Tuesday, February 19, 2008
Ekphrasis: Sampayan
Salamat sa makatang si Marne Kilates, nalaman ko na ang tawag sa tulang pumapaksa sa visual arts o artistic objects ay ekphrasis. Isang kilalang halimbawa ng ekphrasis ay ang “Ode on a Grecian Urn” ni John Keats. Hindi ko pa alam ang term ay may nagawa na pala akong ekphrasis. Noong nagsusulat pa ako ng tula sa Ingles, may mga nasulat akong tula tungkol sa painting na “Sunday Afternoon on the Island of La Grande Jatte” ni Seurat at “Birth of Venus” ni Botticelli. Kailangan ko munang halukayin ang luma kong files para sa mga tulang iyan.
Kamakailan, kaugnay ng kanyang solo art exhibit ay hinilingan ako ng kaibigang Heber Bartolome, mang-aawit, songwriter, at pintor, na sumulat ng isang tula tungkol sa isa niyang painting.
Nasa itaas ang painting ni Heber. At narito ang aking ekphrasis:
SAMPAYAN
Tula para sa painting ni Heber Bartolome, “Sinampay”
Masdan itong sampayan.
Hindi hari, hindi pari,
ang nagmamay-ari
sa bahaging ito ng mundo.
Dugo, luha, pawis
ay malapot na putik
sa ibang bahagi ng mundo.
Daga, ipis, lamok, limatik:
putik! putik! putik!
sa ibang bahagi ng mundo.
Pero konting sabon, konting tubig,
init ng araw at halik ng hangin
ay papawi ng putik
kahit sa isang saglit.
At sa isang saglit na iyon,
malinis, mabango, makulay ang buhay
sa isang bahagi ng mundo,
dito, sa sampayang ito,
kahit na ang nagmamay-ari
ay hindi pari, hindi hari.
Ni Jose F. Lacaba
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Uy, puwede ko na i-reserve sa poets'picturebook ang tulang ito! May painting pang maganda! Humihingi na ako ng pahintulot. Ita-translate ko rin, kaya bilingual ang page ng tula. Paunang pasasalamat.
Marne
Post a Comment