Thursday, August 23, 2012

3 LUMANG KOLUM PARA SA BUWAN NG WIKA

 
Bilang paggunita sa Buwan ng Wika, ngayong Agosto 2012, ipinopost ko ngayon ang tatlong lumang kolum tungkol sa wikang pambansa na sinulat ko noong 1998 para sa pahayagang Diario Uno.


SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Setyembre 08

Lipat-wika

SA KANYANG talaan na inilalabas ng Diario UNO bilang kolum, inekstra ako nitong nakaraang buwan ng yumaong katotong Rogelio R. Sicat.

“May mga dating manunulat sa Ingles na lumipat sa Pilipino nang ang huli’y mauso noong mga 1970,” aniya. “Kabilang dito sina Rolando Tinio, tubong Nueva Ecija, at Jose Lacaba, tubong Cagayan de Oro ngunit lumaki na sa Pateros.”

Idinagdag pa Roger S.: “Nag-Taglish si Tinio sa kanyang tula ngunit kanyang iniwan at nagbalik sa Pilipino, kolokyal at pormal. Naghimagsik sa ‘puristang’ Pilipino si Lacaba at ang wika niyang ginamit ay hindi Taglish, manapa’y magaang na Pilipino. At ang dalawang manunulat na ito ay kapwa magaling sumulat.”

National Artist na ang yumaong si Rolando Tinio, at hindi malayong maging National Artist din si Roger. Siyempre pa, pumapalakpak ang tenga ko sa ganyang papuri. Pero kailangan kong iwasto ang datos ni Roger.

Hindi lamang “noong mga 1970” ako lumipat sa Pilipino. Sa mula’t mula, nagsusulat na ako sa Pilipino, hindi nga lamang nalathala agad sa mga pambansang publikasyon. Mas tamang sabihin na matagal na akong palipat-lipat sa Ingles at Pilipino.

Bagamat ipinanganak ako sa Cagayan de Oro at Cebuano ang una kong wika, hindi kaiba sa akin ang Tagalog. Taal na Tagalog ang aking ina, tubong Pateros. At major niya sa kolehiyo ang kursong kung tawagin noon ay National Language. Itinuro niya ito sa loob ng 43 taon, sa elementarya, hayskul, at kolehiyo. Bago pa man ako natutong magbasa, nasa aklatan na namin ang Florante at Laura, ang Urbana at Felisa, ang balarila ni Lope K. Santos.

Sampung taon ako nang lumipat kami sa Pateros. Pumisan kami sa lola na nagturo sa aming magdasal ng orasyon at rosaryo sa Tagalog. Sa mga burol at pasiyam, dinadasal namin ang katutubong panalangin para sa patay: “Alang-alang sa masaganang dugong ipinawis mo sa hardin ng Hetsemane, kaawa’t patawarin, Panginoon, ang kaluluwa ni Jose.” Naging bahagi ng aming aklatan ang Caton at ang Pasion at Ang Martir sa Golgota.

Sa radyo ng Lola Maria, sinubaybayan namin ang mga pakikipagsapalaran ni Kapitan Kidlat, ang mga kuwento ni Lola Basyang, ang mga kakuwanan sa Sebya, Mahal Kita, ang tagisan ng talino ng mga prinsipe’t prinsesa ng balagtasan.

Sa barberya, habang hinihintay na magupitan, natutunghayan ko ang hindi-pambatang magasing Tiktik. Pero ang pangunahin kong guro sa wika ay ang komiks.

Laman ako ng mga paarkilahan. Alam ko kung anong araw ang labas ng bawat isa sa apat na komiks ng Ace Publications—Pilipino Komiks, Espesyal, Hiwaga, Tagalog Klasiks. Para may pang-arkila, tinitipid ko ang baon, at kung minsan ay naglalakad akong pauwi mula sa eskuwelahan sa kalapit-bayan ng Pasig, mahigit sa limang kilometro ang layo sa amin.

Sa katabing baryo, may pinsan ang aking ina—ang Tiya Isang, Felisa Pascual Manalo, na kamamatay lamang nitong nakaraang Abril. Halos tuwing Sabado, dumadalaw ako sa kanila, at pinamemeryenda pa ako ng aking Ate Quetang (na ang buong pangalan ay Enriqueta). Hindi ko makakalimutan ang inihahanda niyang pandesal na hinati sa gitna, ibinabad sa binating itlog, pinirito, at binudburan ng asukal.

Pero hindi meryenda ang sadya ko. Naroon ako dahil ang Tiya Isang ay may kagila-gilalas na koleksiyon ng mga lumang komiks—naka-bookbound pa! Nalula ako sa pagbabasa tungkol kina Barbaro at Satur at Gigolo, tungkol kina Darna at Dyesebel at Bondying.

Kamakailan, ininterbiyu ako ng ilang estudyante sa hayskul, at nang tanungin nila kung sino ang mga manunulat na nakaimpluwensiya sa akin, ang una kong isinagot ay Francisco V. Coching at Mars Ravelo. Ewan ko kung kilala pa nila ang mga pangalang iyon. Parang hindi naman sila nagulat na dalawang magkokomiks ang una kong binanggit. Pero hindi ako nagbibiro. Kay Coching ko unang natutunan ang matulaing gamit ng Tagalog, kay Ravelo ang kolokyal.

Matagal nang pumanaw si Ravelo. Kamamatay lang ni Coching nitong nakaraang linggo. Ang unang nagbalita sa akin ay ang pintor na si Danny Dalena. Tumawag siya para sabihing “namatay na ang idolo natin.”

Dahil kay Coching, ang una kong ambisyon noong hayskul ay ang maging kuwentista at dibuhista sa komiks. Mababaw ang kaligayahan ko. Gusto ko lamang mabasa ang byline ko sa anyong linggo-linggo kong nakikita sa mga seryeng tulad ng Taga sa Bato at Kondenado: “Katha’t guhit ni Francisco V. Coching.”

Kami ng yumao kong kapatid na si Eman ay parehong mahilig magdrowing at magkuwento noong araw. Ang estilo ko sa dibuho ay kahawig ng kay Larry Alcala kung kartun, at kung seryoso ay kombinasyon ng estilo ni Coching at ng may-akda (hindi ko na maalala ang pangalan) ng Johnny Hazard, isang comic strip na Ingles na lumalabas sa dating Manila Times.

Naglabas si Eman ng komiks na tinawag niyang Mabuhay Klasiks, ilang pahina ng typewriting paper na may staple sa gitna. Lapis ang pandrowing at panletra. Iisa lang ang kopya ng bawat isyu, at bukod sa aming dalawa ay aapat lang ang mambabasa—ang aming apat na kapatid.

Doon sa Mabuhay Klasiks, doon lumabas ang isa sa mga una kong akda sa Tagalog, isang nobelang pangkomiks: Prinsipe Roldan. Katha’t guhit ni Jose F. Lacaba.

Pangalawang hati iyon ng dekada ’50. Malayo pa ang dekada ’70, nang “mauso” ang Pilipino.



SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Setyembre 10

Balik-wika

ANG NAKARAAN: Napukaw ang gunita dahil sa ilang katagang binitiwan ng katotong Roger Sicat noong buhay pa siya. Akala niya’y “lumipat” ako sa Pilipino nang ito’y “mauso noong mga 1970.” Sa huli kong kolum, ipinaliwanag ko nagsusulat na ako sa Tagalog noon pa mang ikalawang hati ng dekada ’50. Kaya lang, ang sinusulat ko’y mga kuwentong komiks, at ang mga mambabasa ko’y mga kapatid ko lamang.

Trese anyos ako nang mabiyuda ang aking ina. Ako ang panganay, inaasahang tutulong sa pagpapaaral ng mga nakababatang kapatid. Dahil dito, ayoko sanang magkolehiyo agad, gusto kong maghanapbuhay muna pagkagradweyt.

Kung kakayanin ko mang magkolehiyo—maaaring bilang working student, tulad ng aking ama—gusto ko sanang pumasok sa fine arts o commercial art. Mas hilig ko noon ang magdrowing kaysa magsulat.

