Sunday, September 21, 2014

SINULAT SA PIITAN NOONG PANAHON NG BATAS MILITAR

Ngayong araw na ito, Setyembre 21, 2014, ay ika-42 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar. Noong panahon ng batas militar ay halos dalawang taon din akong nakulong, mula Abril 1974 hanggang Marso 1976. Sa loob ng detention center ng 5th CSU (Constabulary Security Unit) sa Kampo Crame ay natigil ako sa pagsusulat bilang peryodista at makata, pero may ilang tula akong naisulat sa likod ng palara ng sigarilyo, na tiniklop ko nang pagkaliit-liit at lihim kong naipasa sa aking kabiyak sa ilang araw ng dalaw. Kasama sa mga akdang naipuslit ko ang sumusunod--bale lyrics ng dalawang love song. 

Kaunting paliwanag: Hasmin, o Jasmin, ang pangalang ibinigay sa aking kabiyak sa kanyang birth certificate, pero nang binyagan siya ay ipinasiya nang kanyang mga magulang na palitan ang pangalan niya at gawing Marra Patricia. Nagkakilala kami ni Marra sa kauna-unahang University of the Philippines Writing Workshop na isinagawa sa Baguio noong 1965, at pagkaraan ng limang taon ng pagiging magkaibigan ay ikinasal kami noong huling buwan ng 1970.

Walang himig ang mga lyrics na ito nang sulatin ko. Ngayon ay may himig na ang awitin tungkol kay Hasmin, pero ako lang ang nakakaalam at sa banyo ko lang kinakanta habang naliligo. ;-)

Mga titik na walang himig


1.
Ang tagal ko ring pinag-isipan
kung ikaw, Hasmin, ay aking liligawan.
Ngayon, wala nang alinlangan.
Hasmin, kaibigan nang limang taon,
iniibig kita ngayon.

Ang sa akin ay hindi pag-ibig
na guhit ng palad o utos ng langit.
Ito ay desisyon ng puso’t isip.
Hasmin, kaibigan nang limang taon,
iniibig kita ngayon.

Hasmin, aliwalas ng bukang-liwayway,
mamahalin kita habang buhay.
Hasmin, halimuyak sa takipsilim,
araw-gabi kitang mamahalin.

Habang ang dugo’y mainit sa ugat,
habang may hininga, sa ginhawa at sa hirap,
asahan mo, ako’y laging tapat.
Hasmin, kaibigan nang limang taon,
iniibig kita ngayon.

——————————————————————————————

2.
Kung ikaw ay wala
lagi akong tulala.
Akala ko
sa kanta lang nangyayari ang ganito.
Iyon pala’y totoo:
lagi akong tulala.
Masakit sa ulo ang mawalay sa minumutya.

Kung di ka kapiling
wala akong ganang kumain.
Akala ko
sa komiks lang nangyayari ang ganito.
Iyon pala’y totoo:
wala akong ganang kumain.
Masakit sa tiyan ang mawalay sa ginigiliw.

Hindi ako makatulog kung gabi,
nagbibilang na lang ng butiki sa kisame.
Bale-wala ang aspirin
sa lagnat ng damdamin,
ang gamot na kailangan
ay ikaw.

Kung di ka nakikita
madalas akong mataranta.
Akala ko
sa sine lang nangyayari ang ganito.
Iyon pala’y totoo:
madalas akong mataranta.
Masakit sa puson ang mawalay sa sinisinta.

Kampo Crame
1975

Nalathala sa kalipunan ng mga tula na SA PANAHON NG LIGALIG: TULA, AWIT, HALAW (Maynila: Anvil Publishing, 1991).

No comments: