Mahigit isang taon na ang lumipas mula nang magpost ako sa sa blog kong ito, pero wala namang namamansin. Ang huling blog post kong iyan ay isang labas ng "ASISAKAPABA?," dati kong kolum na ang pamagat ay nangangahulugang "ano, sino, saan, kailan, paano bakit," katumbas ng "five W's and one H," o "who, what, where, when, why, and how," na siyang mga katanungan para sa pagbubuo ng impormasyon sa peryodismo.
Sa ano't anuman, naisipan kong i-post sa blog na ito ang iba pang kolum sa "ASISAKAPABA," na lumabas sa loob lamang ng ilang buwan sa lingguhang babasahing STAR! Sa Pilipino, ang ninuno ng diyaryong Pilipino Star Ngayon.
Eto ang unang labas ng "ASISAKAPABA."
Abril 25-Mayo 1, 1984
ASISAKAPABA?
Ni Jose F. Lacaba
NAGPUPUGAY
Hawak mo ang isang bagong babasahin, tinutunghayan mo ang isang bagong kolum.
Itatanong mo: Ano bang klaseng pamagat iyan? Anong lengguwahe iyan?
Sa Ingles, sinasabing ang tungkulin ng peryodismo ay alamin ang five Ws and one H: what, who, where, when, why at how.
Ang ASISAKAPABA ay inimbento kong katumbas ng five Ws and one H. Ang ibig sabihin nito’y ano, sino, saan, kailan, paano at bakit.
Ito ang mga katanungang sasagutin sa tuwi-tuwina ng kolum na ito.
Para madaling tandaan, maaaring bigkasin ang code word na ito sa anyong patanong: A, Sisa ka pa ba?
***
Isang manunulat ng Matandang Gresya o Matandang Roma, na hindi ko na matandaan kung sino, ang maysabi nito: “Ako’y tao, at hindi banyaga sa akin ang aumang likas sa tao.”
Ganyan din, humigit-kumulang, ang gusto kong itaguyod na pananaw sa kolum na ito. Anumang pinagkakaabalahan o pinag-iinteresan ng tao—at ng Pilipino ng ating panahon—ay papaksain at dadalirutin dito.
***
Sinasabi ring ang tungkulin ng peryodista ay bigyang-ginhawa ang nagdurusa at parusahan ang namumuhay ng maginhawa—comfort the afflicted and afflict the comfortable.
Bibigyan din natin ng karampatang pansin ang kasabihang iyan.
***
Abril ang unang labas ng ating bagong pahayagan.
Abril ang pinakamalupit na buwan para sa mga katulad kong freelance writer. Abril kasi ang buwan ng pagpa-file ng income tax returns ng mga walang regular na kita.
Mahirap din naman ang buhay ng freelance writer. May panahong malaki-laki ang kayod mo; may panahon namang isang-kahig-isang tuka.
Sa panahong tumitipak ka, tatagain ka nang husto sa buwis. Diyes porsiyento ang agad na inaawas sa kita mo bago mo pa man matanggap. Pero hindi pa kontento ang BIR sa ganyang withholding tax. Pag nalagay ka sa mataas-taas na bracket, magbabayad ka pa rin ng dagdag na buwis pagdating ng araw ng bayaran. Hindi tuloy magawang magtabi ng bahagi ng kita mo para sa panahon ng tagtuyot.
Sa panahon namang walang-wala ka, hindi ka naman tatanggap ng anumang sustento.
Ang siste pa nito, ikaw na ang kinakaltasan ng withholding tax, ikaw pa ang magpapakahirap na pumunta sa opisinang kumaltas para makuha ang iyong withholding tax certificate.
***
“Mas gusto ko sanang bumoto kaysa magboykot,” sabi ng isang kilala kong oposisyonistang guro, “pero hindi ako boboto sa darating na eleksiyon. Bilib ako sa ilang taong may prinsipyo at matibay ang paninindigan, mga taong hindi balimbing o sunud-sunuran lang sa agos. Kaso, hindi naman kandidato. Ang nakikita kong kandidato ng oposisyon ay mga pinagpilian ng KBL [Kilusang Bagong Lipunan], mga naging oposisyonista lamang dahil hindi sila napasama sa listahan ng mga opisyal ng kandidato ng KBL.”
***
Nang minsang makita ko ang kartunistang si Boy Togonon, nakasuot siya ng T-shirt na kulay dilaw at sa harapan ay may X na pula. Pero sa halip na BOYCOTT, ang nakasulat sa ilalim ng X ay ang palayaw niya: BOYTOGS.
No comments:
Post a Comment