Bilang paggunita sa Buwan ng Wika, ngayong Agosto 2012,
ipinopost ko ngayon ang tatlong lumang kolum tungkol sa wikang pambansa na sinulat ko
noong 1998 para sa pahayagang Diario Uno.
SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998
Setyembre 08
Lipat-wika
SA KANYANG talaan na inilalabas ng Diario UNO bilang kolum, inekstra ako nitong nakaraang buwan ng
yumaong katotong Rogelio R. Sicat.
“May mga dating
manunulat sa Ingles na lumipat sa Pilipino nang ang huli’y mauso noong mga
1970,” aniya. “Kabilang dito sina Rolando Tinio, tubong Nueva Ecija, at Jose
Lacaba, tubong Cagayan de Oro ngunit lumaki na sa Pateros.”
Idinagdag pa
Roger S.: “Nag-Taglish si Tinio sa kanyang tula ngunit kanyang iniwan at
nagbalik sa Pilipino, kolokyal at pormal. Naghimagsik sa ‘puristang’ Pilipino
si Lacaba at ang wika niyang ginamit ay hindi Taglish, manapa’y magaang na
Pilipino. At ang dalawang manunulat na ito ay kapwa magaling sumulat.”
National Artist
na ang yumaong si Rolando Tinio, at hindi malayong maging National Artist din
si Roger. Siyempre pa, pumapalakpak ang tenga ko sa ganyang papuri. Pero
kailangan kong iwasto ang datos ni Roger.
Hindi lamang
“noong mga 1970” ako lumipat sa Pilipino. Sa mula’t mula, nagsusulat na ako sa
Pilipino, hindi nga lamang nalathala agad sa mga pambansang publikasyon. Mas
tamang sabihin na matagal na akong palipat-lipat sa Ingles at Pilipino.
Bagamat
ipinanganak ako sa Cagayan de Oro at Cebuano ang una kong wika, hindi kaiba sa
akin ang Tagalog. Taal na Tagalog ang aking ina, tubong Pateros. At major niya
sa kolehiyo ang kursong kung tawagin noon ay National Language. Itinuro niya
ito sa loob ng 43 taon, sa elementarya, hayskul, at kolehiyo. Bago pa man ako
natutong magbasa, nasa aklatan na namin ang Florante at Laura, ang Urbana at Felisa, ang balarila ni Lope K. Santos.
Sampung taon ako
nang lumipat kami sa Pateros. Pumisan kami sa lola na nagturo sa aming magdasal
ng orasyon at rosaryo sa Tagalog. Sa mga burol at pasiyam, dinadasal namin ang
katutubong panalangin para sa patay: “Alang-alang sa masaganang dugong ipinawis
mo sa hardin ng Hetsemane, kaawa’t patawarin, Panginoon, ang kaluluwa ni Jose.”
Naging bahagi ng aming aklatan ang Caton
at ang Pasion at Ang
Martir sa Golgota.
Sa radyo ng Lola
Maria, sinubaybayan namin ang mga pakikipagsapalaran ni Kapitan Kidlat, ang mga
kuwento ni Lola Basyang, ang mga kakuwanan sa Sebya, Mahal Kita, ang tagisan ng talino ng mga prinsipe’t prinsesa ng
balagtasan.
Sa barberya,
habang hinihintay na magupitan, natutunghayan ko ang hindi-pambatang magasing Tiktik.
Pero ang pangunahin kong guro sa wika ay
ang komiks.
Laman ako ng mga
paarkilahan. Alam ko kung anong araw ang labas ng bawat isa sa apat na komiks
ng Ace Publications—Pilipino Komiks, Espesyal, Hiwaga, Tagalog Klasiks. Para may pang-arkila, tinitipid ko ang baon, at kung
minsan ay naglalakad akong pauwi mula sa eskuwelahan sa kalapit-bayan ng Pasig,
mahigit sa limang kilometro ang layo sa amin.
Sa katabing
baryo, may pinsan ang aking ina—ang Tiya Isang, Felisa Pascual Manalo, na
kamamatay lamang nitong nakaraang Abril. Halos tuwing Sabado, dumadalaw ako sa
kanila, at pinamemeryenda pa ako ng aking Ate Quetang (na ang buong pangalan ay
Enriqueta). Hindi ko makakalimutan ang inihahanda niyang pandesal na hinati sa
gitna, ibinabad sa binating itlog, pinirito, at binudburan ng asukal.
