Tuesday, August 21, 2012

AGOSTO 21

 
Bilang paggunita sa araw ng kamatayan ni Ninoy Aquino (ngayong Agosto 21 ang ika-29 na anibersaryo ng kanyang kamatayan), ipinopost ko ang dalawang lumang kolum na sinulat ko noong 1998 para sa pahayagang Diario Uno, na pinamatnugutan ng yumao na ring si Edgardo M. Reyes, nobelista, peryodista, at direktor at iskriprayter sa pelikula.


SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Agosto 22

Isang madugong araw ng Agosto

DALAWANG malagim na pangyayari ang ginugunita natin tuwing Agosto 21—ang pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971, at ang pagpaslang kay Ninoy Aquino noong 1983.

Agosto 21 din ang kaarawan ng yumao kong biyenang lalaki, ang makatang si Serafin Lanot. May handa siya at nagkakasayahan kami nang lumabas sa telebisyon ang balita tungkol sa mga granadang sumabog sa rali ng Partido Liberal sa Plaza Miranda. Humupa ang saya at nagbago ang takbo ng usapan nang gabing iyon.

Mag-aalas kuwatro naman ng hapon, araw ng Linggo, nang tumawag sa telepono ang direktor na si Mike de Leon para ipaabot ang narinig niyang balita—na binaril sa airport si Ninoy Aquino.

Araw ng Sabado, kung hindi ako nagkakamali, nagpulong pa ang kinabibilangan kong Concerned Artists of the Philippines, at ipinagbigay-alam ni Lino Brocka na darating nga si Ninoy. Balak ni Lino na sumama sa mga sasalubong sa paliparan, pero nagpasiya ang CAP na hindi lalakad bilang grupo. Kung sinuman ang gustong sumalubong ay puwedeng sumabay na lamang sa Ford Fiera ni Lino o dumeretso sa paliparan.

Isa ako sa mga hindi sumama. Nasa bahay ako, kasama ng anak kong nanonood ng pelikulang The Exorcist sa Betamax, nang itawag ni Mike de Leon ang balitang binaril at napatay si Ninoy.

Hindi ko na matiyak ngayon kung ano ang una kong reaksiyon. Ang totoo’y nawala sa isip ko na darating si Ninoy nang hapong iyon.

Ang natatandaan ko’y saglit akong natahimik sa kabiglaanan, hindi makapaniwala. Pagkatapos, tinanong ko ang mga detalye, pero wala ring gaanong alam si Mike. Kaya nga siya sa akin tumawag ay nagbabaka-sakali siya na mas may alam ako, bilang peryodista.

Nagtatawag na rin ako sa mga kapwa peryodista at sa mga ahensiya ng balita. Natatandaan kong isa sa mga tinawagan ko ang Associated Press, na noon ay pinamumunuan ng kaibigan kong si Dave Briscoe.

Habang nagtatatawag ay saka ko pa lamang napansin na naghahalo-halo na’t naghahalinhinan sa kalooban ang panghihilakbot at galit, at pagkatapos ay dalamhati.

Kadalasan, malakas ang epekto sa atin ng pagkamatay ng mga hinahangaang prominenteng tao. Kung minsan, mas malakas pa ito kaysa pagkamatay ng mga malapit na kaibigan at kadugo.

Tandang-tanda ko pa na nasa eskuwelahan ako, oras ng recess, nang umabot sa akin ang balitang bumagsak ang eroplanong kinasasakyan ni Ramon Magsaysay. Nasa elementarya pa lamang ako noon.

Nasa kolehiyo na ako nang patayin si John F. Kennedy. Nakasakay ako sa dyipni at papasok sa eskuwelahan nang marinig ko sa radyo ang balita.

Anuman ang palagay ko ngayon sa pulitika nina Magsaysay at Kennedy, hindi ko malilimutan ang pagkagimbal at paninikip ng dibdib na naramdaman ko pagkarinig sa balitang patay na sila.

Hindi na iba sa akin ngayon ang kamatayang madugo’t marahas. Sa panahon ng batas militar, marahas na binawian ng buhay ang isang kapatid, isang bayaw, isang inaanak, at maraming kakilala’t kaibigan. Lahat, sabi nga sa kanta, ay “nagbuhos ng dugo para sa bayan.”

Gayunman, naapektuhan pa rin ako nang husto ng pagkamatay ni Ninoy. Ang horror sa pelikulang pinanonood ko nang araw na mabaril siya ay naging katawa-tawa sa harap ng horror na dala ng tunay na buhay.

