Friday, August 31, 2018

SPEECHIFYING: PHILIPPINE PEN


58th Philippine PEN National Conference
The PEN and the Future of Philippine Democracy:
The Filipino Writer Defines the Issues at Stake in the 2016 Elections




KAHAPON, NGAYON AT BUKAS

Ni Jose F. Lacaba
December 2, 2015

Magandang umaga po sa ating lahat. Sana nga ay naging maganda ang umaga natin at hindi tayo naipit sa trapik.

Ngayon po lang, hihingin ko na ang paumanhin at pagpapasensiya ninyo dito sa babasahin kong keynote speech. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi ako masanay sa ganitong klaseng mga talumpati. Kung puwede nga lang, magbabasa na lang ako ng tula ngayon, o kaya’y kakanta na lang ng mga napagtitripan kong salinawit. Hehehe.

Noong isang taon pa ako inimbitang mag-deliver ng keynote speech dito sa Philippine PEN National Conference. Nakatanggap pa ako noon, via email attachment, ng isang pormal na liham mula sa PEN, pirmado ng dati kong propesor sa kolehiyo na si Bien Lumbera, chairman of the PEN Board at National Artist for Literature, at saka noted by at pirmado rin ni Lito Zulueta, national secretary.

Ngayong taong ito, inimbita na naman akong mag-deliver ng keynote speech, at ngayon, ni hindi na nga ako tumanggap ng pormal na liham. Nagtext-text lang, at hindi pa nga deretso sa akin, kundi idinaan sa cellphone ng anak kong si Kris Lanot Lacaba.

Noong isang taon, hindi ko mapagbigyan sina Bien at Lito dahil, ilang araw pagkaraang matanggap ko ang kanilang pormal na liham, tinamaan ako ng sakit na tinatawag na myasthenia gravis. Isa itong rare neuromuscular disorder na maraming kung ano-anong sintomas. Isa na riyan ang drooping eyelids: basta na lang sumasara ang talukap ng mga mata ko, kahit hindi naman ako pumipikit. Madalas din akong namamaos, at may panahon pang nangongongo ako paminsan-minsan. At saka, maya’t maya na lang ay may nararamdaman akong matinding pananakit sa iba’t ibang bahagi ng katawan ko.

Grabe! Pero sosyal din pala, dahil nang mag-IGMG ako—alam naman siguro ng mga kabataan dito kung ano ang IGMG: I-Google Mo, Gago! pero para sa akin ay nagkaroon ng kahulugan na I-Google ang Myasthenia Gravis—nang mag-IGMG ako, nalaman kong kabilang sa mga tinamaan ng kakaiba at di-pangkaraniwang sakit na ito ay sina Laurence Olivier, David Niven, at Aristotle Onassis. Kilala naman siguro ng mga may-edad dito kung sino ang mga iyan.

Hanggang ngayon ay on medication pa ako, pero hindi na kasing-grabe nang dati ang sakit ko. Hindi na basta-basta sumasara ang talukap ng mga mata ko, halimbawa, kaya nakakapagmaneho na uli ako sa matinding trapik, bagamat hanggat maaari ay iniiwasan ko pang magmaneho sa gabi. Ang medyo pagbuti ng kalagayan ko ay isa sa mga dahilan kung kaya, pagkatapos ng ilang araw ng pag-uurong-sulong, umoo na rin ako na mag‑deliver ng keynote speech.

Isa pang dahilan ay dahil nagkataong nakasabay ko sa paglalakad sa mall si Tessie Jose, kabiyak ni F. Sionil Jose, ang ating National Artist for Literature na founder ng Philippine Center of International Pen. Papunta kami ni Tessie noon sa sinehan para manood ng pelikulang Dahling Nick. Nang tanungin niya ako nang direkta kung okey na ako na maging keynote speaker, hindi na ako nakatanggi.

May isa pang mas malaking dahilan kung bakit napaoo na rin ako na maging keynote speaker: malaki ang utang na loob ko sa PEN.

Noong panahon ng diktadurang batas militar, dahil sa trabaho ko bilang peryodista ay inaresto ako, tinortyur, at halos dalawang taong ikinulong sa isang kampo militar. Tuwing nasusulat ang kabanatang iyan ng buhay ko, nababanggit na lumaya ako sa wakas dahil hiningi ni Nick Joaquin ang paglaya ko bilang kapalit ng pagtanggap niya sa award na National Artist for Literature.

Tama lamang at karapat-dapat na pasalamatan ko si Dahling Nick sa ginawa niya para ako lumaya. Pero tama lamang at karapat-dapat din na pasalamatan ko ang Philippine PEN, dahil noong panahon ng diktadura ay walang-sawang ipinaglaban ng PEN ang pagpapalaya sa mga nakabilanggong poets and playwrights, essayists and novelists, mga alagad ng panitikan na nasa likod ng rehas at wala pang isang dipa ang langit na natatanaw sa labas.

Isa ako sa mga manunulat na bilanggong pulitikal na ipinaglaban ng PEN at hininging palayain. At dahil hindi iyan nawawala sa isipan ko ay narito ako ngayon at nagpupumilit na mag-deliver ng keynote speech.

Tulad ng nakagawian ko na sa ganitong mga okasyon, sumobra na naman ang haba nitong aking pasakalye. Pepreno na muna ako diyan para pagtuunan ng pansin, kung kakayanin ko, ang paksang gustong talakayin sa komperensiyang ito.

“The Writer and the Future of Democracy” ang ating paksa, ayon sa unang email na ipinadala sa marami at natanggap ko. “The PEN and the Future of Philippine Democracy: The Filipino Writer Defines the Issues at Stake in the 2016 Elections,” ayon naman sa programa ng komperensiya na inemail din pagkaraan ng ilang araw.