Pero hindi
meryenda ang sadya ko. Naroon ako dahil ang Tiya Isang ay may kagila-gilalas na
koleksiyon ng mga lumang komiks—naka-bookbound pa! Nalula ako sa pagbabasa
tungkol kina Barbaro at Satur at Gigolo, tungkol kina Darna at Dyesebel at
Bondying.
Kamakailan,
ininterbiyu ako ng ilang estudyante sa hayskul, at nang tanungin nila kung sino
ang mga manunulat na nakaimpluwensiya sa akin, ang una kong isinagot ay
Francisco V. Coching at Mars Ravelo. Ewan ko kung kilala pa nila ang mga
pangalang iyon. Parang hindi naman sila nagulat na dalawang magkokomiks ang una
kong binanggit. Pero hindi ako nagbibiro. Kay Coching ko unang natutunan ang
matulaing gamit ng Tagalog, kay Ravelo ang kolokyal.
Matagal nang
pumanaw si Ravelo. Kamamatay lang ni Coching nitong nakaraang linggo. Ang unang
nagbalita sa akin ay ang pintor na si Danny Dalena. Tumawag siya para sabihing
“namatay na ang idolo natin.”
Dahil kay
Coching, ang una kong ambisyon noong hayskul ay ang maging kuwentista at dibuhista
sa komiks. Mababaw ang kaligayahan ko. Gusto ko lamang mabasa ang byline ko sa
anyong linggo-linggo kong nakikita sa mga seryeng tulad ng Taga sa Bato at Kondenado: “Katha’t guhit ni Francisco V. Coching.”
Kami ng yumao
kong kapatid na si Eman ay parehong mahilig magdrowing at magkuwento noong
araw. Ang estilo ko sa dibuho ay kahawig ng kay Larry Alcala kung kartun, at
kung seryoso ay kombinasyon ng estilo ni Coching at ng may-akda (hindi ko na
maalala ang pangalan) ng Johnny Hazard, isang
comic strip na Ingles na lumalabas sa dating Manila Times.
Naglabas si Eman
ng komiks na tinawag niyang Mabuhay Klasiks, ilang pahina ng typewriting paper na may staple sa gitna. Lapis ang
pandrowing at panletra. Iisa lang ang kopya ng bawat isyu, at bukod sa aming
dalawa ay aapat lang ang mambabasa—ang aming apat na kapatid.
Doon sa Mabuhay
Klasiks, doon lumabas ang isa sa mga una
kong akda sa Tagalog, isang nobelang pangkomiks: Prinsipe Roldan. Katha’t guhit ni Jose F. Lacaba.
Pangalawang hati
iyon ng dekada ’50. Malayo pa ang dekada ’70, nang “mauso” ang Pilipino.
SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998
Setyembre 10
Balik-wika
ANG NAKARAAN: Napukaw ang gunita dahil sa ilang katagang
binitiwan ng katotong Roger Sicat noong buhay pa siya. Akala niya’y “lumipat”
ako sa Pilipino nang ito’y “mauso noong mga 1970.” Sa huli kong kolum,
ipinaliwanag ko nagsusulat na ako sa Tagalog noon pa mang ikalawang hati ng
dekada ’50. Kaya lang, ang sinusulat ko’y mga kuwentong komiks, at ang mga
mambabasa ko’y mga kapatid ko lamang.
Trese anyos ako
nang mabiyuda ang aking ina. Ako ang panganay, inaasahang tutulong sa
pagpapaaral ng mga nakababatang kapatid. Dahil dito, ayoko sanang magkolehiyo
agad, gusto kong maghanapbuhay muna pagkagradweyt.
Kung kakayanin ko
mang magkolehiyo—maaaring bilang working student, tulad ng aking ama—gusto ko
sanang pumasok sa fine arts o commercial art. Mas hilig ko noon ang magdrowing
kaysa magsulat.
