pati sarili mong hanay ay pinitik-pitik mo. Kung ang sigaw ng masa ay “Makibaka! Huwag matakot!”, ang sigaw naman daw ng burgis sa Ayala ay “Let’s make baka! Don’t be takot!” Kung ang kanta ng masa ay “Bandilang pula, iwagayway!”, ang kanta naman daw ng burgis sa Ayala ay “Bandilang dilaw, i-wave, wave, wave!”

Nakitawa ka sa kumalat na Ninoy jokes.

Pagdating daw ni Ninoy sa langit, nagulat na lang siya nang bumalandra sa harap niya si Rolly Galman, ang tirador na diumano’y pumatay kay Ninoy at pinatay ng militar. “O, bakit ka narito?” tanong ni Ninoy. “Ewan ko ho, itinulak lang ako, e,” sagot ni Rolly. “Hindi ba ikaw ang bumaril sa akin?” tanong uli ni Ninoy. “Pa’no ho nangyari iyon?” sabi ni Rolly. “Kanina pa ako rito, a. Nauna ako sa inyo.”

Nang ilibing si Ninoy ay sinimulan nang ipalabas ang pelikulang The Rise and Fall of Idi Amin. Coming soon naman, sabi ng mga mapagbiro: The Fall of Idi Umaamin.

May ilang umiling-iling. Ang hirap daw sa ating mga Pinoy ay dinadaan natin ang lahat sa biro. Hindi tuloy nagbabago ang kalagayan ng bayan dahil hindi tumatagal ang galit ng taong-bayan. Pagkatapos ng silakbo ng damdamin, ginagawang katatawanan na lamang ang mabibigat na problema.

Pero alam mong kahit tumatawa ka’y hindi nawawala ang pagpupuyos ng iyong dibdib. Hindi lahat ng biro ay purong siste. Sa biro tungkol kay Galman ay lumilitaw ang tunay mong saloobin—hindi ka naniniwala sa opisyal na pahayag na si Galman ang pumatay kay Ninoy.

Totoong may pagpapatawang nagpapahupa ng galit, pumapawi ng lungkot. Pero mayroon ding nagpapaalab ng damdamin, nagpapakilos. Ang kiliti ay may kasamang sapok at sipa.

Alam mong ang tumatawa ay karaniwang nawawalan ng takot—at nawawalan ng paggalang—sa kanyang pinagtatawanan. At ang pagkawala ng takot at paggalang sa mga berdugo’t hari ang unang hakbang sa pagbabago ng binubusabos at pinaghaharian.

Tulad ni Rizal sa Noli Me Tangere, tulad ni Plaridel sa Dasalan at Tuksuhan, ginamit mo ang biro at panlilibak para inisin ang dapat inisin, at para buhayin ang loob ng sambayanan.

Monday, April 30, 2012

Uyayi sa Mga Klasikong Himig

 

Uyayi sa Mga Klasikong Himig

Para kay Oriang


1.

Himig: mula sa “Fate Symphony” ni Beethoven


Batang munti,
Tumakbo ka!
Madilim na at oras na ng pag-uwi.
Tumakbo ka, tumakbo ka, magmadali!
Naghihintay
Ang Nanay.

2.

Himig: mula sa “Sonata No. 10” ni Beethoven


Matulog na, batang munti,
Humiga at pumikit.
Matulog na, batang munti,
Ang Nanay ay aawit.

3.

Himig: mula sa “Eine Kleine Nachtmusik” ni Mozart


Meme na,
Ipikit ang iyong mata.
Meme, bunso ko,
Gabi ay narito.
Meme na,
Sa langit ay kumakanta
Ang buwan at tala
Na bantay ng bata.

Bukas na
Magmulat ng iyong mata,
Bukas bumangon
Paghuni ng ibon.
Paggising,
Ang araw ay nagniningning,
Simoy ng hangin
Sa ’yo’y maglalambing.


-------------------------------------------------
Mula sa aking out-of-print na kalipunang
Sa Panahon ng Ligalig
(Anvil Publishing, 1991)
-------------------------------------------------

 

ORIANG
Gloria Licad Lanot (August 15, 1917 - April 7, 2012)
(photo by Marra PL. Lanot) 

Ang “Oriang” na pinag-alayan ng uyayi o lullaby na ito ay ang aking biyenang si Gloria Licad Lanot, ina ng kabiyak kong si Marra PL. Lanot (at nakatatandang kapatid ng yumaong si Dr. Jesus Licad, na ama ng world-renowned pianist na si Cecile Licad).

