Tuesday, June 24, 2014

KALAYAAN, KASARINLAN, KAGULUMIHANAN

Pahabol sa Araw ng Kalayaan... isang lumang kolum na sinulat noong sentenyal ng ewan ko nga ba kung ano.


SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Hunyo 10

Kalayaan, kasarinlan, kagulumihanan


SA HUNYO 12 ay ipagdiriwang ng buong bansa ang ika-100 taon ng proklamasyon ng … ng ano nga ba?

Kalayaan, ayon sa mga opisyal na poster at banderitas.

Kasarinlan  o pagsasarili, kung susundin ang makabagong salin ng salitang independencia.  

Pareho rin iyon, hindi ba? Kung titingnan ang mga diksiyonaryong Ingles-Tagalog na mabibili sa kasalukuyan, pareho nga rin. Nagkakaisa ang mga diksiyonaryong ito na ang katumbas ng salitang Ingles na independence ay  “kalayaan, kasarinlan, pagsasarili, independensiya.”

Pero ayon sa mga nakapag-aral ng siyensiyang pampulitika, may bahagyang pagkakaiba ang gamit ng salitang independence, o kasarinlan, sa mga salitang freedom at liberty, o kalayaan.

Kapansin-pansin ang pagkakaiba noong panahon ng batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos. Masasabing nagsasarili o may kasarinlan ang bansa dahil hindi na ito kolonya o sakop ng Espanya, Estados Unidos, Hapon, o anupamang bansa. Pero hindi masasabing malaya o may kalayaan tayong mga mamamayan noong panahong iyon, dahil nabubuhay tayo sa ilalim ng isang diktadurang militar.

Iyan ang isang problema sa okasyong ipinagdiriwang natin tuwing Hunyo 12.

Ang dokumentong Espanyol na binasa sa Cavite Viejo noong Hunyo 12, 1898, ay pinamagatang Acta de la proclamaciĆ³n de la independencia del pueblo Filipino. Ang isang nalathalang opisyal na salin nito ay may pamagat na “Katitikan ng Pagpapahayag ng Pagsasarili ng Bayang Filipino.”

Malinaw sa nasabing “Katitikan” na ang “mga naninirahan sa mga Islas Pilipinas” ay “malaya at nagsasarili [libres e independientes] at may karapatang maging malaya at nagsasarili.”

Idinagdagdag pa na “sila ay dapat lumaya sa pagsunod sa Korona ng Espanya; na ang lahat ng pampulitikang ugnay sa pagitan ng dalawa ay ganap na pinuputol at pinawawalang-bisa at dapat na maputol at mapawalang-bisa; at tulad ng alinmang malaya at nagsasariling Estado, mayroon silang ganap na kapangyarihan na magdeklara ng pakikidigma, makipagkasundo sa kapayapaan, magsagawa ng mga kasunduang pangkalakalan, pumasok sa mga alyansa, pangasiwaan ang kalakalan, at magpatupad ng lahat ng gawain at bagay na tungkuling ipatupad ng mga nagsasariling estado.”

Maganda na sana. Kitang-kita ang hangaring maging “malaya at nagsasarili.” Eto ang siste. Ang “taimtim” na pahayag ng pagsasarili ay ginawa “sa ilalim ng proteksiyon ng makapangyarihan at makataong bansang Norte Amerika.”

Sa kagustuhang makawala sa krus at espada ng Espanya, isinabit ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo ang ating tadhana sa mga kuko ng agila.

Kahit nga ang bandila natin ay masasabing kopya ng bandila ng Estados Unidos. Ayon sa proklamasyon ng pagsasarili, “ginugunita ng mga kulay na bughaw, pula at puti ang watawat ng Estados Unidos ng Norte Amerika, bilang pagpapakita ng ating malalim na pasasalamat sa dakilang bansang iyon, dahil sa walang-pag-iimbot na pangangalaga  na idinudulot niya sa atin at patuloy na idudulot sa atin.”

Kung ngayon lumabas ang ganyang proklamasyon, tiyak na sisigaw tayo: “Sipsep!”

Eto pa ang mas matindi. Ang pamahalaang Aguinaldo na gumawa ng proklamasyon ng kasarinlan sa Cavite Viejo ay hindi pamahalaang demokratiko, hindi republika, kundi isang diktadura: el Gobierno Dictatorial de estas Islas Filipinas.

Si Aguinaldo mismo sa panahong ito ay hindi presidente kundi diktador. Sa Kasunduan ng Biak na Bato ay kinilala siyang “Presidente ng Gobyernong Republikano.” Pero sa proklamasyon sa Cavite Viejo, kapag binabanggit ang pangalan niya ay pinangungunahan ito ng titulong diktador: Eminente Dictador … Don Emilio Aguinaldo y Famy; nuestro famoso Dictador Dn. Emilio Aguinaldo.

Sabihin na nating panahon ng giyera noon, panahon ng magulong rebolusyon, panahong nangangailangan ng mga pambihirang hakbangin. Kahit na. Magugulumihanan pa rin tayo na ang proklamasyon ng ating diumano’y kalayaan ay gawa-gawa ng isang diktadura.

1 comment:

Joseph Taluban said...

Good day Mr. Lacaba, I'm Joseph of Design Coordinates, Inc. (DCI) and we are the Construction Managers for the upcoming Novotel Manila Hotel Project. We would like to seek some copyright permission as your poem entitled "Paksiw na Ayungin" has been specified in one of our graphic designs for the Hotel's Restaurant. We would appreciate if you can give us your contact details so we can discuss it further. our email: novotel@dci.com.ph thank you very much!