Nag-iba ang
direksiyon ng buhay ko dahil sa isang desisyon ng mga pari sa Pasig Catholic
College. Ang kanilang pinakamagagaling na estudyanteng gagradweyt ng hayskul ay
dinala nila sa Ateneo de Manila para kumuha ng IQ test. Isa ako sa apat o
limang binigyan ng Ateneo ng scholarship, batay sa resulta ng IQ test.
Kaya, ayun,
napasok ako—isang promding sangkahig-santuka—sa unibersidad ng mayayaman. Sa
kasamaang-palad, walang fine arts sa Ateneo. Pinayuhan akong mag-major sa
humanities. Kahit paano’y may kinalaman ito sa sining. Kaya lang, nadiskubre
kong ang humanities sa Ateneo noon ay mas maraming subject na pilosopiya.
Nakurta ang utak ko sa pagdalumat ng categorical imperative at thingness of a
thing.
Ipinasiya kong
magpalit ng major. Lumipat ako sa English, na mas madali para sa akin. Mangyari
pa, nang makahiligan ko nang magsulat ng tula at maikling kuwento, sa Ingles
ako unang nagsulat.
Pero di-nagtagal,
nananagalog na naman ang aking mga katha.
Sa tula,
nakatuwaan kong mag-eksperimento sa paggamit ng simple, ordinaryo, kolokyal na
Tagalog—hindi ang matulain, malalim na Tagalog ng Bulacan at Quezon, kundi ang
pang-araw-araw na lengguwaheng naririnig ko sa Pateros at Maynila. Ipinaloob ko
ang lengguwaheng ito sa mga tradisyonal na sukat ng mga akdang binasa ko noong
bata-bata ako—awit, korido, pasyon, bugtong, salawikain.
Ang unang nagtulak
sa aking sumulat ng tula ay ang propesor ko sa freshman English, ang makatang
si Emmanuel “Eric” Torres. Sa kanya ko ipinabasa ang una kong mga pagtatangka.
Nang magpakita ako ng mga tulang Tagalog, inamin niyang hindi siya bihasa sa
wikang iyon at iminungkahi niyang ipabasa ko sa dalawang kasamahan niyang guro.
Bagamat nagtuturo
sa English department, nagsusulat sa Tagalog sina Rolando Tinio at Bienvenido
Lumbera. Ipinakita ko sa kanila ang mga sinulat ko, at ibinalik nila ang mga
iyon na may puna, payo, mungkahi. Ipinabasa rin nila sa akin ang kanilang mga
tula.
Naglathala ako ng
ilang tula namin sa isang minimyograp na magasing inedit ko para sa Arts Club.
Naging dahilan iyon para maglabasan ang iba pang estudyante at Heswita na
tumutula din sa Tagalog, wala nga lamang mapaglathalaan.
Ipinasiya ng Heights,
magasing pampanitikan ng Ateneo, na
ilathala ang mga tulang Tagalog ng mga Atenista. Iyon yata ang kauna-unahang
pagkakataon na naglabas ang isang opisyal na publikasyon sa Ateneo ng anumang nasusulat
sa sariling wika. Novelty pa iyon noon. Unang hati pa lamang ng dekada ’60.
Hindi pa laganap sa unibersidad ang diwa ng nasyonalismo.
Ang seksiyon ng Heights
na naglalaman ng kalipunan ng mga tulang
Tagalog ay binigyan ng pamagat: “Bagay Poets.” Uso kasi sa Ateneo ang mga
eksistensiyal na diskusyon tungkol sa thingness of a thing.
Sa gayon
nagsimula ang tinatawag ngayong Kilusang Bagay sa panulaang Pilipino. Hindi
iyon pormal na kilusan. Nagkataon lang na naroon kami sa iisang lugar sa isang
partikular na panahon, mga nagsusulat ng tulang Tagalog sa unibersidad na
balwarte ng Ingles sa Pilipinas.
Nang lumabas ang
unang edisyon ng librong Mga Agos sa Disyerto noong 1964, sa labas ng Ateneo ay wala pang nakakaalam na may Bagay
Poets. Nalaman kong ang mga kuwentista sa Agos ay unang nalathala sa seksiyong “Bagong Dugo” ng Liwayway.
