Friday, August 31, 2018

SPEECHIFYING: GAWAD BALAGTAS


PAGTANGGAP NG GAWAD BALAGTAS

Iginawad ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL)
1999 Agosto 28


May natatandaan akong sinabi o sinulat si Adrian Cristobal noong araw—na ang mga award-award ay walang halaga kung walang kasamang pera. Pero nagpapasalamat pa rin ako, at taos-pusong nagpapasalamat, sa Gawad Balagtas na ipinagkakaloob ninyo sa akin ngayon.

Nagpapasalamat ako sapagkat pinararangalan ninyo ako sa kabila ng katotohanang may panahong nagkahiwalay tayo ng landas. Pinaghiwalay tayo ng isang malaking isyung pampulitika, at hindi lingid sa marami sa inyo na nilait-lait ko ang inyong samahan noon.

Huwag na nating halukayin ang nakaraan. Ang nangyari noon ay trabaho lang, walang personalan. Sapat nang sabihing ang natatapilok ay hindi naman nananatiling nakadapa, at ang Gawad Balagtas na ito ay isang okasyon para sa pagkakaibigan, pagpapatawad, muling pagkakasundo—at pagkilala na marami pa tayong daratnang sangandaan sa hinaharap, mga sangandaang muling susubok sa ating pagsasamahan.

Gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito para pasalamatan ang aking ina. Matagal siyang naging guro ng Pilipino, at siya ang unang nagmulat sa akin sa yaman at dunong ng panulaang Tagalog—lalo na sa talas at tigas ni Balagtas.

Muli, salamat sa pagkakaloob ninyo sa akin ng Gawad Balagtas. Ito’y hindi lamang isang karangalan, kundi isang hamon—isang hamon sapagkat, bagamat papasok na tayo sa isang bagong siglo at isang bagong milenyum, ang lipunan ay isa pa ring madilim, gubat na mapanglaw, at sa loob at labas ng bayan nating sawi, kaliluhan pa rin ang nangyayaring hari.

SPEECHIFYING: PHILIPPINE PEN


58th Philippine PEN National Conference
The PEN and the Future of Philippine Democracy:
The Filipino Writer Defines the Issues at Stake in the 2016 Elections




KAHAPON, NGAYON AT BUKAS

Ni Jose F. Lacaba
December 2, 2015

Magandang umaga po sa ating lahat. Sana nga ay naging maganda ang umaga natin at hindi tayo naipit sa trapik.

Ngayon po lang, hihingin ko na ang paumanhin at pagpapasensiya ninyo dito sa babasahin kong keynote speech. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi ako masanay sa ganitong klaseng mga talumpati. Kung puwede nga lang, magbabasa na lang ako ng tula ngayon, o kaya’y kakanta na lang ng mga napagtitripan kong salinawit. Hehehe.

Noong isang taon pa ako inimbitang mag-deliver ng keynote speech dito sa Philippine PEN National Conference. Nakatanggap pa ako noon, via email attachment, ng isang pormal na liham mula sa PEN, pirmado ng dati kong propesor sa kolehiyo na si Bien Lumbera, chairman of the PEN Board at National Artist for Literature, at saka noted by at pirmado rin ni Lito Zulueta, national secretary.

Ngayong taong ito, inimbita na naman akong mag-deliver ng keynote speech, at ngayon, ni hindi na nga ako tumanggap ng pormal na liham. Nagtext-text lang, at hindi pa nga deretso sa akin, kundi idinaan sa cellphone ng anak kong si Kris Lanot Lacaba.

Noong isang taon, hindi ko mapagbigyan sina Bien at Lito dahil, ilang araw pagkaraang matanggap ko ang kanilang pormal na liham, tinamaan ako ng sakit na tinatawag na myasthenia gravis. Isa itong rare neuromuscular disorder na maraming kung ano-anong sintomas. Isa na riyan ang drooping eyelids: basta na lang sumasara ang talukap ng mga mata ko, kahit hindi naman ako pumipikit. Madalas din akong namamaos, at may panahon pang nangongongo ako paminsan-minsan. At saka, maya’t maya na lang ay may nararamdaman akong matinding pananakit sa iba’t ibang bahagi ng katawan ko.

Grabe! Pero sosyal din pala, dahil nang mag-IGMG ako—alam naman siguro ng mga kabataan dito kung ano ang IGMG: I-Google Mo, Gago! pero para sa akin ay nagkaroon ng kahulugan na I-Google ang Myasthenia Gravis—nang mag-IGMG ako, nalaman kong kabilang sa mga tinamaan ng kakaiba at di-pangkaraniwang sakit na ito ay sina Laurence Olivier, David Niven, at Aristotle Onassis. Kilala naman siguro ng mga may-edad dito kung sino ang mga iyan.

Hanggang ngayon ay on medication pa ako, pero hindi na kasing-grabe nang dati ang sakit ko. Hindi na basta-basta sumasara ang talukap ng mga mata ko, halimbawa, kaya nakakapagmaneho na uli ako sa matinding trapik, bagamat hanggat maaari ay iniiwasan ko pang magmaneho sa gabi. Ang medyo pagbuti ng kalagayan ko ay isa sa mga dahilan kung kaya, pagkatapos ng ilang araw ng pag-uurong-sulong, umoo na rin ako na mag‑deliver ng keynote speech.

Isa pang dahilan ay dahil nagkataong nakasabay ko sa paglalakad sa mall si Tessie Jose, kabiyak ni F. Sionil Jose, ang ating National Artist for Literature na founder ng Philippine Center of International Pen. Papunta kami ni Tessie noon sa sinehan para manood ng pelikulang Dahling Nick. Nang tanungin niya ako nang direkta kung okey na ako na maging keynote speaker, hindi na ako nakatanggi.

May isa pang mas malaking dahilan kung bakit napaoo na rin ako na maging keynote speaker: malaki ang utang na loob ko sa PEN.

Noong panahon ng diktadurang batas militar, dahil sa trabaho ko bilang peryodista ay inaresto ako, tinortyur, at halos dalawang taong ikinulong sa isang kampo militar. Tuwing nasusulat ang kabanatang iyan ng buhay ko, nababanggit na lumaya ako sa wakas dahil hiningi ni Nick Joaquin ang paglaya ko bilang kapalit ng pagtanggap niya sa award na National Artist for Literature.

Tama lamang at karapat-dapat na pasalamatan ko si Dahling Nick sa ginawa niya para ako lumaya. Pero tama lamang at karapat-dapat din na pasalamatan ko ang Philippine PEN, dahil noong panahon ng diktadura ay walang-sawang ipinaglaban ng PEN ang pagpapalaya sa mga nakabilanggong poets and playwrights, essayists and novelists, mga alagad ng panitikan na nasa likod ng rehas at wala pang isang dipa ang langit na natatanaw sa labas.

Isa ako sa mga manunulat na bilanggong pulitikal na ipinaglaban ng PEN at hininging palayain. At dahil hindi iyan nawawala sa isipan ko ay narito ako ngayon at nagpupumilit na mag-deliver ng keynote speech.

Tulad ng nakagawian ko na sa ganitong mga okasyon, sumobra na naman ang haba nitong aking pasakalye. Pepreno na muna ako diyan para pagtuunan ng pansin, kung kakayanin ko, ang paksang gustong talakayin sa komperensiyang ito.

“The Writer and the Future of Democracy” ang ating paksa, ayon sa unang email na ipinadala sa marami at natanggap ko. “The PEN and the Future of Philippine Democracy: The Filipino Writer Defines the Issues at Stake in the 2016 Elections,” ayon naman sa programa ng komperensiya na inemail din pagkaraan ng ilang araw.

Ang isa kong napansin sa dalawang pormulasyong iyan ay ang salitang “future”—ang bukas, ang kinabukasan. Medyo kinabahan ako diyan. Kaya ko bang talakayin ang future? Hindi naman ako manghuhula. Hindi ako marunong magbasa ng palad o ng baraha. Hindi ako marunong tumingin sa bolang kristal. Hindi rin ako propeta. At bagamat manunulat ako, hindi naman ako manunulat ng science fiction o speculative fiction. Ano ba ang malay ko sa future, sa kinabukasan? At lalo na sa kinabukasan ng demokrasyang Pilipino? Pero subukan ko na rin, narito na rin lang.

Meron tayong matandang salawikain: “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.” Sa literal na pakahulugan, lugar ang tinutukoy ng kasabihang iyan, lugar na pinanggalingan at paroroonan. Pero alam din nating ang metaporikal na pakahulugan ay may kinalaman sa panahon. Sa ibang sabi: “Ang hindi marunong lumingon sa nakaraan, hindi makararating sa kinabukasan.”

