ASISAKAPABA?
ni Jose F. Lacaba
Unang nalathalaha sa lingguhang tabloid
na Star! sa Pilipino, Hunyo 6-12, 1984
NAGLULUWAG ANG CENSOR?
Inaprubahan kamakailan ng Board of Review for Motion Pictures and Television (BRMPT) ang pelikulang bold na Naked Island. Inaprubahan din nito ang dalawang pelikulang may sensitibo at kontrobersiyal na paksa, mga pelikulang tumatalakay sa mga pangkasalukuyang problemang panlipunan: ang Bangkang Papel sa Dagat ng Apoy at ang Sister Stella L.
Ang mga ito ba’y palatandaan na hindi na masyadong mahigpit ang censors? Na nagiging liberal na ang kanilang pananaw hindi lamang sa kuwestiyon ng seks at karahasan, kundi pati sa mga isyung pulitikal?
Mas tama sigurong sabihin na dalawahan ang patakaran ng BRMPT. Hindi alam ng kanang kamay nito kung ano ang ginagawa ng kaliwa. Habang nagluluwag sa ilang bahagi ay naghihigpit naman sa iba. Sa ibang sabi, umiiral pa rin ang dati nang inirereklamong pagiging arbitraryo, kapritsoso, inkonsistent at pabago-bago.
Malinaw na halimbawa ng ganitong klaseng patakaran ang nangyayari sa programang pantelebisyon na Two for the Road (TFTR).
Noong Pebro 20, ang live presentation ng TFTR ay tungkol sa “Committed Clergy.” Kinapanayam sa programa ang isang madre at dalawang pari, sina Sister Mariani Dimaranan, Fr. Jose Dizon at Fr. Art Balagat.
Walang anumang lumabas na reklamo tungkol sa panayam. Marami pa ngang humiling na muli itong ipalabas. Bilang pagtugon sa insistent popular demand, ipinasiya ni Maria V. Montelibano, direktor at co-producer ng TFTR, na i-replay ang palabas.
Dito nagsimula ang gulo.
Alinsunod sa patakaran ng BRMPT, ang live presentation ay hindi pinapakialaman, pero kapag nagkaroon ng replay ng naturang live presentation, ang videotape ay kailangang rebyuhin ng Board.
Noong Marso 15, ang videotape ay dumaan sa isang komiteng binubuo nina Justice Francisco Chanco, Reverend Ezekias Gacutan, Mrs. Nelia Lutao at Santanina Rasul. Pinatanggal ng komite ang “lahat ng diyalogo tungkol sa paninindigang boykot,” ang banggit sa “gobyernong manloloko,” at ang mga “pahayag tungkol sa mga pinagsasamantalahan, inaapi, atbp.”
Sinunod ni Montelibano ang mga instruksiyon ng BRMPT. Lahat ng parteng pinatatanggal ay tinanggal niya at pinalitan ng Blip! Nag-superimpose din siya ng ganitong pahayag sa TV screen: “This portion has been censored by the BRMPT.”
Nagalit ang BRMPT sa ginawang ito ni Montelibano. Pinatatamaan daw at hinihiya ang censors. Noong Mayo 16, sinulatan ni Maria Kalaw Katigbak ang Channel 7, na pinaglalabasan ng TFTR, at sinabi rito na mula sa petsang iyon ay kailangang laging i-preview ang naturang programa bago ito mabibigyan ng permit.
Umangal si Montelibano at ang dalawang host ng programa, sina Elvira Manahan at Nestor Torre. Lumilitaw sa sulat ni MKK na hindi na puwedeng maging live ang TFTR. Maiiba kung gayon ang format nila. At kung masusunod ang kagustuhan ni MKK, namemeligro ang lahat ng live talk shows sa telebisyon.
Dahil sa reklamo nina Montelibano, umurong ang BRMPT. Puwede na rin daw mag-live ang TFTR. Kailangan na lang daw na paabruhan sa censors ang paksang tatalakayin sa bawat programa.
Tumutol pa rin ang grupo ng TFTR. Malinaw nga naman na ang panibagong rekisitos ay isa pa ring mapaniil at arbitraryong patakaran. Hindi ito nakasulat sa Executive Order 876-A (ang kasalukuyang censorship law) o maging sa implementing rules and regulations ng BRMPT mismo.
Sa ngayon, puro replay ang ipinapalabas sa Two for the Road. Sa ganitong paraan, ipinapakita nina Montelibano ang kanilang patuloy na protesta sa di-makatwirang sensura sa telebisyon sa partikular at sa midya sa kabuuan.