Wednesday, June 18, 2014

KOLUM: Romansa Militar

Isang taon na palang hindi ako nakakapag-post dito sa aking blog. Subukan kong buhayin uli ito. Eto ang una kong posting ngayong 2014, na minabuti kong angkop ngayong batas na ang "Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013" na magbibigay daw ng pabuya sa mga naging biktima ng batas militar. Ang piyesang ito ay mula sa dati kong kolum na "Sa Madaling Salita," na lumabas sa yumao nang pahayagang Diario Uno.


SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Setyembre 22

Romansa militar

MADALING-ARAW ng Abril 1974, isa’t kalahating taon pagkaraang ideklara ang batas militar, nireyd ang bahay na inuupahan namin sa Kalookan.

Ang bahay na iyon, kalahati ng isang duplex, ay lihim na opisina ng aming “peryodiko,” isang babasahin na buwanan ang labas, may apat hanggang walong pahina, sa simula’y mimyograp pero sa kalaunan ay inimprenta. Naglalathala kami ng balitang hindi inilalabas ng mga regular na diyaryo, halimbawa’y ang mga ambus sa kanayunan, ang hunger strike ni Ninoy Aquino, at ang madugong pag-aalsa ng mga estudyante sa Thailand. Sa pamantayan ng diktadurang naghahari noon, ang ginagawa namin ay ilegal at subersibo.

Tatlo kaming nasa bahay noon. Natutulog ako sa banig sa sala nang gisingin ako ng paulit-ulit na sigaw: “Buksan ninyo ang pinto! Mga awtoridad kami!”

Pagsilip sa bintana, nakita kong napapaligiran kami ng mga armadong lalaking nakasibilyan, nagkakanlong sa likod ng mga dyip at kotseng bukas ang headlights. Mga 20 sila. Napag-alaman ko sa kalaunan na mga miyembro sila ng 5th Constabulary Security Unit, isa sa pinakamabagsik na tagapagpatupad ng batas militar.

Lumabas sa kuwarto ang isa kong kasambahay, at pagkaraan ng ilang minutong bulungan, ipinasiya naming buksan ang pinto. Wala kaming armas kundi makinilya’t bolpen. Baka paulanan kami ng putok kung hindi kami susunod.

Pagbukas na pagbukas ko ng pinto, sumaksak sa tiyan ko ang dulo ng isang riple. May kamay na humawak sa balikat ko, pinaikot ako’t itinulak sa sahig. Sa pagkakadapa ko, tinuntungan ako, sinipa sa tadyang, kinulata sa likod at batok.

Matapos mahalughog ang buong bahay, ipinasok ako, nakaposas, sa loob ng banyo. Ang humila sa akin doon ay isang tenyente na kalaunan ay naging koronel, gobernador, at kongresista. Tinanong niya kung may tunnel sa ilalim ng kubeta.

Nabobohan yata ako sa tanong. Hindi ko napigilan ang matawa—saglit lang, halos walang tunog. Biglang tumama ang kamao niya sa dibdib ko. Maskulado ang tenyete, tipong Incredible Hulk, at ako naman noon ay may timbang lamang na 111 libra, tipong Palito. Bumalandra ako sa dingding ng banyo.

Mataas na ang araw nang dalhin kami sa Kampo Crame, sa himpilan ng 5th CSU. Pagkaraan ng kaunting paperwork, dinala ako sa likod ng opisina, sa lugar na tinutulugan ng mga konstable. Doon, ginawa akong punching bag ng mga opisyal at sundalo.

Sa dibdib at tiyan nila ako pinagsusuntok, hindi sa mukha, para walang ebidensiya ng tortyur. Nakaupo ako sa gilid ng isang tarima. Bumibira ang mga interogador tuwing magtatanong, at bumibira kung hindi gusto ang sagot ko. May ilang konstableng napadaan lang, papunta sa locker, at nakikiambos sa gulpihan, binabatukan ako o kinakarate.

Nang magsawa na sila sa kasusuntok, pinaiskuwat ako, nakaderetso ang dalawang kamay sa harapan. Habang nasa ganito akong posisyon, ang mga lulod ko ay pinapalo ng hawakan ng walis-tambo. Mahina lang ang palo, parang walang puwersa, pero sa katagalan ay namaga ang mga lulod ko.

Naranasan ko rin ang tinatawag nilang San Juanico Bridge o higa sa hangin. Nakapatong ang ulo ko sa gilid ng isang tarima, ang mga paa ko sa gilid ng isang pang tarima. Deretso ang mga kamay ko sa aking tagiliran, at deretso ang katawan kong nakabitin sa pagitan ng dalawang tarima.

Mahirap manatili sa ganyang posisyon. Tiyak na hihilahin kang pababa ng gravity at ng bigat ng sariling katawan. Pero bago lumundo at kusang bumagsak ang katawan ko, sinikaran na ako sa tiyan.

Dalawang beses akong pinahiga sa hangin. Sa pangatlong beses, hindi na ako bumangon mula sa sementong sahig. “Patayin n’yo na lang ako,” sabi ko. Noon natigil ang tortyur sa araw na iyon.

Sa maniwala kayo’t sa hindi, nagkaroon pa kami ng lunch break. Hindi ko na maalala kung ano ang inihaing ulam na lumalangoy sa sabaw—baka sinibak na talong. Kahit walang kalasa-lasa, naubos ko. Nakakagutom ang tortyur.

Nagbabaka-sakali ako, nang magpatuloy ang gulpi, na ang lahat ng kinain ko’y isusuka ko sa mukha ng mga tomotortyur sa akin. Sa kasamaang-palad, hindi iyon nangyari.

Ang ikinuwento ko rito’y pahirap sa unang araw lamang. Bahagi ito ng aking salaysay na iniharap sa class suit sa Hawaii—isa sa halos 10,000 testimonya mula sa mga naging biktima ng paglabag sa mga karapatang-tao noong panahon ng rehimeng militar.

Wala akong intensiyon na sagutin ang ipinadalang form para sa mga hinihimok na sumali sa class suit. Pero ilang araw bago dumating ang deadline na itinakda ng korte sa Hawaii, kinausap ako nang masinsinan ni Thelma Arceo—ina ng isang Atenistang pinatay ng militar sa Panay. Hindi pera ang habol natin, sabi niya. Ang importante’y mapatunayan sa hukom na may 10,000 nga ang nabiktima ng rehimeng Marcos.

Ngayon, may bali-balitang baka bago magpasko ay tumanggap ang bawat biktima ng danyos na hindi bababa sa kalahating milyong piso. Hindi ako umaasa diyan, pero kung nariyan na ay hindi ko tatanggihan. Marami akong utang na binabayaran.

Gayunman, hindi komo’t handa akong tanggapin ang pabuya ay inaabsuwelto ko na ang nasirang diktador na naging dahilan para ko matikman ang karinyo brutal ng romansa militar. Ano siya, sinusuwerte?

2 comments:

Louise Vincent Amante said...

gusto ko Sir Pete ang siste ng inyong artikulo. ang mga ganitong tirada ang kailangan ngayong panahon na puno ng ligalig.

Ka Pete said...

Salamat, Louise. Parang hindi na matapos-tapos ang panahon ng ligalig, ano?