WISLAWA SZYMBORSKA
Larawan mula sa
Nitong nakaraang Pebrero 1 ay namatay ang makatang si
Wislawa Szymborska sa edad na 88. Si Szymborska ay makatang Polako (o Polish)
na ginawaran ng Nobel Prize in Literature noong 1996—“for poetry that with
ironic precision allows the historical and biological context to come to light
in fragments of human reality.”
Nang mabasa ko ang balita tungkol sa pagkamatay ni
Szymborska, agad kong kinuha ang libro kong Sa Daigdig ng Kontra-Diksiyon:
Mga Saling-wika (Anvil Publishing, 1991). Naalala
ko na may isinalin akong mga tula ni Szymborska, at babasahin ko sana uli ang
mga ginawa kong salin. Pero nagulat ako nang mabuksan ko ang libro ko: walang
Szymborska doon.
Nang buksan ko ang aking laptop at naghanap ako sa aking
files, doon ko nakita ang ginawa kong salin ng dalawang tula, “Ang Wakas at ang
Simula” at “Ang Tanawin mula sa Itaas.” Ginawa ko pala ang salin noong 1999,
walong taon pagkaraang malathala ang libro ko ng mga tulang salin. Nakita ko
rin sa magulo kong library ang librong View with a Grain of Sand: Selected
Poems ni Szymborska, sa saling Ingles nina Stanislaw
Baranczak at Clare Cavanagh. Inilathala ang librong ito noong 1995 at nabili ko
noong 1997.
Dahil sa pagpanaw ni Szymborska, napabasa ako ng mga tula
niya sa Internet, at bunga ng pagbabasang ito ay nakagawa na naman ng isang
bagong salin, “Ang Tatlong Salitang Kakaiba sa Lahat.”
Bilang paggunita kay Wislawa Szymborska, narito ang salin ko
ng tatlo sa kanyang mga tula.
Ang Wakas at ang Simula
ni Wislawa Szymborska
kailangang may magligpit.
Hindi isasaayos ng mga bagay-bagay
ang kanilang sarili.
Kailangang may maghawan
ng batong nakakalat sa kalsada
para makadaan ang mga karitong
puno ng bangkay.
Kailangang may sumuong
sa burak at abo,
sa mga alambre ng mga sofa,
sa mga basag na salamin,
sa mga duguang basahan.
Kailangang may bumitbit ng poste
para isuhay sa pader,
kailangang may maglinis ng bintana,
magbalik ng pinto sa hamba.
Wala nang mag-iinterbiyu o kukuha ng retrato,
at aabutin ng taon ang trabaho.
Lahat ng kamera ay lumipat na
sa iba pang mga giyera.
Kailangang muling buuin ang mga tulay,
pati na ang mga istasyon ng tren.
Titiklupin ang mga manggas
hanggang magkagutay-gutay.
May gumugunita sa mga pangyayari
habang hawak ang walis.
May nakikinig, habang patango-tango
ang ulong hindi nawindang.
Pero may iba pang abalang-abala sa di kalayuan,
malamang na mababagot
sa ganyang mga kuwento.
Sa tuwi-tuwina, mayroon pa ring
makakahalukay ng kinakalawang na argumento
mula sa ilalim ng mga halaman
at hahakutin iyon sa tambakan ng basura.
Ang mga may-alam
ng puno’t dulo ng mga pangyayari
ay kailangang magbigay-daan
sa mga kakaunti ang alam.
At sa mga mas kaunti pa ang alam.
At sa bandang huli, sa mga walang kamuwang-muwang.
Sa damuhang tumatakip
sa mga sanhi at epekto,
kailangang may isang nakahilata,
kagat-kagat ang isang tangkay ng mais,
nakatunganga sa mga ulap.
Salin sa Pilipino ni Jose F. Lacaba
Batay sa mga saling Ingles nina Stanislaw Baranczak at Clare
Cavanagh
(View with a Grain of Sand: Selected Poems, Harcourt Brace & Company, 1995)
at Joanna Trzeciak
(The Threepenny Review,
Summer 1997).
Mababasa ang “The End and the Beginning,” saling Ingles ni
Trzeciak, sa website ng The Threepenny Review:
Ang Tanawin mula sa Itaas
ni Wislawa Szymborska
Isang patay na salagubang ang nakahiga sa landas sa gitna ng
bukid.
Tatlong pares ng paa ang maingat na nakatiklop sa ibabaw ng
kanyang tiyan.
Sa halip na kalituhan ng kamatayan: kalinisan at kaayusan.
Hindi gaanong kahindik-hindik ang tanawing ito,
maliit lang ang saklaw, mula sa damong-ligaw hanggang sa
yerba-buwena.
Nababakuran ang dalamhati.
Asul ang langit.
Para manatiling panatag ang ating isip, namamatay ang mga
hayop
sa paraang mababaw: sila’y hindi yumao, sila’y basta patay.
Gusto nating isipin na ang iniiwan nila’y kakaunting
damdamin at kakaunting mundo;
umaalis sila, sa palagay natin, mula sa tanghalang hindi
gaanong matrahedya.
Hindi tayo kailanman pagmumultuhan ng mga maamo nilang
kaluluwa,
alam nila ang kanilang lugar,
marunong silang gumalang.
Kaya naman ang patay na salagubang sa landas,
maningning na nakahiga sa init ng araw, ay hindi
ipinaglalamay.
Sapat nang pakikiramay ang ating sulyap—
malinaw na wala namang masyadong nangyari sa kanya.
Ang mahahalagang bagay ay laan sa atin,
sa ating buhay at kamatayan, isang kamatayang
laging umaangkin ng karapatan sa daan.
Salin sa Pilipino ni Jose F. Lacaba
Batay sa saling Ingles nina Stanislaw Baranczak at Clare
Cavanagh
(View with a Grain of Sand: Selected Poems, Harcourt Brace & Company, 1995)
Mababasa ang saling Ingles nina Baranczak at Cavanagh, “Seen
from Above,” sa A Polish Son, blog Leonard
Kniffel:
Ang Tatlong Salitang
Kakaiba sa Lahat
ni Wislawa Szymborska
Kung bibigkasin ko ang salitang Kinabukasan,
ang unang pantig ay bahagi na ng nakaraan.
Kung bibigkasin ko ang salitang Katahimikan,
binabasag ko na ito.
Kung bibigkasin ko ang salitang Wala,
gumagawa ako ng bagay na di mahahawakan ng di-tao.
Salin sa Pilipino ni Jose F. Lacaba
Batay sa saling Ingles nina
Stanislaw Baranczak at Clare Cavanagh
Mababasa ang “The Three Oddest Words,” saling Ingles nina
Baranczak at Cavanagh, sa website ng Nobel Prize:
6 comments:
Great translations, Pete. Kumusta ka na?
Ang galing! Ang ganda!
Maganda ang tula.....
Salamat po sa mga papuri.
Albert, buhay pa naman ako. Madalas nga lang inuubo lately, pero nawawala-wala naman
Mahusay! Ako po ay isang guro din. At natutuwa na bumabasa ako ng mga akda ng isang alagad ng sining na nabubuhay pa! Mabuhay ka!
Salamat! Mabuhay tayong lahat!
Post a Comment