Puwede na ring idagdag : “Ang hindi masusing tumitingin sa kasalukuyan, hindi makararating sa magandang kinabukasan.”

Kung ako ang tatanungin, bilang manunulat, isang magagawa natin para alamin o suriin ang kinabukasan ng demokrasya ay ang lumingon sa pinagdaanan o kasaysayan ng bayan nating binihag at nasadlak sa dusa, isang bayang pugad ng luha at dalita, tadtad ng sakit na mas grabe pa sa myasthenia gravis.

Minsan ay inilarawan ang kasaysayan ng bayan bilang “three hundred years in a convent and fifty years in Hollywood,” o tatlong daang taon sa isang kumbento at limampung taon sa Hollywood. Noong Dekada Singkuwenta pa yata iyan sinabi ng manunulat na si Carmen Guerrero Nakpil. At ano ang sumunod sa mga panahong nabanggit?

Ilang taon ng kasarinlan at demokrasyang laganap ang katiwalian at kabulukan sa pamahalaan at hindi makaahon sa kahirapan ang nakararami sa taong-bayan… Na sinundan ng ilang taon ng diktadurang tigmak ng dugo at mas lalong garapal na katiwalian at kabulukang pilit na pinagtakpan ng kulturang diumano’y true, good, and beautiful… Na sinundan naman ng ilang taon ng panibagong demokrasyang nagsimula sa lakas sambayanan at nauwi sa patuloy na karalitaan, sa mga panibagong anyo ng katiwalian at kabulukan, sa tuwid na daang pinipinsala ng samutsaring kalamidad, kabilang na diyan ang kabulastugan ng TaLaBa (o tanim/laglag bala), aka LBM (o laglag bala modus), na nangyayari sa NAIA, o National Ammunition Implantation Airport…

Ang lahat ng iyan ay bahagi ng nakaraan na kailangang patuloy nating lingunin bilang manunulat, o bahagi ng kasalukuyan na kailangang lagi nating tinitingnan, kung gusto nating marating nang maayos ang kinabukasan.

Aaminin ko, hindi madaling gawin ang lahat ng ito. Karaniwan ay hindi pinagkakakitaan ang pagsusulat tungkol sa masasakit na katotohanan. Kadalasan ay kailangan pang ipaglaban ang karapatan sa malayang pamamahayag, kailangan pang labanan ang sensura, at kailangan pa ngang suyurin ang sarili nating hanay, na kinukuto ng mga tagapagsagawa ng tinatawag na envelopmental journalism.

Kung minsan, peligroso pa nga ang mga trabahong iyan, lalo na para sa mga kapatid natin sa peryodismo. Ayon sa isang Unesco report na lumabas nitong taong ito, ang Pilipinas ang third most deadly country para sa mga peryodista, kasunod ng Iraq at Syria. Mula 1992, pitumpu’t pitong (77) peryodista na ang napatay sa Pilipinas, kabilang na diyan ang tatlumpu’t dalawang (32) peryodista na kasama sa minasaker sa Maguindanao noong 2009.

Subalit kailangan ang paglingon sa kinabukasan at pagtingin sa kasalukuyan kung gusto nating paghandaan ang kinabukasan, kung gusto nating iwasang maulit sa kinabukasan ang mga kapalpakan at kabulastugan at kalapastanganan ng nakaraan at ng kasalukuyan.

Bilang pangwakas, kung hindi ninyo mamasamain, at bilang pagbibigay-pansin sa tema ng darating na eleksiyon, uupakan ko ngayon ang bahagi ng isang salinawit na napagtripan ko noon at bahagya kong inedit ngayon…

[Sa himig ng “It’s a Wonderful World”]

Ang mga bulaklak
Na kay bango,
Namumukadkad para sa iyo.
Nakikita ko,
Kay ganda ng mundo.

Ang mga bituin
Sa kalangitan,
Ang takipsilim
At bukang-liwayway—
Nakikita ko,
Kay ganda ng mundo.

Iyang bahaghari,
Sarisaring kulay,
Tulad ng mga tao
Sa ating buhay.
Ang kaibigan mo,
Pag kinamayan ka,
Ibig sabihin
Ay mahal ka niya.

Ang mga sanggol,
Gumagapang pa,
Sasayaw na
Paglaki nila.
Tunay at totoo,
Kay ganda ng mundo…

Sa kabilang dako…


Tuwing ganitong
Panahon ng eleksiyon,
Humahakot ng boto
Ang kawatan at trapo.
Ang pulitiko,
Pag kinamayan ka,
Ang gustong sabihin:
Magkano ka?

Sanggol pa lang,
Pasaway na.
Paglaki niyan,
Magtatanim-bala.
Naykupo, Diyos ko,
Ba’t ganito ang mundo?


Tuesday, August 28, 2018

GAWAD PLARIDEL LECTURE 2013


Photo by Kris Lanot Lacaba

GAWAD PLARIDEL LECTURE 

Ni Jose F. Lacaba
2013 July 24
UP Film Center
Cine Adarna

Bago ang lahat ay gusto kong magpasalamat sa University of the Philippines College of Mass Communication sa pagkakaloob sa akin ng Gawad Plaridel para sa peryodismo.

Dagdag na pasasalamat din para sa tropeo na likha ng National Artist Napoleon “Billy” Abueva, usa ka Bol-anon, isang Boholano, kaprobinsiya ng yumao kong amang si Jose Monreal Lacaba Sr.

Nagkataon naman na ang gawad na ito ay kapangalan ng Plaridel Papers, ang yahoogroup o egroup o online forum na itinatag ko noong 1999, maglalabing-apat na taon na ngayon ang nakararaan. Ang paggamit ko ng pangalang iyan para sa aking egroup ay ihiningi ko ng permiso sa mga human-rights lawyer ng Free Legal Assistance Group, o FLAG, dahil dati ay mayroon silang newsletter na Plaridel Papers din ang pangalan.  Sa totoo lang, iniisip ko nang sarhan ang aking egroup, dahil naging bulletin board na lang siya sa kalakhan, at hindi na tulad ng dati na discussion group ng mga mahilig sa umaatikabong balitaktakan. Ngayon, nagdadalawang-isip na ako kung sasarhan ko nga ang Plaridel Papers egroup, dahil eto nga’t nabiyayaan ako ng Gawad Plaridel.

Malaking karangalan itong ipinagkakaloob ninyo sa akin ngayong araw na ito. Kaya lang, aaminin ko na medyo nalula ako sa papuri na lumabas sa press release tungkol sa aking Gawad Plaridel. Ito ang lumabas sa mga diyaryo: “He also raised the bar of excellence for literary journalism to a level unprecedented in the history of Philippine contemporary journalism.”

Wow! Super! Sabi nga sa kanto, nag-level-up!

Ayoko namang masabing sobra akong nagpapa-humble. Pero kung ako ang tatanungin, hindi ko rin naman sasabihing “unprecedented” ang level na inabot ng aking pagsusulat bilang peryodista, bilang reporter at feature writer at kolumnista.

Nang mapasok ako sa peryodismo noong ikalawang hati ng Dekada Sisenta, kabilang sa mga nadatnan ko sa editorial staff ng lingguhang magasing Philippines Free Press ay sina Nick Joaquin, Kerima Polotan, Wilfrido D. Nolledo, at Gregorio C. Brillantes, pati na rin ang editor-in-chief na si Teodoro M. Locsin, mga beterano at premyadong kuwentista, nobelista, at makata na sumabak sa peryodismo. Sila ang mga naging mentor ko noon, ang nagpapakita ng magagandang ehemplo sa kanilang panulat, ang nagbibigay ng mga tips at payo kung kinakailangan. Kung tutuusin, sila ang aking mga “precedents,” wika nga.

Sa madaling salita, hindi unprecedented ang antas na inabot ng literary journalism sa panulat ng inyong abang lingkod. May mga nauna na sa akin. Sila ang masasabi nating nauna na sa pagpapataas ng bar of excellence sa larangan ng literary journalism, na kung tawagin noong panahong iyon ay reportage o new journalism, at kilala rin ngayon sa tawag na creative nonfiction. Saludo ako sa kanila. Salamat sa kanila, naging journalist ang isang makatang sampay-bakod at English major na hindi naman nakapag-aral ng journalism sa kolehiyo. Salamat sa kanila ay tinatanggap ko ngayon ang Gawad Plaridel para sa peryodismo.

