Thursday, December 10, 2009
Neruda: IPINALILIWANAG KO ANG ILANG BAGAY
PABLO NERUDA
Ipinaliliwanag Ko ang Ilang Bagay
Itatanong ninyo: At nasaan ang mga lila?
At ang metapisikang nababalot ng amapola?
At ang ulan na madalas na sumasalpok
sa kanyang mga kataga, tinatadtad iyon
ng butas at ibon?
Ikukuwento ko ang lahat ng nangyari sa akin.
Nakatira ako sa isang baryo
ng Madrid, may mga kampana,
relo, punongkahoy.
Mula roon ay natatanaw
ang tuyong mukha ng Castilla,
tila kuwerong dagat.
Ang tawag sa bahay ko’y
bahay ng mga bulaklak, pagkat sa lahat ng dako
sumasambulat ang hasmin: iyon
ay bahay na maganda,
may mga aso’t bata.
Raul, naaalaala mo?
Naaalaala mo, Rafael?
Federico, naaalaala mo
sa kinalilibingan mong lupa,
naaalaala mo ang bahay kong may mga balkonahe,
ang mga bulaklak na nilunod sa iyong bibig
ng liwanag ng Hunyo?
Kapatid, kapatid!
Ang lahat
ay tinig na matitinis, inilalakong asin,
kumpulan ng titibok-tibok na tinapay,
mga palengke ng baryo kong Arguelles na may istatwang
tila maputlang lalagyan ng tinta, napaliligiran ng isda:
ang mantika’y lumalapit sa mga kutsara,
mga paa’t kamay
ay matinding pintig sa mga kalye,
metro, litro, maanghang
na katas ng buhay,
nakatambak na tulingan,
kulu-kulubot na bubong at malamig na araw
na pumapagod sa banoglawin,
makinis at nakahihibang na garing ng patatas,
hile-hilerang kamatis na umaabot sa dagat.
At isang umaga, lahat ng ito’y nagliliyab.
At isang umaga, ang apoy
ay pumapailanlang mula sa lupa,
lumalamon ng buhay,
at mula noon, sunog,
pulbura mula noon,
at mula noon, dugo.
Ang mga bandidong may mga eroplano’t alipures,
ang mga bandidong may mga singsing at dukesa,
ang mga bandidong may mga prayleng nagbibindisyon
ay bumaba mula sa langit para pumatay ng mga bata,
at sa mga kalye ang dugo ng mga bata
ay umagos na lamang at sukat, tulad ng dugong bata.
Mga hayop na kamumuhian ng hayop,
mga batong kakagatin ng damo at iluluwa,
mga ahas na kasusuklaman ng ahas!
Sa inyong harap, nakita ko ang dugo
ng Espanya, bumubulwak
para lunurin kayo sa daluyong
ng kapalaluan at mga balaraw.
Mga taksil
na heneral:
masdan ang bahay kong patay,
masdan ang Espanyang lupaypay:
pero mula sa bawat bahay lumilitaw ang nagbabagang asero
sa halip na bulaklak,
mula sa bawat sulok ng Espanya
lumilitaw ang Espanya,
mula sa bawat batang patay lumilitaw ang baril na may mata,
mula sa bawat krimen sumisilang ang mga punglo
na isang araw ay matatagpuan sa gitna
ng inyong puso.
Itatanong ninyo kung bakit sa kanyang mga tula
ay hindi inaawit ang mga pangarap, mga dahon,
ang malalaking bulkan ng kanyang lupang tinubuan?
Halikayo’t pagmasdan ang dugo sa mga kalye,
halikayo’t pagmasdan
ang dugo sa mga kalye,
halikayo’t pagmasdan ang dugo
sa mga kalye.
Salin ni Jose F. Lacaba
Mula sa kalipunan kong SA DAIGDIG NG KONTRADIKSIYON: MGA SALING-WIKA (Anvil Publishing, 1991)
Labels:
Espanya,
Pablo Neruda,
Sa Daigdig ng Kontradiksiyon,
salin
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment