Friday, March 21, 2008

Pasyong mahal ni San Jose

Biyernes Santo din lang ngayon, at kinakanta ang Pasyon (me videoke na nga raw nito), naisipan kong ireprint dito ang isang lumang tula (circa 1970) na ilang ulit na ring inilabas sa mga antolohiya at teksbuk.


PASYONG MAHAL NI SAN JOSE

Matay na niyang isipin
ang kabuntisan ng Birhen
anopa’t babaling-baling
walang matutuhang gawin,
ang loob niya’t panimdim.
—PASYON

Pait, katam at martilyo,
ibubulong ko sa inyo
ang masaklap kong sikreto:
hindi ko pa inaano
ay buntis na ang nobya ko.

Ang sabi ng anghel, wala
akong dapat ikahiya,
walang dahilang lumuha;
dapat pa nga raw matuwa
pagkat Diyos ang gumahasa.

Martilyo, katam at pait,
makukuha bang magalit
ng karpintero? Magtiis.
Ang mahina at maliit,
wala raw laban sa langit.

--Jose F. Lacaba

34 comments:

Pasyon, Emmanuel C. said...

Nito lang pakiramdam ko ako si San Jose. Walang kalaban-laban (o walang karapatang lumaban) sa mga diyos.

Anonymous said...

I'm a fan! Binasa ni Sir Vim Nadera sa MP110 class namin ito noong 2003(?) Ka Pete, anong utak meron ka? Bow ako sayo! =)

Ka Pete said...

Utak na sinaniban ng kung ano-anong kaululan. Sa madaling salita, karaniwang utak lang naman.

Anonymous said...

Hm. Ano po ang ibig sabihin ng tulang "Pasiong Mahal Ni San Jose?"

Karlo Avenido said...

Mr. Lacaba, I read this poem for Filipino Lit class. I just have to say this is one of the most perplex, stunning poems I have ever read.

Ka Pete said...

Karlo:

Salamat sa papuri. Kaya lang, perplexed ako ngayon. Did you find the poem perplexing or complex ;-?

Anonymous said...

Bakit niyo po naisulat ang tulang ito?

Anonymous said...

Mr. Lacaba, maaari ho bang magtanong? Bakit niyo po ba isinulat ang tulang ito? Ano po ba ang naging inspirasyon niyo?

Analyn said...

sa pagtatabi po ng sitwasyon ng persona sa tula at ng kay san jose,kung si san jose po ay dinala ang problema ng pagiging buntis ni maria, ano naman po 'yong pinagdadaanan nung persona?

Analyn said...

last question po:

ano ang siste? sa panulaang filipino, may mahabang tradisyon ng siste. ano ang siste sa tula?

(wala po akong makitang reference tungkol sa siste.)

maraming salamat po.

Anonymous said...

Ginoong Lacaba, ano po ang inspirasyon nyo sa pagsulat nito? Bakit nyo po ito naisulat? Curious po ako.. hehe

Maraming salamat po! =)

Silyah said...
This comment has been removed by the author.
Silyah said...

hello po Sir Lacaba, pwede bang malaman ang mga figures of speech sa tula na pasyong mahal? kelangan ko sa school. maraming salamat po. God bless

Lester Abuel said...

Ka Pete, nasa isip niyo po ba ang Pasyon at Rebolusyon ni Reynaldo Ileto habang binubuo niyo po ang tulang ito? Nabigyan ko po kasi ng pagbasang kaugnay sa nabanggit na teksto.

Ka Pete said...

Lester:

Hindi pa lumalabas ang libro ni Rey Ileto nang malathala ang "Pasyong Mahal ni San Jose." Baka nasa grade school pa si Rey nang sulatin ko ang tula.

Kaano-ano mo si Tommy Abuel?

Sa iba pang nagpaabot ng tanong nitong mga nakaraang taon na hindi ko nasagot, pasensiya na po. Sa totoo lang, sa tingin ko ay hindi ako ang dapat sumagot sa mga tanong na kung ano ang kahulugan ng tula, kung ano ang mga figures of speech dito, atbp. Palagay ko, bahagi na ng trabaho ninyo bilang estudyante o mambabasa na alamin ang mga kasagutan dito. Hindi na kailangang tanungin ang may-akda. Noong estudyante ako, hindi ko naman tinanong si Balagtas kung ano ang kahulugan ng Florante at Laura. Baka mas mabuti, isulat na ninyo ang inyong mga kuro-kuro, at magko-comment na lang ako, kung ako'y agree or disagree ;-)

Ka Pete said...

Isang taon lang pala ang tanda ko kay Rey Ileto, born 1946, ayon sa Wikipilipinas online encyclopedia. Nag-abot nga pala kami sa Ateneo.

Pero ang tulang "Pasyong Mahal ni San Jose" ay unang nalathala sa Pilipino Free Press noong Disyembre 16, 1970; muling nalathala sa Ang Malaya noong Abril 5, 1972; at napasama sa kalaunan sa libro kong MGA KAGILA-GILALAS NA PAKIKIPAGSAPALARAN, na nalathala noong 1979, na siya ring publication year ng first printing ng libro ni Rey.

Incidentally, sa orihinal na bersiyon ng tula, Pasion sa halip na Pasyon ang ginamit kong baybay, at ang ending ay: "Ang mga taong maliliit, / walang laban sa langit." Nirebisa ko ito, partly para sumunod sa tamang bilang ng mga pantig na ginagamit sa tunay na Pasion (walong pantig sa bawat linya ang dapat), at partly para hindi naman magmukhang completely hopeless ang kalagayan ng mga mahina at maliit sa lipunan ("wala RAW laban" sa halip na "walang laban").

O, ayan, nagdagdag na ako ng paliwanag para sa mga estudyanteng obligadong maghimay sa tulang ito.

Anonymous said...

Kilala niyo po ba si G. Richard de Guzman? Prof ko po siya sa Fil11 sa Ateneo at ito yung tinuturo nya sa amin ngayon.

Ka Pete said...

Anonymous:

Hindi ko matiyak kong kilala ko si Richard de Guzman. Pero familiar ang pangalan. Siya ba iyong nagdidirek ng stage plays?

Anonymous said...

Opo siya nga po. Nakasalamin, medyo kalbo. Nakatutuwa pong isipin na ang mga tulang tinuturo nya sa amin ay isinulat ng mga dati ring umupo sa mga silid ng pamantasan.

Anonymous said...

Itinuro niya rin po samin yung isa nyo pong tula na "Ang Paglilitson ay Trabahong Maselan" may mga inisghts po ako natutunan na sa tingin ko dala na rin ng husay ng pagkagawa ng tula. More power po sa inyo

Micah said...

Habang binabasa ko po ang inyong tula, noong una'y aaminin kong ang naisip ko ay ang pagsalamin nito sa lipunan na kung saan may mga babaeng nabubuntis ng ng dalaga at walang tatay. Kung anu-ano pa ang iniisip kong mensahe ng tula. yun pala nung binasa ko ulit ito epitome of life pala ito at pawang hango sa bibliya ang tula. O may iba pa po ba kayong nais ipabatid sa mga mambabasa ginoong lacaba?

Ka Pete said...

Nasa huling stanza ang nais ipabatid ng isang karaniwang karpintero na gaya ni San Jose. Nasa iyo na ngayon, bilang mambabasa, kung ikaw ay agree or disagree?

Anonymous said...

Ano po ibigsabihin ng tula ninyong Ang Paglilitson ay Trabahong Maselan? Tumatalakay po ba ito sa tunggalian sa pagitan ng nakatataas at nakabababa?

Ka Pete said...

Anonymous:

"Tunggalian sa pagitan ng nakatataas at nakabababa"? Kung ang ibig mong sabihin ay tunggalian ng mga uri sa lipunan, iyon na nga siguro.

Anonymous said...

Ka Pete, 'do ko po talaga maintindihan 'to. “Matay na nyang isipin
ang kabuntisan ng Birhen
anopa’t babaling-baling,
walang matutuhang gawin,
ang loob niya’t panimdim.”
-PASYON
ano po ba ibig sabihin nyan?

Unknown said...

Pagbati po, Ka Pete. Ako po ay guro sa matematika, at kapag naituro ko ang isang maganda at malalim na theorem, at pagpapatunay nito, naaalala ko nang una kong malaman, matutunan ito (siyempre pa, nung araw pa). Sinasabi ko sa mga estudyante, kung tama ang aking pagkakaalala, na naging masaya ako sa ganito o ganung bilang ng araw o linggo dahil sa theorem na ito. Nang una kong mabasa ang inyong tulang "Pasyon...", ako ay stunned, ika nga sa Inggles. Pagkasayasaya ko nang mahabang panahon.

Unknown said...

Makasingit nga lang po. Stunning (ano nga ba sa Tagalog nito?) ang para sa'kin ang talagang nagdi-describe ng inyong tula, Ka Pete. Sa limitado kong karanasan sa pagbasa ng tula, maihahalintulad ko ang ilan ninyong tula sa mga tula ni Emily Dickinson, sa pagbibigay ng mga nakagugulat na points of view, ika nga, sa mga bagay
bagay, gayun din nang pagkakaroon ng tinatawag kong economy of thought, o economy of expression, 'di ako sigurado.

Ka Pete said...

Kay Anonymous na nag-comment noong January 11, 2015:

Ang mga linya o ang stanzang hindi mo maintindihan ay hindi ako ang sumulat, pero ginamit ko lang na panimula sa sarili kong tula. Galing iyan sa "Casaysayan nang Pasiong Mahal ni Jesucristong Panginoon Natin na Sucat Ipag-alab nang Puso nang Sinomang Babasa." Iyan ang Pasyon na binabasa nang pakanta sa mga Pabasa na dati ay ginagawa sa mga baryo tuwing Mahal na Araw, at ang tinutukoy sa stanza na hiniram ko ay si San Jose, na naguluhan ang isip nang malaman niyang buntis na ang asawa niyang si Birheng Maria.

Ewan ko kung nakatulong ang paliwanag na iyan.

Kay Jenny Nable:

Ayon sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo James English, ang stunning sa Tagalog ay (1) nakatataranta, nakalilito, (2) nakasisindak, nakapangingilabot, at (3) napakaganda, kaakit-akit, kabigha-bighani.

Salamat sa papuri. Binabasa ko rin si Emily Dickinson noong kabataan ko. Gusto-gusto ko iyong mga linya niyang "Success is counted sweetest / By those who ne'er succeed."

Unknown said...

Mabuhay! Baka po interesado kayo! Ako po ay sumulat din NG pasyon,ang pasyon ni Amang Dr. Jose P .Rizal ( Pasyong Rizal) noong 2011 n gngamit ngayon NG mga Rizalista. ang karugtong po nito ay Yung pangalawa Kong sinulat ang Pasyon NG Inang Kalikasan! Eriberto B. Saños, 09054225868. Masaganang buhay po!

Ka Pete said...

Eriberto B. Saños:

Interesado akong basahin ang iyong "Pasyong Rizal." Pakiemail sa petelacaba@gmail.com.

Lodi Bautista said...
This comment has been removed by the author.
Lodi Bautista said...

Ako po'y mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. Nais ko pong ipabatid na ito'y isang kathang hinabing mahusay! Isa ito sa aming akdang pag-aaralan ngayong Oktubre sa asignaturang FIL 40 (Wika, Kultura at Lipunan).

Aalamin at pag-aaralang mabuti ang inyong iba pang mga likha.

Maraming salamat po at mabuhay kayo Ka Pete!

Unknown said...

Magandang umaga po! Ako'y isang guro sa Filipino. Every time na mababasa ko ang tula na ito, napapaisip ako kung ano ba talaga ang pagpapakahulugan nito? Kung ito ba'y may kinalaman sa mangagawa o hindi naman kaya sa social structure ng mga elite at mga taong nasa laylayan?

Marose said...

Magandang hapon po Mr. Lacaba, ako poy isang PhD in Literature student. Dito ako unang namangha sa kagalingan ninyo sa sining ng pag sulat nang tula. Kahit noon pa nung nag aaral pa ako sa kolehiyo na mangha na ako sa mga sulat mo. Ngayon nag aaral ako ng PhD in Literature gusto kong pagaralan ang mga tula mo. Kasi napansin ko sa sulat mo dito sa Pasyong Mahal ni San Jose at Prometheus Unbound ginamitan mo sila ng allusion para e kwento ang realidad. Napakaganda pag aralan ang mga tula mo.

Mabuhay po kayo!