Sapagkat pinahahalagahan sa peryodismo ang transparency, babanggitin ko na rin dito ang hindi naman lingid sa marami sa inyo: na ang UP College of Mass Communication, o Masscom, itong institusyon na nagbibigay sa akin ngayon ng Gawad Plaridel, ay matagal-tagal ko ring pinagtrabahuhan bilang lecturer.

Naging lecturer din naman ako sa iba’t ibang institusyon dito sa UP, kabilang ang departamento ng Filipino at ang Creative Writing Center (na balita ko’y Institute of Creative Writing na ngayon), at nagturo din ako sa aking alma mater na Ateneo de Manila. Pero sa UP Masscom talaga ako nagtagal sa pagtuturo. Doon ako nagturo ng iba’t ibang subjects—scriptwriting, introduction to journalism, feature writing, interpretative reporting, literary journalism—at doon, mula sa pagiging simpleng lecturer ay umabante ako sa pagiging senior lecturer at professorial lecturer.

Hebigat din iyang professorial lecturer. Ibig sabihin, medyo kahanay ko na ang mga propesor na may M.A. o Ph.D. Ibig sabihin, mula sa pagiging Sir Pete, knight of the editorial desk, ako’y naging Professor Lacaba.

Kung sa bagay, sideline ko lang naman ang pagtuturo—isang araw sa loob ng isang linggo, tatlong oras sa loob ng isang araw. Sa mas maraming araw at oras, patuloy akong nagtrabaho bilang peryodista at, paminsan-minsan, bilang mandudulang pampelikula. Pero nakawilihan ko rin ang pagtuturo. Masarap isipin na may naibabahagi akong kahit kaunting karunungan sa mga kabataan, at ako naman ay may napupulot ding ilang bagong kaalaman mula sa kanila.

Maaari din namang nakawilihan ko ang pagtuturo dahil galing ako sa pamilya ng mga guro. Nasa genes, kumbaga. Ang aking ina, si Fe Flores Lacaba, ay matagal na naging guro ng subject na sa simula’y tinawag na National Language at sa kalaunan ay tinawag na Pilipino. Ang dalawa sa nakababata niyang kapatid ay naging guro dito sa UP: si Paulina Flores Bautista ay nagturo sa mismong Masscom, at si Virginia Flores Abaya ay nagturo ng chemistry.

Guro din ang kanilang inang si Sergia at ang kanilang stepmother na si Maria. Ang Lola Maria, na siyang inabutan ko, ay may sarili niyang pribadong kindergarten school sa ground floor ng bahay namin sa Pateros. Ang tawag sa kindergarten na iyon, puwera biro, ay Eskuwelahang Diyes. Kasi ang tuition fee ay diyes sentimos sa isang araw. Sa mga araw na absent ka, hindi mo na kailangang bayaran ang diyes sentimos. Puwera biro.

Tulad ng nasabi ko na, nakawilihan ko nga ang pagtuturo. Pero wala naman akong college degree, hanggang third year college lang ang inabot ko, at nag-dropout na ako pagkaraan ng unang semester ng fourth year, kaya okey na sa akin na lecturer lang ako. Hindi ko hinangad na maging miyembro ng regular faculty.

Suwerte na rin. Kasi, kung naging miyembro ako ng regular faculty, hindi ako maaaring ma-nominate man lang para sa Gawad Plaridel, alinsunod sa mga alituntunin ng parangal na ito.

Napahaba itong aking panimulang kakuwanan. Ang talagang dapat kong gawin ngayon ay magbigay ng lecture.

Sa totoo lang, takot akong mag-lecture. Hirap na hirap akong mag-lecture. Baka kinokonsensiya ako ng isang satirikal na pangungusap na attributed kay Mark Twain (pero hindi pala siya ang talagang maysabi o maysulat): “College is a place where a professor’s lecture notes go straight to the students’ lecture notes, without passing through the brains of either.”

Oo, lecturer ang tawag sa UP sa katulad kong part-time teacher, pero kadalasan ay iniiwasan kong mag-lecture. Workshop style ang ginagawa ko sa pagtuturo. Binibigyan ko ang mga estudyante ko ng writing assignment—halimbawa, “O, sumama kayo sa rali sa darating na SONA, at pagkatapos, sulatin ninyo ang inyong nakita at narinig at nasagap at nalanghap, pero hindi bilang straight news report”—at pagkatapos ay kini-critique at tinatalakay ko at ng buong klase ang isinumite nilang assignment.

