“KAKUWANAN” 7
Unang nalathala sa
MAXIMO: Ang
Magasin ng Makabagong Macho
Abril 2003
KAKUWANAN
Jose F. Lacaba
Ang Tunay na Stella L.
May Sister Stella L. na pelikula, at may Stella L. na bold star. Gusto kong ipakilala ang
isa pang Stella L.
Siya si Stella Liebeck, at dahil sa kanya ay naitatag
ang Stella Awards. Sa maniwala kayo o hindi, ang award na ito ay iginagawad sa
mga Amerikanong nagdedemanda at humihingi ng danyos perwisyos—kahit sila na
itong may kasalanan.
Nabalitaan ko ang tungkol sa kakaibang Stella Awards
nang may matanggap akong email na pinamagatang “Katangahan Awards.” Ang laman
ng email ay isang listahan ng mga diumano’y nominado para sa Stella Awards.
Kabilang sa listahan:
—Carl
Truman ng Los Angeles. Nasagasaan ang kamay. Idinemanda ang kapitbahay na
nakasagasa. Tumanggap ng danyos na $74,000—gayong nagulungan ang kamay niya
habang ninanakaw niya ang hubcap ng Honda Accord ng kapitbahay.
—Terrence
Dickson ng Pennsylvania. Na-trap sa loob ng isang garahe na sira ang mga pinto.
Walong araw sa garahe dahil nagbabakasyon ang pamilyang may-ari ng bahay, at
walang makain kundi nakaimbak na dog food at Pepsi. Nagdemanda dahil sa dinanas
niyang mental anguish. Tumanggap ng danyos na $500,000—gayong katatapos lang
niyang nakawan ang bahay nang ma-trap siya sa loob ng garahe.
Nang mabasa ko ang email tungkol sa mga kasong ito,
napabilib ako sa kapal ng mukha at tapang ng apog ng mga kumag na nagdemanda.
Lalo akong napabilib sa galing ng mga abugado nila.
Kaya lang, nalaman ko pagkatapos na puro pala gawa-gawa
lang ang mga kuwento sa natanggap kong email. Ayon sa www.snopes.com, ang website na tagabuking ng mga tinatawag na urban
legend, ang mga kaso nina Truman, Dickson atbp. ay pawang imbento ng mga
pilyong malilikot ang imahinasyon.
Pero teka. Mayroon talagang Stella Awards, at mayroong
tunay na Stella Liebeck.
Ito ang totoo. Sa isang siyudad sa Estados Unidos,
bandang 1992, noong 81 anyos si Stella L., bumili siya ng kape sa McDonald’s.
Sa loob ng nakahintong kotse, inipit niya ang sisidlan ng kape—ewan ko lang
kung paper cup o styrofoam—sa pagitan ng kanyang mga tuhod. Pagkatapos, inalis
niya ang takip para maglagay ng asukal at cream.
Sa kasamaang-palad, tumapon ang napakainit na kape.
Nalapnos ang balat ni Stella. Ewan ko lang kung aling maseselang bahagi ng
kanyang katawan ang nadale, pero inabot daw ng dalawang taon bago tuluyang
nagamot.
Ang ginawa ni Stella, idinemanda niya ang McDo. Bakit
daw walang babala ang McDo na sobrang mainit ang kape nito? Dumanas tuloy siya
ng sakit sa katawan at pagkabalisa sa isip. Nilabanan ng McDo ang kaso. E kung
hindi ba naman daw nuno ng katangahan itong si Stella, e bakit daw hindi siya
nag-ingat sa pagbubukas ng sisidlan ng kape?
Kaso, talo ang McDo. Nagdesisyon ang korte na dapat
bayaran si Stella ng danyos perwisyos na umaabot sa $2.9 milyon!
Iyan naman ang gusto ko sa mga Amerikano. Hindi lamang
sila mareklamo, malakas pa ang loob nilang magdemanda. Samantalang tayong mga
Pinoy, masyado tayong matiisin at mapagpatawad. Tulad ko.
Noong isang buwan lang, nagpa-deliver ako sa Max’s, at
isa sa mga order ko ay chopsuey. Hiniling ko na ang chopsuey ay walang vetsin
at walang karne. Talaga naman daw hindi sila gumagamit ng vetsin. Okey ngarud.
Kaso, pagdating ng chopsuey, may kung ano-anong karne at laman-loob ng mga
hayop na matagal ko nang hindi nilalamon.
Dahil Pinoy tayo, hindi ko naisipang maghabla. Tumawag
na lang ulit ako sa Max’s para ipaabot ang aking hinaing. Ang sa akin lang,
mailabas ang inis. Ang aleng kumuha ng order ko ay humingi ng tawad at nag-alok
na papalitan ang chopsuey. Pero gutom na ako. Ayoko nang maghintay na naman ng
kalahating oras. Inalis ko na lang ang karne at inulam ang gulay.
Kung Amerikano siguro ako, kinasuhan ko na ang Max’s
dahil hindi nila iginalang ang aking pagka-vegetarian at dinulutan nila ako ng
matinding bagabag. Baka milyonaryo na ako ngayon—o isang dekada mula ngayon,
dahil super-bagal ang ating mga hukuman.
Bilang pagkilala sa tagumpay ni Stella Liebeck, may
nagtatag ng Stella Awards sa Internet (www.stellaawards.com). Narito ang ilang totoong nominado para sa Stella
Awards ng 2002:
—Deanna
Brown Thomas and Yamma Brown Lumar, mga anak ng mang-aawit na si James Brown,
kilala sa bansag na Godfather of Soul. Inihabla ang ama dahil inalisan sila ng
mana. Humingi ng mahigit sa $1 milyon bilang royalties o porsiyento ng kita sa
25 kanta ni James Brown, dahil tumulong daw sila sa pagsulat ng mga iyon—kahit
paslit pa sila nang mag-hit ang mga kantang iyon.
—Robert
Paul Rice, bilanggo sa Utah. Inihabla ang Utah Department of Corrections dahil
hindi raw siya pinapayagang magpraktis ng kanyang relihiyon. Ang relihiyon daw
niya ay Druidic Vampire, pero ayaw daw siyang payagang makasiping ang isang
babaeng bampira at hindi raw siya binibigyan ng kailangan niyang pagkaing
bampira—dugo, nofi?
—At
ang nagwagi ng Stella Award ng 2002… Janice Bird, Dayle Bird Edgmon, at Kim
Bird Moran ng California, magkakapatid. Inihabla ang isang ospital dahil
nahirapan daw ang loob nila nang makita nilang dinadala ng mga doktor ang ina
nila sa emergency room.
Hindi nanalo sa korte ang mga kasong ito.