Monday, April 28, 2008

JONAS BURGOS AT ANG MGA NAWAWALA


Noong Abril 28, 2007, eksaktong isang taon na ngayon ang nakararaan, dinukot si Jonas Burgos ng ilang di-kilalang lalaki habang nanananghalian sa isang restoran sa Ever Gotesco Mall, Commonwealth Avenue, Quezon City. Hanggang ngayon ay hindi pa siya lumilitaw o inililitaw. Walang nakakaalam—maliban na lang siguro sa mga dumukot sa kanya—kung siya’y buhay pa o patay na. Kabilang na siya ngayon sa lumalaking hanay ng mga desaparecido sa Pilipinas.

(For more info on Jonas Burgos, check out http://freejonasburgosmovement.blogspot.com.)

Hindi ko yata nakilala o nakadaupang-palad si Jonas, pero nakilala ko at nakasama sa trabaho ang kanyang mga magulang—ang kapwa peryodistang si Joe Burgos at ang kabiyak niyang si Edith, na kung hindi ako nagkakamali ay siyang namahala sa business side ng mga peryodikong itinatag at pinagmatnugutan ni Joe. Nagsulat ako ng kolum para sa dalawa sa mga peryodikong iyon, ang We Forum at ang Tinig ng Masa.

Mula Enero 2001 hanggang Mayo 2007, ayon sa human-rights group na Karapatan, 199 na ang naging biktima ng enforced disappearances sa Pilipinas. Isang di-inaasahang side effect ng pangayayaring ito, para sa akin, bilang manunulat, ay ang pagka-revive ng isa kong lumang tula na sinulat noong panahon pa ng batas militar.

Ito ang tulang “Ang mga Nawawala,” na nalathala sa libro kong Sa Panahon ng Ligalig (Anvil Publishing, 1991) at muling nalathala sa isa ko pang libro, Kung Baga sa Bigas: Mga Piling Tula (University of the Philippines Press, 2002, second printing 2005). Ilang beses na itong binabasa ngayon sa ilang pagtitipon na may kinalaman sa karapatang-tao. Na-reprint na rin ito sa website ng Free Jonas Burgos Movement (http://freejonasburgosmovement.blogspot.com/2007_06_06_archive.html).


Para namang pinagtiyap, habang hinahanap ko ang mga tula kong Ingles na ekphrasis, o tungkol sa painting, nahalungkat ko ang clipping ng tulang “Ang mga Nawawala.” At nadiskubre kong may one degree of separation lang pala ang tulang ito kay Jonas Burgos.

Nakalimutan ko na, pero ang tula ko tungkol sa mga desaparecido ay kauna-unahang nalathala sa kolum ko sa diyaryong We Forum, na ang editor at publisher ay ang ama ni Jonas.

Narito ang kolum ko sa weekend edition ng We Forum na may petsang June 28-30, 1985:


KUNG TUTUUSIN
Jose F. Lacaba

May lumabas na balita nitong nakaraang linggo tungkol sa 12 peryodista at komentaristang Pilipino na napatay o naglaho mula noong Enero 1984. Sumulat kay Presidente Marcos ang Komite para sa Pagtatanggol ng mga Peryodista, isang grupong nakabase sa New York, para ihingi ng katarungan ang 12 napatay o naglaho. Habang binabasa ko ang ulat ay naalala ko si Henry Romero, peryodista ng Taliba at Bulletin Today, na tulad kong may panahong nanirahan sa Pateros. Nawala’t sukat si Henry may 10 tao na ang nakararaan, at hanggang ngayon ay nawawala pa, at iniisip ko sanang sumulat ng isang kolum tungkol sa kanya at tungkol sa iba pang kilala kong nawawala, pero sa halip na kolum ay tula ang lumabas, ang tulang matutunghayan ninyo ngayon:


ANG MGA NAWAWALA

Isang araw sila’y
nawala na lang at sukat.
May hindi pumasok sa opisina,
hindi sumipot sa apoyntment,
nang-indiyan ng kadeyt.
May hindi umuwi ng bahay
at hindi nakasalo
ng pamilya sa hapunan,
hindi nakasiping ng kabiyak.
Ang inihaing ulam ay ligalig,
at ang inilatag na banig
ay ayaw dalawin ng antok.

Nang hanapin sila’y
walang masabi
ang kamag-anak at kaibigan,
walang ulat ang pulisya,
walang malay ang militar.
Kung mayroon mang nakakita
nang sila’y sunggaban
ng malalaking lalaki
at isakay sa dyip o kotse,
pabulong-bulong ang saksi,
palinga-linga,
at kung pakikiusapang
tumestigo sa korte,
baka ito’y tumanggi.

Pagkaraan ng ilang araw,
o linggo, o buwan, o taon,
pagkaraan ng maraming
maghapon at magdamag,
pagkaraang ang agam-agam
ay magparoo’t parito
sa mga manhid na pasilyo
at ang pag-aasam-asam
ay mapanis sa mga tanggapan,
pagkaraan ng luha’t tiyaga,
ang ilan sa kanila’y
muling lumitaw.

Lumitaw sila
sa bilangguan, sa bartolina,
sa kubling bahay na imbakan
ng ungol, tili at panaghoy,
himpilan ng mga berdugong
eksperto sa sanlibo’t isang
istilo ng pagpapahirap.
Lumitaw silang
bali ang buto o sira ang bait.
O kaya’y lumitaw silang
lumulutang sa mabahong ilog,
o nakahandusay sa pampang,
o umaalingasaw
sa mga libingang mababaw
na hinukay ng mga asong gala.
Lumitaw silang
may gapos ang kamay at paa
na wala nang pintig, o watak-
watak ang kamay, paa, ulo,
o tadtad ng butas ang bangkay,
likha ng bala o balaraw.

Ang iba’y hindi na lumitaw,
hindi na kailanman lumitaw,
nawala na lang at sukat,
walang labĂ­, walang bangkay,
hindi malaman kung
buhay o patay,
hindi mapaghandugan
ng lamayan, pasiyam, luksa,
hindi maipagbabang-luksa,
hindi maipagtirik ng kandila
kung Todos los Santos.
Nakaposas pa ba sila
sa paa ng kinakalawang na kama
sa loob ng kuwartong may tanod,
busog sa bugbog,
binabagabag ng bangungot,
sumisipol kung nag-iisa
ng “Saan Ka Man Naroroon,”
iniisip kung ano ang iniisip
ng magulang at anak,
kasintahan o kabiyak?
O sila ba’y
umayaw na sa pakikibaka
at nagbalik sa dating buhay,
o nagtaksil sa simulain
at nagtatago sa takot,
o nag-asawang muli
at nangibang-bayan,
o tinamaan ng amnisya
at lalaboy-laboy sa lansangan,
o lihim na namundok
at nag-iba ng pangalan?
O sila ba’y
pinagpapasasaan na ng uod?
Nag-ugat na ba ang talahib
sa mga mata ng kanilang bungo?
Bahagi na ba sila
ng kanilang lupang tinubuan,
ang lupang kanilang ipinaglaban?

Sinusulat ko ito
para sa mga kakilalang
hanggang ngayon ay nawawala,
para kina Charlie del Rosario
at Caloy Tayag
at Manny Yap
at Henry Romero
at Jun Flores
at Rudy Romano,
sila na kahit hindi ko
nakilala nang husto
ay alam kong naglingkod
sa api at hikahos.
Buhay man sila o patay,
sa aking alaala’y
mananatili silang buhay.

9 comments:

Mia Uy said...

I'm not aware of how good you are as a writer. I only know you as Ka Pete, but not as Jose F. Lacaba. Nakakamangha po kayo. :)

Ka Pete said...

Salamat po. Ano naman ang pagkakakilala ninyo kay Ka Pete?

Mia Uy said...

Naririnig ko lang po ang pangalan nyo around Ateneo. Nabanggit po kasi once ng professor ko sa Filipino ang pangalan nyo during our discussion about Martial Law.

Anonymous said...

all these because they chose to think and to write. thank you for you wonderful poem.

angie said...

ako po uing angie-bubbly angeline po realname ko student pa lang po...alam nio po hanggang ngaun naiiyak akouh pag naaalala ko si daboy...
pero thanks po sa comment ..i really appreciate uin kasi naman isang kapete ang nag view sa blog koh....thanks po uli super bait niyo po........

nawawala kapatid ko! said...

nawawala po ang kapatid ko nuong 1984 hanggang ngayon po di padin po namin sya nakikita, sa overpass po sya ng quiapo nawala,patay na po ang nanay namin at ang tatay naman po ay sakalukuyang nakaburol ngayon dito sa bagong silang caloocan,my pag asa pa kaya kami magkita????? ang palayaw nya po ay.... ANDOY! at ang kanyang name, rolando c.yanga

nawawala kapatid ko! said...

ako po si zenaida yanga nawawala po ang kapatid ko nuong 5yrs palang po ako at sya sy 2yrs old,naiwala po sya ng ate ko dun sa overpass ng quiapo, patay na po ang nanay namin at ang tatay naman po sakalukuyang nakaburol ngayon,ang palayaw po ng kapatid ko ay.... ANDOY, real name nya ROLANDO C.YANGA siguro po mga 226 or 27yrs old na sya ngayon, gusto ko lang po sana na magkakilala kami kung sino po annnng nakapulot sa kanya marami pong salamat, nakakahiya man pong aminin sa kalye po kasi kami nakatira dati at nanglilimos kami malaki na po ako at my pamilya na gusto ko po sana magkita kami kahit sa huli, muli po ako nagpapasalamat.

edith said...

ka pete,
kaming nawawalan ay kailangan humugot ng lakas mula sa mga tulad ninyong may kakayahan isulat at sabihin, ang sa amin ay kaya lamang iluha. nagdudulot man ng kirot ang bawat kataga, nariyan din ang pasasalamat na may kasama kaming kayang ilarawan ang galit at pighati.

salamat ka pete. kung buhay si joe, alam ko, mahigpit ang magiging yakap niya sa iyo.

mabuhay ka, edith b.

Anonymous said...

Ginoo, kailan nio po naisulat ang akdang "ang mga nawawala?

kasi po gumagawa kami ng research paper about sa mga akda niyo..

plzzzz



Send poh kau sa email ko or post sa fb ko need ko lang po.

cupid_eroz@yahoo.com