Ngayong araw na ito, Agosto 5, ang centennial ng kapanganakan ni Jose Garcia Villa, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan (National Artist for Literature.) Bilang paggunita sa kanyang centennial, narito ang mga matagal ko nang isinalin at hinalaw na mga tula niya.
(Sa kasamaang palad, ay ginagawang flush left nitong Blogger ang lahat ng linya, inaalis ang additional spaces at indentions, kaya hindi nasusunod ang actual placement ng mga linyang hindi flush left. Hindi ko pa alam kung paano ito aayusin.)
JOSE GARCIA VILLA
3 SALIN, 1 HALAW NI JOSE F. LACABA
------------------------------------------------------------
WIKA NG DIYOS, "GUMAWA AKO NG TAO"
ni Jose Garcia Villa
Wika ng Diyos, "Gumawa ako ng tao
Mula sa putik--
Sa kislap niya sarili’y inikit
sa ningning na nakaliliyo
Hanggang siya’y gintong makinang
At O
Kay rikit niyang pagmasdan!
Pero hawak niya’y isang pana
Nakatutok sa akin na sa kanya’y
Lumikha. At wika ko,
‘Ikaw ba ay papatay
Sa akin na pinagmulan mo?’
At nagsalita siya ang taong ginto:
‘Hindi
Kita papatayin. Sinusukat
Lamang kita. Magtigil
Ka.’ At siya ko ngang ginawa.
Pero ako’y mausisa
Tungkol sa maharlikang ito.
‘Ano ang ngalan mo?’--‘Ginoo! Henyo.’"
------------------------------------------------------------
PAG-ANYAYA NG TIGRE
ni Jose Garcia Villa
Pag-anyaya ng tigre sa bakasyon.
Ito’y di kahambugan kundi disiplina.
Talambuhay mo’y magiging maringal.
Simulan mo nang magningning, Agustin.
Itapon ang mga ibon, lumipat sa tigre.
Simulan mo nang magningning, Agustin.
Anumang tigre ng anumang kulay
Tulad ng hiyas anumang bato’y
Liyab palagi ng umagang tunay.
Panauhin ay makinang, kauri ni Blake.
May-bahay ay maginoo, mata ni Kamatayan.
Kung gagawin mo ito’y iyong babasagin
Ang mga munting relihiyon para sa akin.
Mag-anyaya ka ng tigre sa bakasyon,
Simulan mo nang magningning, Agustin.
------------------------------------------------------------
NANG AKO’Y SINLAKI LAMANG NG MALAKING BITUIN
ni Jose Garcia Villa
Nang,ako’y,sinlaki,lamang,ng,isang,malaking,
Bituin,sa,sarili’y,sinimulan,kong,sulatin,ang,
Aking,
Teolohiya,
Ng,rosas,at,
Tigre: hanggang,papagliyabin,ako,ng,kanilang,
Dalisay,at,Poot. Noon,ako,naging,kakila-
Kilabot,
At,lubhang,
Magiliw: lubhang,
Madilim,subalit,lubhang,Maningning: isang,
Mata,ang,sumibol,sa,loob,ko: dala’y,Panagimpan,
Kanyang,
Ginto,at,ang
Kanyang,digma. Noon,
Ko,nalaman,na,hindi,ang,Poon,ang,aking,Manlilikha!
--Hindi,Siya,ang-Di-Isinilang--nakita,kong,
Ang,
Manlilikha,
Ay,ako--at,
Ako’y,nagsimulang,Mamatay,ako’y,nagsimulang,Yumabong.
------------------------------------------------------------
HINDI KO NA MARINIG
Halaw kay Jose Garcia Villa
Hindi ko na marinig
ang tinig ng pag-ibig
Hindi na bumubukas
ang kanyang labi. Salat
sa awitin ang ibon.
Namumutla ang apoy.
Rosas na bagong-pitas
ay naluluoy agad.
Hindi na umiihip
ang hangin. Natahimik
na ang mga kampana.
Ako’y nangungulila.
Puso ko’y lupaypay na.
Diyos ko, ako’y patay na.
TALA:
Ang tatlong salin ay kabilang sa kalipunan kong SA DAIGDIG NG KONTRADIKSIYON: MGA SALING-WIKA (Anvil Publishing, 1991; National Book Award for translation, 1991).
Ang halaw (adaptation, imitation) ay kabilang sa kalipunan kong EDAD MEDYA: MGA TULA SA KATANGHALIANG GULANG (Anvil Publishing, 2000; National Book Award for poetry, 2000).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
--
Upang manatili ang mga INDENTIONS at kung anu-ano pa. Gento gawin mo:
*Ilagay mo sa MSWord 'yung article.
*Ayusin mo dun lahat ng gusto mong iindent o flush left o huwateber.
*Tapos i-copy/paste mo sa blogger.
hakhak
At alas, mananatili na ang nais na indentions.
hakhak
elyens
XXXxx
Ganoon naman ang talagang ginawa ko. Kinopya ko mula sa dati ko nang MSWord file, at pagkatapos ay ipinaste ko sa Blogger. Alas, hindi nanatili ang indentions na nasa MSWord.
meron akong book ng Edad MEDYA at i really treasure that book (sa kasamaang palad hindi talaga sakin yun sa kaklse ko kaya one of these days kelangan ko isoli and thats the saddest part .
i love yuor poems and the way you write i salute you and you inspired me cause i really want to be a poet. nagpapasalamat ako at nakabasa ako ang isa sa mga books mo at nalaman kong may isang gtreat poet na gaya mo.
by the way i really love ANG MGA BAGAY NA HINDI KO DAPAT MATUTUNAN AY NALAMAN KO SA PELIKULANG FOR ADULTS ONLY. at me version pa yun ng RADIOactive sago project. great!
Post a Comment