HINDI PO ITO SALINAWIT.
Kamakailan ay muli kong nadiskubre ang isang ginawa kong lumang song adaptation na nakalimutan ko na. Para namang pinagtiyap ng panahon na muli ko itong nadiskubre ngayong panahon na naman ng eleksiyon.
Marami na akong nagawang song adaptations o free translation mula sa ibang lengguwahe, at ang mga ito’y nakikilala na sa tawag na salinawit. Itong sumusunod na song adaptation ay hindi salinawit sa pakahulugang nabanggit, kundi isang kantang Tagalog na nilapatan ng spoof lyrics.
HAHA-HALAWIT
Ni Pete Lacaba
------------------------------------------------
NANGGIGIGIL
Written by: Mike Hanopol?
Kami ay lalaki, kami ay maginoo.
'Wag kang matakot kung kami ay ganito,
Ganito, ganito.
Masdan mo kung manamit kaming mga lalaki,
Mayro'n kang makikita sa gitna ng aming dibdib,
Dibdib, dibdib...
Bridge:
Ganyan kaming lahat,
Matatapang ang mukha.
Kung kami ay kakausapin,
Di kayo mapapahiya.
Kung kami ay gagalitin,
Di mo na kailangan pang magsalita...
Chorus:
Nanggigigil kami sa 'yong kagandahan.
Nanggigigil kami, di namin maiwasan.
Nanggigigil kami sa 'yo, sa 'yo, sa 'yo...
(Repeat)
Kami ay lalaki, kami ay maginoo.
'Wag kang matakot kung kami ay ganito,
Ganito, ganito.
Masdan mo ang braso at ang aming mga kamay,
Mayro'n ding namumukol sa baba ng aming balikat,
Balikat, balikat...
(Repeat Bridge & Chorus)
Adlib:
(Repeat 1st stanza & Bridge)
(Repeat Chorus 2x to fade)
------------------------------------------------
PRESIDENTIABLES' SONG
Sa himig ng "Nanggigigil" ng Hagibis
Halaw: Pete Lacaba
1.
Kami'y kandidato, hangad namin ay boto.
'Wag kang matakot kung kami ay ganito,
Ganito, ganito.
Masdan mo kung umasta kaming nangangampanya,
Mayro'n diyang sumasayaw kahit paa ay parehong kaliwa,
Kaliwa, kaliwa.
BRIDGE
Ganyan kaming lahat,
Makakapal ang mukha.
Kung kami ay nangangako,
Di kami nahihiya.
Kung pangako'y napapako,
Di na po kailangan pang magsalita.
CHORUS
Nanggigigil kami sa inyong mga boto.
Nanggigigil kami sa boto n'yo sa Mayo.
Nanggigigil kami sa 'yo, sa 'yo, sa 'yo.
2.
Kami'y kandidato, hangad namin ay boto.
'Wag kang matakot kung kami ay ganito,
Ganito, ganito.
Masdan mo kung umasta kaming nangangampanya,
Mayro'n diyang kumakanta kahit boses ay parang palaka,
Palaka, palaka.
Repeat BRIDGE and CHORUS
P.S. 2010
Ginawa ko ang "halawit" na ito noong 1998 bilang bahagi ng script ko para sa Gridiron Night ng National Press Club (NPC). Ang Gridiron Night ay tradisyonal na roasting program na dati'y ginagawa ng NPC taon-taon. Hindi ko lang alam kung meron pa nito hanggang ngayon, dahil hindi na ako miyembro ng NPC (sobrang nagmahal kasi ng membership fee ;-). Si Bart Guingona ang direktor ng pagtatanghal na iyon, at concept niya ang pinagbatayan ng aking script.
Sa title page ng script ay ito ang nakasulat:
GRIDIRON '98 / Head Writer: Jose F. Lacaba / Partly based on the concept by Bart Guingona and the Usual Suspects / Additional dialogue by Kris Lanot Lacaba, Bart Guingona, and the Usual Suspects / Additional lyrics by whoever put new words to "Katawan" and "Awitin Mo" / 1998 April 12.
Narito ang unang eksena ng aking Gridiron Night script:
GRIDIRON '98
Scene 1
Heroes Hall, Malacañang. Gabi. May presidential desk sa gitna. Papasok si FVR, nagbabasa ng libro.
FVR: Once upon a midnight dreary, while I pondered weak and weary, over many a quaint and curious volume of forgotten lore… [Titigil sa paglalakad, ilalapag ang libro sa mesa.] Ilang araw na lang ang nalalabi. Ilang araw na lang, hindi na ako Presidente. At pagdating ng Philippines 2000, history na ako. Lumang diyaryo na ako.
[Kakanta.]
O, kay lupit ng kapalaran,
Ako'y lame duck na lamang.
Kay hirap maging pangulo
Kung walang second term…
[Pasalita.]
Diyos na mahabagin! Bakit mo ako pinarurusahan nang ganito? Hindi ko pa pinagsasawaan ang Malakanyang. Napamahal na sa akin itong Heroes Hall. 'Tsaka, ang dami pang lugar sa mundo na hindi ko nararating. Rwanda! Timbuktu! Ang elevator ng National Press Club!
