Narito ang isa pang artikulong dapat ay noon pang isang buwan naipost dito sa aking blog. Sinulat ito noong 1978 para sa isang English-language magazine, ang yumao nang magasing Who. Lumabas ito kasabay ng isang artikulong nagtatanggol naman sa paggamit ng Ingles sa Pilipinas.
LANGUAGE PROBLEM
A, EWAN, BASTA SA PILIPINO PA RIN AKO!
JOSE F. LACABA
Who, August 5, 1978
SUMUSULAT ako sa Ingles, at patuloy na susulat sa Ingles kung kinakailangan, pero hindi ko maikakaila ang wika nga’y naghuhumindig na katotohanan: bilang na ang araw ng wikang Ingles sa Pilipinas. Gustuhin ko man o hindi, mawawala itong tulad ng Espanyol—at ang kuwestiyon na lang ay kung kailan.
Sa isang artikulong Ingles na sinulat ko may walong taon na ngayon ang nakararaan (“Pilipino Forever!”, Philippines Free Press, August 29, 1970), pinangahasan kong hulaan na ang itatagal ng Ingles sa Pilipinas ay isang dekada na lamang.
Sa susunod ay ipauubaya ko na ang panghuhula sa mga may bolang kristal. Aminado akong mali ang hula ko. Matatapos na ang dekadang ’70 ay narito pa rin ang Ingles. Ito pa rin ang pangunahing wika ng pamahalaan, paaralan, pamamahayag, at pangangalakal.
Gayunman, hindi nagbabago ang palagay ko. Hindi man sa dekadang ito, sa di malayong hinaharap ay maglalaho ang wikang Ingles sa bansa.
Tingnan na lamang ang nangyari sa Espanyol. Sa loob ng apat na siglo, ito ang opisyal na wika ng Pilipinas, ang wika ng komersiyo at kultura. Nang maghimagsik ang mga Pilipino, ito pa ang ginamit nilang sandata laban sa Espanya.
Nasaan ang Espanyol ngayon? Marami itong naiambag na salita’t parirala sa ating mga katutubong wika, pero ang Espanyol mismo ay 12 namemeligrong yunit na lamang sa kolehiyo ngayon. Nang mawala ang kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas, nawala na rin ang wika nito.
Tingnan naman ang nangyari sa Ingles mismo. Sa loob ng tatlong siglo mula 1066, ang Inglatera ay napailalim sa pananakop at paghahari ng Normandiya. Sa buong panahong iyon, Pranses at Latin ang mga opisyal na wika ng Inglatera, ang mga wika ng pamahalaan at simbahan.
“Kung susuriin ang mga napangalagaang kasulatan ng panahong iyon, at kung isasaalang-alang ang dami at kahalagahan ng nasabing mga kasulatan,” ayon sa lingguwistang si Carlton Laird (The Miracle of Language, 1953), “walang-dudang masasabi na pagkaraan ng panahong iyon ay Pranses o Latin o isang paghahalo ng dalawa ang magiging wika ng bayang Ingles.”
Hindi gayon ang nangyari. Bagamat walang prestihiyo noon ang Inggles sa Inglatera, bagamat ginagamit lamang iyon ng mahihirap at hindi nakapag-aral, iyon pa rin ang nanaig—ang sariling wika ng bayang Ingles.
Kung ano ang kinahinatnan ng Pranses at Latin sa Inglatera pagkaraan ng tatlong siglo, kung ano ang kinahinatnan ng Espanyol dito sa atin pagkaraan ng apat na siglo, ay siya ring kahihinatnan ng Ingles sa Pilipinas. Ni hindi pa nga nakakaisang siglo ang Ingles dito.
Totoo, Ingles pa rin ang pangunahing wika ng edukadong kakanggata ng lipunang Pilipino. Ingles pa rin ang nangingibabaw na wika sa punto ng prestihiyo at impluwensiya. Pero ito’y sa dahilang ang bansa kung tutuusin ay kolonya pa rin ng Estados Unidos—kolonya sa larangan ng ekonomiya, kultura, at maging sa pulitika at usaping militar. Sa sandaling magbago ang sitwasyon (at nagiging malinaw na sa parami nang paraming Pilipino na hindi ito dapat maging permanenteng sitwasyon), maglalaho ang Ingles sa Pilipinas.
Sa mga akdang Ingles na sinulat na at kasalukuyang sinusulat pa ng mga Pilipino, may ilang makikipagmatagalan sa panahon at mananatiling mahalaga’t makabuluhan. Ang mga ito’y babasahin ng mga darating na henerasyon (tulad ng ginagawa nating pagbasa kay Rizal ngayon) sa salingwika.
Malamang na ang wikang pagsasalinan ay Pilipino.
Ang wikang Pilipinong batay sa Tagalog ay may malaking kalamangan sa lahat ng iba pa nating lokal na wika: nakabase ito sa Maynila, luklukan ng pamahalaan at komersiyo, sentro ng kapangyarihan at impluwensiya. Ang wikang sinasalita sa kabisera ng isang bansa ay karaniwang nagiging pangunahing midyum ng komunikasyon ng buong bansa.
Sa kabila ng mga kakulangan at kapintasan ng wikang Pilipino, hindi maitatatwang napakalaki ng isinulong nito sa kasalukuyang dekada. Ngayon higit kailanman, masasabing ito’y siya na ngang pambansang wika ng isang kapuluang sangkaterba ang wika.
Ang mga gumagawa ng pelikula, ang mga sumusulat at kumakanta ng mga bagong awitin, ang mga nagpapakulo ng mga komersiyal at adbertisment, ang mga naglalathala ng komiks—lahat sila’y kumikilala sa katotohanang ang pinakalaganap na wika sa bansa ngayon ay Pilipinong batay sa Tagalog.
Alam nilang kung gusto nilang marating ng produkto nila ang nakararaming mamamayan, ang masa, at hindi lamang ang mga nakatataas sa lipunan, ang dapat nilang gamitin ay hindi Ingles kundi Pilipino.
Alam din nilang kung gusto nilang marating ng kanilang produkto hindi lamang ang isang lalawigan o rehiyon kundi ang buong bansa, mula Aparri hanggang Jolo, ang dapat nilang gamitin ay hindi ang alinmang wikang lokal kundi ang wikang pambansa.
Bukod sa lumalaganap ang Pilipino sa hanay ng masa at sa buong bansa, tumataas din ang prestihiyo at impluwensiya nito. Sa di iilang simposyum at palihang pangkultura at kahit pansiyensiya, Pilipino ang ginagamit sa mga panayam at talakayan. Mayroon na ring mga tesis at librong pang-iskolar na nasusulat sa Pilipino.
Mapapansin pa na na halos lahat ng mga peryodiko’t magasing Ingles ngayon ay naglalathala ng mga akdang Pilipino o kaya’y may regular na seksiyon o kolum sa Pilipino. Totoo, maliit na bagay lamang ito—pero hindi na rin masama ang maliit na bagay, dahil dati’y ni wala naman nito. Ngayon, kinikilala na ng mga patnugot na kahit ang mga mambabasa nilang bihasa sa Ingles ay nagkakaroon ng interes sa sariling wika.
Habang patuloy na ginagamit ang Pilipino sa iba’t ibang larangan, lalo itong napapanday at nahahasa. Lalo itong nagiging isang moderno’t sopistikadong wika na may kakayahang umangkop sa mga pangangailangan ng isang makabago’t siyentipikong panahon.
Darating ang panahong ang Ingles at hindi ang sariling wika ang bibigyan ng kapirasong sulok sa ating mga magasin at peryodiko.
Wednesday, September 9, 2009
A, EWAN, BASTA SA PILIPINO PA RIN AKO!
Labels:
Buwan ng Wika,
Philippines Free Press,
Pilipino,
Tagalog,
Who magazine
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
* pinasigla ng sanaysay niyo ang loob ko. nawawalan na ako ng pag-asa sa lipunan natin. sa edukasyon, kasaysayan na lang at panitikan ng Pilipinas, sa Inggles pa nakasulat.
salamat po.
Post a Comment