SA MADALING SALITA
Jose F. Lacaba
Diario Uno, 1998 Hunyo 10
Kalayaan, kasarinlan, kagulumihanan
SA HUNYO 12 ay ipagdiriwang ng buong bansa ang ika-100
taon ng proklamasyon ng … ng ano nga ba?
Kalayaan, ayon
sa mga opisyal na poster at banderitas.
Kasarinlan o pagsasarili, kung susundin ang makabagong salin ng salitang independencia.
Pareho rin iyon, hindi ba? Kung titingnan ang mga
diksiyonaryong Ingles-Tagalog na mabibili sa kasalukuyan, pareho nga rin.
Nagkakaisa ang mga diksiyonaryong ito na ang katumbas ng salitang Ingles na independence
ay
“kalayaan, kasarinlan, pagsasarili, independensiya.”
Pero ayon sa mga nakapag-aral ng siyensiyang
pampulitika, may bahagyang pagkakaiba ang gamit ng salitang independence, o kasarinlan, sa mga salitang freedom at
liberty, o kalayaan.
Kapansin-pansin ang pagkakaiba noong panahon ng batas
militar sa ilalim ng rehimeng Marcos. Masasabing nagsasarili o may kasarinlan ang bansa dahil hindi na ito kolonya o sakop ng
Espanya, Estados Unidos, Hapon, o anupamang bansa. Pero hindi masasabing malaya
o may kalayaan tayong mga mamamayan noong panahong iyon, dahil
nabubuhay tayo sa ilalim ng isang diktadurang militar.
Iyan ang isang problema sa okasyong ipinagdiriwang
natin tuwing Hunyo 12.
Ang dokumentong Espanyol na binasa sa Cavite Viejo
noong Hunyo 12, 1898, ay pinamagatang Acta de la proclamaciĆ³n de la
independencia del pueblo Filipino. Ang
isang nalathalang opisyal na salin nito ay may pamagat na “Katitikan ng
Pagpapahayag ng Pagsasarili ng Bayang Filipino.”
Malinaw sa nasabing “Katitikan” na ang “mga naninirahan
sa mga Islas Pilipinas” ay “malaya at nagsasarili [libres e independientes] at may karapatang maging malaya at nagsasarili.”
Idinagdagdag pa na “sila ay dapat lumaya sa pagsunod sa
Korona ng Espanya; na ang lahat ng pampulitikang ugnay sa pagitan ng dalawa ay
ganap na pinuputol at pinawawalang-bisa at dapat na maputol at mapawalang-bisa;
at tulad ng alinmang malaya at nagsasariling Estado, mayroon silang ganap na
kapangyarihan na magdeklara ng pakikidigma, makipagkasundo sa kapayapaan,
magsagawa ng mga kasunduang pangkalakalan, pumasok sa mga alyansa, pangasiwaan
ang kalakalan, at magpatupad ng lahat ng gawain at bagay na tungkuling ipatupad
ng mga nagsasariling estado.”
Maganda na sana. Kitang-kita ang hangaring maging
“malaya at nagsasarili.” Eto ang siste. Ang “taimtim” na pahayag ng pagsasarili
ay ginawa “sa ilalim ng proteksiyon ng makapangyarihan at makataong bansang
Norte Amerika.”
Sa kagustuhang makawala sa krus at espada ng Espanya,
isinabit ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo ang ating tadhana sa mga kuko ng
agila.
Kahit nga ang bandila natin ay masasabing kopya ng
bandila ng Estados Unidos. Ayon sa proklamasyon ng pagsasarili, “ginugunita ng
mga kulay na bughaw, pula at puti ang watawat ng Estados Unidos ng Norte
Amerika, bilang pagpapakita ng ating malalim na pasasalamat sa dakilang bansang
iyon, dahil sa walang-pag-iimbot na pangangalaga na idinudulot niya sa atin at patuloy na idudulot sa atin.”
Kung ngayon lumabas ang ganyang proklamasyon, tiyak na
sisigaw tayo: “Sipsep!”
Eto pa ang mas matindi. Ang pamahalaang Aguinaldo na
gumawa ng proklamasyon ng kasarinlan sa Cavite Viejo ay hindi pamahalaang
demokratiko, hindi republika, kundi isang diktadura: el Gobierno Dictatorial
de estas Islas Filipinas.
Si Aguinaldo mismo sa panahong ito ay hindi presidente
kundi diktador. Sa Kasunduan ng Biak na Bato ay kinilala siyang “Presidente ng
Gobyernong Republikano.” Pero sa proklamasyon sa Cavite Viejo, kapag
binabanggit ang pangalan niya ay pinangungunahan ito ng titulong diktador: Eminente
Dictador … Don Emilio Aguinaldo y Famy; nuestro famoso Dictador Dn. Emilio
Aguinaldo.
Sabihin na nating panahon ng giyera noon, panahon ng
magulong rebolusyon, panahong nangangailangan ng mga pambihirang hakbangin. Kahit
na. Magugulumihanan pa rin tayo na ang proklamasyon ng ating diumano’y kalayaan
ay gawa-gawa ng isang diktadura.