Ilang beses ko ring nakapanayam si Ninoy noong nagsisimula pa lamang ako sa peryodismo. Hindi ko siya inidolo na tulad ng pag-iidolo sa kanya ng marami sa aking mga kakilala, pero hindi ko naiwasang humanga sa kanyang bukadura, sa bilis niyang magpasiya, sa walang-kapagurang sigla ng kanyang katawan. Sa personal, madali siyang makagaangan ng loob, malakas ang kanyang karisma.

Palibhasa’y dati rin siyang peryodista, malapit ang loob niya sa mga peryodista, at madali siyang lapitan. Baguhan ka man o beterano sa pagsusulat, may panahon siya para sa iyo, at bigay-todo siya sa kanyang mga pahayag.

Sa pulitika ni Ninoy, may mga reserbasyon ang maraming makabansa. Sa tingin nila’y isa rin siyang Amboy, bata ng mga Amerikano, at inalagaan siya bilang reserbang gulong sakali mang ma-flat ang nasa poder na si Ferdinand Marcos.

Sa kabila ng mga reserbasyon, kinilala ng karamihan na sa mga bagay na kanyang ipinaglalaban—sa isyu, halimbawa, ng mga kalayaang sibil at demokratikong karapatan—ay hindi matatawaran ang katatagan ng kanyang paninindigan at ang kanyang katapangan.

Kinilala rin ng karamihan na siya lamang, noong mga huling araw ng buhay niya, ang talagang may potensiyal na mapagkaisa ang tinatawag na legal o di-marahas na oposisyon.

Sa kanyang pagkamatay, natupad ang potensiyal na iyon. Naging batubalani siyang humila at nakapagpakapit-bisig sa iba’t ibang magkakatunggaling puwersa sa lipunang Pilipino. Naging simbolo siyang bumigkis sa mga mithiin ng bata’t matanda, kaliwa’t kanan, burgis at anakpawis.

Ngayon, 15 taon pagkaraan ng pagkamartir ni Ninoy, balik na naman tayo sa pagkakawatak-watak at pagsasalungatan. Ang pagkakaisang binigyang-buhay ng pagkamatay ni Ninoy ay isang saglit lamang sa kasaysayan, pero iyon ay isang maningning na saglit.



SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Agosto 25

Trahedya at komedya

LABINLIMANG taon na nga ba ang nagdaan mula nang mamatay si Ninoy Aquino? Parang kahapon lamang…

Matiyaga kang pumila sa Times Street, Quezon City. Ang haba ng pila, umapaw na sa sa kalsada. Pagkatapos ng matagal na paghihintay, pagkatapos ng pausad-usad na pagsulong, may isang saglit ka lamang para masilayan ang nakakabaong na bangkay na nakasuot ng kamisadentrong natuyuan ng dugo.

Pumila ka para makiramay—at magprotesta. Isang anyo ng pagtutol ang iyong pakikidalamhati.

Alam mong bawal ang anumang pagtitipong kontra sa rehimeng Marcos. Alam mong nagkalat ang mga ahente ni Marcos at maaaring lihim na kumukuha ng retrato. Alam mong pagkagaling sa burol ay may posibilidad na madampot ka, makulong, o maglaho.

Pero hindi mo na naisip ang pangamba. Nangibabaw ang galit. Sa loob-loob mo’y naghuhumiyaw ang damdaming magiging sigaw sa mga kalsada sa mga sumunod na araw: “Tama na! Sobra na!”

Nakipaglibing ka. Sumama ka sa daang-libo o milyon na nagprusisyon pero ni hindi man lamang nadiyaryo. Nang bumuhos ang ulan sa bandang Quiapo, hindi ka sumilong. Kung may dala kang payong ay hindi mo iyon ginamit, dahil maraming nangangantiyaw na si Imelda lang ang nagpapayong.

Sa mga sumunod na araw, sumama ka sa halos araw-araw na martsa, rali, demonstrasyon, at aksiyong protesta. Dumayo ka sa Makati para maging bahagi ng tinatawag na rebolusyong kompeti, para maranasan ang ulan ng pinaggupit-gupit na mga dilaw na pahina ng direktoryo ng telepono. Umabsent ka sa klase o sa opisina, pero malakas ang loob mo dahil kasama mong nagmamartsa ang iyong propesor o boss.

Binoykot mo ang mga peryodikong pag-aari ng mga Marcos at Romualdez at ng kanilang mga kroni. Tinangkilik mo ang mga alternatibong pahayagan na minaliit ng rehimeng militar at binansagang mosquito press, o mga peryodikong parang lamok.