Nag-iba ang direksiyon ng buhay ko dahil sa isang desisyon ng mga pari sa Pasig Catholic College. Ang kanilang pinakamagagaling na estudyanteng gagradweyt ng hayskul ay dinala nila sa Ateneo de Manila para kumuha ng IQ test. Isa ako sa apat o limang binigyan ng Ateneo ng scholarship, batay sa resulta ng IQ test.

Kaya, ayun, napasok ako—isang promding sangkahig-santuka—sa unibersidad ng mayayaman. Sa kasamaang-palad, walang fine arts sa Ateneo. Pinayuhan akong mag-major sa humanities. Kahit paano’y may kinalaman ito sa sining. Kaya lang, nadiskubre kong ang humanities sa Ateneo noon ay mas maraming subject na pilosopiya. Nakurta ang utak ko sa pagdalumat ng categorical imperative at thingness of a thing.

Ipinasiya kong magpalit ng major. Lumipat ako sa English, na mas madali para sa akin. Mangyari pa, nang makahiligan ko nang magsulat ng tula at maikling kuwento, sa Ingles ako unang nagsulat.

Pero di-nagtagal, nananagalog na naman ang aking mga katha.

Sa tula, nakatuwaan kong mag-eksperimento sa paggamit ng simple, ordinaryo, kolokyal na Tagalog—hindi ang matulain, malalim na Tagalog ng Bulacan at Quezon, kundi ang pang-araw-araw na lengguwaheng naririnig ko sa Pateros at Maynila. Ipinaloob ko ang lengguwaheng ito sa mga tradisyonal na sukat ng mga akdang binasa ko noong bata-bata ako—awit, korido, pasyon, bugtong, salawikain.

Ang unang nagtulak sa aking sumulat ng tula ay ang propesor ko sa freshman English, ang makatang si Emmanuel “Eric” Torres. Sa kanya ko ipinabasa ang una kong mga pagtatangka. Nang magpakita ako ng mga tulang Tagalog, inamin niyang hindi siya bihasa sa wikang iyon at iminungkahi niyang ipabasa ko sa dalawang kasamahan niyang guro.

Bagamat nagtuturo sa English department, nagsusulat sa Tagalog sina Rolando Tinio at Bienvenido Lumbera. Ipinakita ko sa kanila ang mga sinulat ko, at ibinalik nila ang mga iyon na may puna, payo, mungkahi. Ipinabasa rin nila sa akin ang kanilang mga tula.

Naglathala ako ng ilang tula namin sa isang minimyograp na magasing inedit ko para sa Arts Club. Naging dahilan iyon para maglabasan ang iba pang estudyante at Heswita na tumutula din sa Tagalog, wala nga lamang mapaglathalaan.

Ipinasiya ng Heights, magasing pampanitikan ng Ateneo, na ilathala ang mga tulang Tagalog ng mga Atenista. Iyon yata ang kauna-unahang pagkakataon na naglabas ang isang opisyal na publikasyon sa Ateneo ng anumang nasusulat sa sariling wika. Novelty pa iyon noon. Unang hati pa lamang ng dekada ’60. Hindi pa laganap sa unibersidad ang diwa ng nasyonalismo.

Ang seksiyon ng Heights na naglalaman ng kalipunan ng mga tulang Tagalog ay binigyan ng pamagat: “Bagay Poets.” Uso kasi sa Ateneo ang mga eksistensiyal na diskusyon tungkol sa thingness of a thing.

Sa gayon nagsimula ang tinatawag ngayong Kilusang Bagay sa panulaang Pilipino. Hindi iyon pormal na kilusan. Nagkataon lang na naroon kami sa iisang lugar sa isang partikular na panahon, mga nagsusulat ng tulang Tagalog sa unibersidad na balwarte ng Ingles sa Pilipinas.

Nang lumabas ang unang edisyon ng librong Mga Agos sa Disyerto noong 1964, sa labas ng Ateneo ay wala pang nakakaalam na may Bagay Poets. Nalaman kong ang mga kuwentista sa Agos ay unang nalathala sa seksiyong “Bagong Dugo” ng Liwayway. Naglakas-loob akong magpadala ng ilang tula sa magasin. Hindi pumasa.

Sa loob-loob ko, hindi siguro masakyan ng patnugutan ang ginagawa ko. Ipinadala ko ang mga tula sa Panitikan, isang maliit na magasing ang editor ay ang rebeldeng makatang si Alejandro G. Abadilla, na hindi ko kilala nang personal. Nagulat pa ako nang dumating ang sulat niya. Tanggap daw ang mga tula ko. Humingi lang siya ng kaunting impormasyon tungkol sa akin.

Wala pa rin akong suwerte. Nagsara ang Panitikan bago nailathala ang mga tula ko.

Samantala, lumalabas na ang mga obra ko sa Ingles. Napasok ako sa Philippines Free Press bilang copyreader-proofreader, at sa kalaunan ay naging staffwriter. Linggo-linggo, may lumalabas na artikulo ko sa Ingles.

Dekada ’70 na nang malathala—sa mga babasahing tulad ng Pilipino, kapatid na magasin ng Free Press—ang mga tula ko sa Tagalog na halos isang dekada na ang edad.

Noong taong 1970, ipinasiya kong tumigil na sa pagsusulat ng tula sa Ingles. Hindi iyon nangangahulugan na noon lamang ako “lumipat sa Pilipino.”



SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Setyembre 12

Wika ng lupa

ANG NAKARAAN: Dahil sa ilang pangungusap na sinulat ng yumaong katotong Roger Sicat noong siya’y buhay pa, nagsulputang parang kabuti ang mga alaala ng una kong mga pagtatangka sa paggamit ng sariling wika—simula sa mga istoryang pangkomiks noong dekada ’50 hanggang sa mga tula ng dekada ’60.

Salamat sa talaang iniwan ni Roger S., naalala ko ang aking personal na dyornal noong nasa kolehiyo. Naghalungkat ako sa kalawanging filing cabinet. Naroon pa ang isang spiral notebook, may tatak na “Liberty.”

Nagsisimula nang manilaw ang may-guhit na papel sa loob. Pero malinaw pa ang itim na tinta ng fountain pen, kasinlinaw ng mahinhing sulat-kamay na kahawig ng sulat-kamay ng ina kong guro.

Ang kauna-unahang pahina ay may petsang Enero 1, 1963, Martes. Noon ay 17 anyos ako. Ingles ang ginamit kong wika.

Noong Enero 12 at 13, sinulat ko ang reaksiyon ko sa artikulo ni Quijano de Manila na kalalabas lang sa Philippines Free Press. Ito’y ang artikulong “The Language of the Streets,” tungkol sa salitang kanto. Inilista ko ang ilang salitang uso sa aming mga kabataan noon, na nakaligtaang banggitin ni Quijano—gedra, tedesens, jake, wangbu, nekti, ngetspa, hedya, magwala, yari na, ayos na, plesimps, bangya, sanpits, yotits, bogli (na binaybay kong bowgli), osla, senglot. Dedbol na ang ilan sa mga salitang ito.

Noong Marso 18, sinulat ko ang unang talata ng isang kuwentong Tagalog na pinamagatan kong “Ewan Ko Ba.” Hindi ako lumampas sa unang talata.

Noong Nobyembre 23, ilang araw bago ako tumuntong ng 18, napabalita ang pagkamatay ni John F. Kennedy. Noon nagsimulang managalog ang aking dyornal. Ito ang simula ng sinulat ko sa petsang iyon:

 Sa ngayon ay interesadong-interesado ako sa wikang Pilipino kaya’t tuwing susumpungin ako’y Pilipino ang gagamitin ko sa pagsulat dito. Isa pa’y mahusay na pagsasanay itong pagsulat ng tuluyan sa wikang Pilipino. Sa tula’y medyo sanay na ako; sa tuluyan, ito ang praktis ko.

