Thursday, February 28, 2013

IN MEMORIAM

In Memoriam
Ni Jose F. Lacaba



     I
Dumadapa ang talahib
sa hampas ng hangin at ulan,
nanginginig ang dahon ng kamyas.
Masuwerte ako’t may bubong sa aking ulunan
at masasarhan ko ang bintana
kung ako’y maanggihan.
Masuwerte, di tulad ng puno ng bayabas
na susuray-suray, parang babagsak;
di tulad ng mga hinahaplit ng lamig
sa bangketa, sa ilalim ng tulay,
sa loob ng mga dingding na yero’t karton,
o sawali’t kugon,
sa tubuhan at talahiban, sa gubat, bundok at parang.

     Masuwerte ako’t nararamdaman ko pa ang lamig.
Marami na ang nilagom ng lamig,
at ang aking dibdib
ay parang niyog na pinupukpok ng mapurol na itak
ngayon, habang ginugunita
silang wala na sa ating piling:
Emmanuel, kapatid;
Leo, bayaw;
Dodong, inaanak;
Eugene, Tony, Lorena, Lerry,
Charlie, Caloy, Henry, Jun,
pati si Edjop na aking tinuya,
oo, pati na rin si Ninoy na pinagdamutan ko ng tiwala,
silang hindi lamang mga pangalan sa lapida
kundi kakilala, kaibigan, kasama
sa litanya ng aking lumbay.

     Hindi ko iniluluha ang kanilang pagkamatay.
Ang kamatayan para sa layuning wagas
ay bulaklak ng tagumpay,
tanglaw sa mabatong landas.

     II
Nagiging sentimental ba ako?
Pasensiya, ginoo, ganito siguro ang minumulto.
Ganito ang nangyayari kapag
bumabagyo sa labas at walang magawa sa loob ng bahay,
at sa kalooban ay dalawang bato ang nag-uumpugan:
tungkulin at hangarin,
hangarin at tungkulin.
O sabihin nating
tungkulin sa iba at tungkulin
sa sarili. O
sabihin nating hangaring
maging langgam, nangangalap ng makakain
para sa kapwa langgam,
at hangaring maging tipaklong, salaginto,
kumakanta, nagniningning.

     Marami na akong narating
sa mga oras na gising,
kung minsan ay nakikihalo
sa mga mano-mano at labulabo, kahit nangangalog
ang tuhod, at kung minsan,
namumulot ng lumot sa mga nalimutang ilog.
Kung saan-saan na ako nahiga’t natulog:
damuhan, batuhan, matigas na lupa,
makitid na bangko, malapad na mesa,
sahig na tabla, may banig, walang banig,
sahig na semento, natatakpan lamang ng diyaryo,
silat-silat na sahig na kawayan,
tinatagos ng alimuom,
kinakalawang na tarima
sa seldang wala pang isang dipa ang bintana.
Ngayon ay nakalatag ako sa kutson,
nababalot ng kumot, nangangarap nang gising.

     Hinahalinhan ng hininga
ang haginit ng hangin
habang ginugunita
silang wala na sa ating piling:
Emmanuel, kapatid;
Leo, bayaw;
Dodong, inaanak;
Eugene, Tony, Lorena, Lerry,
Charlie, Caloy, Henry, Jun,
pati na si Edjop na aking tinuya,
oo, pati na rin si Ninoy na pinagdamutan ko ng tiwala.
Sila’y nangarap din nang gising
subalit ang mga pangarap nila’y matalim na bituin.
Ang mga berdugo’t panginoon
ay natakot sa kanilang mga pangarap.
Natakot na baka ang kanilang mga pangarap
ay magkatotoo.
At dahil dito sila’y wala na sa ating piling.

     III
Alang-alang sa masaganang dugo
na bumulwak sa batok na pinasok ng punglo,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nagsasawalang-kibo.

