ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
BLIP!
Tapos na ang eleksiyon. Habang sinusulat ito, nangunguna ang UNIDO sa Metro Manila
Ewan ko lang kung ano ang mangyayari mula ngayon hanggang sa araw na lumabas ang kolum na ito.
***
Ang mga oposisyonistang pro-partisipasyon ay nahati-hati sa iba’t ibang partido pulitikal.
Ang mga oposisyonistang pro-boykot naman ay nahati-hati sa iba’t ibang salin at anyong pautos ng salitang boycott.
Sa mga martsang ginanap sa iba’t ibang lugar ng Kamaynilaan noong bisperas ng eleksiyon, ang naririnig na sigaw mula sa mga nagmamartsa ay: “Boykotin!”
Sa mga poster namang idinidikit nila sa mga pader, ang nakasulat ay: “Iboykot!”
Pagdating sa Luneta ng mga nagmartsa, ang narinig nila mula sa isang tagapagsalita ay ang pormang hango sa Espanyol: “Iboykoteo!
***
Sabi ng isang nagmamartsang Tagalista: “Pabor ako sa boykotin.”
Sagot naman ng isa pang nagmamartsang Tagalista: “Baka naman ang kaso ng boykot at kapareho ng kaso ng sulat. Puwedeng isulat, puwedeng sulatin.”
Tinatawagan ang Surian ng Wikang Pambansa!
***
Ang salin naman ng mga sensor sa salitang boycott ay “Blip!”
Nang ipalabas sa telebisyon ang replay ng programang Two for the Road tungkol sa mga pari’t madreng nakikisangkot sa mga usaping sosyopulitikal, iniutos ng mga sensor na alisin ang lahat ng banggit sa salitang boycott.
Kaya, ganito ang lumabas na sinabi ng isang alagad ng Simbahan:
“Blip is the moral option open to the people.”
***
Bukod sa pagpalit ng blip para sa salitang boycott, naglabas din ang programa ng nakasulat na patalastas tuwing may parteng na-blip: “This portion has been censored by the Board of Review.”
Galit na galit daw si Maria Kalaw Katigbak [ang tagapangulo noon ng Board of Review for Motion Pictures and Television, ang dating Board of Censors] sa nangyari. Ipinatawag niya si Maria Montelibano, direktor ng programa, at pinagsabihan ang kanyang tukayo. Bakit daw inilalagay ni Maria M. si Maria K.K. sa kahihiyan?
Ang hirap talagang intindihin ang mga sensor natin. Kung hindi mo susundin, magagalit. Sundin mo naman, magagalit din.
No comments:
Post a Comment