Dahil hindi ko nga nakasanayang mag-lecture sa klase, hindi ko naiwasang kabahan nang kaunti nang ipagbigay-alam sa akin na kaakibat nitong parangal ay ang pagbibigay ng isang lecture.

Ang paksang iminungkahi para sa aking lecture ay “Harnessing Journalism for Nation-Building.”

Seryosong usapin ito, saloob-loob ko. Medyo academic lecture ito, hindi basta-basta reportage o bara-barang kolum. Nagagawa ko namang tumalakay sa mga seryosong usapin noong nagsusulat pa ako ng editoryal para sa mga magasing Free Press sa Wikang Pilipino, Asia-Philippines Leader, National Midweek, at Philippine Graphic. Pero maikli lang ang mga editoryal, samantalang ang lecture para sa Gawad Plaridel ay dapat daw na humigit-kumulang sa bente-singko minutos.

Nang umupo na ako sa harap ng aking laptop para sulatin ang lecture, muli akong nabahala noong pinag-iisipan ko na ang iminungkahing paksa. “Harnessing Journalism for Nation-Building” ang sabi. Teka muna. Harnessing?

Totoo, ang “harness” bilang pandiwa, o verb, ay may kahulugang “utilize, make use of.” Puwede mong i-harness o gamitin, halimbawa, ang liwanag at init ng araw para magkaroon ng ilaw sa mga bahay na walang elektrisidad. Malinaw na ang pakahulugan sa “harnessing” sa iminungkahing paksa ay ang paggamit ng peryodismo para sa marangal na layunin na pagtatatag, o pagpapatatag, ng ating lupang hinirang at bayang magiliw.

Sa kabilang dako, ang “harness” bilang pangngalan, o noun, ay may kahulugan ding “a piece of equipment, with straps and fastenings, used to control or hold in place a person, animal or object.” Iyan ay ayon sa Cambridge International Dictionary of English (Cambridge University Press, 1995).

Sa pakahulugang iyan, ang literal na larawang pumasok sa suspetsosong utak ko ay ang harness, o singkaw, na ginagamit sa kabayo o kalabaw. Ang nasabing singkaw ay may kung ano-anong strap na nakakabit o nakakapit sa bibig, leeg, at dibdib ng mga hayop na ito, at ginagamit para kontrolin sila o panatilihin sila sa isang lugar: “used to control or hold in place a person, animal or object.”

Ganyan ba ang gusto nating mangyari sa ating peryodismo? Gusto ba natin itong may singkaw at renda, may harness, sa halip na malayang gumagala sa lunsod at nayon, sa lipunan at sa bansa? Paano na ang freedom of the press, freedom of speech, freedom of expression?

Bumalik sa alaala ang panahon ng batas militar. Noon, ang peryodismo ay may piring sa mata, may busal sa bibig, may tanikala sa buong katawan. Ang mga peryodistang tumututol o kumakalaban sa naghaharing rehimen ay ipinasok sa kulungan o nawalan ng trabaho dahil sinarhan ang pinapasukan nilang diyaryo o magasin. Kasunod nito’y pinalaganap ang konsepto o teorya ng development journalism, o developmental journalism. Binigyan ito ng pakahulugan na ang peryodismo ay may responsibilidad na paunlarin o isulong ang Bagong Lipunan, kuno, na itinataguyod ng rehimeng militar.

Sa kalaunan ay nanganak ng tiyanak ang konseptong ito. Isinilang, o baka nabigyan lang ng bagong pangalan, ang konsepto naman ng envelopmental journalism. Dito, nalipat ang sisi sa mga peryodista mismo—ang mga peryodistang tumatanggap ng envelope na puno ng pera; ang mga hao shiao na nalulong sa korupsiyon at lantarang nanghihingi ng anda, o “ang datung”; ang mga doble-karang AC/DC, o mga tagamidyang ang gawain ay “attack and collect, defend and collect.”

