Sunday, April 13, 2008
EMAN
(EMAN LACABA, circa late '60s or early '70s. Photo by Tikoy Aguiluz.)
Noong nakaraang Marso 18 ay ika-32 anibersaryo ng kamatayan ng kapatid kong si Eman Lacaba.
Ang sumusunod ay lumabas sa Sunday magazine na may petsang Marso 10, 1985. Ang Sunday ay weekend supplement ng Ang Pahayagang Malaya, at sa staff box ng magasin ay nakalistang president-publisher ang yumao nang si Jose G. Burgos Jr. , at mga managing editor sina Mario A. Hernando and Ester G. Dipasupil.
Isinalin ko sa Ingles ang artikulong ito, at ang saling Ingles ang ginawa kong introduksiyon sa inedit kong libro ni Eman, ang SALVAGED POEMS, inilathala posthumously ng Salinlahi Publishing House (Manila, 1986) at muling inilathala ng Ateneo de Manila Office of Research and Publications (Quezon City, 2000).
EDITOR'S NOTE
By Mario A. Hernando
Managing Editor
The last time I met Eman Lacaba, young poet and revolutionary, was at the San Miguel Auditorium in Makati about a decade ago, after one of those free embassy film screenings which a relatively small group loved to attend. The group consisted of local film buffs, artists, students, serious film talents and members of the café society, who had nowhere to go for an impromptu talk about film, art and trivia. Pubs, cafes and snack joints had been dislocated since the iron rule of martial law had entrenched itself, and there was a general mood of indifference or cynicism to the political developments going on.
San Miguel then was the place to watch good films, and after the screenings, a part of the audience would dally at the lobby for some chitchat ("How are you?" "Wasn't it a most inaccessible film?" etc.), until lobby lights were dimmed, virtually pushing the crowd to the Ayala sidewalk. That was where I saw Eman approach everyone, a piece of folder in hand. It contained a petition addressed to President Marcos, seeking the release of a political detainee also surnamed Lacaba, Eman's older brother Pete.
For this issue of Sunday, Pete writes about the last days of his brother murdered by government men, or at least that is the picture Pete is able to make from reports he received about the circumstances of Eman's death. Next week will mark Eman's ninth death anniversary.
EMAN
Ni Jose F. Lacaba
Noong Marso 18, 1976, si Emmanuel Agapito Flores Lacaba--ang nakababata kong kapatid na si Maneng, mas kilala ng mga kaibigan niya sa palayaw na Emman o Eman--ay pinatay sa Tucaan Balaag, Asuncion, Davao de Norte. Siya'y 27 anyos noon.
Naaalaala ko, na noong hinihintay namin sa isang punerarya sa Pateros ang kabaong niyang inilipad mujla sa Davao at sinusundo sa airport, isang nagtatrabaho sa punerarya ang nagtanong sa akin kung ano ang ikinamatay ni Eman. "Tingga," sagot go. Bagamat wala siyang kaalam-alam tungkol kay Eman, hindi na siya nagtanong pa, at ako nama'y hindi na nagdugtong ng paliwanag.
Hindi naikaila sa mga nakakakilala kay Eman kung paano siya namatay. May lumabas na balita sa diyaryo na isang nagngangalang "Manuel Lacaba" ang kasama ng isang tropa ng mga rebelde ng New People's Army na napatay sa Tucaan Balaag, at di nagtagal ay nakumpirma na ang "Manuel" na iyon ay si Eman na nga. Gayunman, marami pa ring tanong ang mga kakilala ni Eman--lalo na iyong mga nakakilala sa kanya bilang premyadong matata at kuwentista sa Ingles, bilang hippie na madalas umistambay sa Indios Bravos Café, bilang okultista na mahilig magtigil sa piligi ng mga mistikong sekta sa Bundok Banahaw.
Ang karaniwang tanong ay kung ano ang ginagawa niya sa isang baryo sa Davao noong panahong mapatay siya. Noong 1976, pagkat panahon pa ng pormal na batas militar at mahirap ipaliwanag ang ganitong mga bagay, ang karaniwan kong sagot ay: "Baka nagre-research. Baka nag-iipon ng materyales para sa kanyang mga tula, para sa isang nobela, para sa isang dula."
Halos isang dekada na ang dumaraan mula nang mapatay si Eman, at palagay ko'y puwede nang aminin ang isang katotohanang parang mahirap pa ring paniwalaan hanggang ngayon: oo, nasa davao si Eman noon pagkat lumahok siya sa digmaang bayan.
Malaki ang pagkakaiba namin ni Eman. Masasakitin ako, dating patpatin, at ayon sa mga kakilala'y masyadong maingat, masyadong pigil. Si Eman ay may matipunong pangangatawan, at sa lahat ng bagay na naisipan niyang pasukin, bigay-todo siya. Sa pag-aaral ay numero uno siya sa klase mula Grade One hanggang fourth year high school, sa Pasig Catholic College; pagdating sa kolehiyo, sa Ateneo de Manila, namantine niya ang full scholarship hanggang sa makatapos. Ako, palibhasa'y hindi gaanong competitive, ay hindi konsistent; nang magtapos ng hayskul, nagkasya na ako sa pagiging honorable mention, at ni hindi ko tinapos ang kurso ko sa kolehiyo. Nang mapadaan kami sa yugtong pa-hippie-hippie, si Eman, balita ko, ay lubus-lubusang nag-eksperimento sa marihuwana, LSD, atbp. Ako'y nakontento na sa mga dalawa o tatlong pagsubok sa damo, at hindi kailanman nakatikim ng mas mabigat na mind-bending drugs. At nang pumasok kami sa yugtong aktibista, ako'y masaya na sa pasulat-sulat at pasalin-salin, pero kay Eman ay hindi puwede ang tampisaw. Tuluyan siyang lumubog sa kilusang manggagawa, at pagkaraan ay nagtuloy sa tinatawag na pinakamataas na antas ng pakikibaka.
Magkasama kami ni Eman sa iisang kuwarto noong nasa kolehiyo ako't nasa nasa hayskul naman siya. Sa panahong iyon, sa aming magkakapatid ay kaming dalawa ang pinakamalapit. Pero nang tumuntong siya sa kolehiyo ay peryodista na ako at madalas na wala sa bahay, at siya naman ay nagdormitoryo; at dahil dito'y bahagya kaming nalayo sa isa't isa. Sa kolehiyo at sa sirkulo ng mga manunulat, siya'y naging "kapatid ni Pete" sa simula, at napansin kong hindi siya komportable sa ganitong papel, gusto niyang lumayo sa anino ng kuya at magbuo ng sarili niyang identidad. Kung hindi nagkakamali ang aking alaala, sa panahong ito siya naging Eman. Noong mga panahong iyon ay "Emman" ang baybay niya sa kanyang palayaw--may dalawang "m"--pero sa kalaunan ay mas nagustuhan niya ang Eman. Sa bahay ay nanatili siyang Maneng, samantalang ako, sa mga nakatatanda sa akin, ay nanatiling Pepito. Madalas ko siyang biruin sa palayaw na ibinigay niya sa kanyang sarili, pero sa loob lamang ng ilang taon ay naging Eman na rin siya bahay, at sa ilang sirkulo ay ako naman ang naging "kapatid ni Eman"--patunay na nagtagumpay siya sa pagbubuo ng sariling identidad.
Gayunman, labas sa kanyang mga tula at panulat ay hindi ko nasundan ang development ng kanyang kaisipan at kamulatan. Hindi ko namalayan kung kailan nagsimula ang kanyang pulitikalisasyon, bagamat naaalaala ko na sa isang pagtatalo namin noong 1970 ay kinukuwestiyon na niya ang konsepto ng "pagkubkob mula sa kanayunan" sa isang kapulutang katulad ng Pilipinas. Napansin ko na lamang talaga ang lalim ng kanyang pakikisangkot nang pakiusapan niya akong sumulat, noong 1971, tungkol sa isang welga sa isang maliit na imprenta sa Mandaluyong--isang welgang sinusuportahan ng organisasyong pangmanggagawa na kinabibilangan ni Eman.
Ang direksiyon ng kaisipan ni Eman sa mga panahong ito ay mahihinuha sa mga pangalang ibinigay niya sa dalawa niyang anak na babae. Sa pangalan ng panganay, na isinilang sa unang anibersaryo ng Labanan sa Tulay ng Mendiola, ay makikita ang marami't magkakasalungat na interes ni Eman: Miriam Manavi Mithi Mezcaline Mendiola. Ang pangalan ng ikalawang anak, na isinilang sa unang Nobyembre ng batas miliar, ay mas simple, mas direkta: Emanwelga Fe.
Nasa tiyan si Emanwelga nang mapasama si Eman sa grupong sumusuporta sa malaking welga sa Presto sa Pasig. Iyon ang isa sa pinakahuling welga bago ideklara ang batas militar. Nagkagulo sa welgang iyon, at napasama si Eman--na sa panahong ito'y nagtuturo ng Rizal's Life and Works sa Unibersidad ng Piipinas--sa mga binatuta, dinampot, at ikinulong sa Pasig. Salamat sa isang abugadong taga-Pasig, si Rene Saguisag, nailabas sina Eman pagkaraan ng ilang araw. Mga dalawang araw matapos silang lumaya, idineklara ang batas militar.
Maaaring ang pagkakasangkot ni Eman sa welga at ang kanyang pandaling pagkakabilanggo ay naging dahilan kung kaya hindi na ni-renew ang kanyang kontrata sa UP. At maaaring sa panhong ito na mayroon siyang dalawang anak at walang regular natrabaho ay sika naipasiya ni Eman na wala na siyang ibang patutunguhan kundi ang kanayunan, na wala na siyang ibang mapagpipilian kundi ang "mamundok."
Matapos siyang mawala sa UP, nabalitaan ko na lamang na muli na namang lumalabas si Eman bilang artista sa tanghalang PETA, na sumusulat siya ng dula, na nag-aaral siya ng martial arts, na sinusulat niya ang titik ng theme song ng pelikulang Tinimbang Ka Ngunit Kulang, na tumutulong siya sa ilang produksiyong pampelikula. Akala ko'y ibubuhos naman niya ang buo niyang katauhan sa bagong larangang ito, pero bandang katapusan ng 1974, noong ako naman ang bilanggong pulitikal sa Kampo Crame, dinalaw niya ako para magpaalam. Papunta na siya sa Mindanao.
May pang-akit ang Mindanao sa amin sapagkat doon kami ipinanganak--sa lunsod ng Cagayan de Oro--at sapagkat ang aming amang Boholano ay sa Mindanao kumilos bilang gerilya, sa yunit ni Fertig, sa USAFFE, noong panahon ng Hapon.
Pagkatapos ng dalaw sa akin ni Eman ay wala na akong tinanggap na anumang balita tungkol o mula sa kanya. Ang sumunod ko na lamang na nabalitaan ay ang kanyang pagkamatay. Sa mismong araw na nakatakda akong palayain, lumabas ang ulat tungkol kay "Manuel Lacaba." Natatandaan ko, na bago iabot sa akin ni Heneral Fidel Ramos ang aking notice of temporary release, tinanong niya kung kaaano-ano ko ang Lacabang nasa front page ng diyaryo.
Sa kabaong ko na muling nakita si Eman, pero mula sa mga kuwento ng iba't ibang tao ay napagtagni-tagni ko ang mga pangyayari sa mga huling araw ng makatang naging mandirigma.
Ang unang lugar na pinuntahan ni Eman, bilang miyembro ng isang tinatawag na semi-legal expansion team, ay ang lunsod ng General Santos sa Timog Cotabato. Tatlo sila sa nasabing team. Ang dalawa ay naunang pumasok sa kanayunan para humanap ng kontak. Si Eman ay naiwan sa siyudad. Pagkat kailangan din nila ng pera para mabuhay, sinabihan siyang maghanapbuhay na muna, at kasabay nito'y pag-aralan ang mga ruta sa siyudad. Ito marahil ang dahilan kung kaya konduktor sa minibus ang unang trabahong pinasok ni Eman.
Di nagtagal, pumasok si Eman bilang janitor sa isang karate club. Dito, ayon sa kuwento na nagiging bahagi na ng kanyang alamat sa Mindanao, inapi-api siya ng isang boy na kasmahan niya sa trabaho. Kinausap ni Eman ang boy: "Ako, hindi mo kilala, huwag mo akong api-apihin." Pagkatapos ay pinakitaan niya ito ng nalalaman niya sa martial arts. Natakot sa kanya ang boy, at mula noon at iginalang at inilagan na siya nito.
Pagkaraan ng ilang buwan, pumasok na rin si Eman--o "lumabas," depende sa iyong punto de bista--sa kanayunan ng Timog Cotabato. Ang ginamit niyang "pangalan sa pakikibaka" dito ay Popoy--isang alusyon sa isang tauhan sa komiks, si Popoy Dakuykoy, na naging persona ni Eman sa dalawang mahabang tulang sinulat niya noong dekada '60.
Maraming kuwento tungkol kay Popoy. Ang mga unang pinasok ng kanyang pangkat ay mga lugar ng mga Bilaan. Dahil hindi sila magkaintindihan, idinodrowing ni Popoy ang mga katutubo at ang mga bagay na gusto niyang malaman kung ano. Sa pamamagitan ng pagdodrowing, sa loob lamang isa't kalahating buwan ay natutuhan niya ang lengguwahe ng mga Bilaan.
Natuto rin siyang kumain ng isang espesyalidad ng mga katutubo. Kapag nakahuli ng baboy-damo ang mga Bilaan, ang karne nito'y isinisilid nila sa buho ng kawayan at tinatakpan ng dahon ng saging. Mga dalawang linggo itong binubulok sa loob ng buho, pinapauod, pinapabaho. Pag nangangamoy na, nililinis ito, tinatanggalan ng uod, at iniihaw. Si Popoy lamang sa grupo ang natutong kumain nito. Tuwang-tuwa sa kanya ang mga Bilaan.
Ang isa pang naaalaala tungkol kay Popoy ay ang walang-tigil niyang pagsusulat. Kung wala nang papel, sumusulat siya sa likod ng palara ng sigarilyo. Lahat ay sinusulat niya, detalyadong-detalyado--ang malabo niyang mata, ang hirap na dinaranas niya sa masukal na daan, pati ang problema niya sa pagtae. Isang gabi, ayon sa kanyang palara diary, tumigil sila pagkat kailangan niyang magbawas. nang hindi pa siya bumabalik pagkaraan ng 20 minuto, hinanap na siya ng kanyang mga kasamahan. Iyon pala, naligaw na siya sa dilim.
Nang matuto na siya ng Bisaya, nilapatan niya ng bago, rebolusyonaryong titik ang ilang popular na awiting-bayan. Hanggang ngayon ay kinakanta pa raw doon ang mga liriks niya.
Maaaring dito sa Timog Cotabato galing ang isang sulat na ipinadala ni Eman sa isang kaibigan. Sa sulat, ikinuwento niya na nagmuntik-muntikanan na nilang makaengkuwentro ang isang mas malaking pangkat ng Lost Command at CHDF. Isang indikasyon ng pinagmulan ni Eman ang koment niya tungkol sa nasabing karanasan, isang koment na hindi mo aasahan sa karaniwang rebelde: "As the Book of Changes says, our minds are sharpened by the contact with danger."
Ang sumunod na mga linya mula sa sulat na iyon ay indikasyon naman ng mga pagbabagong nangyayari sa kalooban ni Eman: "I am very happy here, such experiences notwithstanding--I think I belong here... I feel no sadness anymore; I only remember... the world we left behind, whose wiles of momentary farce and luxurious living we have to continue to struggle against."
Sa panahong ito nagsimula ang isang bagong yugto sa panulaan ni Eman. Dati'y komplikado, siksik sa alusyon, at mahirap intindihin ang kanyang mga tula. Sa mga tulang Ingles at Pilipino na sinulat niya sa Mindanao, mararamdaman mo ang tensiyong bunga ng pagtatangka niyang tumalikod sa dating estilo para maging simple, direkta, malinaw. Sa tula niyang "Open Letters to Filipino Artists," na madalas magamit ngayon sa mga antolohiya, makikita ang ganitong tensiyon sa paghahalo niya ng mga salitang "di-matulain," pang-aktibista, sa mga talinghaga't pahiwatig na di agad masasabol sa unang dinig:
We are tribeless and all tribes are ours.
We are homeless and all homes are ours.
We are nameless and all names are ours.
To the fascists we are the faceless enemy
Who come like thieves in the night, angels of death;
The ever moving, shining, secret eye of the storm.
Bago natapos ang 1975, inilipat ng destino si Eman. Sa pinaglipatan, sa Davao del Norte, dumating sa kanya ang kamatayan na madalas maging ng kanyang mga tula.
Ayon sa mga salaysay, isang kasama nila sa kilusan, kilala sa pangalang Martin, ang nahuli ng militar at "nakumbinsing" bumaligtad. Sinamahan nito ang isang pangkat ng PC-CHDF papunta sa baryong alam niyang hihimpilan ng grupo nina Eman.
Apat sina Eman sa grupo. Kasama nila ang isang buntis na babaeng 18 anyos. Wala silang kamalay-malay na nahuli na si Martin, at nang umabot sa kanila ang pasa-bilis na balitang may dumarating na kaaway, kampanteng-kampante sila. Dadaan lang ang mga iyon, nasabi nila. Hindi sila umalis sa bahay ng masang tinulugan nila. Ni hindi nila inalis sa labas ng bahay ang pinatutuyo nilang mga damit at sapatos na nabasa sa nakaraang ulan.
Isang masakit na leksiyon ang natutunan ng mga gerilyang sumunod kina Eman: huwag mag-iwan ng damit sa labas. Nang dumating si Martin na may ginigiyahang pangkat ng PC-CHDF, namataan niya at agad na nakilala ang mga pinatutuyong damit.
Umagang-umaga pa lang noon, wala pang alas sais. Nagkakape ang grupo nina Eman nang umabot sa kanila ang ulat na nasa baryo na ang kaaway. Hindi pa rin sila gaanong naligalig. May pagkakataon pa sana silang tumakas, ero sa tingin nila'y dumadaan lang ang PC-CHDF, nagpapatrol, walang tiyak na misyon. Nakiramdam na lamang sila, naghanda sa anumang posibleng mangyari. Hindi pa rin nila alam na wala na sa panig nila si Martin.
Nang ituro ni Marin ang bahay na tinitigilan nina Eman--"Nariyan ang damit, nariyan sila"--agad na bumanat ang militar. Nagdapaan ang mga nasa bahay, pumosisyon. Ang CO, o commanding officer, nina Eman ay tumayo pa sa may pinto, hawak ang kanyang AK-47, at nakipagbanatan. Hindi malinaw sa mga kuwento kung may armas si Eman. Noon kasing panahong iyon, nakatakda na siyang "bumaba" sa siyudad para muling ilipat ng trabaho--isang trabahong kakailanganin ang kanyang kaalaman sa pagsulat.
Nang matapos ang putukan, ang CO at isa pang kagrupo ni Eman ang patay. Si Eman mismo at ang tinedyer na babae ay sugatan lamang. Inutusan ng militar ang mga tagabaryo na bitbitin ang mga patay papuntang Tagum. Si Eman, na may tama sa hita at iika-ika, ay inialalayan pa ni Martin.
May ilang kilometro pagkalabas ng baryo, tumigil ang buong grupo. "Hindi na lang tayo magdadala ng buháy," sabi raw ng sarhento na CO ng militar. Unang pinatay ang babaeng buntis. Si Eman ay iniupo sa malaking bato. Pagkatapos ay inabutan si Martin ng .45 at sinabihan, "O, barilin mo."
Ayaw pang tumalima ni Martin sa simula. Pero mapilit ang militar, at sa bandang huli, ayon sa mga kuwento, si Eman na mismo ang nagsabi: "Sige, Martin, banatan mo na ako."
Isinubo ni Martin ang .45 sa bibig ni Eman at pinaputok iyon. Sabog ang likod ng ulo ni Eman. Pagbagsak niya, minsan pa siyang pinaputukan. Sa dibdib naman tumama ang punglo.
Pagdating sa Tagum, ang apat na disidente ay inihulog sa iisang hukay. Nang pabuksan ang hukay pagkaraan ng ilang linggo sa harap ng aking ina, nakitang may lubid sa paa ni Eman--isang indikasyon na parang tiniban, parang hayop na hinila ang kanyang bangkay sa daan. Agnas na ang mukha at mga kamay ni Eman, pero buo pa ang mga parte ng katawan niyang nakapaloob sa damit. Nakilala siya ng aking ina sa pamamagitan ng kanyang mga nunal; at kinumpirma ng ilang magsasaka, batay sa suot niyang damit, na iyon nga ang bangkay ng lalaking mahilig sumulat sa palara, marunong tumula, nagtuturo ng mga bagong titik para sa mga dating kanta, nagkukuwento tungkol sa kanyang nakaraan bilang welgista at instruktor sa kolehiyo at artista sa tanghalan.
Iyon na nga si Popoy Dakuykoy, ang "mahiyaing kabataang makata na lagi't lagi na lamang sumusulat ng huling tula," ang "kayumangging Rimbaud" na sa kalaunan ay naging "mandirigmang bayan."
Labels:
Eman Lacaba,
Mario Hernando,
Pahayagang Malaya,
Salvaged Poems
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
11 comments:
nakakalungkot naman story ng kapatid nyo...
naiinteres ako sa mga ganitong istorya pero lagi rin akong nasa-sad at natatakot after.
welcome po sa blogger. :D
try mo ring hanapin yung bio niya sa six young filipino martyrs.
Palagay ko kung hindi inagaw sa atin si Eman, isa na siya sa masasabing institusyon sa literatura
Kahit inagaw na sa atin si Eman, bahagi pa rin naman siya ng kasaysayan ng ating literatura.
pero di po ba kumikiliti sa isipan niyo minsan ang mga paano kung... eh di sana... moments.
hindi ko alam na makulay, malungkot at may kapatid ka na eman ang pangalan,ka pete.
bakit kailangang 'babuyin' ang kamatayan ng mga taong may tunay na silbi sa bayan?
nakaka-agit!
magandang araw po sir pete. maitatanong ko lang po kung saan pupwedeng makahanap ng kopya ng "salvaged poems" at "salvaged prose? ". Nais ko sanang malaman ang naging ebolusyon ng panulat ni Eman mula sa makatang "kayumangging Rimbaud" patungong makatang nagsusulat para sa masa.
Ruben:
Me mabibiling second edition ng SALVAGED POEMS sa bookstore ng Ateneo de Manila sa Loyola Heights. Ewan ko lang kung available din sa National Bookstore.
Out of print na ang SALVAGED PROSE.
Pete
salamat po sa pagbabahagi...nang mabasa ko po nung ako'y nasa kolehiyo, nakakaantig at nagibgay po sa akin ito ng kamalayan sa aking ginagalawang lipunan.
kamalayang kalayaan
Salamat po sa kwento. Isang inspirasyong maatining na matining sa akin.
pwede ko po bang malaman ang hugot ng "Kung Ako'y Mamamatay" ni Eman? :)
Post a Comment