Sunday, March 21, 2010

SINING NG PAGTULA

Ngayon, Marso 21, ay Pandaigdigang Araw ng Panulaan, o World Poetry Day, alinsunod sa isang deklarasyon ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization). Narito ang aking ambag sa araw na ito.


SINING NG PAGTULA
Ni Jose F. Lacaba


Kung baga
sa palay, ang tula
ay binabayo o kinikiskis,
saka tinatahip, bago
ialok sa madla.

Kung baga
sa bigas, ang tula
ay pinipilian at hinuhugasan
bago isaing.

Panghalo sa kaning-baboy
ang hugas-bigas, patuka
sa manok ang piniling palay,
ibinubudbod sa lupa
ang ipa at bato.
Ang inihahain sa mesa
ay kaning umaaso.

Kung baga sa bigas,
hindi rin naman mainam sa tula
ang sobrang kiskis at kinis.
Malinamnam ang milagrosa,
pero masustansiya
ang bigas na pula.


Mula sa kalipunang SA PANAHON NG LIGALIG (Anvil Publishing, 1991). Muling nalathala sa kalipunang KUNG BAGA SA BIGAS: MGA PILING TULA (University of the Philippines Press, unang limbag 2002, pangalawang limbag 2005).


1 comment:

TheCoolCanadian said...

Bakit nga ba ang mga tao sa mundo'y puro puting bigas ang gusto? Maging si Confucius ay puting bigas lamang ang kinain sa buong buhay niya, gayong alam din niya na ang pula ay higit na masustansiya.

Maging sa mga tula, marami ang sumusulat ng puti, at bibihira ang gumagawa ng pula. At tulad sa bigas, higit na masustansiya ang huling nabanggit kaysa doon sa una.

Ang tula ni Rod McKuen ay puting-puti.

Si Leonard Cohen naman ay pula't puti.

Nguni't si Federico Garcia Lorca ang siyang tunay na pulang-pula.