Ang isa kong napansin sa dalawang pormulasyong iyan ay ang salitang “future”—ang bukas, ang kinabukasan. Medyo kinabahan ako diyan. Kaya ko bang talakayin ang future? Hindi naman ako manghuhula. Hindi ako marunong magbasa ng palad o ng baraha. Hindi ako marunong tumingin sa bolang kristal. Hindi rin ako propeta. At bagamat manunulat ako, hindi naman ako manunulat ng science fiction o speculative fiction. Ano ba ang malay ko sa future, sa kinabukasan? At lalo na sa kinabukasan ng demokrasyang Pilipino? Pero subukan ko na rin, narito na rin lang.

Meron tayong matandang salawikain: “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.” Sa literal na pakahulugan, lugar ang tinutukoy ng kasabihang iyan, lugar na pinanggalingan at paroroonan. Pero alam din nating ang metaporikal na pakahulugan ay may kinalaman sa panahon. Sa ibang sabi: “Ang hindi marunong lumingon sa nakaraan, hindi makararating sa kinabukasan.”

Puwede na ring idagdag : “Ang hindi masusing tumitingin sa kasalukuyan, hindi makararating sa magandang kinabukasan.”

Kung ako ang tatanungin, bilang manunulat, isang magagawa natin para alamin o suriin ang kinabukasan ng demokrasya ay ang lumingon sa pinagdaanan o kasaysayan ng bayan nating binihag at nasadlak sa dusa, isang bayang pugad ng luha at dalita, tadtad ng sakit na mas grabe pa sa myasthenia gravis.

Minsan ay inilarawan ang kasaysayan ng bayan bilang “three hundred years in a convent and fifty years in Hollywood,” o tatlong daang taon sa isang kumbento at limampung taon sa Hollywood. Noong Dekada Singkuwenta pa yata iyan sinabi ng manunulat na si Carmen Guerrero Nakpil. At ano ang sumunod sa mga panahong nabanggit?

Ilang taon ng kasarinlan at demokrasyang laganap ang katiwalian at kabulukan sa pamahalaan at hindi makaahon sa kahirapan ang nakararami sa taong-bayan… Na sinundan ng ilang taon ng diktadurang tigmak ng dugo at mas lalong garapal na katiwalian at kabulukang pilit na pinagtakpan ng kulturang diumano’y true, good, and beautiful… Na sinundan naman ng ilang taon ng panibagong demokrasyang nagsimula sa lakas sambayanan at nauwi sa patuloy na karalitaan, sa mga panibagong anyo ng katiwalian at kabulukan, sa tuwid na daang pinipinsala ng samutsaring kalamidad, kabilang na diyan ang kabulastugan ng TaLaBa (o tanim/laglag bala), aka LBM (o laglag bala modus), na nangyayari sa NAIA, o National Ammunition Implantation Airport…

Ang lahat ng iyan ay bahagi ng nakaraan na kailangang patuloy nating lingunin bilang manunulat, o bahagi ng kasalukuyan na kailangang lagi nating tinitingnan, kung gusto nating marating nang maayos ang kinabukasan.

Aaminin ko, hindi madaling gawin ang lahat ng ito. Karaniwan ay hindi pinagkakakitaan ang pagsusulat tungkol sa masasakit na katotohanan. Kadalasan ay kailangan pang ipaglaban ang karapatan sa malayang pamamahayag, kailangan pang labanan ang sensura, at kailangan pa ngang suyurin ang sarili nating hanay, na kinukuto ng mga tagapagsagawa ng tinatawag na envelopmental journalism.

Kung minsan, peligroso pa nga ang mga trabahong iyan, lalo na para sa mga kapatid natin sa peryodismo. Ayon sa isang Unesco report na lumabas nitong taong ito, ang Pilipinas ang third most deadly country para sa mga peryodista, kasunod ng Iraq at Syria. Mula 1992, pitumpu’t pitong (77) peryodista na ang napatay sa Pilipinas, kabilang na diyan ang tatlumpu’t dalawang (32) peryodista na kasama sa minasaker sa Maguindanao noong 2009.

Subalit kailangan ang paglingon sa kinabukasan at pagtingin sa kasalukuyan kung gusto nating paghandaan ang kinabukasan, kung gusto nating iwasang maulit sa kinabukasan ang mga kapalpakan at kabulastugan at kalapastanganan ng nakaraan at ng kasalukuyan.

Bilang pangwakas, kung hindi ninyo mamasamain, at bilang pagbibigay-pansin sa tema ng darating na eleksiyon, uupakan ko ngayon ang bahagi ng isang salinawit na napagtripan ko noon at bahagya kong inedit ngayon…

[Sa himig ng “It’s a Wonderful World”]

Ang mga bulaklak
Na kay bango,
Namumukadkad para sa iyo.
Nakikita ko,
Kay ganda ng mundo.

Ang mga bituin
Sa kalangitan,
Ang takipsilim
At bukang-liwayway—
Nakikita ko,
Kay ganda ng mundo.

Iyang bahaghari,
Sarisaring kulay,
Tulad ng mga tao
Sa ating buhay.
Ang kaibigan mo,
Pag kinamayan ka,
Ibig sabihin
Ay mahal ka niya.

Ang mga sanggol,
Gumagapang pa,
Sasayaw na
Paglaki nila.
Tunay at totoo,
Kay ganda ng mundo…

Sa kabilang dako…


Tuwing ganitong
Panahon ng eleksiyon,
Humahakot ng boto
Ang kawatan at trapo.
Ang pulitiko,
Pag kinamayan ka,
Ang gustong sabihin:
Magkano ka?

Sanggol pa lang,
Pasaway na.
Paglaki niyan,
Magtatanim-bala.
Naykupo, Diyos ko,
Ba’t ganito ang mundo?


No comments: