Saturday, May 16, 2020

ASISAKAPABA: "TANIKALA"

Mayo 14-21, 1984
ASISAKAPABA?
Ni Jose F. Lacaba

TANIKALA

“Ang mga plebisito,” pahayag ni John Zigdis, isang dating minister ng Gresya, “ay may kahulugan para sa bayang malaya, subalit para sa bayang bihag, ang mga plebisito ay isang insulto. Ito’y isang pagtatangkang himukin ang taong-bayan na tumulong sa pagkakabit ng kanilang mga tanikala.”

***

Sa programang pantelebisyon na Two for the Road, noong Marso 12, ipinahayag ni Minister Ricardo Puno:

“Ang partisipasyon sa eleksiyon ay naghahangad ng reporma sa loob ng sistema. Ang boykot ay naghahangad na baguhin ang sistema.”

Gusto sanang itawag na isang manonood ng telebisyon ang tanong niyang ito:

“Kung ang sistema naman ay diktadura, gugustuhin mo pa ba ng reporma sa loob nito? O gugustuhin mo bang palitan ito ng isang sistemang demokratiko?”

***

Isang dating miyembro ng Kabataang Barangay na kilala ko ang nagtapat sa akin. Isang libong piso raw ang alok sa kanya para maging poll watcher. Ang nag-alok ay isang opisyal ng barangay.

Magkano naman kaya ang pabuya sa mga tagalutong-makaw?

***

Apat na kabataang lumahok sa Lakbayan at nagtaguyod ng boykot ang kinidnap ng mga di-kilalang berdugo, pinahirapan, pinatay, pinagpira-piraso ang katawan, saka ibinaon sa mababaw na hukay.

Malinaw na peligroso ang magpursigi sa boykot. Sana’y huwag nang magdadakdak ang ilang kandidato diyan na ang pagboboykot ay karuwagan. Insulto ito sa mga Lakbayaning nagbuwis ng buhay.

***

“Tuwing eleksiyon,” sabi ng isang kainuman ko, “binibigyan tayo ng pagkakataong pumili kung sino-sinong kinatawan ng oligarkiya ang aapi’t magsasamantala sa atin.”

***

“Hindi ako makapaniwalang ang Paano Ba ang Magmahal? ay sinulat nina Pete Lacaba at Marra PL. Lanot,” puna ng katotong George Vail Kabristante sa rebyu niyang lumabas sa Babae (Abril 1984).

Kami rin, George, ay hindi makapaniwala.

***

“Puwede nilang idahilan na maraming binago sa orihinal na screenplay nila,” sabi naman ni Mario E. Bautista sa kanyang rebyu sa Movie Flash (Abril 12, 1984).

Mahusay kang manghula, Mario.

***

Noong hindi pa ipinalalabas ang Paano Ba ang Magmahal?, sumulat ako sa prodyuser at hiniling kong isama sa credits ang iba pang manunulat at direktor na nakisawsaw sa istorya’t script. Wika ko’y makatarungan lamang na bigyan sila ng credit bilang co-writer o kaya’y bilang may-akda ng “additional scenes and dialogue.”

Matapos naming mapanood ni Marra ang pelikula, nakita naming kami pala ang dapat bigyan ng credit para sa “additional scenes and dialogue.”

O baka mas angkop ang ganito: “Names of characters and a few lines of dialogue by Jose F. Lacaba and Marra PL. Lanot.”

***

Naulinigan sa isang eskuwelahan sa Pasig, mula sa isang batang mga tatlo o apat na taong gulang: “Ang Mama ko, mayaman. Kaya lang, iniwan siya ng Papa ko. Sabi nga niya, baka ipamigay na lang niya ako.”

No comments: