KALAYAAN
Tuwing Araw ng Kalayaan, marami kang maririnig na
talumpating pumupuri sa kalayaan. At ang pinakamaingay sa pagpuri ay ang mga
nasa poder na sumisikil at kumikitil sa kalayaan.
***
May nagsasabing malaya ang Pilipino. Malaya siyang
maghalukay ng makakain sa basurahan. Malaya siyang matulog sa bangketa. Malaya
siyang mamulubi at maghikahos.
***
Ito’y sinulat ni Andres Bonifacio noong 1896:
“Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa
ating pamayanan; ngayon, lagi nang ginagambala ang ating katahimikan ng
umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal
na ulila, balo’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig
na Kastila; ngayon, tayo’y malulunod na sa nagbabahang luha ng ina na nakitil
ang buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang
bawat patak ay katulad ng kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat
ng ating pusong nagdaramdam; ngayon, lalo’t lalo tayong nabibiliran ng tanikala
ng pagkaalipin, tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang
kapurihan.”
Halos isang siglo na ang nagdaraan; parang hindi pa
rin nagbabago ang kalagayan ng Pilipinas. Palitan mo lamang ang mga salitang Kastila at isipin mong ang tinutukoy ay
ang kasalukuyan.
***
Angkop pa hanggang ngayon ang sinabi ni Bonifacio
tungkol na “nararapat nating gawin” batay sa sitwasyong inilahad niya sa itaas:
“Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang
maantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalong
kaalipustaan at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwran na huwag nating
sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipiangakong kaginhawahan na hindi darating
at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at
huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran ang tayo’y
magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at nang tayo’y magkalakas na
maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.”
***
Sa dalawang magkahiwalay na sanaysay, nanawagan din
si Bonifacio sa mga kababayan at mga kapatid na “idilat ang bulag na kaisipan”
at “igayak ang loob sa pakikipaglaban.”
***
Dalawang taon din akong naging bilanggong pulitikal
sa isang kampo militar, at dahil dito’y mahalagang-mahalaga sa akin ang
kalayaan. Pero mahalaga rin sa tao ang dangal, at dahil dito, sa kabila ng
pangamba at agam-agam, ay patuloy nakong nagsusulat tungkol sa mga bagay-bagay
na maaaring maging dahilan ng muling pagkawala ng aking laya.
***
“Ang kalayaan,” ayon sa aliping si Jose Dolores sa
pelikulang Burn!, “ay hindi
ibinibigay. Ito’y kinukuha.”
Mula sa “ASISAKAPABA?”—kolum ni Jose F. Lacaba sa
lingguhang tabloid na Star! Lumabas ang
partikular na kolum na ito sa isyu na may petsang Hunyo 13-19, 1984.
Ang ibig sabihin ng pamagat ng kolum ay “Ano, Sino,
Saan, Kailan, Paano, Bakit,” katumbas ng “Five W’s and one H,” na sa peryodismo
ay siyang batayan sa pagtatanong kung ano ang kailangang makuha at mailabas na
impormasyon: Who, What, Where, When, Why, How.
Ayon naman sa impormasyon na nasa ibaba ng kolum ko:
“Ang STAR! sa Pilipino ay inilalathala nang lingguhan ng Philworld Publications
Inc., na ang Publisher ay si ISAAC G. BELMONTE, Executive Editor si BETTY G.
BELMONTE at Editor si ANTONIO S. MORTEL. Photographer si VER VILLAMOR. Ang editorial
at Business offices ay sa 202 Railroad Kanto ng 13th St., Port Area, Manila.”
Kung hindi ako nagkakamali, ito ang tabloid na ngayon
ay kilala sa pamagat na Pilipino Star
Ngayon. Ang address nito ay 202 Roberto S. Oca Corner Railroad Sts. Port
Area, Manila.
5 comments:
May mga typo sa paragraph na ito: "Itinuturo ng katwran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipiangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari."
katwiran = KATWIRAN
ipiangakong = IPINANGAKONG
Post a Comment