     Alang-alang sa sampal,
suntok, dagok, kulata, pangunguryente ng bayag,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nagkikibit-balikat.

     Alang-alang sa masakit na hampas
ng batuta sa likod at tubo sa balakang,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nagtutulug-tulugan.

     Alang-alang sa alambreng tinik
na iginapos nang mahigpit sa tuhod at hita,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nagwawalang-bahala.

     Alang-alang sa pagkaladkad sa lansangan
ng bangkay na inihulog nang walang kabaong sa hukay,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t walang pakialam.

     Alang-alang sa nagitlang mukha
ng buntis na tinadtad ng bala ang tiyan,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nagmamaang-maangan.

     Alang-alang sa damit na natigmak ng dugo
at pinaknit sa katawan ng ginahasang puri,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nagtataingang-kawali.

     Alang-alang sa nilalangaw na katawan
at pugot na ulong itinulos sa libis ng nayon,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nag-uurong-sulong.

     Alang-alang sa mga kamay na pinutol
para hindi na kailanman makapagpaawit ng gitara,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nagtatakip ng mata.

     Alang-alang sa tagilirang binuksan
at pinagpasakan ng utak mula sa biniyak na bungo,
kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t nakahalukipkip, nakayuko.

     Kaawaan, patawarin, Panginoon,
ang mga berdugo’t lahat kaming
naglalambitin sa balag ng alanganin,
sapagkat ang bayang naghahangad ng katarungan,
pagdating ng panahon ng paniningil ng utang,
pagdating ng panahong uulan ng luha at dugo,
ay baka hindi na marunong
maawa’t magpatawad,
baka hindi na marunong maawa’t magpatawad.


Mula sa librong
SA PANAHON NG LIGALIG
(Anvil Publishing, Maynila, 1991)

ISANG BUKAS NA LIHAM SA MGA ALAGAD NG SINING

Sa isang buwan--Marso 18, to be exact--ay ika-32 anibersaryo ng pagkamatay ng kapatid kong si Emmanuel "Eman" Lacaba. Edad 27 lamang si Eman nang pinatay siya sa baryo ng Tucaan Balaag, munisipalidad ng Asuncion, lalawigan ng Davao del Norte.

Inilabas ko na sa blog na ito ang isang artikulong sinulat ko tungkol kay Eman (http://kapetesapatalim.blogspot.com/2008/04/eman.html), na ginamit na introduksiyon sa kanyang posthumous na kalipunan ng mga tula, Salvaged Poems (Salinlahi Publishing House, 1986; reissued by the Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 2001).

Narito ang salin ko ng huling bahagi ng tulang "Open Letters to Filipino Artists." Mababasa ang buong tula ni Eman sa librong Salvaged Poems at sa blog ng Project Nameless:
http://www.nameless.org.ph/open_letter_to_filipino_artists

Isang Bukas na Liham sa mga Alagad ng Sining
Ni Emmanuel Lacaba

Wala kaming tribo at lahat ng tribo ay amin.
Wala kaming tahanan at lahat ng tahanan ay amin.
Wala kaming pangalan at lahat ng pangalan ay amin.
Sa mga pasista, kami ang kaaway na walang mukha,
Tila salaring dumarating sa gabi, mga anghel ng kamatayan:
Ang laging kumikilos, nagniningning, lihim na mata ng unos.

Ang landas na hindi gaanong nilalakbay ang aming tinahak--
At dahil diyan ay nagbago ang lahat-lahat.
Sa malao’t madali, lahat tayo’y kailangang maging
Nakayapak na hukbo ng kagubatan. Mulat, ang masa ay Manunubos.
Dito, sa piling ng manggagawa’t magsasaka, ang ating nawawalang
Henerasyon ay nakatagpo ng totoo, ng natatanging, tahanan.

Salin sa Pilipino ni Jose F. Lacaba
Mula sa aklat na SA DAIGDIG NG KONTRADIKSIYON 
(Anvil Publishing, 1991)