Showing posts with label Sa Daigdig ng Kontradiksiyon. Show all posts
Showing posts with label Sa Daigdig ng Kontradiksiyon. Show all posts

Friday, April 30, 2010

Edna St. Vincent Millay: TAGSIBOL

Edna St. Vincent Millay
Tagsibol


Ano ang dahilan, Abril, at muli kang bumabalik?
Hindi sapat ang kagandahan.
Hindi mo na ako mapatatahimik sa kulay
Ng mumunting dahong bumubukadkad nang malagkit.
Alam ko ang alam ko.
Mainit ang araw sa aking leeg habang pinagmamasdan ko
Ang mga tinik ng rosas.
Kawili-wili ang amoy ng lupa.
Malinaw na walang kamatayan.
Pero ano ang ibig sabihin niyan?
Ang utak ng tao’y hindi lamang sa loob ng hukay
Kinakain ng uod.
Ang mismong buhay
Ay walang kabuluhan.
Tasang walang laman, hagdang walang patutunguhan.
Hindi sapat na taon-taon, sa bur¢l na ito,
Bumababa ang Abril,
Parang baliw na nagdadadakdak, naghahasik ng bulaklak.


Salin ni Jose F. Lacaba

Mula sa kalipunan kong SA DAIGDIG NG KONTRADIKSIYON: MGA SALING-WIKA (Anvil Publishing, 1991).

Salin ng tulang “Spring.” Mababasa ang orihinal na tula dito:
http://www.poetry-archive.com/m/spring.html

Sa hindi ko malamang dahilan, ayaw gumana ngayong araw na ito, huling araw ng Abril 2010, ang "Add Image" feature ng blogger.com, kaya hindi ko maisama sa post ko ang larawan ng makatang Amerikano na si Edna St. Vincent Millay. May black-and-white photo niya dito:
http://www.english.illinois.edu/maps/poets/m_r/millay/millay.htm

Thursday, February 25, 2010

Auden: BATAS AY TULAD NG PAG-IBIG

Pahabol sa Valentine's Day.


W.H. AUDEN
Batas ay Tulad ng Pag-ibig


Batas, sabi ng mga hardinero, ang araw,
Batas ang siyang
Sinusunod naming lahat
Ngayon, kahapon, bukas.

Batas ang dunong ng matatanda,
Tili ng mga lolong inutil at mahina;
Inilalabas ng mga apo ang matinis na dila,
Batas ang pandama ng mga bata.

Batas, sabi ng paring banal na banal,
Nagsesermon sa bayang walang kabanalan,
Batas ang mga kataga sa banal kong libro,
Batas ang aking pulpito at simboryo.

Batas, sabi ng hukom na may matang nanlilisik,
Habang nangungusap nang malinaw at mabalasik,
Batas ay tulad ng lagi kong isinasaad,
Batas ay tulad ng palagay ko’y batid ng lahat,
Batas ay hayaan ninyong muli kong ipaliwanag,
Batas ay Ang Batas.

Pero ayon sa mga pantas na masunurin sa batas:
Batas ay hindi mali o tumpak,
Batas ay mga krimen lamang
Na may pook at panahong pinarurusahan,
Batas ang damit na isinusuot ng tao
Kailanman, saanmang dako,
Batas ay Magandang umaga at Maraming salamat.

Sabi ng iba, Batas ang ating Tadhana;
Sabi ng iba, Batas ang ating Bansa;
Sabi ng iba, sabi ng iba,
Batas ay wala na,
Batas ay kung saan-saan nagpunta.
At sa tuwina ang maingay at galit na madla,
Lubhang maingay at galit na lubha:
Batas ay Tayo;
At sa tuwina ang sinto-sinto, pabulong: Ako.

Kung alam natin, mahal, na tulad nila’y
Wala tayong alam tungkol sa batas,
Kung ako, tulad mo, ay walang kamalay-malay
Sa dapat gawin at sa hindi dapat
Bukod sa nagkakaisa ang lahat,
Nalulungkot man o nagagalak,
Na ang batas ay umiiral
At hindi ito kaila kaninuman,
Kung, samakatwid, itinuturing nating kakatwa
Na iugnay ang Batas sa iba pang salita,
Tulad ng marami pang iba’y
Hindi ko masabing ito pa rin ang Batas,
Tulad nila’y hindi natin kayang supilin
Ang kagustuhang manghula
Para makaiwas sa tungkulin,
Hindi natin kayang magkibit-balikat na lamang.
Bagamat maaari ko nang ilimita
Ang pagyayabang nating dalawa
Sa kiming paghahambing
Na kiming bibigkasin,
Atin pa ring igigiit:
Tulad ng pag-ibig.

Tulad ng pag-ibig di natin alam kung saan o bakit
Tulad ng pag-ibig di natin matakasan o mapilit
Tulad ng pag-ibig sa atin ay nagpapaiyak
Tulad ng pag-ibig madalas nating nilalabag.


Salin ni Jose F. Lacaba

Mula sa kalipunan kong SA DAIGDIG NG KONTRADIKSIYON: MGA SALING-WIKA (Anvil Publishing, 1991).

Salin ng tulang “Law Like Love.”
Mababasa ang orihinal na tula dito: http://www.poemhunter.com/poem/law-like-love/


W.H. Auden (1907-1973)
Ang retratong ito sa pabalat ng kanyang talambuhay
ay kuha noong dekada 1960, noong panahong ginawa ko ang salin ng “Law Like Love.”
Retrato mula sa:
http://johntranter.com/reviewer/auden-rdh.shtml

Thursday, December 10, 2009

Neruda: IPINALILIWANAG KO ANG ILANG BAGAY



PABLO NERUDA
Ipinaliliwanag Ko ang Ilang Bagay


Itatanong ninyo: At nasaan ang mga lila?
At ang metapisikang nababalot ng amapola?
At ang ulan na madalas na sumasalpok
sa kanyang mga kataga, tinatadtad iyon
ng butas at ibon?

Ikukuwento ko ang lahat ng nangyari sa akin.

Nakatira ako sa isang baryo
ng Madrid, may mga kampana,
relo, punongkahoy.

Mula roon ay natatanaw
ang tuyong mukha ng Castilla,
tila kuwerong dagat.
Ang tawag sa bahay ko’y
bahay ng mga bulaklak, pagkat sa lahat ng dako
sumasambulat ang hasmin: iyon
ay bahay na maganda,
may mga aso’t bata.
Raul, naaalaala mo?
Naaalaala mo, Rafael?
Federico, naaalaala mo
sa kinalilibingan mong lupa,
naaalaala mo ang bahay kong may mga balkonahe,
ang mga bulaklak na nilunod sa iyong bibig
ng liwanag ng Hunyo?
Kapatid, kapatid!
Ang lahat
ay tinig na matitinis, inilalakong asin,
kumpulan ng titibok-tibok na tinapay,
mga palengke ng baryo kong Arguelles na may istatwang
tila maputlang lalagyan ng tinta, napaliligiran ng isda:
ang mantika’y lumalapit sa mga kutsara,
mga paa’t kamay
ay matinding pintig sa mga kalye,
metro, litro, maanghang
na katas ng buhay,
nakatambak na tulingan,
kulu-kulubot na bubong at malamig na araw
na pumapagod sa banoglawin,
makinis at nakahihibang na garing ng patatas,
hile-hilerang kamatis na umaabot sa dagat.

At isang umaga, lahat ng ito’y nagliliyab.
At isang umaga, ang apoy
ay pumapailanlang mula sa lupa,
lumalamon ng buhay,
at mula noon, sunog,
pulbura mula noon,
at mula noon, dugo.
Ang mga bandidong may mga eroplano’t alipures,
ang mga bandidong may mga singsing at dukesa,
ang mga bandidong may mga prayleng nagbibindisyon
ay bumaba mula sa langit para pumatay ng mga bata,
at sa mga kalye ang dugo ng mga bata
ay umagos na lamang at sukat, tulad ng dugong bata.

Mga hayop na kamumuhian ng hayop,
mga batong kakagatin ng damo at iluluwa,
mga ahas na kasusuklaman ng ahas!

Sa inyong harap, nakita ko ang dugo
ng Espanya, bumubulwak
para lunurin kayo sa daluyong
ng kapalaluan at mga balaraw.

Mga taksil
na heneral:
masdan ang bahay kong patay,
masdan ang Espanyang lupaypay:
pero mula sa bawat bahay lumilitaw ang nagbabagang asero
sa halip na bulaklak,
mula sa bawat sulok ng Espanya
lumilitaw ang Espanya,
mula sa bawat batang patay lumilitaw ang baril na may mata,
mula sa bawat krimen sumisilang ang mga punglo
na isang araw ay matatagpuan sa gitna
ng inyong puso.

Itatanong ninyo kung bakit sa kanyang mga tula
ay hindi inaawit ang mga pangarap, mga dahon,
ang malalaking bulkan ng kanyang lupang tinubuan?

Halikayo’t pagmasdan ang dugo sa mga kalye,
halikayo’t pagmasdan
ang dugo sa mga kalye,
halikayo’t pagmasdan ang dugo
sa mga kalye.


Salin ni Jose F. Lacaba

Mula sa kalipunan kong SA DAIGDIG NG KONTRADIKSIYON: MGA SALING-WIKA (Anvil Publishing, 1991)

Tuesday, December 30, 2008

Brecht: SA MGA IPAPANGANAK SA HINAHARAP

The closing film of the recent Active Vista filmfest, as I mentioned in an earlier blog, was Signos, a 40-minute super-8 documentary made circa 1985 by the Concerned Artists of the Philippines. Although the filmfest flyers describe this as a film “by Mike de Leon,” the film itself, in its end credits, attributes authorship to a collective body: “Pelikula nina Mike de Leon, Jose F. Lacaba, Sylvia Mayuga, Ricardo Lee, Ding Achacoso, Joe Cuaresma, Lito Tiongson, Jovy Zarate.”

I got to see Signos again on DVD, just a few days before the Active Vista filmfest, and about 23 years after the documentary was made. I must confess I can no longer remember what exactly my contribution to the project was, but I guess, on the basis of the film itself, that it consisted primarily of my translation of a Bertolt Brecht poem, “Sa mga Ipapanganak sa Hinaharap,” which was used as a voice-over in lieu of a narration. The poem reader is not credited in the film, but I understand that the voice heard in various sequences belongs to Peping Almojuela, who, along with Mike de Leon, is credited as my co-writer on Sister Stella L.

Coincidentally, just a few days before the Active Vista screening of Signos, I had been asked to read my translation of this same poem at a small gathering sponsored by the Institute of Political Studies, a nongovernment organization. My reading of that translation—along with “Kalayaan ang Kanin ng Bayan,” my adaptation, or halaw, of another Brecht poem—served as the front act for a talk on Brecht given by David Adamson, a stage actor and Brecht specialist from Australia.

Here's the poem, originally titled
“An die Nachgeborenen” in German, and variously translated into English as “To Posterity” and “To Those Who Follow in Our Wake.”


Sa mga ipapanganak sa hinaharap

Ni Bertolt Brecht


Talagang madilim itong aking panahon.
Ang pagsasabi ng tapat ay katangahan. Ang makinis na noo
Ay tanda ng walang pakiramdam. Ang tumatawa
Ay hindi pa nakakarinig
Sa masamang balita.

Ano bang panahon ito, na
Ang mag-usap tungkol sa punongkahoy ay halos isang krimen
Pagkat ito’y pananahimik tungkol sa napakaraming kabuktutan!
Ang isang iyon na kampanteng tumatawid ng kalye
Ay hindi kaya nakalimot na sa kanyang mga kaibigang
Nagigipit?

Totoo: kumikita pa rin ako.
Pero maniwala kayo: aksidente lang ito. Wala
Akong ginawa na nagbibigay sa akin ng karapatang magpakabusog.
Nagkataon lang na hindi ako ginalaw. (Pag ubos na ang suwerte ko,
Lagot ako.)

Sabi nila: Kumain at uminom! Pasalamat at meron!
Pero paano ako makakakain at makakainom, kung
Ang pagkain ko’y inagaw sa nagugutom at
Ang tubig ko’y pag-aari ng namamatay sa uhaw?
Pero kumakain ako’t umiinom.

Gusto ko ring maging matalino.
Sa mga lumang libro mababasa kung ano ang katalinuhan:
Ang umiwas sa gulo ng mundo at mamuhay sa maikling panahon
Nang walang pangamba,
Huwag maging marahas,
Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,
Maging manhid sa mga pagnanasa--
Iyan ay itinuturing na katalinuhan.
Lahat ng ito’y hindi ko magagawa:
Talagang madilim itong aking panahon.


II

Dumating ako sa lunsod sa panahon ng kaguluhan
Nang laganap ang gutom.
Naratnan ko ang mga tao sa panahon ng himagsikan
At naghimagsik akong kasama nila.
Sa gayon lumipas ang panahong
Kaloob sa akin sa daigdig.

Kumain ako sa pagitan ng mga labanan.
Natulog ako sa pagitan ng mga mamamatay-tao.
Ang pag-ibig ay binale-wala ko
At ang kalikasan ay hindi ko pinagtiyagaan.
Sa gayon lumipas ang panahong
Kaloob sa akin sa daigdig.

Mga kalye’y patungong kumunoy noong aking panahon.
Isinuplong ako sa berdugo ng aking pananalita.
Wala akong gaanong magawa. Pero kung wala ako,
Napapanatag ang mga naghahari: umasa ako diyan.
Sa gayon lumipas ang panahong
Kaloob sa akin sa daigdig.

Kulang ang lakas. Ang patutunguhan
Ay malayong-malayo,
Malinaw na natatanaw pero malamang
Na hindi ko mararating.
Sa gayon lumipas ang panahong
Kaloob sa akin sa daigdig.


III

Kayong lilitaw mula sa baha
Na lumunod sa amin,
Kung pag-uusapan ninyo ang aming mga kahinaan,
Isipin
Din ang madilim na panahon
Na inyong natakasan.

Pagkat kami, na mas madalas magpalit ng bayan kaysa sapatos,
Ay dumaan sa tunggalian ng mga uri, nanlulumo
Kung may pambubusabos lamang at walang paghihimagsik.

At alam na alam namin:
Pati ang galit sa kaapihan
Ay nakakasira ng mukha.
Pati ang ngitngit sa pambubusabos
Ay nagpapagaspang ng boses. Ay, kami
Na nagmithing magpunla ng pakikipagkaibigan
Ay hindi naging mapagkaibigan.

Pero kayo, pagdating sa wakas ng panahong
Ang tao ay matulungin sa kapwa-tao,
Sa paggunita sa amin
Ay maging mapagpasensiya.

--Salin sa Pilipino ni Jose F. Lacaba

Mula sa kalipunang Sa Daigdig ng Kontradiksiyon: Mga Salingwika (Anvil Publishing, Maynila, 1991).

Ang ginawa kong salin sa Pilipino ay batay sa ilang saling Ingles na hindi ko na maalala kung sino-sino ang gumawa, pero nakinabang din ako sa ilang mungkahi at impormasyon na ibinigay ni Mike de Leon. Nag-aral sa Germany si Mike, at noong panahon iyon (baka hanggang ngayon) ay matatas siya sa German.