W.H. AUDEN
Batas ay Tulad ng Pag-ibig
Batas, sabi ng mga hardinero, ang araw,
Batas ang siyang
Sinusunod naming lahat
Ngayon, kahapon, bukas.
Batas ang dunong ng matatanda,
Tili ng mga lolong inutil at mahina;
Inilalabas ng mga apo ang matinis na dila,
Batas ang pandama ng mga bata.
Batas, sabi ng paring banal na banal,
Nagsesermon sa bayang walang kabanalan,
Batas ang mga kataga sa banal kong libro,
Batas ang aking pulpito at simboryo.
Batas, sabi ng hukom na may matang nanlilisik,
Habang nangungusap nang malinaw at mabalasik,
Batas ay tulad ng lagi kong isinasaad,
Batas ay tulad ng palagay ko’y batid ng lahat,
Batas ay hayaan ninyong muli kong ipaliwanag,
Batas ay Ang Batas.
Pero ayon sa mga pantas na masunurin sa batas:
Batas ay hindi mali o tumpak,
Batas ay mga krimen lamang
Na may pook at panahong pinarurusahan,
Batas ang damit na isinusuot ng tao
Kailanman, saanmang dako,
Batas ay Magandang umaga at Maraming salamat.
Sabi ng iba, Batas ang ating Tadhana;
Sabi ng iba, Batas ang ating Bansa;
Sabi ng iba, sabi ng iba,
Batas ay wala na,
Batas ay kung saan-saan nagpunta.
At sa tuwina ang maingay at galit na madla,
Lubhang maingay at galit na lubha:
Batas ay Tayo;
At sa tuwina ang sinto-sinto, pabulong: Ako.
Kung alam natin, mahal, na tulad nila’y
Wala tayong alam tungkol sa batas,
Kung ako, tulad mo, ay walang kamalay-malay
Sa dapat gawin at sa hindi dapat
Bukod sa nagkakaisa ang lahat,
Nalulungkot man o nagagalak,
Na ang batas ay umiiral
At hindi ito kaila kaninuman,
Kung, samakatwid, itinuturing nating kakatwa
Na iugnay ang Batas sa iba pang salita,
Tulad ng marami pang iba’y
Hindi ko masabing ito pa rin ang Batas,
Tulad nila’y hindi natin kayang supilin
Ang kagustuhang manghula
Para makaiwas sa tungkulin,
Hindi natin kayang magkibit-balikat na lamang.
Bagamat maaari ko nang ilimita
Ang pagyayabang nating dalawa
Sa kiming paghahambing
Na kiming bibigkasin,
Atin pa ring igigiit:
Tulad ng pag-ibig.
Tulad ng pag-ibig di natin alam kung saan o bakit
Tulad ng pag-ibig di natin matakasan o mapilit
Tulad ng pag-ibig sa atin ay nagpapaiyak
Tulad ng pag-ibig madalas nating nilalabag.
Salin ni Jose F. Lacaba
Mula sa kalipunan kong SA DAIGDIG NG KONTRADIKSIYON: MGA SALING-WIKA (Anvil Publishing, 1991).
Salin ng tulang “Law Like Love.”
Mababasa ang orihinal na tula dito: http://www.poemhunter.com/poem/law-like-love/
W.H. Auden (1907-1973)
Ang retratong ito sa pabalat ng kanyang talambuhay
ay kuha noong dekada 1960, noong panahong ginawa ko ang salin ng “Law Like Love.”
Retrato mula sa:
http://johntranter.com/reviewer/auden-rdh.shtml
Ang retratong ito sa pabalat ng kanyang talambuhay
ay kuha noong dekada 1960, noong panahong ginawa ko ang salin ng “Law Like Love.”
Retrato mula sa:
http://johntranter.com/reviewer/auden-rdh.shtml
1 comment:
Mr. Lacaba,
Magandang araw!
Kasalukuyang binubuo ng Heights Ateneo ang Sesquicentennial Issue nito. At napili ka bilang isa sa mga manunulat na ninanais naming bumuo nito. Mangyaring i-contact ako sa e-mail na inilagay ko sa baba upang maipadala ko po sa inyo ang pormal na liham ng Heights.
Maraming salamat!
Ramon M. Damasing
III AB Philosophy
Kasapi, Bagwisang Filipino (Filipino staff), Heights
Ateneo de Manila University
recmdams@gmail.com
09267170074
Post a Comment