Si Gloria Licad Lanot ay isang piyanista at piano teacher na matapos magretiro sa pagtuturo ay nakilala sa kanyang food-catering business at sa kanyang maliit na negosyo, ang nakaboteng spicy bangus na Oriang’s Bangus. Dahil dito, nakilala rin siya sa kalaunan sa bansag na Aling Oriang.

Retirado na si Mama nang magplano siyang maglabas ng libro. Ang isang nalathala ay ang Graded Piano Pieces Based on Philippine Folk Tunes. Pero may isa pa siyang pinoproyekto na hindi ko na maalala kung ano. Ang naaalala ko lang ay binigyan niya ako ng isang cassette recording na naglalaman ng mga bahagi ng tatlong classical tunes, at hiniling niyang lapatan ko ng letra o lyrics na Tagalog para sa kantang pambata.

Hindi natuloy kung anuman ang proyektong iyon, pero nagawa ko ang lyrics, na sa kalaunan ay isinama ko aking kalipunan ng mga tula na Sa Panahon ng Ligalig. Sa libro, ang pamagat nito ay “Mga Uyayi sa Klasikong Himig.” Pero ngayong muling binasa ko ang lyrics ay naisip kong iisang uyayi lang ito na inilapat sa tatlong pinagdugtong-dugtong na classical tunes.

Nitong nakaraang Biyernes Santo, Abril 6, ay isinugod namin si Mama Oriang sa emergency room ng ospital. Kinabukasan, Abril 7, na nagkataong Sabado de Gloria, pumanaw ang ang 94-na-taong si Gloria Licad Lanot.

Muli kong inaalay ang uyaying ito sa kanya. Paalam, Mama.

Saturday, March 31, 2012

Salin: SONETO 130 ni William Shakespeare

Pagkatapos kong gawin ang hiniling ng PETA—na gumawa ng song lyrics na batay sa mga tula ni William Shakespeare—sinipag akong isalin naman ang isa pang pamosong soneto ni Shakespeare. Soneto rin ang salin; hindi ito letrang sinulat para lapatan ng musika.

SONETO 130
William Shakespeare
Salin ni Jose F. Lacaba

Mata ng irog ko’y hindi maningning na langit,
Labi niya’y hindi kasing pula ng rosas.
Kung ulap ay puti, ang balat niya’y putik.
Buhok niya’y alambreng tinik na napakatigas.
Samutsari ang kulay ng mga bulaklak,
Subalit walang bulaklak sa pisngi niya,
At ang mga pabango’y may halimuyak
Na di maaamoy sa kanyang hininga.
Kung kausap ang irog, ako’y natutuwa,
Subalit mas masarap makinig sa musika.
Ewan ko kung paano maglakad ang diwata;
Ang irog ko, napakabigat ng paa.
Gayunman, lintik! ang irog ko’y walang katulad.
Lahat ng paghahambing ay madaya at huwad.

Narito ang orihinal na soneto:

SONNET 130
William Shakespeare

My mistress’ eyes are nothing like the sun;
Coral is far more red, than her lips red:
If snow be white, why then her breasts are dun;
If hairs be wires, black wires grow on her head.
I have seen roses damasked, red and white,
But no such roses see I in her cheeks;
And in some perfumes is there more delight
Than in the breath that from my mistress reeks.
I love to hear her speak, yet well I know
That music hath a far more pleasing sound:
I grant I never saw a goddess go,
My mistress, when she walks, treads on the ground:
And yet by heaven, I think my love as rare,
As any she belied with false compare.


Friday, March 9, 2012

PETA CONCERT, PETE LYRICS



Ngayong gabi, Marso 9, 2012, ang huling nakaiskedyul na pagtatanghal ng THEE NA NATUTO: LOVE SONNETS FOR THE LOVESICK, isang post-Valentine concert ng PETA (Philippine Educational Theater Association). Sa kasamaang-palad, fully booked na raw ang gabing ito, ayon sa mga taga-PETA.

Sa ano’t anuman, at kung sakaling ma-extend ang palabas, narito ang impormasyon tungkol sa concert, mula sa website ng PETA < http://petatheater.com/2012/02/16/post-valentine-concert-shakespearean-style/ >:

******************************

PETA’s THEE NA NATUTO: Love Sonnets for the Lovesick
February 29, March 7, 9, 2012 at 8:00pm
PETA Studios, PETA Theater Center
No. 5 Eymard Drive New Manila QC

Featuring the translations of literary greats:
National Artist for Literature Bienvenido Lumbera, Anj Heruela, BLKD, Butch Santos, Carlos Piocos, Froilan Medina, Joi Barrios, Luna Sicat-Cleto, Pete Lacaba, and Syke

and the interpretations of musical geniuses:
Noel Cabangon, BLKD, Diego Mapa, DJ Myke Salomon, Joan Bugcat, Lady i, Melvin Lee, Ricci Chan, Rissey Reyes, Ronnie Quesada, Skarlet, Vince de Jesus, and many more…

Tickets @ P500 each inclusive of one free drink.
To reserve, please call 410-0822 loc. 12 or call/text 0917-5183654.
Email petafr@petatheater.com.

Proceeds  of the concert go to the beneficiaries of PETA’s Theater Appreciation Program allowing public school students to watch plays for free and be further educated through the arts.

******************************

At narito ang letra ng dalawang kontribusyon ni Pete Lacaba sa konsiyertong ito:

SULO NG PAG-IBIG
Titik ni Jose F. Lacaba
Nilapatan ng musika ni Jeffrey Hernandez
Halaw sa Soneto 153 at 154
ni William Shakespeare

Kung minsan si Cupido
Ay hindi pana ang dala.
Sa halip, isang sulo
Ang sandatang hawak niya,
At ang apoy ng kanyang sulo
Ay apoy ng pagsuyo.
Iyon sana ang magpapainit sa iyong dibdib.
Iyon, irog ko, ang sulo ng pag-ibig.

Nang minsang si Cupido
Ay nakatulog sa gulod,
Ang sulo ay nilaro
Ng diwatang mapagbiro,
Dinala sa tuktok ng bundok,
Itinapon sa ilog.
Iyon sana ang magpapainit sa iyong dibdib.
Iyon, irog ko, ang sulo ng pag-ibig.

(REFRAIN)
Irog ko, paano na ngayon ito?
Istupido yata itong si Cupido.
Ang puso mo’t dibdib
Ay paano ko ngayon mapag-iinit
Kung patay na ang apoy
Sa sulo ng pag-ibig?

Ang sabi ni Cupido,
Huwag daw akong mag-alala
Sapagkat may lagablab
Ang iyong mga sulyap,
At kahit pa namatay ang sulo,
Ang ilog ay kumukulo.
Iyan, tiyak, ang magpapainit sa aking dibdib.
Iyan, irog ko, ang ilog ng pag-ibig.


HUWAG MONG SABIHIN
Titik ni Jose F. Lacaba
Nilapatan ng musika ni Noel Cabangon
Halaw sa Soneto 109
ni William Shakespeare

Huwag mong sabihin
Na itong puso ko’y
Mapanlinlang at di lang minsan nagtaksil.
Kahit na tayo’y
Malayo na ngayon sa isa’t isa,
Ikaw pa rin ang sinisinta, walang iba.

Kung ako man ay
Naligaw ng landas,
Ikaw pa rin ang lagi kong babalikan.
Ang maghuhugas
Sa putik ng pagkakasala ko’y
Ang batis ng pag-ibig diyan sa puso mo.

REFRAIN
Hindi ko maikakaila
Na ang aking laman ay marupok, mahina,
Subalit ako sana’y paniwalaan,
Ikaw pa rin ang tunay kong mahal,
Tanging ikaw ang tunay kong mahal.

Ang aking buhay
Ay wala nang galak
Kung hindi kapiling ang minamahal.
Walang halimuyak
Ang hardin ng rosas kung wala ka na.
Patawad mo ay ibigay mo na, sinta.


******************************

Narito naman ang mga soneto ni Shakespeare na pinagkunan ng mga ideya at imahen para sa mga halaw (adaptations) sa itaas:


SONNET 153

Cupid laid by his brand, and fell asleep:
A maid of Dian’s this advantage found,
And his love-kindling fire did quickly steep
In a cold valley-fountain of that ground;
Which borrow’d from this holy fire of Love
A dateless lively heat, still to endure,
And grew a seething bath, which yet men prove
Against strange maladies a sovereign cure.
But at my mistress’ eye Love’s brand new-fired,
The boy for trial needs would touch my breast;
I, sick withal, the help of bath desired,
And thither hied, a sad distemper’d guest,
     But found no cure: the bath for my help lies
     Where Cupid got new fire--my mistress’ eyes.


SONNET 154

The little Love-god lying once asleep
Laid by his side his heart-inflaming brand,
Whilst many nymphs that vow’d chaste life to keep
Came tripping by; but in her maiden hand
The fairest votary took up that fire
Which many legions of true hearts had warm’d;
And so the general of hot desire
Was sleeping by a virgin hand disarm’d.
This brand she quenched in a cool well by,
Which from Love’s fire took heat perpetual,
Growing a bath and healthful remedy
For men diseased; but I, my mistress’ thrall,
     Came there for cure, and this by that I prove,
     Love’s fire heats water, water cools not love.


SONNET 109

O, never say that I was false of heart,
Though absence seem’d my flame to qualify.
As easy might I from myself depart
As from my soul, which in thy breast doth lie:
That is my home of love: if I have ranged,
Like him that travels I return again,
Just to the time, not with the time exchanged,
So that myself bring water for my stain.
Never believe, though in my nature reign’d
All frailties that besiege all kinds of blood,
That it could so preposterously be stain’d,
To leave for nothing all thy sum of good;
     For nothing this wide universe I call,
     Save thou, my rose; in it thou art my all.


Wednesday, February 29, 2012

3 TULA NI WISLAWA SZYMBORSKA

WISLAWA SZYMBORSKA
Larawan mula sa



Nitong nakaraang Pebrero 1 ay namatay ang makatang si Wislawa Szymborska sa edad na 88. Si Szymborska ay makatang Polako (o Polish) na ginawaran ng Nobel Prize in Literature noong 1996—“for poetry that with ironic precision allows the historical and biological context to come to light in fragments of human reality.”

Nang mabasa ko ang balita tungkol sa pagkamatay ni Szymborska, agad kong kinuha ang libro kong Sa Daigdig ng Kontra-Diksiyon: Mga Saling-wika (Anvil Publishing, 1991). Naalala ko na may isinalin akong mga tula ni Szymborska, at babasahin ko sana uli ang mga ginawa kong salin. Pero nagulat ako nang mabuksan ko ang libro ko: walang Szymborska doon.

Nang buksan ko ang aking laptop at naghanap ako sa aking files, doon ko nakita ang ginawa kong salin ng dalawang tula, “Ang Wakas at ang Simula” at “Ang Tanawin mula sa Itaas.” Ginawa ko pala ang salin noong 1999, walong taon pagkaraang malathala ang libro ko ng mga tulang salin. Nakita ko rin sa magulo kong library ang librong View with a Grain of Sand: Selected Poems ni Szymborska, sa saling Ingles nina Stanislaw Baranczak at Clare Cavanagh. Inilathala ang librong ito noong 1995 at nabili ko noong 1997.

Dahil sa pagpanaw ni Szymborska, napabasa ako ng mga tula niya sa Internet, at bunga ng pagbabasang ito ay nakagawa na naman ng isang bagong salin, “Ang Tatlong Salitang Kakaiba sa Lahat.”

Bilang paggunita kay Wislawa Szymborska, narito ang salin ko ng tatlo sa kanyang mga tula.



Ang Wakas at ang Simula
ni Wislawa Szymborska

Pagkatapos ng bawat giyera
kailangang may magligpit.
Hindi isasaayos ng mga bagay-bagay
ang kanilang sarili.

Kailangang may maghawan
ng batong nakakalat sa kalsada
para makadaan ang mga karitong
puno ng bangkay.

Kailangang may sumuong
sa burak at abo,
sa mga alambre ng mga sofa,
sa mga basag na salamin,
sa mga duguang basahan.

Kailangang may bumitbit ng poste
para isuhay sa pader,
kailangang may maglinis ng bintana,
magbalik ng pinto sa hamba.

Wala nang mag-iinterbiyu o kukuha ng retrato,
at aabutin ng taon ang trabaho.
Lahat ng kamera ay lumipat na
sa iba pang mga giyera.

Kailangang muling buuin ang mga tulay,
pati na ang mga istasyon ng tren.
Titiklupin ang mga manggas
hanggang magkagutay-gutay.

May gumugunita sa mga pangyayari
habang hawak ang walis.
May nakikinig, habang patango-tango
ang ulong hindi nawindang.
Pero may iba pang abalang-abala sa di kalayuan,
malamang na mababagot
sa ganyang mga kuwento.

Sa tuwi-tuwina, mayroon pa ring
makakahalukay ng kinakalawang na argumento
mula sa ilalim ng mga halaman
at hahakutin iyon sa tambakan ng basura.

Ang mga may-alam
ng puno’t dulo ng mga pangyayari
ay kailangang magbigay-daan
sa mga kakaunti ang alam.
At sa mga mas kaunti pa ang alam.
At sa bandang huli, sa mga walang kamuwang-muwang.

Sa damuhang tumatakip
sa mga sanhi at epekto,
kailangang may isang nakahilata,
kagat-kagat ang isang tangkay ng mais,
nakatunganga sa mga ulap.


