Friday, May 15, 2020

ASISAKAPABA: "MAYO UNO"

ETO ANG PANGALAWANG LABAS NG "ASISAKAPABA."

Mayo 7, 1984
ASISAKAPABA?
Ni Jose F. Lacaba

MAYO UNO

Bakit Mayo Uno ang Araw ng Paggawa?

Sa Europa noong Edad Medya, ang unang araw ng Mayo ay araw ng mga ritwal at pagdiriwang na naglalayong mapasagana ang ani. Ito’y pista ng mga magbubukid, bagamat sa kalaunan ay nalimot ang orihinal na kahulugan ng pista, at ang May Day o Araw ng Mayo ay naging parang Mardi Gras na lamang, isang araw ng kasayahan at pagpapakawala sa mga inhibisyong seksuwal.

May nagsasabing dito mauugat ang pista opisyal na Araw ng Paggawa, pero maaaring ang ganitong palagay ay haka-haka lamang. Ang tiyak na datos ay ito: noong 1889, sa unang kongreso sa Paris ng Ikalawang Sosyalistang Internasyonal, ang Mayo Uno ay piniling maging Araw ng Paggawa.

Hindi opisyal ang aksiyong ito. Walang posisyon sa gobyerno ng anumang bansa ang mga miyembro ng Ikalawang Sosyalistang Internasyonal. Sapilitang iginiit ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa ang kanilang karapatang magkaroon ng isang araw ng pahinga, isang araw ng pagpapahalaga sa manggagawa. Maraming naganap na madugong sagupaan ng mga pulis at manggagawa bago naging pista opisyal ang Mayo Uno sa maraming bansa.

Gayunman, bagamat ang Mayo Uno ay isang internasyonal na pista opisyal, may mga bansang nagdiriwang ng kanilang Araw ng Paggawa sa ibang petsa. Sa Gran Bretanya, ang Araw ng Paggawa ay ang unang Linggo pagkaraan ng Mayo Uno; sa Estados Unidos at sa Canada, ang unang Lunes ng Setyembre; sa Hapon, Nobyembre 23; sa New Zealand, Oktubre 22; sa Espanya, Hulyo 18.

***

Maraming manggagawa sa buong daigdig ang nagbuwis ng buhay para maitatag ang Mayo Uno bilang Araw ng Paggawa at bilang pista opisyal.

Dito sa Pilipinas, marami na ring manggagawa ang nagbuwis ng buhay para sa kalayaan, demokrasya at mga karapatang pangmanggagawa. Ilan sa pinakakilala ang sumusunod.

—Liza Balando, 22, cap seamer sa Rossini’s Knitwear (Caloocan), binaril sa isang demonstrasyon sa harap ng Kongreso moong Mayo 1, 1971.

—Virgilio Hebron, 19, manggagawa ng kutsara’t tinidor sa Metallide Industries (Sucat, Paranaque), binaril habang tumutugtog ng gitara sa piket sa harap ng pabrika noong Abril 26, 1981.

—Felipe Caracas at Antonio de Guzman, mga welgistang manggagawa ng Foamtex Industries (Valenzuela, Metro Manila), binaril ng mga pulis nang magkagulo sa welga sa harap ng pabrika nitong nakaraang Abril 6.

Bagamat hindi namatay sa isang marahas na insidente, masasabing si Felixberto Olalia, dating tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, ay biktima rin ng opisyal na karahasan. Mahigit 80 anyos na si Ka Bert nang hulihin siya noong 1982. Gayong maysakit, pinatulog siya sa malamig na sementeo sa loob ng bilangguan. Humina nang husto ang kanyang katawan, at namatay siya ilang araw lamang matapos siyang palayain noong isang taon.

***

Habang lumalakas ang kilusang manggagawa at dumarami ang mga welga, piket at iba pang aksiyong masa, napagtutuunan ng pansin ng mga alagad ng sining ang kalagayan ng uring manggagawa.

Ngayong taong ito, halimbawa, tatlong pelikulang tapos na o kasalukuyang tinatapos ang pumapaksa sa buhay at pakikibaka ng manggagawa: Kapit sa Patalim ni Lino Brocka, Sister Stella L. ni Mike de Leon at Bangkang Papel sa Dagat ng Apoy ni Edgar Reyes.

No comments: