Nitong nakaraang taon—Oktubre 17, 2011, to be exact—isang
paring Italyano ang binaril at pinatay ng di pa kilalang salarin sa Arakan,
North Cotabato. Ang pari, si Padre Fausto Tentorio, ay kura paroko ng Arakan at
miyembro ng grupong misyonerong PIME, o Il Pontificio Istituto Missioni Estere
(Pontifical Institute for Foreign Missions).
Si Padre Tentorio ang ikatlong paring PIME na pinatay sa
Mindanao. Noong 1992, pinatay naman sa Zamboanga ng di rin kilalang salarin si
Padre Salvatore Carzedda. Nauna sa kanilang dalawa si Padre Tullio Favali, na
pinatay sa Tulunan, North Cotabato, noong Abril 11, 1985. Kilala at 23 taon
ding nakulong ang pumatay kay Padre Favali: si Norberto Manero Jr., lider ng
isang kulto at ng grupong vigilante na Civilian Home Defense Force (CHDF).
Nang lumabas ang balita tungkol sa pagpatay kay Padre
Tentorio noong isang taon, naisipan kong halungkatin ang dalawang kolum na
sinulat ko noon tungkol kay Padre Tullio Favali. (Tulio ang baybay sa maraming ulat, at pati na rin sa una
kong kolum, pero Tullio ang nasa
website ng PIME, www.pime.org, kaya Tullio ang baybay na ginamit ko sa mga reprint na ito.)
1985
Mula sa kolum kong “Sa Madaling Salita,” Mr. & Ms.
Magazine, June 1985
(Wala akong clipping nito, pero sa carbon copy ng aking
makinilyadong manuskrito ay may ganitong tala sa dulo: 850620. Ibig sabihin,
natapos kong sulatin ang kolum noong 1985 Hunyo 20.)
MALAGIM NA POSTKARD
Kung mababanggit ang salitang “postkard,” ang unang
maiisip ay mga larawan ng magagandang tanawing panturista. Pero kamakailan ay
may nagbigay sa akin ng postkard na kakaiba. Ang nakalarawan ay isang malagim
at nakapanghihilakbot na eksena mula sa kanayunang Pilipino—ang nakadapang
bangkay ni Padre Tullio Favali, ang paring Italyano na pinatay sa Hilagang
Kotabato noong Abril 11.
De-kolor ang postkard, at kung mahina ang sikmura mo ay
hindi mo matatagalang tumingin dito. Nakaharap sa kamera ang sabog na bungo ni
Padre Tullio. Maitim na ang natuyong dugong umagos mula sa ulo at kumalat sa
kalsada, pero ang mismong ulo ay mapulang-mapula pa. Ewan kung ang pulang iyon
ay dugo o nawakaak na laman ng bungo ng pari.
May kasamang mga brochure at liham ang ibinigay sa
aking postkard. Sinasariwa sa babasahing ito ang nangyari kay Padre Tullio
noong araw na patayin siya.
Huwebes ng hapon noon, at kababalik lamang ng paring
Italyano mula sa piyesta sa isang baryo ng Tulunan, Hilagang Kotabato. Si Padre
Tullio ang kura paroko ng Tulunan. Kabilang siya sa ordeng PIME, mga inisyals
na mula sa mga salitang Italyano, na kung tatagalugin ay Pontipikal na
Instituto para sa mga Misyon sa Ibang Bansa. Siya’y 38 anyos noon, at hindi pa
nakakaapat na taon sa pagkapari. Dalawang taon pa lamang siyang namamalagi sa
Pilipinas.
Pagdating niya sa kanyang kumbento sa Tulunan, may
nakita siyang liham mula sa isang pamilyang humihingi ng tulong. Ayon sa liham,
kasalukuyang nasa Baranggay La Esperanza ang isang grupo ng Civilian Home
Defense Force (CHDF). Nagkaroon diumano ng kaunting putukan, isang residente
ang nasugatan, at namamayani sa mga oras na iyon ang matinding takot at
pag-aagam-agam.
Muling lumabas ang misyonerong Italyano at sumakay sa
kanyang motorsiklo. Nagpunta siya sa bahay ng nagpadala ng liham. Habang
naroon, napansin niyang nagliliyab ang kanyang motorsiklo. Nakapaligid sa
motorsiklo ang ilang miyembro ng CHDF. Ayon sa mga saksing nakapanayam ng isang
fact-finding mission ng Philippine Conference on Human Rights (PCHR), ang mga
CHDF ang sumunog sa sasakyan ng pari.
Lumabas ng bahay si Padre Tullio para kausapin ang mga
nanunog. Papalapit pa lamang siya ay pinaputukan na siya ng isa sa mga armadong
CHDF. Umikot ang katawan ng pari at bumagsak sa lupa. Pagbagsak niya’y
pinaputukan na naman siya. Sumabog ang bungo niya, kumalat ang utak.
Sa Baranggay La Esperanza nagwakas ang anumang mga
pangarap ni Padre Tullio. Tinapak-tapakan ang kanyang lugmok na katawan,
sinipa-sipa. Nagkantahan at naghiyawan sa tuwa ang mga bumaril. Pagkatapos,
dalawa sa mga mamamatay-tao ang nasaksihang lumapit sa bangkay. Ipinasok nila
ang kanilang mga kamay sa sumabog na bungo at dinukot ang utak na naiwan sa
loob ng bungo. Ipinagparangalan nila ito sa taong-bayan.
Alas singko ng hapon nang barilin si Padre Tullio.
Walang makalapit sa kanyang bangkay habang naroon ang mga CHDF. Alas otso na ng
gabi nang dumating ang isa pang pari ng Tulunan para bendisyunan ang bangkay.
May kasama siyang mga pulis at sundalo.
Ayon sa mga saksi, ang pumatay kay Padre Tullio ay ang
CHDF na pinamumunuan ni Norberto Manero Jr. alyas Kumander Bucay. Kabilang sa
grupo ang dalawa niyang kapatid, si Edilberto alyas Kumander Baliling at si
Elpidio. Sina Norberto at Edilberto ang sinasabing dumukot sa utak ng pari.
Sa Kotabato ay kilala sa kalupitan ang pamilya Manero,
ayon sa PCHR. Noon lamang Enero 1984, pinatay ng padre de pamilya ang isa pa
niyang anak, si Noel, pagkat diumano’y “hindi na ito masuheto.” Kung sa mismong
miyembro ng pamilya ay nagawa iyon, mas lalo pa sa ibang tao. May mga apidabit
na nagsasabing ang mga Manero ay maraming pinatay na Muslim at Kristiyano—at
pagkatapos ay niluto nila at kinain ang laman at laman-loob ng kanilang mga
biktima!
Naniniwala ang mga Manero at ang kanilang mga kabig na
ang kanibalismo ay nagbibigay sa kanila ng milagrosong kapangyarihan.
Kakila-kilabot isipin na sa mga panahong ito, sa isang
bansang Kristiyano at sibilisado kuno, ay mayroon pang nagaganap na ganitong
sinauna at panatikong kalupitan.
Lalong kakila-kilabot isipin na hanggang ngayon ay
nakakawala pa ang mga taong ito, gayong maraming testigo sa kanilang mga
karima-rimarin na gawain.
At lalong kakila-kilabot isipin na ang dahilan kung
kaya hindi pa sila nahuhuli at ibinibilanggo ay sapagkat sadyang ginagamit
sila’t pinakikinabangan ng naghaharing rehimen. Sa halip na parusahan ay binibigyan
pa sila ng militar ng mga medalya at armas.
Si Presidente Marcos mismo ay nagbigay ng di-direktang
pagkilala at bendisyon sa mga sekta at kultong katulad ng grupo nina Manero. Sa
pakikipag-usap kina Almirante William Crowe at Embahador Stephen Bosworth ng
Estados Unidos, sinabi ni Marcos na “ang kampanya ng gobyerno laban sa
insureksiyon ay sumusulong dahil sa suportang ibinibigay ng iba’t ibang sekta
at kultistang lumalaban sa Bagong Hukbong Bayan (NPA).”
Isang bagay ang malinaw sa pangungusap na iyan, ayon sa
Justice and Peace Commission ng Association of Major Religious Superiors in the
Philipines: alam ni Marcos na may gayong mga panatikong grupo “pero ang mga
iyon ay itinuturing niyang kaalyado.”
Kakila-kilabot isipin na sa isang banda ay halos
kinikilala ng gobyerno ang mga kultistang pumapatay ng mga paring Italyano at
Pilipino, habang sa kabilang banda ay tinutustusan nito ang pamasahe at
panggastos ng mga pari’t madreng Pilipino sa pagpunta sa Italya para panoorin
ang parpuputong sa isang bagong kardinal na Pilipino.
Mapulang dugo ang pinabulwak sa sumabog na bungo ng
isang pari ilang buwan lamang bago sinuotan ng pulang sombrero ang isang bagong
kardinal.
Ang unang pangyayari ay hindi inaaksiyunan ng gobyerno,
pero ang ikalawa’y sinusuuban ng insenso at hosana ng pinakamatataas na opisyal
ng gobyerno.
Kakila-kilabot isipin.
2001
Mula sa kolum kong “Kung sa Bagay,” Pinoy Times, 2001 Abril 2
SI MANERO, SI MORATO AT ANG MGA MANANG
NAGWARNING sa akin ang isang kaibigan. Dapat daw akong mag-ingat,
dahil tumakas sa kulungan si Norberto Manero.
Palagay ko’y hindi naman ako kilala ni Manero, pero
baka naaalaala niya ang Orapronobis. Sa
nasabing pelikula, na dinirihe ni Lino Brocka, ang kontrabida ay isang
nagngangalang Kumander Kontra, lider ng isang kultong inarmasan ng gobyerno
para labanan ang mga rebeldeng komunista. Sa simulang-simula pa lamang ng
pelikula, pinatay ni Kontra ang isang pari at kinain ang utak nito.
Kaya ako winarningan ng kaibigan ko ay dahil ako ang
scriptwriter ng pelikula. Nagkataon pa na ang gumanap na Kontra ay si Bembol
Roco, na kalbo ring tulad ni Manero.
Wala sa script na kalbo si Kontra, at ang pangalan ng
grupo ni Manero ay hindi naman Orapronobis kundi Ilaga. Ang Orapronobis ay
likhang-isip lamang na batay sa iba’t ibang armadong kulto na tulad ng Ilaga,
Tadtad, at Alsa Masa.
Pero aaminin ko na ang pambungad na mga eksena sa
pelikula ay batay sa totoong nangyari kay Padre Tullio Favali, isang
misyonerong Italyano sa Mindanaw. Dahil sa karumal-dumal na krimeng ito kung
kaya dinakip at ikinulong si Manero.
Nang ipalabas ang Orapronobis sa Cannes Film Festival (sa titulong Pranses na Les
Insoumis, o “Ang Mga Hindi Nagagapi”),
katakot-takot na batikos ang agad na inabot nito mula kina Manoling Morato at
Cecile Guidote-Alvarez.
Kesyo bakit daw natin kailangang “iladlad ang ating
maruming kumot” sa ibang bansa. Bagamat halos walang sex (hindi ipinakita ang
paggahasa ni Kontra sa tauhang ginagampanan ni Gina Alajar), sobra naman daw
ang violence. At hindi naman daw totoo na may kanibalismo sa Pilipinas.
Malaya pang gagala-gala si Manero noon, at ayaw
maniwala nina Morato na may isang katulad ni Manero na literal na kumakain ng
laman.
Kung tutuusin, matimpi pa nga ang pelikula. Mas
kahindik-hindik ang katotohanan. Hindi lamang komunista kundi pati Muslim ang
naging biktima nina Manero. Ang tanda ko, nilitson nila nang buhay ang isang
buntis na Muslim, at pagkatapos ay pinulutan ang sanggol sa sinapupunan nito.
Sa ano’t anuman, hindi inisyuhan ni Morato, chairman
noon ng Movie and Television Review and Classification Board, ng permit to
exhibit ang Orapronobis. Hanggang
ngayon, hindi pa ito naipapalabas sa komersiyal na sinehan sa Pilipinas.
Ngayon ay malaya na namang gagala-gala si Manero, at
minsan pa’y isang pelikula ang dahilan para manggalaiti sa galit sina Manoling
at Cecile at marami pang ibang manang, kabilang na ang ilang manang na
nakasutana at may kornita.
Kakatwa na ang pagsensor sa Orapronobis ay nangyari pagkatapos ng People Power 1, at ngayon,
pagkatapos ng People Power 2, Live Show naman ang sinensor. Bakit kaya ginigipit ang kalayaan sa pamamahayag
pagkatapos na malagay sa poder ang isang pamahalaang nakinabang sa malayang
pamamahayag? At bakit pelikula ang unang pinag-iinitan?
Ewan ko. Basta ako, mas takot ako kay Morato kaysa kay
Manero. Noong nasa MTRCB pa ako, ang sigaw ni Morato sa isang rali ay dapat daw
gahasain kaming mga taga-MTRCB. Kaya lagi kong binabantayan ang aking likod.
Nginangatngat na nga ng mga manang ang aking utak ay baka madale pa ako sa
puwit.
-----------------
NOTE:
Noong panahong sulatin ko ang ikalawang kolum, may
natanggap akong email mula sa isang TV reporter. Sabi niya: “kwentuhan mo naman
ako kay manero and orapronobis. do u really think regal films bought the
rights?”
Eto ang naging sagot ko:
The Orapronobis group headed by Bembol Roco in the movie was
a composite. My working title was Tadtad,
which was the name of an actual group; but we decided to use a fictional name
because we didn’t want Tadtad members going out and throwing homemade bombs
into movie theaters.
The opening sequence of Orapronobis was based on the Fr. Favali case. I think it was
just a coincidence that Bembol and “Kumander Bucay” Manero are both bald.
Bembol’s getup, with his head covered by a tubaw, was partly based on photos of
Alsa Masa leaders.
Incidentally, I picked up some details of the Favali killing
from an interview that Mike de Leon did with Fr. Peter Geremiah, Manero’s
original target. I published an abridged version of the interview in Midweek magazine. I don’t recall how Mike got to interview
Fr. Geremiah—this may have been for the Super-8 documentary we made for the
Concerned Artists of the Philippines.
Mike and I were earlier developing another project also
entitled Orapronobis, but that other
project was about student filmmakers and a sexually oriented Banahaw-type cult.
He shelved this project after its storyline had been approved by the ECP
(Marichu Maceda submitted the storyline without Mike’s knowledge or
permission), and we did Sister Stella L. instead. [ECP is the Experimental Cinema of the Philippines.]
Did Regal buy the rights to the film? This is news to me,
but if true, it’s good news. Orapronobis
has never been shown commercially because Manoling Morato’s MTRCB withheld the
exhibition permit on technical grounds—there was no import permit and no
Philippine distributor for a foreign-produced movie. (It was entirely financed
by Pathe, then a subsidiary of Cannon Films. Viva was the distributor for
Cannon films, but it decided not to distribute Orapronobis because it didn’t want its other movies to get into
trouble with Manoling.)
Orapronobis got
attacked by the same gang that was active in the recent anti-MTRCB brouhaha
because they claimed the movie presented a bad image of the country. They said
the cannibalism was a figment of our (Lino’s and my) imagination.
No comments:
Post a Comment