Salin sa Pilipino ni Jose F. Lacaba
Batay sa mga saling Ingles nina Stanislaw Baranczak at Clare Cavanagh
(View with a Grain of Sand: Selected Poems, Harcourt Brace & Company, 1995)
at Joanna Trzeciak
(The Threepenny Review, Summer 1997).

Mababasa ang “The End and the Beginning,” saling Ingles ni Trzeciak, sa website ng The Threepenny Review:




Ang Tanawin mula sa Itaas
ni Wislawa Szymborska

Isang patay na salagubang ang nakahiga sa landas sa gitna ng bukid.
Tatlong pares ng paa ang maingat na nakatiklop sa ibabaw ng kanyang tiyan.
Sa halip na kalituhan ng kamatayan: kalinisan at kaayusan.
Hindi gaanong kahindik-hindik ang tanawing ito,
maliit lang ang saklaw, mula sa damong-ligaw hanggang sa yerba-buwena.
Nababakuran ang dalamhati.
Asul ang langit.

Para manatiling panatag ang ating isip, namamatay ang mga hayop
sa paraang mababaw: sila’y hindi yumao, sila’y basta patay.
Gusto nating isipin na ang iniiwan nila’y kakaunting damdamin at kakaunting mundo;
umaalis sila, sa palagay natin, mula sa tanghalang hindi gaanong matrahedya.
Hindi tayo kailanman pagmumultuhan ng mga maamo nilang kaluluwa,
alam nila ang kanilang lugar,
marunong silang gumalang.

Kaya naman ang patay na salagubang sa landas,
maningning na nakahiga sa init ng araw, ay hindi ipinaglalamay.
Sapat nang pakikiramay ang ating sulyap—
malinaw na wala namang masyadong nangyari sa kanya.
Ang mahahalagang bagay ay laan sa atin,
sa ating buhay at kamatayan, isang kamatayang
laging umaangkin ng karapatan sa daan.


Salin sa Pilipino ni Jose F. Lacaba
Batay sa saling Ingles nina Stanislaw Baranczak at Clare Cavanagh
(View with a Grain of Sand: Selected Poems, Harcourt Brace & Company, 1995)


Mababasa ang saling Ingles nina Baranczak at Cavanagh, “Seen from Above,” sa A Polish Son, blog Leonard Kniffel:



Ang Tatlong Salitang Kakaiba sa Lahat
ni Wislawa Szymborska

Kung bibigkasin ko ang salitang Kinabukasan,
ang unang pantig ay bahagi na ng nakaraan.

Kung bibigkasin ko ang salitang Katahimikan,
binabasag ko na ito.

Kung bibigkasin ko ang salitang Wala,
gumagawa ako ng bagay na di mahahawakan ng di-tao.


Salin sa Pilipino ni Jose F. Lacaba
Batay sa saling Ingles nina
Stanislaw Baranczak at Clare Cavanagh

Mababasa ang “The Three Oddest Words,” saling Ingles nina Baranczak at Cavanagh, sa website ng Nobel Prize:

Sunday, January 29, 2012

PADRE TENTORIO, PADRE FAVALI

Nitong nakaraang taon—Oktubre 17, 2011, to be exact—isang paring Italyano ang binaril at pinatay ng di pa kilalang salarin sa Arakan, North Cotabato. Ang pari, si Padre Fausto Tentorio, ay kura paroko ng Arakan at miyembro ng grupong misyonerong PIME, o Il Pontificio Istituto Missioni Estere (Pontifical Institute for Foreign Missions).

Si Padre Tentorio ang ikatlong paring PIME na pinatay sa Mindanao. Noong 1992, pinatay naman sa Zamboanga ng di rin kilalang salarin si Padre Salvatore Carzedda. Nauna sa kanilang dalawa si Padre Tullio Favali, na pinatay sa Tulunan, North Cotabato, noong Abril 11, 1985. Kilala at 23 taon ding nakulong ang pumatay kay Padre Favali: si Norberto Manero Jr., lider ng isang kulto at ng grupong vigilante na Civilian Home Defense Force (CHDF).

Nang lumabas ang balita tungkol sa pagpatay kay Padre Tentorio noong isang taon, naisipan kong halungkatin ang dalawang kolum na sinulat ko noon tungkol kay Padre Tullio Favali. (Tulio ang baybay sa maraming ulat, at pati na rin sa una kong kolum, pero Tullio ang nasa website ng PIME, www.pime.org, kaya Tullio ang baybay na ginamit ko sa mga reprint na ito.)


1985
Mula sa kolum kong “Sa Madaling Salita,” Mr. & Ms. Magazine, June 1985
(Wala akong clipping nito, pero sa carbon copy ng aking makinilyadong manuskrito ay may ganitong tala sa dulo: 850620. Ibig sabihin, natapos kong sulatin ang kolum noong 1985 Hunyo 20.)

MALAGIM NA POSTKARD

Kung mababanggit ang salitang “postkard,” ang unang maiisip ay mga larawan ng magagandang tanawing panturista. Pero kamakailan ay may nagbigay sa akin ng postkard na kakaiba. Ang nakalarawan ay isang malagim at nakapanghihilakbot na eksena mula sa kanayunang Pilipino—ang nakadapang bangkay ni Padre Tullio Favali, ang paring Italyano na pinatay sa Hilagang Kotabato noong Abril 11.

De-kolor ang postkard, at kung mahina ang sikmura mo ay hindi mo matatagalang tumingin dito. Nakaharap sa kamera ang sabog na bungo ni Padre Tullio. Maitim na ang natuyong dugong umagos mula sa ulo at kumalat sa kalsada, pero ang mismong ulo ay mapulang-mapula pa. Ewan kung ang pulang iyon ay dugo o nawakaak na laman ng bungo ng pari.

May kasamang mga brochure at liham ang ibinigay sa aking postkard. Sinasariwa sa babasahing ito ang nangyari kay Padre Tullio noong araw na patayin siya.

Huwebes ng hapon noon, at kababalik lamang ng paring Italyano mula sa piyesta sa isang baryo ng Tulunan, Hilagang Kotabato. Si Padre Tullio ang kura paroko ng Tulunan. Kabilang siya sa ordeng PIME, mga inisyals na mula sa mga salitang Italyano, na kung tatagalugin ay Pontipikal na Instituto para sa mga Misyon sa Ibang Bansa. Siya’y 38 anyos noon, at hindi pa nakakaapat na taon sa pagkapari. Dalawang taon pa lamang siyang namamalagi sa Pilipinas.

Pagdating niya sa kanyang kumbento sa Tulunan, may nakita siyang liham mula sa isang pamilyang humihingi ng tulong. Ayon sa liham, kasalukuyang nasa Baranggay La Esperanza ang isang grupo ng Civilian Home Defense Force (CHDF). Nagkaroon diumano ng kaunting putukan, isang residente ang nasugatan, at namamayani sa mga oras na iyon ang matinding takot at pag-aagam-agam.

Muling lumabas ang misyonerong Italyano at sumakay sa kanyang motorsiklo. Nagpunta siya sa bahay ng nagpadala ng liham. Habang naroon, napansin niyang nagliliyab ang kanyang motorsiklo. Nakapaligid sa motorsiklo ang ilang miyembro ng CHDF. Ayon sa mga saksing nakapanayam ng isang fact-finding mission ng Philippine Conference on Human Rights (PCHR), ang mga CHDF ang sumunog sa sasakyan ng pari.

Lumabas ng bahay si Padre Tullio para kausapin ang mga nanunog. Papalapit pa lamang siya ay pinaputukan na siya ng isa sa mga armadong CHDF. Umikot ang katawan ng pari at bumagsak sa lupa. Pagbagsak niya’y pinaputukan na naman siya. Sumabog ang bungo niya, kumalat ang utak.

Sa Baranggay La Esperanza nagwakas ang anumang mga pangarap ni Padre Tullio. Tinapak-tapakan ang kanyang lugmok na katawan, sinipa-sipa. Nagkantahan at naghiyawan sa tuwa ang mga bumaril. Pagkatapos, dalawa sa mga mamamatay-tao ang nasaksihang lumapit sa bangkay. Ipinasok nila ang kanilang mga kamay sa sumabog na bungo at dinukot ang utak na naiwan sa loob ng bungo. Ipinagparangalan nila ito sa taong-bayan.

Alas singko ng hapon nang barilin si Padre Tullio. Walang makalapit sa kanyang bangkay habang naroon ang mga CHDF. Alas otso na ng gabi nang dumating ang isa pang pari ng Tulunan para bendisyunan ang bangkay. May kasama siyang mga pulis at sundalo.

Ayon sa mga saksi, ang pumatay kay Padre Tullio ay ang CHDF na pinamumunuan ni Norberto Manero Jr. alyas Kumander Bucay. Kabilang sa grupo ang dalawa niyang kapatid, si Edilberto alyas Kumander Baliling at si Elpidio. Sina Norberto at Edilberto ang sinasabing dumukot sa utak ng pari.

Sa Kotabato ay kilala sa kalupitan ang pamilya Manero, ayon sa PCHR. Noon lamang Enero 1984, pinatay ng padre de pamilya ang isa pa niyang anak, si Noel, pagkat diumano’y “hindi na ito masuheto.” Kung sa mismong miyembro ng pamilya ay nagawa iyon, mas lalo pa sa ibang tao. May mga apidabit na nagsasabing ang mga Manero ay maraming pinatay na Muslim at Kristiyano—at pagkatapos ay niluto nila at kinain ang laman at laman-loob ng kanilang mga biktima!

Naniniwala ang mga Manero at ang kanilang mga kabig na ang kanibalismo ay nagbibigay sa kanila ng milagrosong kapangyarihan.

Kakila-kilabot isipin na sa mga panahong ito, sa isang bansang Kristiyano at sibilisado kuno, ay mayroon pang nagaganap na ganitong sinauna at panatikong kalupitan.

Lalong kakila-kilabot isipin na hanggang ngayon ay nakakawala pa ang mga taong ito, gayong maraming testigo sa kanilang mga karima-rimarin na gawain.

At lalong kakila-kilabot isipin na ang dahilan kung kaya hindi pa sila nahuhuli at ibinibilanggo ay sapagkat sadyang ginagamit sila’t pinakikinabangan ng naghaharing rehimen. Sa halip na parusahan ay binibigyan pa sila ng militar ng mga medalya at armas.

Si Presidente Marcos mismo ay nagbigay ng di-direktang pagkilala at bendisyon sa mga sekta at kultong katulad ng grupo nina Manero. Sa pakikipag-usap kina Almirante William Crowe at Embahador Stephen Bosworth ng Estados Unidos, sinabi ni Marcos na “ang kampanya ng gobyerno laban sa insureksiyon ay sumusulong dahil sa suportang ibinibigay ng iba’t ibang sekta at kultistang lumalaban sa Bagong Hukbong Bayan (NPA).”

Isang bagay ang malinaw sa pangungusap na iyan, ayon sa Justice and Peace Commission ng Association of Major Religious Superiors in the Philipines: alam ni Marcos na may gayong mga panatikong grupo “pero ang mga iyon ay itinuturing niyang kaalyado.”

Kakila-kilabot isipin na sa isang banda ay halos kinikilala ng gobyerno ang mga kultistang pumapatay ng mga paring Italyano at Pilipino, habang sa kabilang banda ay tinutustusan nito ang pamasahe at panggastos ng mga pari’t madreng Pilipino sa pagpunta sa Italya para panoorin ang parpuputong sa isang bagong kardinal na Pilipino.

Mapulang dugo ang pinabulwak sa sumabog na bungo ng isang pari ilang buwan lamang bago sinuotan ng pulang sombrero ang isang bagong kardinal.

Ang unang pangyayari ay hindi inaaksiyunan ng gobyerno, pero ang ikalawa’y sinusuuban ng insenso at hosana ng pinakamatataas na opisyal ng gobyerno.

Kakila-kilabot isipin.


2001
Mula sa kolum kong “Kung sa Bagay,” Pinoy Times, 2001 Abril 2

SI MANERO, SI MORATO AT ANG MGA MANANG

NAGWARNING sa akin ang isang kaibigan. Dapat daw akong mag-ingat, dahil tumakas sa kulungan si Norberto Manero.

Palagay ko’y hindi naman ako kilala ni Manero, pero baka naaalaala niya ang Orapronobis. Sa nasabing pelikula, na dinirihe ni Lino Brocka, ang kontrabida ay isang nagngangalang Kumander Kontra, lider ng isang kultong inarmasan ng gobyerno para labanan ang mga rebeldeng komunista. Sa simulang-simula pa lamang ng pelikula, pinatay ni Kontra ang isang pari at kinain ang utak nito.

Kaya ako winarningan ng kaibigan ko ay dahil ako ang scriptwriter ng pelikula. Nagkataon pa na ang gumanap na Kontra ay si Bembol Roco, na kalbo ring tulad ni Manero.

Wala sa script na kalbo si Kontra, at ang pangalan ng grupo ni Manero ay hindi naman Orapronobis kundi Ilaga. Ang Orapronobis ay likhang-isip lamang na batay sa iba’t ibang armadong kulto na tulad ng Ilaga, Tadtad, at Alsa Masa.

Pero aaminin ko na ang pambungad na mga eksena sa pelikula ay batay sa totoong nangyari kay Padre Tullio Favali, isang misyonerong Italyano sa Mindanaw. Dahil sa karumal-dumal na krimeng ito kung kaya dinakip at ikinulong si Manero.