Akala ko pa naman, makakalusot ang Cha-Cha. Ang sabi sa akin ng mag-asawang Pedrosa, ang sabi ni Joe Al, ang sabi ni Kadiri Ruben, este, Kadre Ruben pala--ang sabi nilang lahat--Fidel Forever! Tsuwari-wari-wa… Wow, mali! Wrong mistake. Ito naman kasing sina Cory at Cardinal Sin, killjoy. Nag-People Power ba naman sa Luneta. E, di, siyempre… Quoth the people--Nevermore!
Totoo kaya ang kuwento tungkol sa guardian devil? Na puwede mong ibenta ang kaluluwa mo kapalit ng--?
Tutunog ang malaking orasan: hatinggabi. Uuga ang desk. Usok at patay-sinding liwanag. Isa-isang lalabas mula sa likod ng desk ang mga multo ng mga bayani--Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, del Pilar, Antonio Luna, Sakay, Padre Burgos, Tandang Sora, Gabriela Silang, Mabini.
FVR [medyo matataranta]: Nagtatanong lang po! Joke only! [Mapapansin na hindi mga demonyo ang kaharap niya.] Teka muna. Hindi naman kayo ang aking guardian devil, a. Si Joe Al 'yon. I mean, si Joe Al Pacino, do'n sa pelikulang "Devil's Advocate" … Sino ba kayo?
RIZAL: Hindi mo ba kami kilala, Eddie? Nag-iisyu ka ng pera, pero hindi mo kami namumukhaan? Tingnan mo akong mabuti.
FVR: Ninoy?
RIZAL: Limang daan 'yon. Hamak na barya lang ako. [Ipapakita ang profile.] O, natatandaan mo na ang profile na ito?
FVR: Leopoldo Salcedo?
RIZAL [iiling]: Eto pa ang isang clue: Piso para sa Pasig.
FVR: Piso! [Maglalabas ng pisong coin mula sa bulsa at titingnan ito.] Jose Rizal! Sabi ko na nga ba, e. Kamukhang-kamukha mo nga sina Albert Martinez, Cesar Montano, at Aga Muhlach. At itong mga kasama mo?
RIZAL: Kami ang mga dakilang bayani ng lahi.
Kakantahin ng mga bayani ang "Heroes' Song."
Heroes' Song
(Sa himig ng "Katawan" ng Hagibis)
FVR [isa-isang kakamayan ang mga bayani]: Bonifacio… Aguinaldo… Tandang Sora… Gabriela Silang… Padre Burgos… Sino sa inyong dalawa ang del Pilar at sino ang Luna?
PLARIDEL: Ako si Marcelo H. del Pilar, kilala sa bansag na Plaridel. [Espanyol ang bigkas niya sa middle initial na H: A-che.]
LUNA: Ako si Luna. Heneral Antonio Luna.
FVR: Nako-confuse ko kayo dahil sa mga bigote n'yo, e. Sino naman itong mukhang hippieng kulelat?
SAKAY: Macario Sakay po, pag-utusan ninyo.
MABINI: Apolinario Mabini, Sublime Paralytic.
FVR: Bakit wala ka yatang--ano'ng tawag do'n sa binubuhat na ano, kung papunta sa Hinulugang Taktak? Duyan. Ba't wala ka sa duyan?
MABINI: Pag multo na, hindi mo kailangan ng duyan.
FVR: Multo? Ngiii! Mga multo pala kayo. Ano'ng ginagawa n'yo rito?
BONIFACIO: Ito ang Heroes Hall, di ba? O, heroes kami. Tambayan namin ang kuwartong ito.
TANDANG SORA: Lalo na ngayong Centennial, madalas kami rito.
GABRIELA: At pag malapit nang matapos ang term ng isang presidente, talagang nagpapakita kami. Tulad sa mga Marcos. Minulto namin ang mga 'yon no'ng bandang huli dahil hindi na namin masikmura--
FVR: --ang pandaraya nila sa eleksiyon?
AGUINALDO: Hindi. Meron din niyan sa Tejeros Convention.
FVR: Ang kanilang human-rights violations?
AGUINALDO: Hindi. Meron din niyan sa Bundok Buntis.
FVR: E, ano?
GABRIELA: Ang mga disco parties ni Imelda! Hindi ko matuk! Ang ingay-ingay kasi!
PADRE BURGOS: 'Tapos, kakanta pa siya ng "Dahil sa Iyo" at "Feelings." Kung hindi ka ba naman makukunsumi!
FVR: O, e, bakit n'yo 'ko minumulto ngayon? Sinabi ko na naman, paulit-ulit ko nang sinabi--hindi na ako interesado sa second term. Read my lips. Hindi na… ako… interesado… sa… sa… [manginginig ang labi, mapapahagulhol] sa second term.
GABRIELA: Siya, siya, tama na. Bumenta na 'yan. Nauna na sa iyo si Fred Lim pagdating diyan sa crying game.