Dumating ang panahon na binoykot mo ang hamburger na tinda ng kompanyang Amerikano at pati na ang paborito mong serbesa, dahil sumusuporta kay Marcos ang Estados Unidos at nasa kamay ng mga kroni ni Marcos ang kompanyang gumagawa ng serbesa.

Inalagaan mo ang iyong galit. Diinilig mo iyon, nilagyan ng abono, pinausukan, pinayabong, pinamulaklak, pinapagbunga. Pinagyaman mo iyon hanggang sa panahon ng anihan sa EDSA.

Pero palibhasa’y Pinoy, hindi mo nakalimutang tumawa at magpatawa. Ang poot ay pinulbusan mo ng pangungutya. Ang himagsik ay hinaluan mo ng halakhak.

Inihayag mo ang iyong pakikiisa sa bagong martir: “Ninoy, hindi ka nag-iisa.” Pero pinaglaruan mo rin ang iyong islogan: “Galman, naisahan ka! Ver, nakaisa ka! Imelda, isa ka pa! Marcos, hindi ka nag-iisa! (Itanong mo kay George Hamilton.)”

Pati sarili mong hanay ay pinitik-pitik mo. Kung ang sigaw ng masa ay “Makibaka! Huwag matakot!”, ang sigaw naman daw ng burgis sa Ayala ay “Let’s make baka! Don’t be takot!” Kung ang kanta ng masa ay “Bandilang pula, iwagayway!”, ang kanta naman daw ng burgis sa Ayala ay “Bandilang dilaw, i-wave, wave, wave!”

Nakitawa ka sa kumalat na Ninoy jokes.

Pagdating daw ni Ninoy sa langit, nagulat na lang siya nang bumalandra sa harap niya si Rolly Galman, ang tirador na diumano’y pumatay kay Ninoy at pinatay ng militar. “O, bakit ka narito?” tanong ni Ninoy. “Ewan ko ho, itinulak lang ako, e,” sagot ni Rolly. “Hindi ba ikaw ang bumaril sa akin?” tanong uli ni Ninoy. “Pa’no ho nangyari iyon?” sabi ni Rolly. “Kanina pa ako rito, a. Nauna ako sa inyo.”

Nang ilibing si Ninoy ay sinimulan nang ipalabas ang pelikulang The Rise and Fall of Idi Amin. Coming soon naman, sabi ng mga mapagbiro: The Fall of Idi Umaamin.

May ilang umiling-iling. Ang hirap daw sa ating mga Pinoy ay dinadaan natin ang lahat sa biro. Hindi tuloy nagbabago ang kalagayan ng bayan dahil hindi tumatagal ang galit ng taong-bayan. Pagkatapos ng silakbo ng damdamin, ginagawang katatawanan na lamang ang mabibigat na problema.

Pero alam mong kahit tumatawa ka’y hindi nawawala ang pagpupuyos ng iyong dibdib. Hindi lahat ng biro ay purong siste. Sa biro tungkol kay Galman ay lumilitaw ang tunay mong saloobin—hindi ka naniniwala sa opisyal na pahayag na si Galman ang pumatay kay Ninoy.

Totoong may pagpapatawang nagpapahupa ng galit, pumapawi ng lungkot. Pero mayroon ding nagpapaalab ng damdamin, nagpapakilos. Ang kiliti ay may kasamang sapok at sipa.

Alam mong ang tumatawa ay karaniwang nawawalan ng takot—at nawawalan ng paggalang—sa kanyang pinagtatawanan. At ang pagkawala ng takot at paggalang sa mga berdugo’t hari ang unang hakbang sa pagbabago ng binubusabos at pinaghaharian.

Tulad ni Rizal sa Noli Me Tangere, tulad ni Plaridel sa Dasalan at Tuksuhan, ginamit mo ang biro at panlilibak para inisin ang dapat inisin, at para buhayin ang loob ng sambayanan.

1 comment:

Louise Vincent Amante said...

Sir Pete, kumusta na?

Nagtext ako sa numerong 0906 ang umpisa at 1889 ang hulihan. Nabasa ninyo po ba?

Isang imbitasyon na kayo'y maging panauhing tagapagsalita para sa aking klase na Peryodismong Filipino. Malapit sa inyong opisina diyan sa Pioneer St. ang Rizal Technological University. Sept 11, 6:00 to 7:30PM. Pagsulat ng editoryal at kolum. Puwede po ba kayo?