Sunday, September 13, 2009

ILANG TALA TUNGKOL SA WIKA

Eto pa ang isang piyesang dapat naipost ko noong Buwan ng Wika.

Binigkas ito sa isang simposyum tungkol sa wikang pambansa. Sa National Press Club ginanap ang simposyum, kung hindi ako nagkakamali. Pero hindi ko na maalala kung anong organisasyon o grupo ang nag-isponsor ng simposyum.



ILANG TALA TUNGKOL SA WIKA


Wala na akong tiyaga sa mga debate at balitaktakan tungkol sa wika. Kung ako ang tatanungin, tapos na ang panahon ng pakikipagtalo. Bilang manunulat ay may desisyon na ako sa isyu ng wika. Karamihan sa sinusulat ko ngayon--tula, dulang pampelikula, kolum sa Mr. & Ms.--ay sa Pilipino.

Hindi ko tinatalikuran ang Ingles. Matagal ko na rin itong ginamit, at patuloy kong gagamitin kung hinihingi ng pagkakataon--lalo na kung ang tagasubaybay o audience na gusto kong maabot ay walang ibang alam na lengguwahe kundi Ingles.

Pero sa ngayon, para sa akin, ang Ingles ay tulad ng isang dating girlfriend na lamang. May panahong minahal ko siya, pero magkaibigan na lang kami ngayon.

Kung tutuusin, ang importante ay hindi ang wikang ginagamit ng isang manunulat. Ang importante'y ang sinasabi niya. Kahit sa Pilipino pa siya magsulat, kung puro kabalbalan naman ang susulatin niya, wala ring mahihita ang mambabasa.

Ano ang wikang dapat gamitin ng manunulat na Pilipino? Depende iyan sa iba't ibang salik o factor. Depende kung sino ang mga mambabasang tinatarget niya. Depende kung saang wika siya mas komportable. Depende kung aling wika ang mas gusto niyang pagbuhusan ng panahon.

Batay sa mga salik na ito, maaaring ipasiya ng manunulat na gumamit ng Ingles, Espanyol, Tagalog, Sebuwano, Hiligaynon, Ilokano, Kapampangan, o kahit Esperanto.

Hindi naman kaya magkaroon ng problema sa komunikasyon? Palagay ko'y hindi. Ang kailangan lamang ay mapalaganap at malinang ang sining ng pagsasalin o translation. Ang mga akda sa Pilipino, halimbawa, ay kailangang isalin sa iba't ibang wikang panrehiyon, samantalang ang mga akda sa mga wikang panrehiyon ay kailangang maisalin din sa Pilipino. Gayundin naman, ang mga mahalagang akda ng mga wikang pandaigdig (hindi lamang Ingles) ay kailangang isalin sa Pilipino at pati na rin sa mga wikang panrehiyon ng Pilipinas.

Gayunman, mangangailangan pa rin tayo ng isang opisyal na pambansang wika. Hindi iyan maiiwasan ng alinmang bansang naghahangad ng isang kakanyahang pambansa o national identity.

Palagay ko'y hindi maaaring maging Ingles ang pambansang wikang kailangan natin. Ang Ingles ay naiintindihan lamang ng tinatawag na elite--ang mga nasa alta sosyedad, ang mga ilustrado, ang mga edukado (o misedukado).

Sa kabilang dako, ang Pilipino, anuman ang sabihin ng mga kaaway nito, ay naiintindihan ng nakararaming mamamayan, ng masa. At naiintindihan ito hindi lamang sa Katagalugan kundi sa buong kapuluan. Patunay ang mga komiks at pelikulang tinatangkilik mula Aparri hanggang Jolo.

Pero iyan na rin ang problema, sasabihin ng mga kaaway ng wika. Pangkomiks at pampelikula lang ang Pilipino. Magagamit bang midyum ng pagtuturo ang Pilipino? Magagamit ba iyan sa larangan ng siyensiya, ekonomiya, pilosopiya, atbp.? Hindi ba't kulang ang Pilipino sa mga angkop na terminolohiya?

Ang kakulangan ay wala sa wikang Pilipino. Ang kakulangan ay nasa mga siyentipiko, ekonomista, pilosopo, atbp. Karamihan sa kanila ay hindi marunong ng Pilipino o walang tiyagang mag-aral ng Pilipino. Pero mayroon nang ilang siyentipiko, ekonomista, pilosopo, atbp., na nagtatangkang gumamit ng Pilipino, at pinatutunayan nila na ang Pilipino ay may kakayahang magdebelop at umangkop sa hinihingi ng pangangailangan.

Sinasabi pa ng mga kaaway ng wika na ang Pilipino ay atrasado at samakatwid ay hindi makakatulong sa pagpapaunlad ng bansa. Pero matagal na nating ginagamit ang Ingles. Umunlad ba tayo? Mas maunlad ba tayo kaysa Hapon at Tsina na gumagamit ng sarili nilang wika sa lahat ng larangan ng kabuhayan?


JOSE F. LACABA
1983.09.11

1 comment:

Mico Lauron said...

OMG! I am your biggest fan!!