FVR [presidential uli]: Sa madaling salita, may el, may proc, may cen, may tran.
TANDANG SORA: Ano raw? Ma-L? Sino raw ang ma-L?
BONIFACIO: Pasensiya na, Ka Fidel. Medyo matagal na kaming patay, hindi na namin alam ang mga bagong usong salita. Pakiisplika nga.
FVR: May election, may proclamation, may centennial, may transition. Malinaw? O, ano pa'ng gusto n'yong malaman?
RIZAL: Sino sa tingin mo ang susunod na mumultuhin namin dito sa Malakanyang?
FVR: Kung ako ang tatanungin, siyempre ang gusto ko e 'yong aking anointed one. Si Yoda V. Yes, yes, Joe! Kaya lang, me nagsasabing kailangan daw niya ng makeover. Ano'ng ibig sabihin no'n? Kailangan ba niyang komunsulta kay Ricky Reyes?
GABRIELA: Ba't hindi mo itanong kay Ming?
FVR: E, kayo, matanong ko naman kayo. Meron ba kayong mga manok? Ikaw, Senyor Plaridel?
PLARIDEL: Pareho tayo. Medyo napupusuan ko rin si Joe de Venecia dahil, tulad ko, dumaan siya sa pagkaperyodista.
AGUINALDO: Teka, teka. Hindi ako komporme diyan.
FVR: Heneral Aguinaldo, sino naman ang napupusuan mo?
AGUINALDO: Teka, teka, iniisip ko pa. A! Rene de Villa. Pareho kaming heneral. At tapat na kaibigan 'yan. Hindi siya nagpunta sa Luneta, dahil ayaw niyang saktan ang puso mo. Walang utang na loob!
FVR: Wala ka na ro'n. Don Andres Bonifacio?
BONIFACIO: Fred Lim siyempre. Batang Maynila 'yan, tulad ko. At ang trato daw niya sa lahat ng tao--mahirap at mayaman, matalino at mangmang, bata at matanda, tomboy at bakla--ay pantay-pantay.
FVR: Baka pantay-ang mga paa. Alam mo bang ang tawag sa kanya e Dirty Harry? Kasi, 'yong nangyari sa iyo sa Bundok Buntis, nangyayari din sa iba pang batang Maynila.
BONIFACIO: Hindi ako naniniwala diyan. Kung totoo 'yan, bakit suportado siya ni Cory?
FVR: Malay ko. The heart has its reasons which reason does not know. E, kayo, Padre Burgos?
PADRE BURGOS: Medyo kiling ako kay Manoling Morato. Malaki ang naitulong niya sa simbahan noong siya ay chairman ng sweepstakes at lotto.
SAKAY: Kaya lang, marami siyang ginaroteng matinong pelikula, tulad ng "The Priest." Itong buhok ko, baka niya guntingin.
TANDANG SORA: Pari po kayo, Padre Burgos. Ang dapat ninyong suportahan ay si Santi Dumlao. Kasi, bawat bukambibig niya e bumabanggit siya ng kapitulo at bersikulo mula sa Bibliya.
SAKAY: Kay Lito Osmeña ako. Kasi, ako rin e promdi… Meron pala akong knock-knock joke.
GABRIELA: Corny mo.
SAKAY: Knock-knock.
GABRIELA: Sige na nga. Who's there?
SAKAY: Promdi.
GABRIELA: Promdi who?
SAKAY [kakanta]:
Promdi candy store on di corner,
To di chapel on di hill…
GABRIELA: Nagpapatawa, hindi naman kalbo!
FVR: Senyor Mabini, sino naman ang kandidato mo?
MABINI: Para sa akin, ang karapat-dapat ay si Raul Roco. Panyero ko 'yan. Ewan ko lang kung miyembro siya ng Mabini.
TANDANG SORA: E, bakit may nagsasabi--iyan daw si Raul, e… si Raulo na, Roco-Roco pa?
LUNA: Ako, kay Johnny Enrile. Bukod sa pareho kaming Ilokano, pareho din kaming inambus.
MABINI: 'Yon nga lang, peke ang ambus sa kanya--kaya buháy pa siya, samantalang multo ka na.
GABRIELA: A, basta ako--Miriam Santiago. Gerera ding tulad ko.
TANDANG SORA: Sabi ni Manoling, me tililing.
GABRIELA: Nagsalita! Anyway, kung meron mang tililing, wala namang Kuratong Baleleng.
FVR: Doctor Rizal, wala kang kakibo-kibo. Meron ka bang pinapaboran sa ating mga presidential candidates?
RIZAL: Dyaheng sabihin, e.
FVR: Sige na, sabihin mo na. Tayo-tayo lang naman ang narito, e.
RIZAL: Si Erap.
General shock. Exclamations of "Si Erap?" at "Bakeeet?
FVR: Bakit nga ba?
RIZAL: E, kasi… pareho kaming maraming chicks.
2 comments:
galing noy tlga sir! mabuhay!
LOL.
Parang skit from SATURDAY NIGHT LIVE.
The "Enrile fake ambush" made my day.
Post a Comment