Naglakas-loob akong magpadala ng ilang tula
sa magasin. Hindi pumasa.
Sa loob-loob ko,
hindi siguro masakyan ng patnugutan ang ginagawa ko. Ipinadala ko ang mga tula
sa Panitikan, isang maliit na magasing
ang editor ay ang rebeldeng makatang si Alejandro G. Abadilla, na hindi ko
kilala nang personal. Nagulat pa ako nang dumating ang sulat niya. Tanggap daw
ang mga tula ko. Humingi lang siya ng kaunting impormasyon tungkol sa akin.
Wala pa rin akong
suwerte. Nagsara ang Panitikan bago
nailathala ang mga tula ko.
Samantala,
lumalabas na ang mga obra ko sa Ingles. Napasok ako sa Philippines Free
Press bilang copyreader-proofreader, at sa
kalaunan ay naging staffwriter. Linggo-linggo, may lumalabas na artikulo ko sa
Ingles.
Dekada ’70 na
nang malathala—sa mga babasahing tulad ng Pilipino, kapatid na magasin ng Free Press—ang mga tula ko sa Tagalog na halos isang dekada na
ang edad.
Noong taong 1970,
ipinasiya kong tumigil na sa pagsusulat ng tula sa Ingles. Hindi iyon
nangangahulugan na noon lamang ako “lumipat sa Pilipino.”
SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998
Setyembre 12
Wika ng lupa
ANG NAKARAAN: Dahil sa ilang pangungusap na sinulat ng
yumaong katotong Roger Sicat noong siya’y buhay pa, nagsulputang parang kabuti
ang mga alaala ng una kong mga pagtatangka sa paggamit ng sariling wika—simula
sa mga istoryang pangkomiks noong dekada ’50 hanggang sa mga tula ng dekada
’60.
Salamat sa
talaang iniwan ni Roger S., naalala ko ang aking personal na dyornal noong nasa
kolehiyo. Naghalungkat ako sa kalawanging filing cabinet. Naroon pa ang isang
spiral notebook, may tatak na “Liberty.”
Nagsisimula nang
manilaw ang may-guhit na papel sa loob. Pero malinaw pa ang itim na tinta ng
fountain pen, kasinlinaw ng mahinhing sulat-kamay na kahawig ng sulat-kamay ng
ina kong guro.
Ang kauna-unahang
pahina ay may petsang Enero 1, 1963, Martes. Noon ay 17 anyos ako. Ingles ang
ginamit kong wika.
Noong Enero 12 at
13, sinulat ko ang reaksiyon ko sa artikulo ni Quijano de Manila na kalalabas
lang sa Philippines Free Press. Ito’y
ang artikulong “The Language of the Streets,” tungkol sa salitang kanto.
Inilista ko ang ilang salitang uso sa aming mga kabataan noon, na nakaligtaang
banggitin ni Quijano—gedra, tedesens, jake, wangbu, nekti, ngetspa,
hedya, magwala, yari na, ayos na, plesimps, bangya, sanpits, yotits, bogli (na binaybay kong bowgli), osla, senglot. Dedbol na ang ilan sa mga salitang ito.
Noong Marso 18,
sinulat ko ang unang talata ng isang kuwentong Tagalog na pinamagatan kong
“Ewan Ko Ba.” Hindi ako lumampas sa unang talata.
Noong Nobyembre
23, ilang araw bago ako tumuntong ng 18, napabalita ang pagkamatay ni John F.
Kennedy. Noon nagsimulang managalog ang aking dyornal. Ito ang simula ng
sinulat ko sa petsang iyon:
Sa ngayon ay interesadong-interesado
ako sa wikang Pilipino kaya’t tuwing susumpungin ako’y Pilipino ang gagamitin
ko sa pagsulat dito. Isa pa’y mahusay na pagsasanay itong pagsulat ng tuluyan
sa wikang Pilipino. Sa tula’y medyo sanay na ako; sa tuluyan, ito ang praktis
ko.
Pagkatapos,
binigyang-pansin ko ang insidenteng laman ng mga balita. May kaunting editing
ang mababasa ninyo ngayon, dahil medyo nalilito pa ako noon sa maikling ng at mahabang nang, may kudlit pa noon ang mga sapagkat, at sobrang mahaba ang aking mga pangungusap at
talata.
Kanina lang
umaga ko nabalitaan ang pagkamatay ni Kennedy, mula pa sa tsuper ng sinakyan
kong dyip pagpasok sa eskuwelahan, pero hanggang ngayon ay hindi pa yata ako
makapaniwala nang husto sa nangyaring ito.
Pag
nakatanggap ka ng ganyang klaseng balita, ano ang masasabi mo? Uulit-ulitin mo
lang ang sinasabi ng lahat, presidente man ng Pilipinas o tsuper ng dyip, na
ito’y isang malaking sakuna, atbp. (hindi ko masyadong alam kung ano ang mga
clichés ng Pilipino), na dahil sa dalas ng ulit ay parang wala nang lakas,
parang salita lamang na hindi kasama ang puso’t diwa.
Ang totoo
marahil ay talagang nabiglaanan tayong lahat, at sa laki ng ating hinagpis ang
lumalabas sa mga dila natin ay tanging ang mga salitang handa’t de-lata sa
ating isip. Kung mag-iisip ka pa nang matagal para sabihin ang nararamdaman sa
mga salitang bago at orihinal, marahil ang epekto rin ay ang kakulangan ng
sinseridad, sapagkat sa ganda ng salita’y maaaring hindi mapansin ang damdamin,
ang tingin ay mapupukol sa salita.
Kinabukasan,
Nobyembre 24, may kalaliman ang aking tala—pilosopikal!
Hindi ko
maalala kung sino iyong pilosopong nagsabi na tuturuan daw niyang magsalita ng
Aleman ang pilosopiya. Nang sabihin niya iyon, ang pilosopiya’y “nagsasalita”
sa wikang Latin at Pranses lang. Sa ngayon ay nagsasalita na ng Aleman, Ingles,
at Espanyol, bukod sa Pranses, ang pilosopiya, ngunit hindi ng Pilipino.
Hindi ko yata
kayang turuan ang Pilipino, sa dahilan—at anong laking dahilan!—na ako’y hindi
naman isang pantas ng pilosopiya, ako nama’y hindi pilosopo.
Isa pa’y
mahirap pa marahil na gamitin, sa ngayon, ang Pilipino para sa pilosopiya.
Unang-una na lamang ay ang salitang philosopher.
Sa wikang Pilipino, ang ibig sabihin ng pilosopo ay wise guy, smart-aleck, isang mapagsagot ng kalokohan.
Gayunman, para
makapagpraktis, naisipan kong tagalugin ang leksiyon namin sa pilosopiya.
Ang tao’y di
pulo, wika ni John Donne, at bale ganyan ang kinalalabasan nitong aming
pinag-aaralan tungkol sa pagka-isa (univocity) at pagka-marami (equivocity).
Totoo, bawat tao’y ibang-iba sa kanyang kapwa, bawat tao’y may kanya-kanyang
kaurian. Subalit ang lahat ay may pagkakapareho.
Mismong ang
mga eksistensiyalistang nagsasabi na bawat tao’y likas na naiiba sa kapwa,
bawat tao’y walang kaparis, ang nagpapatunay na ang bawat taong walang kaparis
ay maaaring magkaroon ng kaisahan, ng pakikisama.
Kung totoong
lahat ng karanasan ng tao ay sarili niya’t walang ibang makakaintindi, bakit
nagsusulat ng libro ang mga eksistensiyalista? Hindi ba sapagkat inaasahan
nilang may babasa ng mga ito at pagbasa’y maiintindihan silang mga manunulat at
nang magamit ng mambabasa ang karanasan ng manunulat?
Pagkaraan ng ilan
pang ganitong pamimilosopo, sumuko na ako.
“Mahirap palang
talaga,” sulat ko sa huling talata sa araw na iyon. “Ang tula’y mas madaling
turuan ng Pilipino. Ang totoo’y hindi na kailangang turuang magpilipino ang
tula pagkat iyan naman ang tunay na wika ng tula: isang wikang makalupa at
walang pakpak, wika ng lupa.”
No comments:
Post a Comment