Nang ipalabas ang Orapronobis sa Cannes Film Festival (sa titulong Pranses na Les Insoumis, o “Ang Mga Hindi Nagagapi”), katakot-takot na batikos ang agad na inabot nito mula kina Manoling Morato at Cecile Guidote-Alvarez.

Kesyo bakit daw natin kailangang “iladlad ang ating maruming kumot” sa ibang bansa. Bagamat halos walang sex (hindi ipinakita ang paggahasa ni Kontra sa tauhang ginagampanan ni Gina Alajar), sobra naman daw ang violence. At hindi naman daw totoo na may kanibalismo sa Pilipinas.

Malaya pang gagala-gala si Manero noon, at ayaw maniwala nina Morato na may isang katulad ni Manero na literal na kumakain ng laman.

Kung tutuusin, matimpi pa nga ang pelikula. Mas kahindik-hindik ang katotohanan. Hindi lamang komunista kundi pati Muslim ang naging biktima nina Manero. Ang tanda ko, nilitson nila nang buhay ang isang buntis na Muslim, at pagkatapos ay pinulutan ang sanggol sa sinapupunan nito.

Sa ano’t anuman, hindi inisyuhan ni Morato, chairman noon ng Movie and Television Review and Classification Board, ng permit to exhibit ang Orapronobis. Hanggang ngayon, hindi pa ito naipapalabas sa komersiyal na sinehan sa Pilipinas.

Ngayon ay malaya na namang gagala-gala si Manero, at minsan pa’y isang pelikula ang dahilan para manggalaiti sa galit sina Manoling at Cecile at marami pang ibang manang, kabilang na ang ilang manang na nakasutana at may kornita.

Kakatwa na ang pagsensor sa Orapronobis ay nangyari pagkatapos ng People Power 1, at ngayon, pagkatapos ng People Power 2, Live Show naman ang sinensor. Bakit kaya ginigipit ang kalayaan sa pamamahayag pagkatapos na malagay sa poder ang isang pamahalaang nakinabang sa malayang pamamahayag? At bakit pelikula ang unang pinag-iinitan?

Ewan ko. Basta ako, mas takot ako kay Morato kaysa kay Manero. Noong nasa MTRCB pa ako, ang sigaw ni Morato sa isang rali ay dapat daw gahasain kaming mga taga-MTRCB. Kaya lagi kong binabantayan ang aking likod. Nginangatngat na nga ng mga manang ang aking utak ay baka madale pa ako sa puwit.

-----------------
NOTE:
Noong panahong sulatin ko ang ikalawang kolum, may natanggap akong email mula sa isang TV reporter. Sabi niya: “kwentuhan mo naman ako kay manero and orapronobis. do u really think regal films bought the rights?”

Eto ang naging sagot ko:

The Orapronobis group headed by Bembol Roco in the movie was a composite. My working title was Tadtad, which was the name of an actual group; but we decided to use a fictional name because we didn’t want Tadtad members going out and throwing homemade bombs into movie theaters.

The opening sequence of Orapronobis was based on the Fr. Favali case. I think it was just a coincidence that Bembol and “Kumander Bucay” Manero are both bald. Bembol’s getup, with his head covered by a tubaw, was partly based on photos of Alsa Masa leaders.

Incidentally, I picked up some details of the Favali killing from an interview that Mike de Leon did with Fr. Peter Geremiah, Manero’s original target. I published an abridged version of the interview in Midweek magazine. I don’t recall how Mike got to interview Fr. Geremiah—this may have been for the Super-8 documentary we made for the Concerned Artists of the Philippines.

Mike and I were earlier developing another project also entitled Orapronobis, but that other project was about student filmmakers and a sexually oriented Banahaw-type cult. He shelved this project after its storyline had been approved by the ECP (Marichu Maceda submitted the storyline without Mike’s knowledge or permission), and we did Sister Stella L. instead. [ECP is the Experimental Cinema of the Philippines.]

Did Regal buy the rights to the film? This is news to me, but if true, it’s good news. Orapronobis has never been shown commercially because Manoling Morato’s MTRCB withheld the exhibition permit on technical grounds—there was no import permit and no Philippine distributor for a foreign-produced movie. (It was entirely financed by Pathe, then a subsidiary of Cannon Films. Viva was the distributor for Cannon films, but it decided not to distribute Orapronobis because it didn’t want its other movies to get into trouble with Manoling.)

Orapronobis got attacked by the same gang that was active in the recent anti-MTRCB brouhaha because they claimed the movie presented a bad image of the country. They said the cannibalism was a figment of our (Lino’s and my) imagination.