Medyo nadiskaril ang andar ng utak ko dahil nga sa isang literal na kahulugan ng “harness.” Pero pagkatapos ay napag-isip-isip ko na hindi naman iisa lang ang klase ng harness. May harness din naman na isinusuot sa mga asong gumagabay sa mga bulag na tao. May harness na nagbibigay-proteksiyon sa mga manggagawang nagtatrabaho sa matataas na gusali. Mismong ang harness ng kabayo at kalabaw ay may silbi sa tao—para dalhin ang biyahero sa ibang lugar, para bungkalin ang lupang pagtatamnan ng pagkaing bubuhay sa tao.

Malinaw naman sa ating lahat na ibang klase ang “harnessing” na iminungkahing paksain ng lecture na ito. Malinaw na ang gusto nating malaman ay kung paano iha-harness o magagamit ang peryodismo para mapaunlad at mapatatag ang ating bansa.

Paano nga ba?

Kung ako ang tatanungin, simple lang ang isasagot ko: Patuloy na igiit at ipaglaban, at lalong patatagin, ang kalayaan sa pamamahayag, o freedom of the press.

Kung gusto mong pumasok sa pulitika o sa serbisyo publiko, o kung gusto mong ipaglaban ang karapatan ng sambayanan sa parlamento ng kalsada o sa iba pang larangan ng pakikibaka, o kung gusto mo lang pasayahin ang madlang pipol sa pamamagitan ng mga palabas na kahit paano’y nagpapagaan sa hirap at dusa ng buhay, karapatan mo iyan.

Pero kung peryodismo o journalism ang linya mo, print journalism man o broadcast journalism, hindi mo maaaring talikdan ang tungkuling magsapraktika ng kalayaan sa pamamahayag.

Noong panahon ng batas militar, ilang taon bago pumutok ang EDSA 1, nagtipon-tipon ang ilang alagad ng sining at miyembro ng midya at nagbuo ng Free the Artist, Free the Media movement. Sa kalaunan ay nagsupling ang kilusang ito ng Concerned Artists of the Philippines. Dito sa huli, kasama ako sa bumalangkas ng credo o declaration of principles. Angkop din sa mga peryodista ang mga prinsipyong iyon.

Ayon sa deklarasyon ng Concerned Artists of the Philippines:

“We hold that artists are citizens and must concern themselves not only with their art but also with the issues and problems confronting the country today.

“We stand for freedom of expression and oppose all acts tending to abridge or suppress that freedom.

“We affirm that Filipino artists, in the exercise of freedom of expression, have the responsibility to do so without prejudice to truth, justice, and the interests of the Filipino people.”

Palitan lang natin ang salitang “artists” ng “journalists” at makikita natin, palagay ko, kung ano dapat gawin kaugnay ng layuning “Harnessing Journalism for Nation-Building.”

Dagdag pa rito, kailangang bigyang-diin na sa peryodismo, tulad din naman sa sining, napakahalaga ang pagsasabi ng totoo tungkol sa mga nangyayari sa bayan nating “pugad ng luha at dalita,” sabi nga sa kanta. Ang pagsasabi ng totoo, masakit man sa tenga ng ilan, ay magbibigay ng matibay na pundasyon sa malaya at maunlad na bansang gusto nating itatag o patatagin.

Noong panahon ng Free the Artist, Free the Media movement ay may sinulat akong lyrics para sa isang mahabang kantang gagamitin sana sa isang binabalak na Brechtian zarzuela. Ang kantang iyon ay sagot sa panawagan ng mga naghahari na ang dapat paksain ng mga alagad ng sining at miyembro ng midya ay “the good, the true, and the beautiful.”

Sa ganito nagtatapos ang kanta:

Awitin mo ang totoo,
Sagad-buto, tagos-apdo.
Ang totoo ay mabuti
Kahit mapanganib sa iyo.
Ang totoo ay maganda
Kahit pangit sa reyna.

Ganyan din ang tungkulin natin sa peryodismo: Sabihin ang totoo, sagad-buto, tagos-apdo.

Ewan ko kung natugunan ko nang maayos ang kahilingang mag-lecture tungkol sa “Harnessing Journalism for Nation-Building,” pero palagay ko’y lumampas na ako sa deadline at kailangan ko nang mag-sign-off, kailangan ko nang bigyang-wakas ang chika at chismax tungkol sa chuvachuchu.

Seriously, inuulit ko: Sabihin ang totoo, sagad-buto, tagos-apdo.

Maraming salamat po.