Pagkatapos, binigyang-pansin ko ang insidenteng laman ng mga balita. May kaunting editing ang mababasa ninyo ngayon, dahil medyo nalilito pa ako noon sa maikling ng at mahabang nang, may kudlit pa noon ang mga sapagkat, at sobrang mahaba ang aking mga pangungusap at talata.

Kanina lang umaga ko nabalitaan ang pagkamatay ni Kennedy, mula pa sa tsuper ng sinakyan kong dyip pagpasok sa eskuwelahan, pero hanggang ngayon ay hindi pa yata ako makapaniwala nang husto sa nangyaring ito.

Pag nakatanggap ka ng ganyang klaseng balita, ano ang masasabi mo? Uulit-ulitin mo lang ang sinasabi ng lahat, presidente man ng Pilipinas o tsuper ng dyip, na ito’y isang malaking sakuna, atbp. (hindi ko masyadong alam kung ano ang mga clichés ng Pilipino), na dahil sa dalas ng ulit ay parang wala nang lakas, parang salita lamang na hindi kasama ang puso’t diwa.

Ang totoo marahil ay talagang nabiglaanan tayong lahat, at sa laki ng ating hinagpis ang lumalabas sa mga dila natin ay tanging ang mga salitang handa’t de-lata sa ating isip. Kung mag-iisip ka pa nang matagal para sabihin ang nararamdaman sa mga salitang bago at orihinal, marahil ang epekto rin ay ang kakulangan ng sinseridad, sapagkat sa ganda ng salita’y maaaring hindi mapansin ang damdamin, ang tingin ay mapupukol sa salita.

Kinabukasan, Nobyembre 24, may kalaliman ang aking tala—pilosopikal!

Hindi ko maalala kung sino iyong pilosopong nagsabi na tuturuan daw niyang magsalita ng Aleman ang pilosopiya. Nang sabihin niya iyon, ang pilosopiya’y “nagsasalita” sa wikang Latin at Pranses lang. Sa ngayon ay nagsasalita na ng Aleman, Ingles, at Espanyol, bukod sa Pranses, ang pilosopiya, ngunit hindi ng Pilipino.

Hindi ko yata kayang turuan ang Pilipino, sa dahilan—at anong laking dahilan!—na ako’y hindi naman isang pantas ng pilosopiya, ako nama’y hindi pilosopo.

Isa pa’y mahirap pa marahil na gamitin, sa ngayon, ang Pilipino para sa pilosopiya. Unang-una na lamang ay ang salitang philosopher. Sa wikang Pilipino, ang ibig sabihin ng pilosopo ay wise guy, smart-aleck, isang mapagsagot ng kalokohan.

Gayunman, para makapagpraktis, naisipan kong tagalugin ang leksiyon namin sa pilosopiya.

Ang tao’y di pulo, wika ni John Donne, at bale ganyan ang kinalalabasan nitong aming pinag-aaralan tungkol sa pagka-isa (univocity) at pagka-marami (equivocity). Totoo, bawat tao’y ibang-iba sa kanyang kapwa, bawat tao’y may kanya-kanyang kaurian. Subalit ang lahat ay may pagkakapareho.

Mismong ang mga eksistensiyalistang nagsasabi na bawat tao’y likas na naiiba sa kapwa, bawat tao’y walang kaparis, ang nagpapatunay na ang bawat taong walang kaparis ay maaaring magkaroon ng kaisahan, ng pakikisama.

Kung totoong lahat ng karanasan ng tao ay sarili niya’t walang ibang makakaintindi, bakit nagsusulat ng libro ang mga eksistensiyalista? Hindi ba sapagkat inaasahan nilang may babasa ng mga ito at pagbasa’y maiintindihan silang mga manunulat at nang magamit ng mambabasa ang karanasan ng manunulat?

Pagkaraan ng ilan pang ganitong pamimilosopo, sumuko na ako.

“Mahirap palang talaga,” sulat ko sa huling talata sa araw na iyon. “Ang tula’y mas madaling turuan ng Pilipino. Ang totoo’y hindi na kailangang turuang magpilipino ang tula pagkat iyan naman ang tunay na wika ng tula: isang wikang makalupa at walang pakpak, wika ng lupa.”

No comments: